Showing posts with label pera. Show all posts
Showing posts with label pera. Show all posts

Friday, April 6, 2012

Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao


Money is the root of all evil.
Ang pera daw ang ugat ng lahat ng kasamaan kaya ba marami ang pinapatay, pumapatay at handang mamatay para lang sa pera?
Kung literal mong ita-translate ang kasabihang 'yan disinsana'y hindi na natin lahat kailangan ng pera kung ito lang pala ang magiging dahilan ng ating pagiging masamang tao. Subalit ang tamang translasyon at unawa dito ay: ang labis na pagmamahal sa pera o ang pagiging ganid dito ang nagdudulot ng ugat ng maraming kasamaan. Ika nga, ano mang pagmamalabis ay masama. Maraming gamit ang pera at kung gusto ng taong gamitin ito sa kasamaan o kabutihan ay nasa sa kanya na 'yun at hindi natin maaring isisi ang pagiging masama ng isang tao dahil sa pera. Bakit? Wala naman itong utak at isip 'di tulad nating mga tao.

May mga taong pera ang kailangan para mapunan ang ibang kalungkutan sa buhay, may mga taong sa pera nanggagaling ang panadaliang kasiyahan, may mga taong nag-iiba ang ugali kung walang pera sa bulsa. At lahat ng ito'y hindi pagsisinungaling.

Pera, hindi natin kayang mamuhay ng wala nito, totoong halos ito na lang ang nagpapaikot sa mundo, totoong marami ang pinagbabago ang ugali dahil dito. Ganunpaman, kahit ano pang sabihin hindi lang pera ang nagbibigay kaligayahan sa tao maaring kaya nitong punan ang ating mga pangangailangan pero hindi ito makasasapat para malubos ang kaligayahan ng isang tao. Marami ang hindi sasang-ayon dito ngunit ang lahat naman ay may kanya-kanyang opinyon at dahilan.

Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao...pwede rin kasing iPhone, tablet, bagong kotse, trip to Hong kong o pagkain sa isang magandang restaurant. Haha. Biro lang.
Ang totoo at hindi biro: hindi sapat ang pera para malubos ang kaligayahan ng tao kahit batid nating pera ang dahilan ng ating pagtatrabaho, maagang pagbangon sa umaga at pagpapa-aral sa ating mga anak. Maaring solusyon ang pera sa ibang kakulangan ng ating buhay subalit hindi ibig sabihin nito na lahat ng ating kasiyahan ay dito lang nakasalalay.

Nakalulungkot na maraming tao ang nakadepende ang kasiyahan sa dami ng pera sa bulsa, sa ganda ng gadget at kasangkapan, sa gara ng suot na damit o sa dami ng pinamimili sa mall. Kunsabagay, sino ba naman ang magkakaroon ng matamis na ngiti kung ikaw ay baon sa pagkakautang o wala kang maihaing ulam sa hapag-kainan o wala kang sapat na pera sa pagpapagamot sa isang kaanak?

Lahat tayo'y nangangailangan ng pera walang hindi, dahil ito ang magsusuma ng pangunahing pangangailangan ng tao na: damit, pagkain at bahay. Sakaling ikaw ay may maraming bilang ng damit, sapat na makakain at komportableng tirahan sapat na ba ang mga ito upang malubos ang iyong kasiyahan? Kung pera lang ang dahilan para ang tao'y sumaya, bakit marami pa rin ang nagpapakamatay kahit marami silang pera't kayamanan? Mayroon itong malalim na kadahilanan.

Sabi sa Chinese proverbs:

  • Makabibili ka ng maganda at malambot na kama pero 'di ibig sabihin nito na payapa na ang iyong pagtulog.
  • Makabibili ka ng relo ngunit hindi ang oras at panahon.
  • Magkakaroon ka ng malaki at magarang bahay pero tila 'di ito makasasapat upang tawagan itong tahanan.
  • Makabibili ka ng maraming pagkain subalit hindi ang gana para dito.
  • Makabibili ka ng insurance pero hindi ang iyong kaligtasan.
  • Makabibili ka ng libro ngunit hindi ang kaalaman.
  • Magkakaroon ng dalubhasang doktor ngunit hindi ang kalusugan.
  • Magkakaroon ka ng magandang posisyon sa kompanya o pamahalaan pero hindi ang tiwala at respeto.
  • Makabibili ka ng dugo ngunit hindi ang buhay.
  • Makabibili ka ng panandaliang sex ngunit hindi ang wagas na pagmamahal at pag-ibig.


Kakambal ng pagkamit ng maraming pera ang pagkakaroon ng magaganda at mamahaling mga damit, gamit at kasangkapan ngunit kalauna'y mararamdaman mong lagi pa ring may kakulangan. Kalimitan na ang mga kakulangang ito'y pinupunan ng mga materyal na bagay, mga bagay na pinaglilibangan o mga magagandang lugar at tanawin na pinupuntahan. Isang ironic na may mga taong may kakayahang bumili ng masasarap na pagkain ngunit hindi bumibili o hindi kumakain ng masasarap na pagkaing ito, bakit? Sa taglay na karamdaman. May mga taong kahit na may panggastos at kakayahang magpunta kahit saan nila naising lugar pero 'di nila ito mapuntahan dahil sa mahinang katawan.

Akala lang ng iba na 'pag ang tao'y maraming pera wala na itong problema ngunit ang totoo kung sino pa ang may labis na kayamanan siya pa ang may magulong kaisipan o may dinadalang mabigat na suliranin sa buhay. Sa Pilipinas, may mga taong nagpapakamatay dahil sa gutom at kahirapan datapwat marami ring bilang ng taong may kaya't kapangyarihan ang ninais na kitilin ang sariling buhay.

Hindi lang pera ang sagot sa ating mga problema at lalong hindi lang pera ang may kakayahang pagkuhanan natin ng ating kaligayahan sa buhay.

Kung sasapat ang pera hindi sana nagpakamatay ang may magulong isipan ang magiting sanang heneral na si Gen. Angelo Reyes.

Sa palagay niyo ba kahit daan-milyong piso ang pera ng dating pangulo na si GMA ay mahimbing ang kanyang tulog sa gabi?

Milyong dolyar din ang naging kayamanan nina Whitney Houston at Michael Jackson ngunit alam nating may bahid ng kalungkutan ang kani-kanilang mga puso.

Ano pa ba ang hinahanap ng mag-aamang Ampatuan gayong halos bilyong piso na ang kanilang yaman?

Tiyak din nating hindi lubos na maligaya nang pumanaw ang kongresistang si Iggy Arroyo.

Umaapaw noon ang taglay na pera ng mga sport personalities na sina Mike Tyson at Dennis Rodman ngunit parang may hinahanap pa rin sila na hindi nila nakita sa pera.

Ang mga mayayamang personalidad na inuubos ang oras at salapi sa casino kung may kaligayahan sa loob ng kani-kanilang tahanan ay 'di na nanaiising waldasin ang kanilang pera't panahon.

Sa umpisa'y mag-ienjoy ka sa isang kompanyang malaki magpasweldo pero kalaunan kung hindi ka na masaya dito mas gugustuhin mong magresign at maghanap ng ibang mapapasukan kahit 'di gaanong malaki ang sweldo.

Wala na sanang mga mayayamang napapariwara ang buhay at nagiging sugapa sa alak at droga kung pera lang ang nagpapasaya sa kanila.

Ang Pilipinas ay kabilang sa pinakamahihirap na bansa sa mundo at sa Asya ngunit kabilang din tayo sa mga taong pinakamasiyahin sa buhay, ano ang indikasyon nito? Na sa kabila ng kakapusan natin sa pera nakukuha nating maging masaya kung ito'y positibong kaugalian dito natin tatalunin ang ibang mga bansa. Hindi tulad sa mayayamang bansa gaya ng Amerika o Inglatera kaunting suliranin lang ay kaagad na silang nagpa-panic, nakita mo ba kung gaano sila umiyak noong sila'y tamaan ng bagyo at baha? Ang mabigat na problema sa iba ay pangkaraniwan lang sa iba. Nadadaan ka ba sa R-10 sa may pier area? Tabi-tabi ang mga barong-barong ng mahihirap nating kababayan doon pero kung pagmamasdan mo sila parang hindi naman sila namomoroblema sa pera, nakangiti pa rin silang gumigising sa umaga. Hindi lahat ng mahihirap ay malungkot at hindi lahat ng mayayaman ay maligaya, ika nga nasa nagdadala 'yan. Mas bibigat ang problema kung iisipin nating ito'y mahirap solusyunan at resolbahin. Ang pera ay mahalagang instrumento sa paglutas ng ilang problema ngunit 'wag sana itong gawing dahilan upang lumikha ng isa pang problema sa pagsagot ng isang suliranin. Walang nagsasabing 'wag kang mag-interes sa pera ngunit mas mahalaga ang pangalan at dignidad kaya 'wag itong ipagpalit at 'wag hayaang masilaw sa kinang ng karangyaan at kapangyarihan.

Maiksi lang ang buhay kaya't 'wag tayong magmadali na bawiin ito, lahat tayo ay ito ang huling destinasyon, mayaman man o mahirap. Ang pera ay pera lang, sa bandang huli ang buhay pa rin ang pinakamahalaga sa lahat sa kahit ano pa mang bagay sa mundo. Masarap ang mabuhay kahit minsan hindi ito madali kadalasan tayo rin ang nagpapahirap sa isang simpleng bagay lang. Halos lahat tayo ay may problema sa pananalapi kaya nga tayo ay nag-aral at naghahanap-buhay, nakalulungkot na may nagpapakamatay sa halagang ilang libong piso at mas nakalulunglot ang balitang may pinapatay dahil sa halagang ilang daang piso lang subalit marami ang may pagkakautang na daang libo o milyong piso pero nakukuhang ngumiti at lumaban sa hamon ng buhay. There's more to life than money. Hindi na maibabalik ang oras na lumipas, gamitin sana ito ng may kabuluhan dahil hindi lang pera mo ang kailangan ng iyong pamilya. Masarap matulog sa gabi kung may kapayapaan ang puso't isipan kahit kapos sa pera. Masarap mamuhay ng may katahimikan at wala kang inaalalang uusigin ka ng batas at konsensya dahil sa ginawang kabalastugan magkamit lang ng kayamanan. Ang taong humuhusga sa taglay na posesyon ang higit na kailangan ng pang-unawa at ang taong tanging pera lang ang pinagkukunan ng kanyang kasiyahan ay kailangan ng higit na kalinga. Ang tunay na kaligayahan ay ang kagalakang nanggagaling sa kalooban at hindi ang kaligayahang nanggagaling sa labas at hinog sa pilit na ipapasok sa kalooban, pansamantalang kaligayahan.

Materyoso na ang ating mundo ngunit sana ngayon pa lang at hindi sa huling sandali ng ating buhay kung kailan huli na ang lahat, marealize natin na hindi lahat ng bagay ay kayang bilhin ng pera dahil hindi lang talaga pera ang lubos na nagpapaligaya sa tao.

Friday, March 2, 2012

Bakit ba wala kang pera?!?

"Bakit ba wala kang pera?"
Isang tanong na hindi madaling sagutin o kung masasagot man malamang na mabigyang katwiran ang maling nagawa dahil sa madaling pagkaubos ng pera. May trabaho naman pero laging kapos sa pera at sa pagsapit ng araw ng sweldo ang perang pinagpaguran ay sakto lang at mas madalas pa na kulang. Habang lumalaki ang sweldo lumalaki ang gastos, malamang tama ito dahil ang pangangailangan at kagustuhan ay tumataas din na sunod sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng tao. Pero hindi sana maging hadlang ito upang basta na lang gumastos at sana'y masulit natin ang bawat pisong pumapasok sa'ting bulsa. Hindi madaling kumita ng pera pero marami pa ring tao ang nakapagtatakang walang pakialam kung paano nila gastusin ang kanilang pera, tila hindi nanghihinayang kahit na wala namang kabuluhan ang binili o pinag-gamitan ng pera.


Kung minsan sa pagnanais natin na mapunan ang ating mga kagustuhan nasasakripisyo ang ating tunay na pangangailangan. Tila mas matimbang pa nga yata ang kagustuhan kaysa pangangailangan. Hindi madaling umiwas sa gastos lalo't ang isip natin ay patuloy na tinatakaw ng iba't ibang modernong materyal na bagay at sa huli na natin mararamdaman na nahihirapan na tayong kumawala sa ating gastusin. Kung ang tanging inaasahan ay ang sweldo lang dapat na gastusin ito sa tamang paraan dahil kung hindi sigurado na ang lahat ng iyong pinagpaguran ng buong araw o ng buong buwan ay ilalaan lang natin sa ating pagkakautang. Ang Pilipinas ganundin ang indibidwal na Pilipino ay 'di maitatangging palautang. Ang Pilipinas ay may pagkakautang na higit sa 80 bilyong dolyares at ang mga Pilipino ay may bilyon ding pagkakautang sa iba't ibang mga bangko; credit cards, housing loans, car loans at iba pang personal na pangangailangan.


'Pag ang mga financial institution ang tatanungin may kabutihang dulot ang utang; sa bansa at sa mismong taong may pagkakautang sa bangko. Itinataas nito ang credit reputation ng isang bansa o tao. Isang ironic na 'pag may record kang pagkakautang sa bangko at ikaw ay patuloy na nagbabayad sa kanila prinsipal man ito o interes lang ibig sabihin nito'y may magandang reputasyon ka sa kanila. Ngunit sa sandaling pumalya ka ng ilang beses asahan mo ang patong-patong na penalties, interest, surcharges at kung ano-ano pang charges na kahit sinong magaling sa arithmetic ay hirap makuha kung paano nag-arrive sa ganoong kwenta. Dito mag-uumpisa ang masalimuot na kwento iyong ng buhay-pinansiyal. Mga collecting agent na halos pagbantaan na ang iyong buhay, mga nakakayamot na tawag sa dis-oras ng gabi, mga pang-aabala kahit nasaan ka pa at mga katakot-takot na istratihiya ng pamamahiya.


'Di maikakaila na makapangyarihan ang pera. Lahat tayo ay nangangailangan nito, walang hindi. At sa labis na pangangailangan nito ng mga tao ang halos lahat ng ads, komersiyo o negosyo ay pinupuntirya ang ating pinagkakitaang pera. Sari-saring patalastas na pang-engganyo sa atin upang bumili nang ganito, nang ganoon, magpunta sa ganitong lugar o gumimik ka dito o magsaya ka doon. Walang masama dito ang nagiging problema ay sa labis na paggasta ng kung ano-ano at kung saan-saan naapektuhan ang maraming bagay; trabaho, kaibigan, pamilya at ang sariling isipan. Napakahirap solusyunan ang lumaking problema na pwede naman sanang maremedyuhan noong maliit pa at ang nakakabahala at pinakamalala; ang dumating sa puntong hindi mo pa isinusweldo ay ibinabayad mo na sa iyong pagkakautang! Ngunit ano-ano ba ang dahilan bakit lagi tayong walang pera? Heto ang ilan sa mga obserbasyon na nais kong ibahagi.


  1. Mabisyo - Ano man ang estado sa buhay ay may bisyong tangan-tangan. Maging mahirap o ubod ng yaman; maging construction worker man o manager ng korporasyon ay may bisyo; sigarilyo man ito o alak. Ang mga nakakaangat sa buhay ay kadalasang magpupunta sa mga gimikan gagastos ng libo-libo at magsasaya ng walang humpay habang ang hindi gaanong malaki ang kita ay kuntento nang maguumpukan sa kanto; may maliit na lamesa, tig-iisang upuan at mag-uumpisa sa isang boteng tagay. Kakambal ng inuman ay ang pagyoyosi; gagastos ng higit sa isang kaha ng sigarilyo sa bawat araw na katumbas ng higit sa P14,000 sa isang taon, kung tutuusin. Hindi gaanong iindahin ang gastos sa umpisa pero kung iisiping mabuti malaki-laki rin pala ang perang napupunta at nasasayang sa bisyo. Isang kakatwa na kung sino pa ang hindi gaanong malaki ang kita ay iyon pa ang kadalasang may bisyo ng pagsusugal; saan mang mayroong saklaan, sabong, karera ng kabayo (legal man o ilegal), video karera o simpleng paglalaro ng tong-its ay dagsa ang ating kababayan. Marami ang naghirap at nakalulungkot malaman na naubusan ng pera dahil dito; silang mga iginupo ng pagiging talamak sa bisyo, mga malalaking personalidad o pangkaraniwang mamamayan na nahumaling sa sobrang bisyo ng alak, droga at sugal. Hindi maitatangging isa ito sa dahilan kung bakit laging walang pera ang mga Pilipino. Hindi masama ang magsaya at gumimik pero ano mang labis ay masama, masama sa bulsa.
  2. Paggasta ng labis sa kakayahan - Kung hindi mo kokontrolin ang sarili mo malamang na mapabilang ka dito. Ang paggasta ng labis sa kakayahan ng iyong kinikita ay maaring ihalintulad sa bahala-na-bukas attitude nating mga Pinoy. Gasta ng gasta dahil laging may inaasahang sweldo; gamit ang credit card na sasamantalahin ang zero interest daw na 12 months installment. Kahit pwede pa ang dating gamit (celphone man o hindi) ay maggigive-in sa temptasyon na dulot ng modernong features ng isang kagamitan. Kung pakikinggan parang napaka-iksi lang ng labingdalawang buwan pero kung aktwal mo na itong binabayaran doon mo mararamdaman na matagal pala ito dahil sa laki ng nababawas sa 'yong sahod. Nag-uumpisa ito sa maliit na dalawang libong pisong pagkakautang hanggang sa bigla na lang ito lolobo sa nakakalulang halaga. Matutong magtiis at tikisin ang sarili kung hindi pa kaya ng iyong bulsa; sakaling makaipon at makaluwag ay saka na bilhin ang nais na gamit. Magpakahinahon kung hindi mo kayang sabayan ang ibang may sapat na kakayahang bumili ng magagarang gamit. Ang taong humuhusga ayon sa iyong mga posesyon ay may mababaw na pananaw sa buhay.
  3. Walang pagpaplano - Lahat tayo ay may pangarap sa buhay at ang isang pangarap ay nagsisimula sa isang plano. Kung hindi ka bubuo ng isang plano magiging walang kabuluhan ang iyong pinagkakitaan mapupunta lang ito sa walang kapararakang bagay. Ang pagtatapos ng kolehiyo ay nagsisimula sa isang baitang. Kung gasta ka ng gasta at ang nakikinabang ay malalapit mong kabarkada o ilang kakilala o kaanak na oportunista magiging mabait sila sa'yo pero sana sa sandaling ikaw naman ang nangailangan sana'y makasama at makatulong din sila sa'yo. Marami ang gusto ka lang makasama dahil lang sa benepisyong hatid mo sa kanila pero marami na ang nakapagpatunay na sa panahon ng kagipitan unti-unting mawawala ang sinasabi mong kaibigan. Mag-umpisang gumawa ng plano; Dapat ba ang paggastos o luho lang? Ano ba ang gusto mong makamit? Ano ba ang gusto mong bilhin? Kailangan mo ba talaga ito? Kaya ba ito ng sweldo mo ngayon? Maapektuhan ba ang iba pang mga gastusin? Magmula dito ay umpisang mithiin ang plano at abutin ng paunti-unti at mararamdaman mong mas masarap ang isang bagay na pinagsumikapan at pinagtiyagaan kaysa sa biglaan lang. Kadalasan sa pagpaplano mong ito mahihiwalay mo ang mga bagay na may halaga at ang mga bagay na walang kwenta.
  4. Sobrang paggastos - Marami ang nakakalimot na tayong mga Pilipino ay labis ang paggastos. Bibili ng bagong bag kahit na marami pang bag ang nakatambak lang at hindi nagagamit sa cabinet, sobrang dami ng sapatos na ang iba'y nabubulok na sa tagal ng pagkakatengga, bibili ng branded na mga damit para lang makaporma kahit na alam niyang may mga matitino at murang damit na ibang produkto, tatlo o apat ang celphone na wala nang load ang iba sa dami, madalas na mag-upgrade ng mga gadget para lang makasabay sa uso. Kahit na kapos sa budget ay maghahanda ng sobra-sobra sa kung ano-anong okasyon; birthday, fiesta o kahit sa simpleng kantiyaw lang ng mga kaibigan. Maging praktikal. Hindi natin kailangan ang labis-labis na sapatos, o relo, bag at kung ano pa at hindi natin obligasyon na magpakain at magpa-inom sa hindi natin kaanak hindi ka naman nila bibigyan ng pera kung ikaw ang nasa kagipitan. Huwag magpadala sa kantiyaw okay lang na masabihan kang kuripot kaysa naman sundin ang nakagawian at uuwing walang maipakain sa pamilya.
  5. Walang ipon - Ayon sa pag-aaral halos dalawa lang sa bawat ordinaryong Pilipino ang mas ninanais na mag-ipon kaysa gumastos. Marami ang magsasabing hindi niya kayang mag-ipon sa liit ng kanyang kinikita, maaring ito ay maganda at balidong katwiran pero ang pag-iipon ay walang itinatakdang halaga kung itatabi mo ang sampung porsyento o kung hindi kaya ay limang porsyento ng iyong kinita hindi mo namamalayan sa paglipas ng ilang taon malaki na ito. At 'pag malaki na ito mas lalo mong mapapahalagahan ang pera dahil ito'y iyong pinaghirapan at pinag-ipunan ng matagal at ikaw'y magdadalawang-isip na bilhin ang isang bagay na 'di gaanong mahalaga sa'yo. Nakakatawa na maraming tao ang may panggastos sa alak o sigarilyo pero hindi man lang makapagtabi ng kahit na magkano sa tuwing may sweldo. Ang pag-iipon ay napakahalaga dito natin kukunin ang dagliang pangangailangan sa panahong hindi mo inaaasahan. Hindi madali ang mangutang sa kaibigan o kaanak kung may pangangailangan; una nakakahiya o ayaw mong mapahiya, pangalawa'y papasok sa isip mo na baka sila'y gipit din at ang kanilang ipapahiram ay maaring panggastos na nila. Sa panahong ito lahat ay nahihirapang kumita ng pera at hindi mo sila masisisi kung bakit hindi ka mapapahiram sa iyong pangangailangan. Mahal ang gamot, mahal ang magpa-ospital at hindi pwedeng ipambayad ang mamahalin mong mga kagamitan at nakakahiya ring malaman na baka mas mahal pa ang kasangkapan mo kaysa sa iyong hinihiraman ng pera. Tandaan, darating ang panahong ikaw ay may kagyat na pangangailangan sa pera at kung wala kang ipon ang tanging magagawa mo lang ay ngumanga at dumiskarte sa pangungutang sa iba. At hindi lang naman ikaw ang makikinabang sa pag-iipong gagawin mo kundi ang sarili mong pamilya.
  6. Hindi nagtitipid - Mga pangkaraniwang bagay na hindi natin gaanong napapansin pero ang resulta'y maganda kung iyong susuriin. Hindi naman tayo magmamadamot kung ang pagtitipid ay dapat lang. Ang karaniwang bahay ay may higit sa isang telebisyon pero madalas iisa lang naman ang programang pinapanood, mga ilaw na nakatiwangwang kahit na walang gumagamit, mga tira o sobrang ulam/kanin na nasasayang lang, mga bagay na nakaimbak lang sa taguan kahit na pwedeng mapakinabangan ng iba at ibenta para maging pera. Hindi rin nakatutulong sa pagtitipid ang labis na panonood ng telebisyon; ang oras na dapat sana'y ipinapahinga na at itinutulog na ng katawan ay inaagaw pa ng panonood ng paulit-ulit na tema ng programa. Kung hindi man mapigilan sana man lang ay mabawasan ang pagkonsumo ng higit isandaang pisong kape o ang pagkain ng madalas sa mga fast food chain, makabubuting magbaon ng pananghalian at 'wag itong ikahiya kung nais mo talagang magtipid (kung ikaw ay nag-oopisina); ang halaga ng isang tasang kape o ng isang meal sa fast food chain ay katumbas na ng presyo ng isang kilong manok, kung susumahin.
  7. Katamaran -At ang pinakamalalang kadahilanan kung bakit walang pera ay ang katamaran. Mga umaasa sa bigay o iaabot ng ibang tao kahit na balido ang katawan sa pagtatrabaho. Mga may sarili ng pamilya pero nakapisan pa rin sa mga magulang. Ayaw tumanggap ng trabaho dahil sa pride o dahil hindi angkop sa kanyang edukasyon. Mayroon ding sa tagal ng panahon ay nasanay ng nakadepende sa kamag-anakang nasa abroad kahit na mas malakas pa sa kalabaw ang katawan. Ang pagmamahal sa pamilya ay hindi natatapos sa pagsasabing mahal kita kaakibat nito ang pagiging responsable; maibigay ang kanilang pangangailangan at hindi ikaw ang maghihintay sa biyaya. Masakit kong sasabihin na walang puwang sa mundo ang mga taong tamad. Kahit ang mga pinakamayayamang tao sa daigdig ay naghahanap-buhay. Si Manny Pacquiao ay naging isa munang kargador bago naging bilyonaryo, si Henry Sy ay may malit na pwesto lang na tindahan sa Carriedo bago naging matagumpay na negosyante. Hindi naman natin kailangang maging milyonaryo o bilyonaryo para maging matagumpay sa buhay sapat nang tanggalin ang katamaran dahil ika nga lazy hands makes the man poor sa tagalog, hindi mo kasalanan na ipinanganak kang mahirap pero kasalanan mo kung mamamatay kang hindi nakaahon sa kahirapan.


Hindi madali ang buhay pero minsan tayo rin mismo ang nagiging dahilan upang hindi ito maging madali. At nagiging komplikado ang isang bagay dahil sa isang maling desisyon. Kung uugatin ang mga kasagutan (maliban sa katamaran) sa tanong na bakit wala kang pera? Ang komprehensibong sagot dito ay ang hindi matalinong paggamit dito. Kung hindi tutulungan ang sarili o magiging marupok sa desisyon nang paggasta malamang na mapabilang ka sa mga taong laging walang pera. Huwag maging biktima ng sariling pagkakamali na maglalagay sa'yo sa isang alanganing sitwasyon; sitwasyong magpapagipit at magpapalala sa dating maliit lang na suliranin na kalauna'y magiging napakahirap na resolbahin. Magpasalamat sa bawat biyayang dumadating sa buhay, makuntento kung ano ang mayroon at 'wag hanapin ang hindi pa napapasakamay. Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao pero maraming desisyon sa buhay ang nakasalalay sa pera. Huwag maging ubos-biyaya na kapagkuwa'y nakanganga at nakatunganga kang magmumukmok sa tabi. Maging matalino, maging mautak sa paggasta ng pera.


Pahabol: At kung sakaling ikaw ay makaangat sa buhay at hindi mo na gaanong problema ang pera o kung ikaw ay may pagkakataon sana magbigay ka rin sa iba; doon sa totoong nangangailangan nang kalinga.

Monday, September 27, 2010

Pera, pera, pera


The greed for money is the root of all evil.
Money is like the sixth sense you can't make use of the other five without it.
Whoever said money can't buy happiness simply didn't know where to go shopping.
Money, if it does not bring you happiness, will at least help you be miserable in comfort.
Money is the barometer of the society's virtue.

Money, the root of all evil but solutions to (almost) all of the problems.


Mga quotes na may kinalaman sa pera, mga katotohanan pero pilit na iwinawaksi at ayaw harapin. As I've described on my previous blog entry, Money is on top of my list of overrated things. Gaya rin ng ibang mga bagay anumang sobra ay masama subalit sa pagkakataong ito parang halos lahat na yata ng tao ay naghahangad ng marami nito. Money makes the world go round and money changes everything sarkastikong mga pananaw pero may kurot nang katotohanan. Pera ang nagpapaikot sa mundo at malamang karamihan sa mga tao. Katulad mo marami rin ay naghahangad din nito nangangarap, nananaginip, na sa pagdating ng mailap na panahon mabili ang mga bagay na maglalagay ng ngiti sa ating mga labi, magpapakalma ng magugulong mga isipan, magpapaginhawa ng ating buhay at ng ating pamilya. Oo, hindi lang pera ang nagpapaligaya sa buhay ng tao pero siguro kung mayroon ka nito madali nang magawan ng paraan kung paano ka maging masaya. Nakakalungkot malaman na karamihan na sa tao ay nakadepende ang kasiyahan sa materyal na bagay at kapag sinabing materyal na bagay kakambal nito ay pera. Pera na napaka-powerful, napaka-influential at always in control sa lahat ng oras, sa lahat ng bagay. Sinasabing ang respeto ay hindi hinihingi kundi kusang ibinibigay sa isang tao pero kung wala ka namang pera sino ba ang rerespeto sa’yo? Magmumukha ka lang gusgusing pulubi sa kalsada pero ang hinahanap mong respeto ay hindi mo makukuha. Ilan na ba ang rumespeto sa taong grasa na humihingi ng marungis na barya? Sino ba ang nagbigay pansin sa mga paslit na kumakatok sa magagarang sasakyan? Bukod sa barya, awa lamang ang kaya nating ibigay sa kanila. Sino ba ang madalas kuhaning ninong sa binyag o kasal? Gustuhin man natin o hindi, sa realidad nang buhay ang sinomang may pera ay may kapangyarihan at ang respeto pilit man ito o hindi ay naibibigay sa taong mayroon nito.

Ang batas ay pantay-pantay at ito'y para sa lahat, mayaman ka man o mahirap subalit ikaw ba ay naniniwala dito? Ang sinumang may pera sa bansang ito ay madalas palagiang nangingibabaw sa batas. Parang mga asong uto-uto ang mga pulis na nagpapasilaw sa kinang ng pera, mga piskal, abogado at huwes na pikit-matang tinatanggap ang bulto ng salapi kapalit ng pagbaluktot ng batas. Ang hustisyang nararapat na para sa iyo ay napakahirap matagpuan 'pag ikaw ay salat sa pera nakakalungkot malaman pero totoo.


Napakaraming mga tanong na ang simpleng sagot ay pera. Simple na mailap at napakahirap makamit, simple na sa buong buhay ng tao ay dito nakasentro, simple na hindi naman pwedeng iwasan.

Ano ba ang dahilan kung bakit dumarami ang pulitikong "concerned" sa mamamayang Pilipino?
Bakit ba tayo iginapang sa pag-aaral ng ating mga magulang?
Ano ba ang naging ugat noong hostage crisis sa Luneta?
Pagkagahaman ba saan ang pamamaslang noon sa Maguindanao?
Bakit ba hindi kayang ipagamot ng karaniwang Pinoy sa matinong hospital ang mga mahal natin sa buhay?
Bakit nagreresulta sa kamatayan ang karaniwang Pilipino na may mga karamdaman?
Bakit ba dumarami ang palaboy sa kalye?
Bakit ba nadaragdagan ang iskwater sa gilid ng kalsada at ilalim ng tulay?
Bakit hindi masugpo ang katiwalian sa gobyerno?
Bakit ba hindi matigil ang jueteng sa Pilipinas?
Bakit ba palagi na lang may nanghoholdap at nangingidnap?
Bakit dumaraming mga magulang ang iniiwan ang mga anak para mag-ibang bayan?
Bakit ba kakaunti na lang ang matitinong mga pulis?
Ilang mag-asawa na ba ang naghiwalay dahil sa kawalan nito?
Ilang respeto at tiwala ng kapatid, kaibigan, at kahit pamilya na ba ang nasira dahil dito?


Ang kawalan ng pera ay parang katumbas ng kawalan ng dignidad sa isang materyosong mundong ating ginagalawan, nakapagpapababa din ito ng moral na minsan nagdudulot ito ng desperasyon at maaaring makagawa ng mga bagay na labag sa kalooban, sa batas at sa Diyos. Gugustuhin ba ng isang babae na magpakaputa na pinagpaparausan ng kung sino-sinong lalaki kung mayroon siyang pera? Nanaisin ba ng isang ina na magnakaw ng isang latang gatas kung may pambili siya nito? Isusugal ba ng isang ama ang kanyang buhay sa pagnanakaw para mapa-opera ang kanyang anak na malubha? Hindi ka ba maaantig kung makakita ka sa kalsada ng paslit na nanghihiningi ng barya sa dis-oras ng gabi? Hindi ka ba makakaramdam ng awa sa mga batang naghahagilap ng mapagkakakitaan sa umaalingasaw na basura? Sa kabilang banda, ang pagkakaroon (ng labis) nito ay nagdudulot sa tao ng kumpiyansa, labis na lakas ng loob, dignidad at mentalidad na hindi ka kayang apihin dahil sa ikaw ay may pera. Madalas nga sa pagkakaroon ng kumpiyansa ay nauuwi pa ito sa kayabangan at hindi namamalayan na isa na rin siya sa nag-aalipusta sa mga kapos naman sa pera.


Pera, kung sinoman ang nag-imbento nito ay nakabibilib higit pa ito sa kung ano pa mang imbensiyon ng teknolohiya dahil kung wala nito hindi makakamit ang bawat adhikain. Mas makinang pa ito sa nakasisilaw na araw, mas mahalimuyak pa ito sa pinakamabangong pabango, mas nakabibighani pa ito sa pinakamagandang babae at mas malakas pa ang epekto sa pinakamatinding gayuma. Ang tao ang nag-imbento sa pera kaya marapat lamang na ang tao ang nagpapaikot dito hindi ang kabaligtaran pero iyon ba ang nangyayari sa kasalukuyan? Hindi man literal na pinapaikot tayo ng pera subalit ito na ang nakalakhan ng bawat isa simula nang pagkabata; Kung may pera lang sana noon si nanay; Gaano kaya kasaya ang kabataan ko kung nagkaroon ako ng game and watch, rc cars at mightykid na sapatos? Lagi ko sanang naaalala ngayon ang cake at ice cream sa tuwing birthday ko, Anong antas kaya ng kasiyahan ang nadama ko kung may pambili kami ng Nike o Tretorn noong nag-aaral ako ng Highschool? Naipamana pa sana sa akin at hindi nailit ang ibang mga alahas ni Itay kung may pangmatrikula ako sa kolehiyo. Hanggang sa kasalukuyang mga gusto at pangarap natin na Laptop, DSLR Camera, I-phone, malupit na mga shoes at bags, bakasyon sa Palawan, Tokyo o Paris. Ang sarap siguro ng pakiramdam kung hindi ka nag-aalala sa mga dumarating na bill ng kuryente, cable, credit card at iba pa. Makamit, maranasan o mapag-ipunan mo man ang ilan sa mga ito, kinabukasan babangon ka ulit para magtrabaho at kumita ng pera para naman sa ibang gusto at pangangailangan dahil ang tao naman ay wala ring kakuntentuhan. Hindi lang pinapaikot ng pera ang kamalayan ng tao idagdag mo pa ang pagiging alipin ng karamihan ng tao sa makapangyarihan at malabato-balaning hatid at dulot ng pera. Hindi na alintana ang anumang negatibong resulta masustini lang ang pangangailangan, hindi na iniisip ang masamang dulot ng pangyayari at may mga tuluyan nang nalason ang pag-iisip dahil sa pagiging gahaman at sakim. Higit sa 60% ng ating buhay ay inilalaan natin sa hanap-buhay o trabaho, hindi pa sumisikat ang araw ay bumabangon na tayo para kumayod kung hindi pera ang dahilan dito ay ano? Baka nga mahina na ang tuhod natin o lugas na ang ating buhok ay naghahanap pa rin tayo ng mapagkakakitaan. Pagod ka na ba? Huwag muna dahil may pasok ka pa bukas at kailangan mo pang kumita.


Ilang okasyon na ba ang hindi mo napuntahan dahil ikaw ay may pasok sa trabaho?
Saan ka ba makakarating kung hawak mong pera ay 'sandaang piso?
Sapat na bang magpadala ka lang ng pera sa kaarawan ng iyong anak?
Kaya mo bang laging lumiban sa trabaho para dumalo sa mga pagdiriwang?
Ano ba ang uunahin mong bilhin, bigas o medisina?
Naisip mo ba kung pagkasyahin ang 200 piso kinita sa maghapon sa lahat ng gastusin?
Hindi ka ba mapapaluha kung hindi mo kayang tulungan ang isang mahal sa buhay dahil ikaw ay kapos rin?
Sino ba ang tutulong sa'yo kung ikaw naman ang nangangailangan?
Kaya mo na bang unawain ngayon ang isang holdaper na katulad mo'y desperado na din sa pera?
Ilang araw at gabi ba ang tiniis mo para sa kapakanan at kinabukasan ng iyong anak at para may ihain sa hapag-kainan?


Sa pag-ibig daw ay pantay-pantay ang mahirap at mayaman, totoo kaya ito? Makakapagpa-ibig ka ba kung ikaw ay hikahos sa pera? Alipusta lang ang aabutin mo sa magulang na iyong nililigawan magiging para ka lang busabos sa kanila na parang isang napakalaking kasalanan ang pagiging mahirap mo. Damit, pagkain at tirahan ating mga pangunahing pangangailangan masyadong madami e kung gawin na lang nating isa: Pera. Tutal yun din naman ang kailangan para ma-fulfill ang ating basic needs ganun din ang iba pang mga pangangailangan.

Ang kalusugan ay kayamanan pero paano ba mapapanatii ang kalusugan? Libre ba ang gulay, karne, isda, gamot at bitamina?
Ang edukasyon ay isa ring kayamanan ngunit ano ba ang katumbas ng edukasyon? Hindi lahat ng tao ay may eksepsyonal na talino at kayang makapag-aral ng libre dahil sa taglay nitong angat na talino, ang edukasyon ay hindi libre at pera ang kailangan para makapagtapos ng matinong pag-aaral. Paano na lamang ang iyong pangarap na magandang bahay at modelong sasakyan kung hindi ka nakapag-aral? Lahat na yata ng kilos natin ay nag-uugat at nangangailangan ng pera? Sana nga'y mali ako subalit mali nga ba ako?

Magmula pagsilang hanggang kamatayan, magmula unang kaarawan hanggang sa libingan pera ang iyong kailangan. Magkano ba ang iyong kailangan para ipambayad sa isang nanganak sa ospital lalo na't caesarian? Hindi mo ba pinag-ipunan ang unang kaarawan ng iyong anak? Magkano ba ang gagastusin sa pagkakasakit, sa simpleng ataul at sa pagpapalibing?

Ang mentalidad na ang mayayaman ay matapobre at ang mahihirap ay snatcher ay hindi totoo kathang-isip lamang ito ng mga manunulat ng mga pelikula, komiks at teleserye. Hindi lahat ng mayaman ay mang-aapi at hindi lahat ng mahirap ay hindi marangal ang hanapbuhay kadalasan nga ay ang kabaligtaran pa ang nangyayari. Pero naniniwala pa rin ako na kailanman hindi pwedeng gamiting dahilan o katarungan ang kahirapan para gumawa ng kasamaan at kamalian alam kong hindi madali pero sa tingin ko'y ito ang tama. Bagaman, napakahirap kumita ng pera at mabibigat ang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay hindi pa rin ito sapat para gumawa ng isang bagay na ating pagsisihan kung hindi man dito sa kasalukuyang buhay malamang sa kabilang dimensyon ng ating buhay kung ikaw'y naniniwala sa buhay pagkatapos ng mortal na buhay sa makasalanan at puno ng temptasyon na lupa. Maaaring hindi natin alam ang solusyon sa ibang mga problema, maaaring hirap ka na magdesisyon at lito na ang iyong isip sa kaiisip kung saan maghahagilap ng kaparaanan, maaaring ginawa mo na ang lahat ng nalalaman mong paraan, hindi pa man ito sapat ay wala ka nang magagawa. Hindi natin kontrol ang lahat ng bagay, hindi mo man alam ang dahilan sa ngayon baka sa susunod na panahon maintindihan mo ito. Huwag nating tularan ang iba na ganid sa pera siguro nga'y tama na: ang pagiging sakim sa pera ay ugat ng kasamaan. pero ano ba ang kinalamanan ng pera sa pag-gawa ng kasamaan ng tao? Ang bawat desisyon ay nakasalalay sa tao huwag isisi sa pera, sa kung kanino man o sa kung saang bagay man. Ang pag-gawa ng mabuti o masama ay "by-choice" hindi sapat sabihin na sumama ang ugali ng isang tao dahil sa siya'y yumaman maraming mga nakaririwasa sa buhay ang may magandang ugali. Huwag din isisi sa iba ang kinahinatnan ng buhay mo wala silang kinalaman sa katayuan mo ngayon. Ang pera'y mabuti kung gagamitin sa mabuti. Ang pera'y masama kung gagamitin sa masama.



Paunawa: Ang blog na inyong nabasa ay tumatalakay lamang sa relasyon nang tao sa pera at nang pera sa tao kung gaano kahalaga, kahali-halina at kaimpluwensya, sa buhay ng isang tao ang pera. Ang epekto, dahilan at sanhi nito ay inugat din para sa kaalaman ng lahat. Ang pananampalataya at paniniwala sa Diyos, obligasyon at responsibilidad sa kapwa ang tunay na mahalaga sa kahit ano pa mang bagay dito sa mundo hindi na ito nilawakan dahil ang konsentrasyon ng may akda ay tungkol lamang sa pera, pera, pera.