Thursday, December 16, 2010

Case (un)closed: The Vizconde Massacre



There is no happiness for people at the expense of other people.”
-Anwar Sadat-

Pinilit kong pigilan ang sarili ko na gumawa ng isang blog entry tungkol sa kaso ng Vizconde Massacre dahil ito’y isang sensitibong isyu; na kung sino man ang panigan mo ay siguradong may masasagasaan ka pero hindi ko rin nagawa. Masyadong masalimuot ang usaping ito dahil ultimo ang lahat ng mga huwes sa Kataas-taasang hukuman ay hindi kumbinsido sa pagpapawalang-sala sa mga inakusahan. Sa botong 7-4-4 ng mga husgado; pito ang naniniwalang hindi sapat ang ebidensya, apat na kumbinsidong may sala ang mga naakusahan at apat ang nag-abstain.

Ang mga huwes na ito ay walang dudang hindi pangkaraniwan ang talino; mga bar passer at ang iba pa nga ay mga topnotcher, ang ibig sabihin nito sila ay nailuklok sa kanilang puwesto dahil sila ay able and capable na hawakan ang malupit na posisyong ito. Subalit sa nasabing boto na 7-4-4 hindi sila nagkakaisa na si Hubert Webb et al ay totoong inosente. Ano ba ang nangyari? Ano ba nakita ng mataas na hukuman na hindi nakita ng RTC? Kung talagang walang sala at walang kinalaman ang mga naakusahan nasayang ang malungkot at napakahabang labing-limang taon nilang pagkakapiit.

Ang hudikatura ng Pilipinas ay matagal ng pinagdududahan at hindi mo masisisi ang kaanak ng mga biktima kung sisihin man nila ito sa pagkaka-abswelto ng mga di-umano’y salarin. Hindi dito matatapos ang matagal at mitikal na digmaan ng may kapangyarihang mayayaman laban sa mga sawing-palad na mahihirap. Saan ba lulugar ang mga huwes? Ano ba ang dapat na batayan sa paghuhukom sa mga “salarin”? Sa halos magkakasabay na paglabas at pagbasura ng mga kontrobersyal na usaping Truth Commission, Hayden-Katrina Scandal at The Marcoses ill-gotten wealth mas maraming masa ang nairita at diskontento kaysa pabor dito at ang kanilang nagkakaisang tanong: ano ang aasahan ng ordinaryong si Juan sa kaso ng Vizconde Massacre?

Ilang oras matapos i-anunsyo ang paborableng desisyon para sa mga naakusahan agad ding naglabas ng mga salaysay ang tagapag-salita ng Kataas-taasang Hukuman; na ang desisyon mga kagalang-galang na huwes ay bumatay lamang sa mga ebidensya at hindi nila tahasang sinasabi na ang naakusahan ay sadyang walang sala samakatuwid ang nagpanalo sa kanila ay ang tinatawag na “technicalities”. Kung tutuusin ay wala naman talagang nanalo rito kapwa ang mga naakusahan at si Ginoong Vizconde ay talo rito. Sa panig ng mga Webb, et al – sila ay hindi wagi dahil nasayang ang binuno nilang mga panahon na nasa loob ng kulungan dahil hindi naman pala sapat at kongkreto ang ebidensya laban sa kanila. Sa panig ng mga Vizconde – mas lalong hindi rin siya wagi dahil sa buong panahon ng pagdinig ng kaso ay umaasa siyang makakamit ang hustisya’t katarungan ngunit lahat ng ito’y gumuho sa isang iglap na animo’y tinangay ng dumadagundong na agos.

Hindi ko pupunahin o pupurihin ang pitong huwes na pumabor sa mga akusado gayundin ang apat na tumaliwas sa desisyon ng mababang hukuman bagkus mas nakatawag sa akin ng pansin ang apat na huwes na nag-abstain o hindi bumoto sa usaping ito. Ang apat na huwes na ito ay may responsibilidad na sinumpaan sa mahal nating bayan ngunit sa pagkakataong ito, ito ay pawang kanilang tinalikdan sa kung ano mang dahilan. Hindi ba sapat ang kanilang talino para magdesisyon sa sensitibong kaso? May mga senyales ba galing sa itaas kaya hindi sila makapagdesisyon? O sila’y lumiban ng magkaroon ng kuro-kuro ang kapwa nila mga huwes? Mga buhay ang nakasalalay sa desisyong ito; buhay na nawala at mga buhay na napariwara dahil sa akusasyon. Sayang. Kung sila lang ay may sapat na tapang at lakas ng loob na magdesisyon baka nagkaroon pa ng sapat na justification ang hatol pabor man ito o hindi sa mga biktima.

Kasabay ng pagtangis ni Ginoong Vizconde sa narinig na hatol ay halos madurog naman ang puso ng maraming manonood sa telebisyon man o sa mismong lugar kung saan siya naroon; nakikisimpatiya at muling nakiramay sa pagkamatay at pagkawala ng mailap na katarungan. Sa kabilang banda nama’y hindi maipinta ang ligaya’t saya ng mga akusado gayundin ang pamilya nito; ligayang hindi mapapantayan ng anumang materyal na bagay sa mundo. Dito nila mapapatunayan ang sinabi ng isang Anwar Sadat na: “There is no happiness for people at the expense of other people.” Subalit kung talagang wala silang kinalaman at kasalanan sa pagkamatay ng mag-iinang Vizconde masasabi ko namang: They deserve all the happiness in the world. Sa tagal nilang nasa likod ng makalawang na bakal na rehas, mainit, masikip at nanlilimahid na kwarto at mala-impyernong buhay sa loob ng kulungan…gayong inosente naman pala sila, ito na ang tamang pagkakataong na sila naman ay lumigaya.

Sa dami na nang matatalinong humawak sa kasong ito, sa dami na nang nagmamagaling sa ganitong usapin at sa dami na nang lumabas na opinyon sa mga kwentuhan sino ba talaga ang inosente at may sala dito? Hindi ang huwes, hindi ikaw at hindi ako ang may otoridad at karapatang magsabi nito kundi ISA lang…kung sino ang pumapasok sa isip mo ngayon.



Tuesday, December 14, 2010

The ASTIG compilation

Astig - pang-uri; pabalbal; astig binaligtad na salitang tigas. Tumutukoy ito sa mga tao o sitwasyon na may maangas o matikas na taglay o pag-uugali.

Karamihan sa mga pinoy ay ASTIG sa halos lahat ng bagay at sa kanyang pananaw sa buhay. Bawat indibidwal ay may angking kaastigan ang iba ay kanila nang nabatid ang iba naman ay kailangan pang linangin at tuklasin. Negatibo o positibo man ito sa ating mata isa lang ang sigurado: ang pagiging astig ay tatatak sa isip ng pangkaraniwang pilipino at ng iba pang dayuhan. Ano-ano o sino-sino ba sila? Ito ang aking pananaw.


paa ng manok - dahil ang pinoy ay astig kahit paa ng manok o bituka o dugo man 'yan walang problema basta may mailaman sa tiyan kaya ng pinoy isubo yan. Astig di ba?

kuliglig - Astig na maituturing ang kuliglig at ang driver nito. Nag-evolve ito mula sa liternal na bukid hanggang sa Andres Bukid at Divisoria tinatangkilik ito ng motorista. Ano ang astig dito? Marami. Exempted sa huli, sa traffic rules, maraming sakay at higit sa lahat umaalma sa astig din na pulis!


double parking - kahit masikip na kalsada, kahit makaabala sa iba basta makapag-park lang at maipakita ang kaastigan gagawin ng pinoy 'yan. wala namang sumisita eh bakit aayusin ang parada?

habal-habal - kung siya'y tawagin astig na maituturing. Sa'n ka ba naman nakakita ng sasakyang dalawa ang gulong pero higit pa sa laman ng kotse ang kayang isakay! 'Wag mo isipin ang disgrasya para hindi ka mamroblema.

kampana ng simbahan - ay nanggigising na ayon sa isang kanta pero pa'no ka na ngayon gigisingin kung ang kampana ay naakyat-bahay na? Hindi pa ba astig ang tawag kung pati kalembang ng simbahan ay kayang nakawin? na ang timbang ay halos simbigat na ng ordinaryong sasakyan.

pag-ihi - ay isang ordinaryong gawain lang pero kung gagawin mo 'to kung saan-saan kaastigan 'yan 'tol! bantog tayo sa gawaing ganyan kaya bilib sa'tin ang mga dayuhan.

basura kahit saan - tapos magrireklamo tayo kung bakit may baha? sa kalsada, sa overpass, sa lrt kahit sa'n mo maisip may basura ganyan kaastig ang pinoy. Sablay nga lang.

inuman at sugalan sa daan - isang kaastigan! normal na senaryo na lang ito sa mahal kong bayan. idagdag mo pa ang tong-its na pampasaya maya-maya sila-sila rin ang mag-aaway-away. Lupit.

basketbol sa kalsada – isang kaastigan. kahit pa maraming naabalang ibang tao o sasakyan sa paglalaro nito okay lang basta mapagbigyan ang mga mini-liga na ganito. wa’ko kers ika nga. kung si kap nga eh hindi rin ito pinakikialamanan sino ang maglalakas-loob na gibain yan?
iskwater - sa ilalim man 'yan ng tulay o gilid ng riles ay maituturing na kaastigan. sila ang halimbawa ng tunay na survivor kahit sa'n mo ilagay siguradong mabubuhay. yan ang tunay na astig. idagdag mo pa sa pagiging astig nila ang pagkakaroon ng average na limang anak bawat pamilya. may bago nga palang tawag ngayon sa kanila hindi na raw iskwater kundi informal settler. ano ang pinagkaiba? wala. ang alam ko lang astig sila.

tricycle - tulad ng baraha na may apat na hari kabilang na rin sa hari ng kalsada ang mga tricycle. meron nga silang rehistro at lisensya pero malala din paglabag nito sa trapiko. overloading. counter-flowing. reckless. disregarding. 'pag nakasagi o nakabundol: sila pa ang minsa'y galit. ano pa ini-expect mo? astig nga eh.

MMDA signage - malupit na ang babala hindi pa rin nababasa ganyan kaastig ang mga pinoy. ipipilit pa rin ang gusto nila kahit alam nang mali 'pag nabundol...syempre kasalanan pa rin ng mga driver. reckless imprudence resulting to homicide.

manhole na ninanakaw - gustuhin man ni mayor na pagandahin ang kalsada o lagyan ng magagandang ilaw ang poste o pinturahan ng bago ang mga pader magdadalawang isip siya. bakit? nanakawin ang manhole. babatuhin ang ilaw. vandalism sa pader. tapos isisisi sa gobyerno ang kalagayan nila. ilagay sa ayos ang kaastigan.

pulubing nagyoyosi - pulubi man ay may angking kaastigan nakukuha pang magyosi eh wala na ngang pambili ng kanin. nakakaawa na ganyan ang kanilang kalagayan pero hindi naman sila nililimusan para ipambili lang nila ng yosi. lintik kasi na slogan 'yan: come to where the flavor is.

barubal na jeepney - kung hindi ka pa naka-encounter nito hindi ka tunay na pinoy. isa pang astig ng kalsada: ang mga jeepney. requirements na yata sa pagiging jeepney driver ang magbaba at magsakay kahit saan nila maisipan, ang umandar sa pulang ilaw at huminto naman sa luntian. hindi mo sila pwedeng sawayin dahil lalong lalabas ang pagka-astig nila. ako? binabaril ko sila gamit ang aking daliring hintuturo. bang!

walang helmet - alam na ngang bawal pero ginagawa pa rin. tipikal na pinoy. ordinaryong motorista, pulis, enforcer na nakamotor pansinin mo marami sila. abangan mo bukas sa paborito kong 24 oras may naaksidente dahil sa motor kundi namatay, ay malubha. at pag nabuhay uulit pa 'yan. astig eh.

commemorative plates - para saan ba 'yan? siyempre para ipakita sa madla na astig sila at hindi sila pwedeng sitahin sa kalsada! tiklop ang buntot ng MMDA kung ito ang nakalagay sa kotse mo imbes na regular plate. klasikong halibawa ng "the law applies to all otherwise none at all" taliwas nga lang.

sidewalk vendor - isa ring kaastigan ang pagtitinda sa gilid ng kalsada kahit alam nilang halos wala ng madaanan ang mga tao wala rin silang pakialam ganun talaga kailangang may laman ang sikmura, kahit na kinukumpiska o sinusunog ang paninda nila tuloy pa rin sila sa pagtitinda. survival of the fittest rules.

videoke - ang larawang ito ay kuha sa isang liblib na lugar sa probinsya ibig sabihin kahit sa'n ka man mapunta ang pagbi-bidyoke ay laganap. ganyan ka-astig ang pinoy pagdating sa kantahan. konting okasyon videoke, kahit sa patay may videoke, kahit masikip na eskinita magsi-set up para maipwesto ang videoke. priceless moments.

GMA - wala ng aastig pa sa pagmumukhang ito at walang hindi nakakakilala dito. Astig ito sa pinakamataas na antas! Kung manlalaro lang ito ng ahedres dadaigin nito sa Eugene Torre o Wesley So at malamang isa na rin itong grandmaster sa galing niya mag-pwesto ng mga opisyal. Astig 'di ba? Sa'n ka ba naman nakahanap ng tao...pangulo na nasa pinakamataas na posisyon eh tumakbo pang congressman. ang touch move ay para lamang sa ahedres pero ibahin mo 'to 'tol she's untouchable! Kasariang babae pero ugali ng tunay na lalaki. ASTIG!

Wednesday, December 8, 2010

Ang komersyalismo ng Paskong Pinoy


Okay, so malapit na naman ang Christmas. Sa loob-loob ng marami ay umpisa na naman ang mga alalahanin sa regalo sa kung sino-sino, sa mga pamangkin, sa ka-officemates, sa kaibigan, sa mga pinsan, sa iyong tito at tita, sa mga kakilala, sa mga hindi kakilala, sa kaibigan at syempre sa mga inaanak. Ilan na nga ba sila? Ano na nga ulit ang mga pangalan nila? Sino na nga ang mga Mommy't Daddy nila? Inaanak ko ba talaga sya? Ilang taon na ba sila? Mataba ba sya o payat? Pera na lang ba o regalo?

Iyan ang mga katanungang nasa isip natin taon-taon na lang pero hindi pa rin matandaan ang mga kasagutan. Makakalimutin ba tayo o sadyang matigas talaga ang mga ulo natin? Bakit hindi na lang natin isulat sa isang papel ang listahan nila para bago mag-Christmas ay hindi tayo gahulin sa oras sa kakaisip sa ating mga katanungan. Pero after the occasion, malamang na may mga makakaligtaan at makakalimutan pa rin tayo.

Sale sa mall, sale sa Tiangge, Zero interest na mga appliances - mga pang-engganyo sa mga tao at pangkaraniwang senaryo tuwing Disyembre. Nakakalungkot man isipin at sabihin pero taon-taon ay parang nagiging komersyal na ang bawat pasko ng karamihan sa atin. Realidad na ito. Parang naoobliga na ang marami na mamili, magbigay, mag-aginaldo, magregalo na kung minsan ay hindi na bukal sa loob ng iilan. Kamakailan lang ay nanawagan ang simbahang katoliko sa pagiging komersyalismo ng Paskong Pilipino dahil tila nawawala ang totoong diwa ng Pasko: ang birthday ni Bro. Sa pagkakataong ito ay magkasundo kami ng simbahan hindi katulad sa isyu ng "contraceptives". Naiirita na ang simbahan dahil maraming mga bata ang hindi nakakaalam kung kaninong okasyon ang pasko; ang sabay-sabay nilang sagot: SANTA CLAUS! (syempre kasama ang mga reindeer nito) imbes na si Hesukristo. Santa Claus na produkto at imahinasyon lang ng Coca-cola at malayong-malayo sa totoong St. Nicholas na payat at palihim ang ginagawang pagtulong at pamimigay ng aginaldo.

Saturday, December 4, 2010

pamahiin at iba pa


Bunga ng ating kabataan, kamusmusan at murang isipan maraming mga bagay tayong pinaniwalaan ng mahabang panahon at ngayong may sapat na tayong pag-iisip alam na nating ihiwalay ang mali sa tama, ang katotohanan sa kasinungalingan, ang kathang-isip sa realidad.

Ang ilan sa mga nakalista dito ay posibleng pinaniwalaan mo rin nang ikaw ay medyo bata pa at ang ilan naman ay kasalukuyang nalilinlang pa ng mga "kalokohang" ito. Ang iba rito ay pamahiin, ang iba naman ay sabi-sabi lang ng mga matatanda noong araw na sa hindi malamang dahilan ay pilit na itinanim sa mga isip natin ng ating mga Inay o ng ating mga nakatatandang kapit-bahay o kaya naman ay kwento-kwento lang na kumalat at pinaniwalaan.

Friday, December 3, 2010

Silip sa dekada 80






At dahil wala pang cable noon at mahina ang reception ng antenna sa aming bubungan kumuha ako ng tinidor, inilagay sa likod at inipit sa kabitan ng kable ng antenna."

Ang dekada 80 ang sa tingin ko ang pinakamakulay na dekada sa lahat ng larangan - musika, pelikula, programa, kasaysayan, pananamit, moda at teknolohiya. Datapwat mas mahuhusay ang mga teknolohiya at imbensyon sa kasalukuyang panahon na pumapatay naman sa napakaraming negosyo; sa panahon naman ng dekada 80 nagmula ang mga ideya nang makabagong gamit o kasangkapan at nagkaroon lamang ng mga inobasyon. Hindi maikakaila na kay sarap alalahanin at sariwain ang panahong ito ng ating kabataan (sa mga kaedad ko) kung nabuhay at may malay ka na noong panahong iyon ay makaka-relate ka sa blog na ito.

Dekada 80 kung kailan hindi gaanong komplikado ang buhay, hindi pa laganap ang kahirapan gayundin ang katiwalian. Paatras yata ang usad ng buhay ng Pinoy dahil sa halip na umunlad ay lalo pa tayong nalubog sa kahirapan. Ang piso noon ay mayroon pang halaga at ang palitan ng piso sa dolyar ay naglalaro lang sa P16 hanggang P18. Ang trapik ay hindi pa malala dahil wala pang pedicab, kuliglig o tricycle sa kalsada panaka-naka'y may makikita kang kalesa na bumibiyahe, asul na bus na kung tawagin ay Lovebus at syempre ang hari ng kalsada ang makulay na jeepney na Sarao ang tatak. Sa mga nakakaluwag sa buhay ang kotseng kung tawagin ay Box-type ang bumida at kung may kaanak ka naman na galing ng Saudi stainless na owner-type jeep ang inyong serbis. Walang ibang sikat na relo noon kundi ang Seiko 5 at acid wash kung tawagin ang mga maong na pantalon, nutribun ang peborit ng mga estudyante at slumbook & flames naman ang kanilang libangan sa loob ng klasrum. Naalala ko pa noon na ang pamasahe sa jeep papunta sa paaralan kong Lakandula ng elementarya at Torres naman ng sekondarya ay umabot lamang yata sa piso ang pinakamataas.

Monday, November 22, 2010

Demonyo sa likod ng Maguindanao Massacre


“My wife’s private parts were slashed four times, after which they fired a bullet into it,” he added.“They speared both of her eyes, shot both her breasts, cut off her feet, fired into her mouth. I could not begin to describe the manner by which they treated her.” - statement of one the husband's victim.

Ang krimeng mas mabaho pa sa umaalingasaw na basura sa Payatas.
Ang pangyayaring mas nakakadiri pa sa nabubulok na patay at bulok na hayop.
Ang eksenang mas nakasusulasok pa sa lumalangoy na tambak ng lahat ng klaseng dumi sa ilog.
Ang kaganapang muling nagpatanyag sa bansang Pilipinas hindi sa positibo kundi sa isa na namang negatibong banda.
Ang eksenang dinaig pa ng Pilipinas ang anumang bansa sa buong mundo kabilang ang notoryus na Iraq at tagurian tayong: "ang pinakamapanganib na bansa para sa mamamahayag".
- Ang Maguindanao Massacre.

Friday, November 19, 2010

Usapang Aso


At dahil may batas tayo (Animal Welfare Act) na bawal ang kumatay ng aso marami ang nagdadalawang-isip na kumatay kay Bantay. Ang dahilan: ipinagbabawal sa mga Pinoy na kumain ng karne ng aso. Pero teka, bakit ba talaga ipinagbabawal ang pagkain nito?

a.dahil sa panganib na dala ng karne nito
b. proteksyon para sa tinagurian nating man’s best friend
c. pareho

Tama. C ang sagot. Dahil sa diumano'y taglay na rabies ng karne ng aso bawal tayo kumain nito at dahil nga “pet” at man’s best friend ito krimeng maituturing ang pagkatay rito. Lilinawin ko muna na ako ay part-time dog-lover (may dalawa akong Rottweiler at isang aspin) pero meat lover din naman. Sa lakas ng impluwensya ng media at sa medikal na aspeto diumano'y pwede ngang may taglay na rabies ang karne ng aso at marami ang naniniwala rito subalit noong panahon ng dekada 80 kung kailan mas marami ang kumakain ng karne ng aso wala akong nabalitaang namatay o nagkasakit dahil sa pagkain nito. Paano ba masasabing ligtas ang isang pagkain? Sigurado bang malinis ang lahat ng ating isinusubo?
Paano ba malalaman na may foot and mouth disease ang porkchop na binili mo?
Ang barbeque ba na nabibili natin sa kanto ay hindi “botcha”?
Wala bang swine virus ang lahat ng manok sa palengke?
Lahat ba na karne ng baka ay walang mad cow disease?
Mayroon pa bang formaline ang mga isda at pusit sa karinderya?
Hindi ba mapanganib ang labis na insecticide sa gulay?
Wala bang "magic sugar" ang masarap na sago't gulaman sa kalsada?

Ang aso ay hayop gayundin ang baka, kalabaw, baboy at manok. Kung pantay-pantay ang isinisigaw ng karamihan ipagbawal na rin natin ang pagkain ng baka, kalabaw, baboy at manok. Paanong ang pagkatay ng aso ay krimen pero ang pagkatay sa mga hayop na ito ay hindi? Habang karumal-dumal ang eksena nang pagsusuplete sa balat ng aso takam na takam naman tayo sa isang baboy na nakatusok sa kawayan; Mas kaawa-awa bang pagmasdan ang pag-iyak ng asong kakatayin kaysa ang atungal ng isang baka o baboy? Kung gayon ang katagang “life is unfair”ay hindi lang pala para sa mga tao applicable din ito sa mga hayop dahil ba sa baboy ay baboy ay walang problema kung ilang libo man ang katayin sa slaughterhouse;

Thursday, November 18, 2010

Portrait of Sonnet



Portrait, brings back the yesteryears
Memories still fresh on thy mind
People, friends ain’t easy to find
Unwitting can’t hold back the tears
And tears turns into lovely smile
Timeless and endless as a sun
Can’t help to weep like old man
Stare, nod and pause for a while.

Today, I shall face the sunrise
Portrait may now lie unto rest
Thou shalt not bind with yesterdays
'Though memories keep us surprise
And I laugh not because of jest
Am stronger now come what may.





Thursday, November 4, 2010

facebook - isang pagsusuri


Welcome to facebook.
Katulad nang pagdami ng cellphone user sa Pilipinas; ang pagkakaroon ng maraming bilang ng internet user at patuloy na paglago ng bilang ng mga pinoy na may facebook account ay isang penomenal. Kung ito'y iyong nababasa sigurado ikaw ay may facebook account at kabilang ka sa 15.5 Milyong Pilipino (http://www.facebakers.com/countries-with-facebook/PH/) na gumagamit nito at siguradong madadagdagan pa ito ng ilang milyon sa susunod na mga taon. Sa kabila ng igsi nang panahon na humigit-kumulang tatlong taon na pag-exist ng faceook sa Pilipinas ay may ganyang kadami ng Pinoy ang may account dito. Ang ganitong bilang ay hindi naman gaanong nakababahala dahil naglilibang lang naman ang mga pinoy pero ito'y nakakatawag-pansin na sa kabila ng pagiging mahirap na bansa natin at nang kabuuang populasyon ng Pilipinas na 99 milyon ay mayroon tayong ganyang karaming facebook user! Sa liit ng ating bansa pang-walo tayo sa buong mundo na may pinakamaraming account nito. Ano ba mayroon ang facebook at nilampaso na nito ang dating favorite ng mga Pinoy na Friendster at Multiply na Social Networking Site din.

Sa buong mundo naman mayroong mahigit na 500 milyong katao ang may account nito ibig sabihin sa bawat 14 na tao mayroong 1 dito na may active account sa facebook. Mapalad ang Pilipinas sa pribilehyong makagamit ng facebook dahil may ilang mga bansa ang naka-ban ito kabilang siyempe ang North Korea, Pakistan, Vietnam, etc. Subalit tayo nga ba'y mapalad? Ano na ba ang impluwensya sa'tin nang makapangyarihang facebook? Nagdudulot nga ba ito nang kasiraan sa buhay o trabaho kaysa ang magagandang dulot nito? Ano ba ang gayumang taglay nang facebook at tila nabaliw na yata ang mga Pinoy dito? Isa man itong blessing o pabigat sa mga tao ang sigurado ay: naririto ang facebook para sakupin ang buong mundo!


Halos kailan lang ay hindi pinapansin ang bagong salta na facebook sa mundo ng social networking site mas nanaisin ng pangkaraniwang pinoy ang gumamit ng friendster o mag-promote ng produkto sa multiply. Marami ang sa una'y nahihirapan sa paggamit nito; kumplikado, maraming impormasyong hinihingi, mahirap daw gamitin, invasion of privacy, atbp. Pero lahat ng taong nagsabi nito noon, ngayon ay aktibong-aktibo at nahuhumaling na rin sa facebook.

Hindi tamang ikumpara ang droga sa facebook pero hindi ko ito mapigilan dahil kagaya ng isang adik sa droga ang pagiging adik sa facebook ay karaniwang itinatanggi dahil hindi naman nila namamalayan na sila'y lulong na pala dito. Subalit hindi katulad ng pagka-addict sa droga mayroon itong pusher at rehabilitation dito sa facebook ikaw mismo ang may kontrol (pusher) at dapat na magpigil (rehabilitate) kung sa tingin mo'y labis na ang oras na iginugugol mo rito. Ipapaalala ko ulit: Anumang labis ay masama applicable 'yan sa facebook at sa marami pang bagay.


Kung hanggang ngayon ay patuloy mo pa ring itinatanggi na nalulong ka na sa facebook; kung hanggang ngayon ay hindi mo alam na alipin ka na nito; kung hanggang ngayon ay iniisip mo na pangkaraniwang user ka lang; maaaring makatulong ang mga sumusunod para analisahin kung nasa iyo ang mga katangian nang pagkalulong dito. Kung taglay mo ang marami sa mga binabanggit sa ibaba ay malamang katulad ka na rin ng karamihan na nalululong dito oras na siguro para bawasan nang kahit na kaunti ang pag-gamit mo nito:

* pilit na nilalabanan ang antok imbes na magpahinga o madalas na kulang sa tulog dahil sa iba't-ibang aktibidades sa facebook (pagtatanim, chatting, pagiging miyembro ng mafia, pangangarera, etc.)
* ang pagbabad nang higit sa isang oras sa facebook ay isa ring senyales; (ano ba ang inaabangan dito? latest postings? video? status updates?)
* sobrang pag-i-enjoy na halos kalimutan na siya'y may pamilya na o mayroon ng karelasyon; ang pagkakita sa long lost "friends" thru facebook ay nagdudulot ng kakaibang kilig sa naudlot na nakaraan
* kung hindi ka nagta-trabaho nang maayos at nakaminimize lang ang facebook kasabay ng worksheet o iba pang assigned works
* kung bago ka mag-trabaho ay magba-browse ka muna sa facebook at sisilipin ang bagong upload na picture ng mga friends mo; o panonoorin ang latest video na nakapost; o babasahin ang emo status ng friends mo
* kung hindi mo kakayanin na hindi magbukas ng iyong account sa loob ng 2 o 3 araw
* kung maglalaan ka nang effort para makasilip man lang sa account mo at alamin ang latest dito kahit na wala kang computer access at celphone lang ang gamit mo (hindi alintana ang dagdag na gastos sa load)
* kung hindi makuntento at araw-araw na pagpapalit ng profile picture o relationship status na nagiging sanhi ng argumento sa karelasyon
* pagdagdag ng kung sino-sino sa iyong friends' list na kahit na pinsan ng friend lang ng kapitbahay ng kapitbahay mo eh ina-add mo pa. what's with the 400+ or 500+ list of friends? karera ba ito o popularity contest?
* kung masama ang loob kung hindi nakita ang taong gusto niyang mai-add o masilip man lang ang profile
* kung ikaw ay fan ng sangkatutak na fanpage (likepage) o hatepage na halos umabot na ng 20 o 30 na wala namang kinalaman sa buhay mo; paglalaro ng halos lahat ng games na inu-offer ng facebook at lahat ng applications sa facebook ay iyo nang nasubukan
* kung para na itong pagkain para sa'yo na hindi bababa sa tatlong beses ang pag-sign-in mo dito na katumbas ng almusal, tanghalian at ng iyong hapunan (sisilipin ang facebook sa umaga -pagkagising o pagdating sa opisina, sa hapon at bago matulog sa gabi)
* at ang huli, facebook na ang buhay mo; agarang pag-a-upload ng mga pictures mo kung saan ka man lupalop nanggaling (na kahit plastik ng kape ipu-post mo pa), maya't-mayang pagsi-share mo ng iyong saloobin happy or sad moments man ito at kahit walang kwentang status update ipagsisigawan mo pa ("I'm in CR right now" or "going to palengke" or "watching petra kabayo")

Sadyang nakalilibang ang facebook dahil bukod sa mga games marami ring applications ang nakawiwiling subukan tulad ng; pagtuklas sa kahulugan ng iyong pangalan, inspiring message from bible, pagpapahula sa daily lives maging pag-ibig man ito o horoscope,jealousy test, at kung anu-ano pa na ang iba ay spam o virus na pala. Famous quotations, movie lines, song lyrics, comments, inspirational message, bible verses, jokes, news, etc. ang palagian nating inilalagay sa'ting status updates na ang iba'y nagiging kontrobersyal dahil sa pagsiwalat ng mabigat na saloobin sa trabaho o pagkagalit sa isang tao na in response to that ay gagatungan naman ng ibang mga friends. May mga mensahe naman na naka wall-to-wall pa gayong ang kanyang message ay dapat naka private message o sa chat pinag-uusapan (tama ba namang maningil ng utang sa wall? o mag-usap ng kalandian na akala mo'y nasa chatroom). Sa positibong banda may mga benipisyo at magagandang dulot naman ang facebook sa mga tao partikular na sa mga pinoy:

* facebook ang nagbukas ng oportunidad para sa pagdami ng kaibigan o pagkakaroon ng bagong karelasyon
* ang renewed closeness ng dating magkaklase, magkabatch, magka-officemate, magkababata at malalayong kamag-anak na halos noon ay hindi naman kayo nagpapansinan
* outlet din ito ng mga taong may gustong isigaw sa mundo sa bigat nang nararanasang problema
* constant communication sa malalayong kaibigan o pamilya

Ang pag-gamit ng facebook sa oras na hindi break; sa paaralan, trabaho, opisina pampubliko man o pribado ay hindi isang karapatan ito ay isang pribiliheyo lamang na pwedeng ipagbawal. Ang pag-abuso sa pribiliheyo sa paggamit nito ay ikinaiirita ng mga employer nagiging sanhi ito na "pag-ganti" ng kanilang mga bosses sa pagba-block ng facebook sa kanilang server o pag-issue ng memo kaugnay sa pagbabawal nito; ilang empleyado na rin ang nasisante dahil sa pag-express ng hinanakit sa kanilang trabaho. Subalit sino ba ang may higit na may karapatan? Ang employer ba o ang mga empleyado? Ang oras na ginugugol sana sa pagtatrabaho ay nasasayang dahil lang sa pagbrowse sa facebook. Pwedeng sabihin na malupit ang inyong kompanya pero ito ang iyong pinagkukuhanan ng pagkakakitaan; ang kanilang polisiya ay dapat na sundin labag man ito sa loob mo o hindi. Dapat isipin: ang perang ibinibayad sa empleyado ay para sa trabaho hindi para sa facebook.

Ang facebook ay para nga talagang isang droga na kung hindi mo kokontrolin ang paggamit nito ay ikaw ang kokontrolin nito; para kang ginigiyang na ito ay iyong hahanap-hanapin, mapapanaginipan at laging iisipin. Gagawa ka ng paraan para lamang masilip ang iyong account at ang account ng iba. Hindi mo na alintana ang oras, pagod, puyat o dagdag na gastos makagamit ka lang nito. Mapunta ka man sa mall, coffee shop, internet cafe, opisina, sa kapit-bahay mo at kahit sa banyo ay may makikita kang nagfi-facebook! Kung ito'y hindi pag-abuso ano ang tawag dito? Kung naka-wi-fi lang ang buong Pilipinas malamang pati nagtitinda ng sigarilyo sa ibabaw ng overpass ay nakafacebook!

Kung facebook naman ang isa sa source of happiness mo at kahit na sabihin pang isa sa worst invention ang farmville kung ito naman ang naglalagay ng ngiti sa iyong labi basta't hindi nakakaapekto sa buhay mo o sa buhay ng iba o sa iyong trabaho; go for it! Sino ba sila magpaapekto ka? Life is short and live life to the fullest. Maraming bagay tayong hindi na pwedeng gawin kung tayo'y matanda na or worse kung wala na tayong hininga.

Welcome to facebook and happy facebooking!

Thursday, October 28, 2010

Mark as Failed...


None of us is perfect and sometime in our life intentionally or unintentionally we make mistakes and sins not just because we are a born sinner...some reasons maybe we were forced to do mistakes or we just can't simply do to be holy, period. Sometimes it was late to realized that we have committed mistakes and sins and find ourselves kneeling and asking for some forgiveness. All of us have ups and downs in our lives some might afraid to confess his failure, some have bravely admitted, some are still pretending to be saint, some are submitted their selves to jail, some save their selves to become innocent, some admits to be guilty 'though he knows he's not...Half past my life here I am confessing and submitting and thinks that I am: MARK AS FAILED...

I have failed to be a candid motorist for I always exceed beyond the speed limit
I have failed to be an affable neighbor for I always failed to lend and extend a helping hand
I have failed to be a good listener for I do not patiently understand what the speaker is saying
I have failed to be a loyal friend for I always have a reason not to spend extra time with them
I have failed to be a cordial individual for I preferred to be alone than to enjoy with someone
I have failed to be a gracious man for I have failed to be friendly on almost every occasions
I have failed to be a generous son for I have failed to provide all the needs of my parents
I have failed to be a good Samaritan for I seldom give alms to the needy
I have failed to be an understanding brother for I always misunderstood the thoughts of my siblings
I have failed to be a caring uncle for I didn't guide my nephews and nieces the way it should be done
I have failed to be an honorable pupil for I did not learned all of the good lessons from my schools
I have failed to be a commendable student for I have cheated several times in my life
I have failed to to be a strong leader for my weaknesses always overpowered my strength
I have failed to be a satisfied citizen for I've always been a critic of the government and its officials
I have failed to be a cooperative constituent for I dislike whoever is the incumbent
I have failed to be a trustworthy person for I always reserve my doubts and distrust to any strangers
I have failed to be a devout Christian for I always failed to visit church every Sundays
I have failed to be a patriotic Filipino for I don't have enough courage to say that I'm proud to be one
I am a failure to my profession for I have nothing I can do to suppress the corruption
I am a failure as a human for I sometimes think of my pride and self-esteem than to be a humble one
I am a failure as a son of God for I repeatedly committed sins and failed to heed the God's commandment...

This is me and regrettably, I ashamed to say that I have so many shortcomings, so many failures in this life but I am now crossing my fingers and still hoping to cope, to amend things in the remainder of my life; hope it is not too late, hope it worth the wait; hope that I'll be forgiven, hope that a chance would be given.
As I assume that this is a near impossible task to achieve I am trying to be as good father as I can be; a good husband as I can be...
The adaptability, sensitivity,compromise, obligation, responsibilities, pleasant, humility, virtue, respect, patience, faithfulness, trustworthiness, supportive, communication, love and affection are just words but collectively it can create a not perfect but a dynamic relationship;
I have failed on so many but hoping to pass on some...


Tuesday, October 26, 2010

Hanapbuhay


Bawat trabaho o hanap-buhay maging managerial position o pangkaraniwang empleyado lang ay may kaakibat na hirap. Sagana man sa pinasyal at malaki man ang kanilang mga sahod hindi biro ang binabalikat nilang responsibilidad o ang hirap ng trabaho kasabay nang pagganap sa tungkulin. Karamihan naman sa atin ay sadyang mahirap na ang trabaho ay napakaliit pa ang tinatanggap na sweldo kapalit ng kanilang pagpapakapagod at paggugol ng napakahabang oras at panahon sa trabaho. Sa liit ng kinikita ng karamihan alam natin na hindi ito sasapat sa pang araw-araw na buhay ang iilan ay hindi nakukuntento at napipilitan gumawa ng hindi kanais-nais at ilegal na gawain ngunit ito ba'y dahilan para tuluyan ng malunod sa kasalanan? Halika't alamin natin ang hirap ng kani-kanilang trabaho at ang bigat ng responsibilidad na nakapatong sa kani-kanilang balikat.


Security guard - Kung hindi pa mahirap ang pag-duty ng labing-dalawang oras sa trabaho idagdag pa natin ang panganib ng kanilang buhay. Isa ito sa hindi matatawarang hanapbuhay. Lubhang napakahirap ng kanilang trabaho, kung ang pangkaraniwang empleyado ay nasa loob ng opisina o pabrika ng walong oras ang mga security guard ay pangkaraniwan na ang lampas dito. Kung ito ang trabaho mo kailangan marunong kang labanan ang pagkabagot, pagod sa katatayo at kalalakad, puyat at kawalan ng magawa, at kawalan ng makakausap kung ikaw ay nadestino sa night shift. Kadalasan kung mayroong nakawan sa isang establisimiyentong binabantayan ang pangunahing suspek ay ang guwardiya mismo. Kailangan bang mamatay ang isang guwardiya para lang hindi siya mapagbintangan?


Pulis
- Sa Pilipinas napakababa ng tingin ng mga Pinoy sa pulis kaya unfair ito sa mga matitinong pulis. Ang tiwalang binibigay sa kanila ay hindi buo sa dahilang madalas na ang nasasangkot sa krimen ay ang pulis mismo. Ilan ito sa mga dahilan kung bakit mahirap ang trabaho nila, pinipilit nilang maging matino pero ang tingin naman sa kanila ng madla ay hindi matino. Paano na lamang ang marami pa ring mga pulis na handang maglingkod ng walang kapalit? Sabi nga, 'pag ikaw ay pulis ang isang paa mo raw ay nasa hukay na totoo naman ito dahil ang front liner ng pangkaraniwang krimen ay sila kahit na hindi sopistikado ang kanilang armas, kahit na kulang sa training, kahit na ga-barya lamang ang pondo ng kanilang departamento ay pilit pa rin nilang ginagampanan ang kanilang tungkuling makapaglingkod.


Traffic Enforcer
- Mainit, mausok, maalikabok at uncomfortable; kung kaya mong harapin ang lahat ng ito pwede kang maging traffic enforcer. Sa dami ng mga motoristang matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa batas-trapiko kasabay ng init ng araw ay iinit din ang iyong ulo. Kailangang manhid ka na rin sa pabago-bagong panahon dahil kung mahina ang katawan mo kinabukasan ay hindi makapapasok at kulang na ang sweldo mo. Pilitin mo mang magpakatino at tiketan ang lumalabag sa batas lahat naman ng hinuhuli mo'y may padrino, lumalaban, nakikiusap o di kaya'y may padulas. Ano ba ang matimbang tawag ng tungkulin o ang tawag ng pangangailangan?


Saleslady
-Bawal umupo, bawal ang flat shoes at bawal nakasimangot requirements ito ng pagiging saleslady. Customer is always right kaya't kahit na gaano ka na kairitable sa supposed to be customer all smile ka pa rin kahit na sa totoo ay gusto mo nang batukan ito dahil sa kagaspangan ng ugali. Pagod ka na nga eh makaka-encounter ka pa ng ganyang klase ng customer. Sa hirap ng buhay ngayon at sa hirap maghanap ng trabaho na aakma sa pinag-aralan mo kahit na graduate ka ng matinong 4-year course ito ang bagsak mo. Ang tenure of service din dito ay walang kasiguruhan dahil kahit na dedicated ka sa kompanyang pinapasukan mo ay kadalasan mae-endo (end contract) ka. Paano na lamang 'pag umabot ka na sa edad na 28? Wala nang tatanggap sa'yo bilang saleslady dahil ang turing naman sa'yo ay isa nang over-age!


Nurse - Ang makakita ng tumatalsik na dugo, labas na mga buto at nag-aagaw buhay na mga tao ay hindi kaaya-ayang eksena pero ito ang araw-araw na kinakaharap ng ating mga nurse, idagdag mo pa diyan ang eksena ng isang pamilya ng pasyente na tumatangis dahil sa dalawang dahilan: ang hirap at sakit na dinaranas ng pasyente at ang urong-sulong na desisyon dahil sa kawalan ng pera. Kailangan ng matibay na sikmura, matinding dedikasyon at pagmamahal sa trabaho para makatagal sa trabahong ito kung half-hearted ka hindi ka qualified maging nurse. Nakakalungkot lang malaman na nagiging stepping stone lang ng ating mga nurses ang pagta-trabaho sa mga local hospitals dahil karamihan sa kanila 'pag may experience na ay sa US o Europe na magta-trabaho.


Doktor
- No offense meant, 'di hamak na mas mataas ang antas nang pinag-aralan ng mga doktor kaysa sa mga nurses pero dahil sa mas magandang oportunidad na naghihintay sa mga nurses sa mga mauunlad na bansa napipilitang mag-aral muli ng pagka-nurse ang ating mga doktor natin dito. Gaya ng nurse, kailangan sa trabahong ito ang may matibay na sikmura at damdamin at walang selan sa paghawak nang sakit ng pasyente nakakahawa man ito o hindi. Para sa akin itinuturing ko silang mga tahimik na bayani dahil ang magsalba ng buhay ang kanilang sinumpaang tungkulin bagamat karamihan sa mga doktor ay batid na walang sapat na pasilidad para sa ilang operasyon ng malalang sakit o mga pasyenteng salat sa pambayad sa hospital at doktor patuloy pa rin sila sa pagbibigay lunas sa mga nagngangailangan ng kanilang serbisyo. Pero hindi naman maaari na palaging "labor of love" lang ang kanilang serbisyo sa hirap ng buhay, sa laki ng ginastos sa kanilang matrikula at sa tagal na panahon nang pag-aaral dapat din nating ibigay sa kanila ang karampatang sahod at respeto.


Guro
- This is one of the underrated job in the Philippines considering na ang karamihan sa estudyante these days ay napakakukulit, napakalilikot at matitigas ang ulo. Just imagine the scenery of 40+ students from different walks of life na hindi nakikinig sa pinagtuturo mo. Paos na ang boses mo eh parang hindi naman interesado ang karamihan sa kaniyang estudyante. Idagdag pa natin ang pag-gawa nila ng lesson plan sa gabi para sa kaniyang ituturo sa susunod na mga araw. Hindi na ko magtataka kung bakit maraming mga guro ang nagiging DH sa Hong Kong dahil sa barya-baryang sweldo nila. Ilang mga guro na rin ang napahamak sa tuwing magkakaroon ng eleksyon dahil sa sila ang mga front liner na parang mga sundalo sa giyera na dumedepensa, nakikipaglaban at nakikipag-agawan sa mga balota ng mga gunggong nating mga pulitiko. Kung may pangarap kang yumaman hindi ito ang trabahong para sa'yo.


Bumbero
- Naaalala lang natin sila sa tuwing may sunog, akala lang natin madali ang trabaho nila dahil bihira lang naman ang sunog pero dahil ang bansa natin ay mahirap syempre kabilang sila sa sangay ng gobyero na kapos sa pondo, resulta: kakulangan sa fire-fighting equipments, firetruck na kakarag-karag, lumang communication equipment at unipormeng magpo-protekta sana sa kanila sa pagtuos sa sunog. Huwag ka na ring magtanong kung bakit mas nauunang dumating sa sunog ang Volunteer Firefighter kaysa sa gov't firefighter. Habang ang mga tao ay tumatakbo palayo sa sunog sila naman ay lumalapit pa at buong-tapang na aapulahin ang nag-ngangalit na apoy sa kabila ng kakulangan ng nasabi kong equipment. Madalas pa na inaaway sila ng mga residenteng nasusunugan dahil lahat ng mga ito'y gustong unahin ang bahay nila at minsan naakusahan pa silang may kinikilingan kung hindi napagbigyan. Hindi ba nila alam na karamihan diyan ay walang mga sweldo at nagmamagandang-loob lang?


Sundalo - Matagal na silang pinangangakuan ng mataas na sahod at modernong mga armas pero ngayon nananatili pa rin itong pangako. Habang ang mga walang ranggong sundalo ay nadedestino sa iba't-ibang probinsya, nalalayo sa mahal sa buhay, nakikipagbarilan sa mga NPA, Abu Sayaff at mga bandido, ang mga opisyal naman nila ay nasa loob ng isang kwartong malamig at nagkakamal ng pondong nararapat na para sa lahat, kumakain sa mamahaling restaurant at nagseseminar sa Russia at Europe gamit ang pondo ng Armed Forces. Ganun talaga, life is unfair di ba? Sila ang napakagandang halimbawa ng katagang: "Ang mamatay ng dahil sa'yo". Hindi nila alintana ang panganib kahit na ang hawak nilang mga M-16 ay panahon pa ni Marcos habang sa mga Abu-Sayaff naman ay may M-203, high-caliber na mga baril, GPS at satellite phones. Malalaman lang natin ang kabayanihan nila kung may namatay sa kanila at naibalita sa paborito kong 24-Oras.


Reporter
- Kung wala kang pagmamahal sa trabahong ito ngayon pa lang 'wag mo nang pangarapin na maging reporter. Akala ng marami na madaling yumaman kung ikaw'y ay isang reporter pero taliwas ito sa katotohanan. Oo nga na may mga umuunlad ang buhay at umaasenso sa pagiging reporter pero ito ay mga isolated case lamang. Sila yung mga napupunta sa mga higanteng istasyon na nabibigyan ng magandang oportunidad pero ilan lang ba ang kailangang reporter ng bawat istasyon? At ilang libong estudyante din ba ang guma-graduate taon-taon ng journalism o masscom? Kung ito ang trabaho mo iwaksi mo na ang iyong mga nightlife, ang pagiging tamad at antukin dahil ang kailangan sa pagiging reporter ay ang pagiging resourceful, always on the go, intelihente at masipag. Kung ang lahat ng istasyon ay may ulat sa nasasakupan mong field of assignment at ikaw ay wala, sermon ang aabutin mo kung hindi suspensyon. Wala ka ring karapatan na tumanggi kung ma-assign ka man sa pinangyarihan nang bagyo, lindol, riot, welga o massacre site.


Bus Driver - Ang kanilang kikitain ay nakadepende sa dami ng pasahero nila, hindi fixed ang kanilang sweldo at ang kanilang pinakasweldo ay nasa pagitan ng 20% to 30% ng kabuuang kita sa maghapong pagmamaneho na tumatagal ng 12-18 oras! Sila ay napaka-underpaid dahil sa kabila ng pagpapakapagod sa stressful job na ito karamihan sa kanila ay walang sick leave, vacation leave, night differential, OT pay, hazard pay at kung anu-ano pang pay. Wala rin silang job security dahil ang mga operator nila ay gustong contractual lang sila. Karamihan ng sakuna sa kalsada ay involved ang mga bus ang dahilan ng driver: pumalyang brake o pumalpak na makina. Maaaring driver error din ito pero sa kabilang banda at kung susuriing mabuti ang mga bus na sangkot sa aksidente ay mga lumang modelo na hindi na dapat pang bumibyahe. Responsibilidad dapat ito ng LTO na huwag ng i-renew ang prangkisa kung magdudulot nang panganib sa mga pasahero. Masisisi mo ba sila kung matakaw sila sa pasahero? Sa dami ng alternatibong pwedeng sakyan ng pasahero at mga lalagyang mga tiwaling traffic enforcers may violation man sila o wala.


Call Center agen
t - Ito na marahil ang pambansang hanapbuhay ng mga Pilipino. Bukod sa pagiging OFW ito ang next in line na gustong trabaho ng mga gumradweyt sa isang 4-year course. Habang ang karaniwang Pinoy ay patulog na heto ang mga call center agents nag-uumpisa pa lang mag-trabaho hindi ka ganap na call center agent kung hindi mo maranasan ang night shift. Parang simple lang ang trabaho nila; magandang salary at disenteng pananamit. Sa dami ng reklamador na mga tao (lalo na ang mga pinoy) dapat ay maging relax (read: manhid), focus (read: bingi) at accommodating (read: plastic) ka pa rin sa mga client na naninigaw, nagmumura at halos isumpa na ang kausap na call center agent. Buntunan sila nang sisi ng mga customer na ito kahit na hindi naman sila direktang empleyado ng kanilang niri-represent. Hindi naman sila binabayaran para alipustahin pero parang ganun na rin, idagdag pa natin ang mga caller na walang relevant ang question, kwento ng kwento ng walang kwenta at mga mahihirap intindihin ang mga pinagsasabi. Pls watch: http://www.youtube.com/watch?v=GFcwQdmln0s


Accountant - Marami ang may ayaw sa numbers lalo't sa Math pero ang mga accountant ay ito naman ang nakahiligan. Hindi man CPA Board Exam ang itinuturing na pinakamahirap na exam pero mas marami ang umaayaw dito. Mahirap ang kanilang trabaho dahil hindi biro ang magbalanse araw-araw na ultimo kahuli-hulihang piso ay dapat eksakto dahil kung hindi malamang mag-abono ka o gagawan mo ito nang "paraan". Labag man sa kanilang kagustuhan sila rin ang may sapat na kaalaman na mapababa ang mga buwis na dapat sa gobyerno. Masisisi mo ba sila kung hanap lang naman nila ay trabaho? Ang accountant ay napakalapit sa tukso at kung hindi mo kayang labanan ang temptasyon na ito at marami kang pangangailangan baka makagawa ka ng kasalanan unti-unti at hindi mo namamalayan katulad ka na rin ng mga pulitikong ganid.


Abogado
-Thou shall not lie. Parang ang kautusang ito ay napakahirap tuparin kung ang iyong propesyon ay ito. Sila ang may itinuturing na pinakamahirap na exam (pero para sa akin ay ang Medical Board Exam) saan man. Bukod sa talino kailangan din nang talento sa pag-iinterpret ng batas at skills sa pakikipagdebate sa korte. Kunsabagay lumalabas na natural na lang ito kung ikaw ay likas na matalino. Hindi usapin ng pera ang pagiging mahirap sa kanilang propesyon dahil kung nanaisin nila marami ang mag-o-offer sa kanila ng magandang salary kaya nakabibilib ang mga abogadong nasa Public Attorney's Office (PAO) na nagbibigay nang serbisyo sa mga dukha ng libre. Ang mahirap sa trabaho nila ay ang pag-aralan ng mabuti ang hawak na kaso at pakikipaglaban sa kanilang kliyente na ito'y maabswelto at hindi makulong kahit na alam niya sa sarili niya na ang kanyang kliyente ay may sala! Aminin man nya ito o hindi. Ano ba ang importante ang tawag ng tungkulin? ang tawag ng pera? ang kagalingan sa korte? Kailangang ihiwalay mo rin ang emosyon mo 'pag ito ang trabaho mo. Hindi pwedeng maaawa ka isang rape victim kung ang kliyente mo ay naakusahang rapist. Hindi pwedeng "i-tabla" mo ang hawak mong kaso kahit na alam mong ang kliyente mo ang may utak sa pag-massacre sa Maguindanao. Hindi pwedeng paaminin mong guilty ang kliyente mong notorious na pusher na sumisira sa pamilya at kinabukasan ng maraming kabataan. Ika nga eh, trabaho lang walang personalan.


OFW (in general) - Sila ang bagong bayani kung ituring natin pero ang mga benepisyo at proteksyon ba na nararapat para sa kanila ay naibibigay? Kung akala ng karamihan ay mas madali ang mamuhay at magtrabaho sa ibang bansa eh marami ang nagkakamali diyan. Mayroong mga instances na maginhawa at madali pero kung iyong susuriin mas marami ang hirap kaysa sarap lalo't sumuong ka sa bansang wala kang kamag-anak o kaibigan. This is a case of homesick vs. dollar. Marami ang lumuluha, nagtitiis, nagdurusa at nagpapaka-api para sa kapakanan at kinabukasan ng mga naiwan nila dito sa Pilipinas. Napakalapit din nila sa tukso lalo't kung masyadong silang nabalot nang kalungkutan at pagkabagot. Ang anumang masamang problema na ibabalita mo sa kanila ay lalong magdudulot ng pagkabalisa at pagkawala ng konsentrasyon sa trabaho, skilled worker man sila o propesyonal. Ang konotasyon na ang OFW ay mayaman ay dapat nang ibasura ng mga kapit-bahay at kamag-anak ng mga naiwang OFW dito sa Pinas, na sa tuwing bakasyon ng isang OFW dito ay katakot-takot na kaibigan at kamag-anak ang humihingi ng pasalubong at kung mayroon kang nakaligtaan ay siguradong mapupulaan ka. Gustuhin man ng ibang OFW na huwag nang magtrabaho sa abroad ay hindi niya magawa dahil sa dumadami na ang umaasa sa kanya; aakalain niyang nakaipon na siya ay hindi pa pala. Kung mayroong sapat na trabaho para sa kanila sigurado mas marami ang nanaiising dito na lang mahirapan kaysa ibang bansa.


Customs Broker
- This is last on the list hindi dahil mas angat ito sa mga propesyong nasa itaas, nasa huli ito dahil ito ang aking trabaho at nais kong ipaliwanag ang hindi madaling parte ng aming hanapbuhay. Ang pagiging lic. customs broker ay isang halimbawa ng mistaken identity dahil kapag sinabing "customs broker" ang pumapasok sa isip ng karamihan ay "mayaman". Maling-mali ito. Maaaring maganda ito pakinggan pero hindi simple ang trabahong ito. Maraming mga broker (esp. young broker) ang ginagamit lang ng kani-kanilang mother company na binibigyan lang ng hindi sapat na "signing fee" sa kabila ng panganib na kanyang pinipirmahan, hindi sasapat ang kanyang natatanggap na signing fee kung magkakaroon ng matinding problema sa kanyang napirmahan. Ang gobyerno ay maaari kang habulin partikular na ang BIR, BOC at mas malupit ay ang DOJ na eventually suspensyon ng PRC ID kahit na ilang mga taon na ang nakalipas kaya't malaking problema kung hindi ka na empleyado sa napasukan mong dating kompanya na may problema. Idagdag pa natin ang pag-ayuda ng mga broker sa paglala at pagkagarapal ng katiwalian at korapsyon sa mga empleyado ng BOC, magmula pinakamataas na opisyal hanggang pinakamababang empleyado. Hindi man gustuhin ng broker na gawin ito ay wala siyang magagawa, walang choice; kailangan sumunod sa agos ng tubig kundi'y maiiwan ka kasabay ng iyong mga papel na hindi makakarating sa dapat puntahan. Ang tamang dokumento ay hahanapin ng mali at ang maling dokumento ay magiging tama kapag may panggastos. Ang tuwid na daan ay hindi mo makikita sa trabahong ginagawalan ng broker dahil mistula itong KANSER na wala nang lunas. Kung sasapat ang buwanang sweldo ng mga empleyadong ito sa kanilang mga luho maaaring masugpo ang korapsyon. Kailan? Asa ka pa. Kaya 'wag ka nng magtaka kung maraming mga empleyado at opisyal nito ang may malalawak na properties, magagandang bahay, magagarang kotse, atbp. Itatanong mo pa ba kung saan nanggagaling yun? Siyempre karamihan sa kanila ay may mga negosyo. Monkey business nga lang. Habang ang broker ay kabi-kabila ang subpoena at kasong kinakaharap dahil sa naging problema niya sa dokumento ang mga empleyado at opisyal na dapat sana'y may kaso din ay patuloy na humahakot ng "grease money". Sa pagkakaalam ko it takes two to tango.


Marami pang mga hanapbuhay ang may kakambal na hindi birong hirap na sadyang hindi ko na isinaad sa dahilang masyado na itong hahaba, nakakatamad na basahin. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na ako saludo sa kanila na sa kabila ng hirap at hindi makatarungang baba ng kanilang mga sweldo ay ginagampanan pa rin nila nang matapat ang kanilang tungkulin. Ang trabaho ay isang napakalaking bahagi ng ating buhay; sa katunayan tayo'y isinilang para maghanapbuhay, pinag-aral, pinalaki at iminolde para dito. Kung hindi mo naranasan ang magtrabaho hindi ganap ang iyong pagkatao dahil ang pinakamayayamang tao sa mundo ay nagbabanat ng buto para magkapera. Ang pagganap sa tungkulin o obligasyon mo sa trabaho anuman ang iyong posisyon ay dapat na yakapin at mahalin, maaaring hindi sapat ang kinikita mo sa bigat nang binabalikat mong responsibilidad pero ganyan talaga ang buhay. Mahirap ang buhay malupit ang mundo; bawat tao ay may kanya-kanyang pag-iisip anuman ang gawi mo ay dapat mong panindigan; maraming nagaakala na mas matimbang ang tawag ng pangangailangan kaysa tawag nang tungkulin subalit naisip mo na ba ang magiging dulot nito sa iyo at sa iyong pamilya? Saan ka man mapunta, anuman ang pinag-aralan mo, anuman ang estado mo sa buhay kakambal na natin ang pagtatrabaho.At tandaan: Kahit ang pinakamayamang tao sa mundo ay nagtatrabaho.

Ika nga eh: "Hindi mo kasalanan ang isinilang kang mahirap pero kasalanan mo kung mamatay kang higit na mahirap".

Friday, October 8, 2010

Blasphemous Rumours


Hiramin ko muna ang titulo ng kontrobesyal na kanta ng isa sa paborito kong grupo noong 80's ang Depeche Mode.

Blasphemy is in the eyes of beholder.
Ano ba ang batayan para masasabi na isang blasphemy ang iyong ginagawa? Ang iyong isinusulat? At ang iyong sinasabi?
Ano ba ang kahulugan ng blasphemy sa isang bansang Katoliko?
Hanggang saan ba ang limitasyon ng kalayaan ng pamamahayag ng saloobin?
Ang pag-suporta ba sa RH BILL o anumang uri ng contraceptives ay pwedeng dahilan para itakwil ka ng simbahan? Na niyakap mo at ng iyong angkan simula pagkabata.
Ang contraceptives nga ba ay mga abortifacients?
Ang bawat sabihin ba ng kaparian ay isang sagrado at dapat na tupdin ng isang katolikong tulad mo?
Hanggang saan ka ba dadalhin ng iyong relihiyon?
Ito ba ay sapat at ganap na makakapagligtas sa iyo sa hindi mo gustong patunguhan?
Hindi ba sapat ang kagandahang asal na iyong ipinakita at ginawa na sa isang iglap ay bale-wala dahil ikaw ay tumangkilik sa mga contraceptives?
Sabi ng simbahan, ang artificial birth control ay isang uri ng abortion tama ba ito?
Kung ito'y tama...kung gayon napakaraming mga katoliko ang tumangkilik na rin sa abortion?! Hindi ito magandang balita.

Mababaw lang ang aking kaalaman pagdating sa relihiyon, lalo't sa blasphemy akin itong inilalahad sa paraang alam ko at hindi sa pagmamagaling, nagtatanong dahil ako'y naguguluhan, nagsusulat para maintindihan. Ang usaping pulitika at relihiyon ay napakalawak para itong karagatan na hindi masukat ang tamang lawak at lalim, iba't-ibang pananaw iba't-ibang paliwanag. Maaaring sa pananaw mo'y ikaw ay tama subalit sa iba ay mali naman pala, maaaring sa akala mo'y sapat na ang iyong kaalaman pero marami pa palang dapat pag-aralan. Isinilang akong katoliko at gusto kong mamatay ng katoliko maaaring ako'y hindi banal pero mas nanaisin ko ang relihiyong ito kaysa ibang relihiyon. Ang pagkakamali at pagkakasala ay hindi maiiwasan ninuman pero hindi ito dapat na gawing dahilan para sa patuloy at paulit-ulit na pagkakamali. Ang bigat ng kasalanan ng bawat tao sa bawat bansa ay iba-iba ngunit ang ating kasalanan sa batas ng Diyos ay pare-pareho, pantay-pantay, walang halaga kung ikaw man ay mahirap o mayaman. Walang katoliko na gustong ma-excommunicado o matiwalag sa kanyang ninais na relihiyon. Nakalulungkot malaman na ang pagsuporta at pagtangkilik sa artificial birth control ay isa palang mortal na kasalanan ayon sa simbahan kung ito nga'y isang uri ng aborsyon. Ayon sa survey halos 90% ng Pilipino ay sang-ayon o suportado ang hinahaing batas para sa artificial birth control subalit ayon naman kay Sorsogon Bishop Bastes: "What is approved by the people does not mean it is approved by God" taliwas naman ito sa lagi kong naririnig na: "Vox populi Vox Dei" - na ang ibig sabihin ay voice of the people is the voice of God. Sabi ko na nga ba iba't-ibang interpretasyon, iba't-ibang paliwanag.

Carlos Celdran, isang tour guide na ang kanyang adbokasiya ay suportahan ang RH BILL, kung ang lalaking ito ay nabuhay noong 1800'S Panahon ng Kastila (na ang tingin ng mga prayle sa kanilang sarili ay Diyos) sigurado binaril na rin ito sa Bagumbayan. Karapatan ng bawat tao na manindigan at maipaglaban ang kanyang paniniwala subalit lumampas nga ba siya at malaking pagkakamali ang kanyang nagawa? Sino ba ang magsasabing mali siya; ako, ikaw, ang pulis o ang simbahan? Sa akin lamang opinyon ay tamang-mali. Tama, dahil sa siya'y may adhikaing pinaglalaban subalit mali dahil ito'y ginawa sa isang maling lugar. Siya ba ay makabagong Jose Rizal? Na bukod-tanging katoliko na (sa pagkaka-alam ko) harap-harapang tumuligsa, bumatikos at nagbulalas sa harap ng mga matataas na namumuno ng simbahang katoliko at sinabing: "STOP GETTING INVOLVED IN THE POLITICS!" . Nakabibilib ang kanyang tapang bibihira ang katoliko na may kakayahang ipahayag ang kanyang saloobin sa "radikal" na paraan. Ngunit sa kabila ng kanyang "pagaalipusta at pambabastos" sa banal na simbahan napakaraming sumusuporta sa kanyang ginawa! Ibig sabihin nito'y ang mga taong sumusuporta kay Celdran ay sumusuporta rin sa RH BILL. Kung ang ginawa ni Celdran ay maging dahilan ng kanyang pagiging excommunicado sa simbahan dapat din bang ituring na excommunicado ang mga taong sumuporta sa kanya? Blasphemy din bang matatawag ang ginawa niyang ito? Hanggang saan ba dapat makialam ang simbahan sa pulitika? Pero teka nakikialam nga ba sila? Ang separation of church and state ay matagal ng isyu sa ating bansa subalit walang matalino na naglahad ng eksaktong depinisyon nito at walang matapang na nagpaliwanag ang hangganan ng simbahan o ng kaparian dahil siguro sa pagiging sagrado-katoliko ng karamihan ay hindi na natin ito binibigyang-diin at pansin. Kung hindi kaya nakialam at nanawagan ang simbahan na mag-aklas laban sa rehimeng Marcos sa 1986 EDSA Revolution ay magiging matagumpay kaya ito?


Sa kasalukuyan ang populasyon ng Pilipino ay mahigit na 90 milyon lubhang napakalaki nito para sa maliit na bansang Pilipinas at marami ang naniniwala na isa ito sa sagabal sa pag-unlad at pag-usad ng eknomiya. Kung kokontrolin ba ng pamahalaaan ang populasyon ng Pilipinas, ito ba'y kasalanan?
Ano ba ang mas makasalanan ang pag-gamit ng condom o pagbabasura ng mga fetus at sanggol sa kung saan-saan araw-araw?
Ano ba ang mas makasalanan ang pag-inom ng pills o pagpapa-abort ng libo-libong kababaihan?
Mas makasalanan din ba ito sa taong pumapatay dahil sa kahirapan?
Mas makasalanan din ba ito sa mga taong nagtutulak ng droga?
Mas makasalanan din ba ito sa mga taong paulit-ulit na nanghahalay ng kababaihan?
Mas makasalanan din ba ito sa mga pulitikong garapal na nagnanakaw ng pondo?
Mas makasalanan rin ba ito sa taong gumagawa ng "street crimes" dahil sa kawalan ng pera?
Mas nanaisin mo ba na maraming batang kalye na namamalimos o nagbubungkal ng basura? Sa halip na nag-aaral sa loob ng silid-aralan abala ang mga kabataang ito na maghagilap ng kung anong pagkakakitaan para may pagkain ang pamilya.

Hindi na tayo nabubuhay sa panahon ng mga makasariling mga gobernadorcillo at mga prayle na matakaw sa kapangyarihan (ayon sa kasaysayan) subalit nandiyan naman ang mga pulitiko at mga namumuno na may kaparehong ugali. Lahat ay magaling, lahat ay mahusay, lahat ay tama, lahat may tuligsa. May nagawa na ba sila para sa nagdarahop na karamihan at karaniwang pilipino? Kung ako lang ang masusunod sasabihin kong mas kalapastanganan ang ginagawa ng mga ganid na namumunong ito na nagkukunwaring maglilingkod sa bayan o sa tao at ituturing ko itong BLASPHEMY sa mataas na antas kaysa ang magkontrol ng pamilya. Pero hindi ako ang may otoridad para dito kaya bato-bato sa langit ang tamaan ay masakit.

Napakahirap ng kalagayan ni Pnoy gusto niyang isulong at panindigan ang RH BILL pero tutol dito ang simbahan. Ano ba ang mahalaga para sa kanya ang pagpigil (mapipigil nga ba o ugat lang ng korapsyon) sa lumolobong populasyon o mapagbigyan ang kagustuhan ng simbahan? Kung maisasabatas ang RH BILL maaari ba siyang ma-excommunicado gayundin ang karamihan sa Pilipino? Blasphemy din ba ito? Anti-church din bang matatawag ang batas na ito? Naisip ko tuloy ang mga Hudyo noong panahon ni Hesukristo. Gusto ko tuloy ihalintulad sa kanila ang mga taong nasa likod ng batas na ito, oo nga't hindi si Bro ang kanilang inuusig subalit sila naman ay kasangkapan para pigilan ang pag-usbong ng marami pa sanang tao sa Pilipinas! Kung ito nga ay katumbas ng pagpatay ng inosenteng sanggol na nasa tiyan pa lamang. Nakakatakot na pangitain. Ani Bishop Cruz, kasunod daw ng pag-aproba sa RH Bill ay maaaring pagsasalegal ng diborsyo, same sex marriage at aborsyon! Ito ay isang halimbawa ng lohika at teorya lamang pero siguro kapag may nagpanukala nito mas marami ang hindi sasang-ayon dito. Ang pag-gamit ng contraceptives at aborsyon ay magka-iba kaya ituring silang magkahiwalay.

Tama nga na obligasyon ng pamahalaan na bigyan ng hanap-buhay ang bawat mamamayan subalit hindi ito ang katotohanan kaya nga majority ng mga Pilipino ay gustong maghanap-buhay sa ibang bansa. Ang katotohanan ay harapin natin na dumarami ang mga Pinoy na mangmang at pulubi ang dahilan nito ay kahirapan at walang sapat na kaalaman sa pagpaplano ng pamilya. Sa katunayan kung sino pang pamilya ang salat sa buhay sila pa ang may maraming anak. Sa pagdami ng mga batang ito, hindi na sila napapakain ng tama (malnourished), marami sa kanila ang hindi nakakapag-aral (tambay), marami ang napapabayaan at naliligaw ng landas (addict). Sino ba ang nasa tamang posisyon para diktahan ang tamang bilang ng anak? Kung ang sarili nga nating pamilya ay nangangailangan ng kalinga kaya mo pa bang tulungan ang milyong batang palaboy? Kaya bang pakainin ng gobyerno ang mga batang ito? Kaya bang ibigay ng simbahan ang pangngailangan nila? Ooops...Anti-church yata ang nasabi ko! Baka ma-excommunicado rin ako at ituring na blasphemy ang blog ko na ito. :-(

Wednesday, September 15, 2010

Quotes ko naman



-Ang isda ay sa paglangoy, ang sa ibon ay sa paglipad. Hindi kaya ng isda na lumipad gayundin naman ang ibon sa paglangoy. Hindi lahat ng bagay ay kaya mong gawin at i-perfect. Isa ako sa hindi naniniwala sa sinasabi nila na: "kung kaya ng iba ay kaya mo rin" hindi ito applicable sa karamihan sa dahilang tayo ay may kanya-kanyang talento at kakayahan.


-The line between being rude and being good is very thin. You can choose to control your emotions or curse that bastard person.Or if you say hello to temptation you opened the doors to betrayal & deception.


-'Wag mong laging gawing dahilan na: "Tao ka lang kaya ka nagkakamali"; Madalas naman kaya nating hindi gumawa ng kasalanan, AYAW mo lang. Oo, sadyang madaling maging tao pero mahirap magpakatao pero hindi ibang tao ang magdedesisyon sa buhay mo; walang pero, walang subalit, responsibilidad mo kung ano ang kahihinatnan ng desisyon mo.


-Wrong decision leads to regret & regret leads to desperation. No matter how regretful & desperate you are you can not turn back the hands of time. Isantabi mo muna ang kasabihang: ang hindi lumingon sa pinaggalingan hindi makakarating sa paroroonan. Maybe moving on is the best solution. Forget the past, live for today & think of your tommorow.


-Minsan kahit anong gawin para itago ang kalungkutan ay lalabas at lalabas pa rin ito. Magsuot ka man ng maskara o magtago sa likod ng mga ngiti, tumawa ka man o itago ang luha, hindi mo madadaya ang iyong sarili. Isigaw mo man sa buong mundo na masaya ka o wala kang dinaramdam, alam mo sa sarili mo na dumudugo ang puso ...mo kasabay ng paghampas ng alon sa dalampasigan na hindi kayang pigilan ninuman.


-Sometimes people forget that we are human being not human doing that our mind needs to ease, our body needs to pamper & our soul needs to rest. Of course we all need money but we also need to take a break from the stress.


-Ang pagtanda ay hindi mapipigilan ninuman..kung bday mo ngayon ang edad moy ndgdagan na naman ng isang taon. Okay lang 'yun lahat nman tayo papunta dun ang mahalaga meron kang pinagkatandaan kesa naman matanda ka na isip-bata ka pa rin, naniniwala ka pa kay sta claus at meron ka pa ring crush hanggang ngayon at umaasa na magkakatuluyan kayo someday kahit alam mo na may sarili na syang pamilya.


-Minsan nasasayang ang oras mo kahahanap ng remote ng TV hindi natin naisip pwede namang ilipat ang channel manually. Gaya lang ng problema 'yan kung hindi mo kaya sa mabilis na paraan, tiyagain mo na lang pareho din ang resulta medyo matagal nga lang.


-Subukan mong buksan ang ilaw kung may liwanag ng araw hindi mo ito mararamdaman dahil hindi ang kuryente, filament o bulb ang nagpapaliwanag sa ilaw kundi ang mismong KADILIMAN parang isang bagay na nalalaman lang natin ang kahalagahan sa panahon nang kagipitan.


-Ang tunay na kaibigan ay parang isang wiper ng sasakyan na tutulungan ka sa panahon ng tag-ulan kahit hindi mo sya pinapansin at wala kang pakialam sa panahon na may araw.


-Life is short ika nga kung ano ang nagpapasaya sa'yo basta hindi ka nakakagrabyado ng ibang tao gawin mo. Kahit na sabihin pang worst invention ang Farmville kung ito naman ang kukumpleto sa araw mo; Go for it! Sino ba sila para magpaapekto ka? Tandaan, marami tayong hindi na pwedeng gawin 'pag tayo'y tumanda na o worse 'pag nasa kabilang buhay na. Enjoy life.


-Kung galit ka sa mundo dahil sa dami ng problema mo o iniwan ka ng mahal mo o kahit pa iresponsable ang magulang mo huwag mo idamay ang ibang tao o ang mismong ang iyong sarili, may mababago at mariresolba ka ba kung mag-a-addict ka?


-Life has no BkSp that once you Enter a decision you can not Del or press Ctrl + Alt + Del to restart the wrong decisions you have made. But there's your friend who's willing to F1 you and F5 your disturbed mind, Ins some happiness and go Home to take some rest.

-Hindi sa wala ako nito. Kailan pa naging basehan nang magandang buhay ang isang bagay katulad ng Ipad, Ipod, mp3 player atbp?
Maraming tao ang mayroong magagandang bagay pero hindi masaya sa buhay
Maraming tao ang masaya sa buhay pero walang magagandang bagay
'Wag masilaw sa komersyalismo, matutong magtiis at makuntento kung ano ang mayroon tayo.
Hindi lang materyal na bagay ang materyal sa buhay.:-)

Tuesday, August 31, 2010

Animal Idiom


Ang mga negatibong ugali ng tao'y madalas na hinahalintulad natin sa mga hayop. Sang-ayon man o hindi ang mga hayop na ito wala na silang magagawa. Hindi naman sila pwedeng mag-aklas at iparating sa atin ang kanilang saloobin. Ano ba ang isisigaw nila? Makibaka o Makitao? Hehe. Kung ikaw ay nasabihan ng HAYOP! Ibig sabihin nito'y masama ang ugali mo katumbas ito nang salitang P.I. sa mas malambot na pamamaraan. May mga taong makahayop ang ugali pero mas maraming hayop na makatao naman ang asal. Gumugulo na naman ang usapan. Heto ang ilan sa mga halimbawa ng mga sinasabi ko.


Langgam - (Nilalanggam) - pang-uri; 1. dinagsa; Dahil sa ang langgam ay nagti-tipon sa iisang lugar kung may natagpuan silang pagkain dito natin hinahalintulad ang pagdagsa ng mga tao sa iisang tao, lugar o okasyon.

Halimbawa ng pangungusap: Parang mga langgam ang ating magigiting na Kongresista nagpupuntahan sa Malacañang sa tuwing may pinapatawag na pulong si Gloria na ang tunay na dahilan ay pamumudmod ng pera.


Langaw - (Nilalangaw) - pang-uri; 1. hindi dinagsa; Kabaligtaran naman ang kahulugan nito sa nilalanggam. Kapag sinabing nilalangaw ang ibig sabihin nito'y hindi naging mabenta o walang appeal sa nakararami.

Halimbawa ng pangungusap: Nakakatawang pagmasdan ang Kongreso dahil sa tuwing sila'y may sesyon madalas na ito'y nilalangaw.


Kalabaw - (Kayod kalabaw, balat-kalabaw) pang-uri; Dalawang ugali ng Pinoy ang hinahalintulad sa kalabaw; Ito ay ang kayod-kalabaw na ang ibig ipakahulugan ay ang pagiging masipag at balat-kalabaw naman na ang ibig sabihin ay hindi kaagad tinatablan ng hiya.

Halimbawa ng pangungusap: Ang masang Pilipino ay kayod-kalabaw sa araw-araw makatawid lang sa gutom habang ang mga nanunungkulan naman ay balat-kalabaw naman sa kanilang mga problema at hinaing.


Talangka - (utak-talangka) pang-uri; 1. inggitero; Malalim ang kahulugan ng isang ito. Ang kahulugan ng utak-talangka ay pagpipilit ng isang tao na hilahin pababa ang isang taong matagumpay o umaasenso sa pamamagitan ng paninira o pagkakaroon ng insekuridad sa taong umasenso.

Halimbawa ng pangungusap: Utak-talangka ang isa sa mga problema nating Pinoy dahil hindi tayo masaya kung umaangat ang kalagayan ng iba.


Kabayo - (Hingal-kabayo) pang-uri; 1. sobrang pagod; Bihira man nating makitang humihingal ang kabayo madalas naman tayong makakita ng taong hingal-kabayo. Sobrang pagod at pata ang katawan ng kahulugan ng isang ito.

Halimbawa ng pangungusap: Hingal-kabayo na ang karamihan sa Pilipino pero hindi pa rin umaasenso.


Pagong - (Usad pagong) pang-uri; 1. makupad, mabagal; Madali itong maintindihan at ipaliwanag. Ang kahit na uri ng pagong ay makupad ang kilos kaya nga sabi ng matatanda 'wag daw tayo mag-a-alaga ng pagong dahil babagal daw ang ating pag-asenso.

Halimbawa ng pangungusap: Ilang dekada na rin ang lumipas pero usad-pagong pa rin ang ekonomiya ng Pilipinas.


Ipis - (utak-ipis) pang-uri; 1. bobo, mang-mang; Ang ipis ay isang salot na insekto bagamat sila ay may maliit na utak hindi rin siguro sila ganun kabobo. Sa layman term kapag sinabihan ka ng utak-ipis ang kahulugan nito'y utak-bobo.

Halimbawa ng pangungusap: Marami ang nagtatalino-talinohan na mga politiko, matataas naman ang pinag-aralan pero utak-ipis naman ang pinapairal at pinapakita.


Bulati - pangalan o pang-uri; 1. Malikot o magulo; hindi mapakali sa isang pwesto.

Halimbawa ng pangungusap: Ang dati naming pangulo ay parang bulati na hindi mapakali dati nang mataas ang posisyon pero gutom pa rin sa kapangyarihan.


Aso - pangalan o pang-uri; 1. palagiang nakasunod; Dahil ang aso ay loyal sa kanilang amo lagi itong nakasunod saan man magpunta ang kanilang amo na kapag sinabihan kang parang aso ibig sabihin nito'y lagi kang nakasunod sa isang tao.

Halimbawa ng pangungusap: Dahil sa pansariling interes ang Kapitan ng aming baranggay ay parang asong nakabuntot sa kanyang Mayor.


Pusa - pangalan o pang-uri; 1. matagal ang buhay; Ang pusa hindi man literal na may siyam na buhay dito pa rin hinahalintulad ang mga taong may kung ilang beses nang nakaligtas sa panganib.

Halimbawa ng pangungusap: Ang aming congressman ay may sa-pusa yata dahil ilang beses na syang tinambangan pero hanggang ngayon ay nananatiling buhay.


Tuko - (kapit-tuko) pangalan o pang-uri; 1. mahigpit ang pagkakakapit; Napakahirap tanggalin ang isang tuko sa pagkakakagat o pagkakakapit kaya madalas itong hinahalintulad sa mga taong ayaw umalis sa pwesto.

Halimbawa ng pangungusap: Kaya nagkaroon ng Political Dynasty sa Pilipinas dahil kung sinumang nakaposisyon at naka-upo say kapit-tuko sa pwesto.


Palaka - (boses-palaka) pangalan o pang-uri; 1. pangit na boses; Nakakairita ang mga palaka at ang boses nito sa tuwing umuulan kaya ito'y ginagamit sa mga taong may boses ding nakakairita.

Halimbawa ng pangungusap: Ang mga kongresista sa Batasan ay mahilig mag-privilige speech tungkol sa walang kakwenta-kwentang bagay; nakakairita at nakakainis marining ang kanilang tinig na mga boses-palaka.


Manok - (putak ng manok) pang-uri; 1. madaldal, matabil; Maiingay ang mga manok sa tuwing sila'y pumuputak gayundin ang ibang mga taong may ganitong uri ng ugali.

Halimbawa ng pangungusap: Tuwing eleksyon, pangkaraniwan na lamang sa'ting mga Pinoy makarinig ng walang hanggang pangako ng pagbabago galing sa ating mga magigiting na pulitiko para lang silang mga manok na putak ng putak tuwing umaga.


Daga - pangalan o pang-uri; 1. aba, mahirap; Sadyang mahirap ang buhay ng isang daga kaya dito hinahambing ang mga mahihirap nating mga kababayan.

Halimbawa ng pangungusap: Ayon sa statistics, 4.4 Milyong Pilipino ang nabubuhay na parang daga dahil sila ay kinukonsiderang mahirap at nagugutom sa kasalukuyan.


Kambing - pangalan o pang-uri; 1. mapanghi, mabaho, nakakasulasok na amoy; Amoy-Kambing ang tawag sa mga taong umaalingasaw ang baho.

Halimbawa ng pangungusap: Bagaman mukhang maganda ang mga damit hindi pa rin nila maitago ang amoy-kambing na pagkatao ng mga nasa Kongreso.


Butiki - (butiking Pasay) - pangalan o pang-uri; 1. payat, hindi-kalusugan; Hindi ko rin alam kung bakit mga butiki pa sa Pasay hinahalintulad ang mga taong payat.

Halimbawa ng pangungusap: Dahilan sa kahirapan sa buhay ang mga batang pulubi sa kalye ay mistula ng butiking-Pasay sa pagkapayat.


Ahas - pangalan at pang-uri; 1. traydor; Sadyang mapanganib ang ahas pero mas mapanganib daw ang taong may pagka-ahas ang ugali.

Halimbawa ng pangungusap: Walang permanenteng kaibigan sa Pulitika dahil halos lahat ng mga pulitiko ay parang ahas na manunuklaw kung may pagkakataon.


Buwaya - pangalan o pang-uri; 1. ganid 2. magnanakaw; Ang hayop na ito ang ginawa nating simbolo ng korapsyon.

Halimbawa ng pangungusap: Talamak na ang mga buwaya sa hanay ng gobyerno ng Pilipinas gaya ng BIR, BOC, DPWH at marami pang iba.


Baboy - pangalan o pang-uri; 1. marumi; Taliwas sa pagkakaalam ng karamihan ang baboy ay hindi ganoon kababoy kagaya ng iniisip natin pero dito natin hinahambing ang kadumihan ng isang tao.

Halimbawa ng pangungusap: Baboy man sa paningin ng mga tao ang maging pulitiko hindi nila ito alintana dahil dito sila nagkakamal ng maraming pera.


Tigre - pangalan; 1. matapang2. mabagsik; May taglay na tapang ang mga tigre at sila ay hindi kayang pigilan kapag nagagalit.

Halimbawa ng pangungusap: Sa sobrang pagaalipusta at panlalait kay Juan na tsuper ni Mayor animo'y isa siyang tigre nang kanyang paslangin ang palalong alkalde.


Tupa - pangalan; 1. maamo, mabait; Ang hayop na ito ay parang hindi marunong magalit kaya dito ikinukumpara ang mga taong di-makabasag pinggan.

Halimbawa ng pangungusap: Parang maamong tupa ang isang gobernador ng Mindanao ng arestuhin sa kasong pagpatay sa mga mamamahayag.


(Matang)-Lawin - pangalan o pang-uri; 1. mapangmatyag; mapanuri; Ang lawin ay may matalas na mata kaya may matang-lawin ang tawag sa taong mapanuri o mapangmatyag.

Halimbawa ng pangungusap: Dahil sa wala namang naparurusahan sa mga tiwaling pulitiko sa palagay ko ay walang may matang-lawin sa Ombudsman o sadya lamang sila'y nabulag din ng pera.


Buwitre - pang-uri; 1. sakim o ganid; Isa kang sakim kung ikaw ay nasabihan na isang buwitre. Ang ibong buwitre ay kakaiba sa lahat ng hayop kung ang ibang hayop ay gusto nila na ang kanilang biktima ay kakainin nila ng buhay ang buwitre ay nagaabang ng mga patay o mga hayop na sadyang wala nang lakas na lumaban pa ganundin ang ibang mga tao.

Halimbawa ng pangungusap: Buwitreng maituturing ang mga kongresista dahil alam na nilang patay ang ekonomiya ng Pilipinas panay pa rin ang pananamantala nila.


Unggoy - pang-uri; 1. tuso 2. magulang; Madalas na sinasabi ng mga Pinoy na "tuso man daw ang matsing napaglalalangan din" pero hindi naaangkop sa ugali at pagkaunggoy ng ating mga kongresista.

Halimbawa ng pangungusap: Mas angkop na sabihin sa mga kongresista ang pangungusap na: Ang unggoy bihisan mo man ng alahas ay halatang unggoy pa rin.


Paru-paro - pang-uri; 1. pag-asa; Positibo ang kahulugan kung ang isang pangungusap ay ginamitan ng matalinhagang paro-paro. Ibig sabihin nito ay pag-asa at pagbabago. Ang paru-paro ay parang bahag-hari na sumisimbolo sa pagkakaroon ng pag-asa sa sinumang nakakita nito:

Halimbawa ng pangungusap: Animo'y nakakita ng paru-paro ang mga Pilipino sa katauhan ng bagong Pangulo sana nga lamang ay hindi itim na paru-parong ang ating nakita sapagkat kahulugan nito'y kabaligtaran.