Gusto kong gumawa ng isang
obra na makapagbabago nang pananaw ng pangkaraniwang pinoy sa tunay na
kahulugan ng sining.
Gusto kong gumawa ng awit na
may nakabibighaning melodiya at matinong mensahe na gigising sa kamalayan ng
mga Pilipinong nahaharuyo sa banyagang awitin.
Gusto kong gumawa ng librong
may mensaheng matalinghaga na naglalarawan sa pagmamahal ng ating bansa na
pupukaw sa makikitid na pananaw ng ordinaryong Pilipino.
Gusto kong gumawa ng
telenobelang hindi inuulit ang tema at hindi tungkol sa istorya ng bastardo,
pangangalunya, paghihiganti at kalandian ngunit yayakapin at mamahalin ang
ganda ng kanyang kwento.
Gusto kong gumawa ng
komedyang katulad ng komedya noong panahon ng isang Rodolfo Quizon, komedyang
hindi namimikon, nanglalait at hindi nagpipilit ngunit ang iyong luha'y 'di
namalayang papatak dahil sa labis na tuwa, tawa at halakhak.
Gusto kong gumawa ng drama
na katulad ng mga likha ng mga pumanaw na naunang pambansang alagad ng sining
na mas prayoridad ang kalidad ng istorya at hindi lang tungkol sa perang
kikitain.
Gusto kong gumawa ng
maaksyong pelikulang may leksyon at hindi tungkol sa vendetta o paghihiganti ng
bida sa kontrabida dahil pinatay at nilapastangan ang kanyang buong pamilya.
Gusto kong gumawa ng isang
pelikulang ang layunin ay makapaghatid ng mensaheng may pagmamahal sa kapwa
pilipino na tatagos at titimo sa isip ng bawat mamamayan at isasabuhay ito ng
bawat sinumang makakapanood nito.
Gusto kong mangarap ng isang
legasiya na maaalala ang aking pagkadakila dahil sa pagmamahal, pag-angat at
pagbuhay ko ng kalidad ng ating literatura, telebisyon, musika, sining at
pelikula.
Gusto kong makilala ang
aking bansa hindi lang sa larangan ng palakasan o ganda ng likas ng yaman,
lalong hindi sa pagiging alila o sa pagiging puta kundi dahil sa primera
klaseng hinahandog natin sa daigdig ng musika, literatura, arte at sining.
Gusto ko itong mangyari,
ngayon na.
Hangga't may pag-asa pang
sagipin ang nalulunod at habol-hiningang ating sining.
Maganda ang kathang ito... Dama ko ang iyong pagmamahal sa sining at pareho tayo ng mga pagnanais...
ReplyDeleteMatutupad ang mga ito... unti-unti...