Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Thursday, November 4, 2010
facebook - isang pagsusuri
Welcome to facebook.
Katulad nang pagdami ng cellphone user sa Pilipinas; ang pagkakaroon ng maraming bilang ng internet user at patuloy na paglago ng bilang ng mga pinoy na may facebook account ay isang penomenal. Kung ito'y iyong nababasa sigurado ikaw ay may facebook account at kabilang ka sa 15.5 Milyong Pilipino (http://www.facebakers.com/countries-with-facebook/PH/) na gumagamit nito at siguradong madadagdagan pa ito ng ilang milyon sa susunod na mga taon. Sa kabila ng igsi nang panahon na humigit-kumulang tatlong taon na pag-exist ng faceook sa Pilipinas ay may ganyang kadami ng Pinoy ang may account dito. Ang ganitong bilang ay hindi naman gaanong nakababahala dahil naglilibang lang naman ang mga pinoy pero ito'y nakakatawag-pansin na sa kabila ng pagiging mahirap na bansa natin at nang kabuuang populasyon ng Pilipinas na 99 milyon ay mayroon tayong ganyang karaming facebook user! Sa liit ng ating bansa pang-walo tayo sa buong mundo na may pinakamaraming account nito. Ano ba mayroon ang facebook at nilampaso na nito ang dating favorite ng mga Pinoy na Friendster at Multiply na Social Networking Site din.
Sa buong mundo naman mayroong mahigit na 500 milyong katao ang may account nito ibig sabihin sa bawat 14 na tao mayroong 1 dito na may active account sa facebook. Mapalad ang Pilipinas sa pribilehyong makagamit ng facebook dahil may ilang mga bansa ang naka-ban ito kabilang siyempe ang North Korea, Pakistan, Vietnam, etc. Subalit tayo nga ba'y mapalad? Ano na ba ang impluwensya sa'tin nang makapangyarihang facebook? Nagdudulot nga ba ito nang kasiraan sa buhay o trabaho kaysa ang magagandang dulot nito? Ano ba ang gayumang taglay nang facebook at tila nabaliw na yata ang mga Pinoy dito? Isa man itong blessing o pabigat sa mga tao ang sigurado ay: naririto ang facebook para sakupin ang buong mundo!
Halos kailan lang ay hindi pinapansin ang bagong salta na facebook sa mundo ng social networking site mas nanaisin ng pangkaraniwang pinoy ang gumamit ng friendster o mag-promote ng produkto sa multiply. Marami ang sa una'y nahihirapan sa paggamit nito; kumplikado, maraming impormasyong hinihingi, mahirap daw gamitin, invasion of privacy, atbp. Pero lahat ng taong nagsabi nito noon, ngayon ay aktibong-aktibo at nahuhumaling na rin sa facebook.
Hindi tamang ikumpara ang droga sa facebook pero hindi ko ito mapigilan dahil kagaya ng isang adik sa droga ang pagiging adik sa facebook ay karaniwang itinatanggi dahil hindi naman nila namamalayan na sila'y lulong na pala dito. Subalit hindi katulad ng pagka-addict sa droga mayroon itong pusher at rehabilitation dito sa facebook ikaw mismo ang may kontrol (pusher) at dapat na magpigil (rehabilitate) kung sa tingin mo'y labis na ang oras na iginugugol mo rito. Ipapaalala ko ulit: Anumang labis ay masama applicable 'yan sa facebook at sa marami pang bagay.
Kung hanggang ngayon ay patuloy mo pa ring itinatanggi na nalulong ka na sa facebook; kung hanggang ngayon ay hindi mo alam na alipin ka na nito; kung hanggang ngayon ay iniisip mo na pangkaraniwang user ka lang; maaaring makatulong ang mga sumusunod para analisahin kung nasa iyo ang mga katangian nang pagkalulong dito. Kung taglay mo ang marami sa mga binabanggit sa ibaba ay malamang katulad ka na rin ng karamihan na nalululong dito oras na siguro para bawasan nang kahit na kaunti ang pag-gamit mo nito:
* pilit na nilalabanan ang antok imbes na magpahinga o madalas na kulang sa tulog dahil sa iba't-ibang aktibidades sa facebook (pagtatanim, chatting, pagiging miyembro ng mafia, pangangarera, etc.)
* ang pagbabad nang higit sa isang oras sa facebook ay isa ring senyales; (ano ba ang inaabangan dito? latest postings? video? status updates?)
* sobrang pag-i-enjoy na halos kalimutan na siya'y may pamilya na o mayroon ng karelasyon; ang pagkakita sa long lost "friends" thru facebook ay nagdudulot ng kakaibang kilig sa naudlot na nakaraan
* kung hindi ka nagta-trabaho nang maayos at nakaminimize lang ang facebook kasabay ng worksheet o iba pang assigned works
* kung bago ka mag-trabaho ay magba-browse ka muna sa facebook at sisilipin ang bagong upload na picture ng mga friends mo; o panonoorin ang latest video na nakapost; o babasahin ang emo status ng friends mo
* kung hindi mo kakayanin na hindi magbukas ng iyong account sa loob ng 2 o 3 araw
* kung maglalaan ka nang effort para makasilip man lang sa account mo at alamin ang latest dito kahit na wala kang computer access at celphone lang ang gamit mo (hindi alintana ang dagdag na gastos sa load)
* kung hindi makuntento at araw-araw na pagpapalit ng profile picture o relationship status na nagiging sanhi ng argumento sa karelasyon
* pagdagdag ng kung sino-sino sa iyong friends' list na kahit na pinsan ng friend lang ng kapitbahay ng kapitbahay mo eh ina-add mo pa. what's with the 400+ or 500+ list of friends? karera ba ito o popularity contest?
* kung masama ang loob kung hindi nakita ang taong gusto niyang mai-add o masilip man lang ang profile
* kung ikaw ay fan ng sangkatutak na fanpage (likepage) o hatepage na halos umabot na ng 20 o 30 na wala namang kinalaman sa buhay mo; paglalaro ng halos lahat ng games na inu-offer ng facebook at lahat ng applications sa facebook ay iyo nang nasubukan
* kung para na itong pagkain para sa'yo na hindi bababa sa tatlong beses ang pag-sign-in mo dito na katumbas ng almusal, tanghalian at ng iyong hapunan (sisilipin ang facebook sa umaga -pagkagising o pagdating sa opisina, sa hapon at bago matulog sa gabi)
* at ang huli, facebook na ang buhay mo; agarang pag-a-upload ng mga pictures mo kung saan ka man lupalop nanggaling (na kahit plastik ng kape ipu-post mo pa), maya't-mayang pagsi-share mo ng iyong saloobin happy or sad moments man ito at kahit walang kwentang status update ipagsisigawan mo pa ("I'm in CR right now" or "going to palengke" or "watching petra kabayo")
Sadyang nakalilibang ang facebook dahil bukod sa mga games marami ring applications ang nakawiwiling subukan tulad ng; pagtuklas sa kahulugan ng iyong pangalan, inspiring message from bible, pagpapahula sa daily lives maging pag-ibig man ito o horoscope,jealousy test, at kung anu-ano pa na ang iba ay spam o virus na pala. Famous quotations, movie lines, song lyrics, comments, inspirational message, bible verses, jokes, news, etc. ang palagian nating inilalagay sa'ting status updates na ang iba'y nagiging kontrobersyal dahil sa pagsiwalat ng mabigat na saloobin sa trabaho o pagkagalit sa isang tao na in response to that ay gagatungan naman ng ibang mga friends. May mga mensahe naman na naka wall-to-wall pa gayong ang kanyang message ay dapat naka private message o sa chat pinag-uusapan (tama ba namang maningil ng utang sa wall? o mag-usap ng kalandian na akala mo'y nasa chatroom). Sa positibong banda may mga benipisyo at magagandang dulot naman ang facebook sa mga tao partikular na sa mga pinoy:
* facebook ang nagbukas ng oportunidad para sa pagdami ng kaibigan o pagkakaroon ng bagong karelasyon
* ang renewed closeness ng dating magkaklase, magkabatch, magka-officemate, magkababata at malalayong kamag-anak na halos noon ay hindi naman kayo nagpapansinan
* outlet din ito ng mga taong may gustong isigaw sa mundo sa bigat nang nararanasang problema
* constant communication sa malalayong kaibigan o pamilya
Ang pag-gamit ng facebook sa oras na hindi break; sa paaralan, trabaho, opisina pampubliko man o pribado ay hindi isang karapatan ito ay isang pribiliheyo lamang na pwedeng ipagbawal. Ang pag-abuso sa pribiliheyo sa paggamit nito ay ikinaiirita ng mga employer nagiging sanhi ito na "pag-ganti" ng kanilang mga bosses sa pagba-block ng facebook sa kanilang server o pag-issue ng memo kaugnay sa pagbabawal nito; ilang empleyado na rin ang nasisante dahil sa pag-express ng hinanakit sa kanilang trabaho. Subalit sino ba ang may higit na may karapatan? Ang employer ba o ang mga empleyado? Ang oras na ginugugol sana sa pagtatrabaho ay nasasayang dahil lang sa pagbrowse sa facebook. Pwedeng sabihin na malupit ang inyong kompanya pero ito ang iyong pinagkukuhanan ng pagkakakitaan; ang kanilang polisiya ay dapat na sundin labag man ito sa loob mo o hindi. Dapat isipin: ang perang ibinibayad sa empleyado ay para sa trabaho hindi para sa facebook.
Ang facebook ay para nga talagang isang droga na kung hindi mo kokontrolin ang paggamit nito ay ikaw ang kokontrolin nito; para kang ginigiyang na ito ay iyong hahanap-hanapin, mapapanaginipan at laging iisipin. Gagawa ka ng paraan para lamang masilip ang iyong account at ang account ng iba. Hindi mo na alintana ang oras, pagod, puyat o dagdag na gastos makagamit ka lang nito. Mapunta ka man sa mall, coffee shop, internet cafe, opisina, sa kapit-bahay mo at kahit sa banyo ay may makikita kang nagfi-facebook! Kung ito'y hindi pag-abuso ano ang tawag dito? Kung naka-wi-fi lang ang buong Pilipinas malamang pati nagtitinda ng sigarilyo sa ibabaw ng overpass ay nakafacebook!
Kung facebook naman ang isa sa source of happiness mo at kahit na sabihin pang isa sa worst invention ang farmville kung ito naman ang naglalagay ng ngiti sa iyong labi basta't hindi nakakaapekto sa buhay mo o sa buhay ng iba o sa iyong trabaho; go for it! Sino ba sila magpaapekto ka? Life is short and live life to the fullest. Maraming bagay tayong hindi na pwedeng gawin kung tayo'y matanda na or worse kung wala na tayong hininga.
Welcome to facebook and happy facebooking!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment