Showing posts with label aso. Show all posts
Showing posts with label aso. Show all posts

Wednesday, January 9, 2013

Hayop at Metapora




Isa akong ibong tinatangay at inililipad ng pangarap
Ikakampay ang bagwis kung saan ito magaganap.
Isa akong isdang 'di kayang lunurin ng suliranin
Anumang mithiin ay pagsusumikapang languyin at sisirin.

Isa akong tandang na matapang na haharap sa maangas na kalaban
Ibabaon at itatarak ang taring matalas sa magtatangkang humarang.
Isa akong inahing 'di mapapagod na kakahig para sa aking mga alaga
Maagang pupungas at puputak upang humanap ng makakain at matutuka.

Isa akong buwayang tahimik ngunit puspos na mapanganib
May kakayahang mabuhay mapadpad man sa lupa o sa tubig.
Isa akong hunyango na may huwad na balat at kulay
Ako'y magbabalat-kayo anumang sandali para lang mabuhay.

Ako'y isang pagong na mabagal at maingat kung kumilos
Magalang na iyuyukod ang ulo sa lahat ng karespe-respeto.
Ako'y isang tarsier na 'di kaibig-ibig sa iyong mata
Gigisingin ko ang bawat gabi habang pinupuyat ko ang umaga.

Ako'y isang kabayong paulit-ulit na tatakbo para makamit ang panalo
Walang sawang lalahok sa kompetisyon hanggang mabaldado.
Ako'y isang ulupong na gagapangin ang bawat pagkakataon
Tutuklawin at lilingkisin ang sinumang maghahamon.

Ako'y asong-gala na lalaboy upang humagilap ng makakain
Kakaholan at aambahan ng pangil ang aagaw sa'king adhikain.
Ako'y pusang-kalyeng maliksing gagalaw at kikilos
Lalamunin at lulununin ang tinik ng aking bawat pagsubok.

Isa akong daga na may angking talino at bilis
Iiwasan ang kaguluhan ngunit lumalaban kung tinutugis.
Isa akong elepante na 'di kayang igupo ng problemang dumarating
Ipakikita kong ako'y dambuhalang makakamit ang bawat na mithiin.

Isa akong tigreng taglay ang matalim at matulis na mga pangil
Ito'y aking babala sa may pagnanais na pumigil at sumikil.
Isa akong matapang na leon na diyos ng sarili kong kagubatan
Handang lapain ang magtatangkang sumakop sa aking kaharian.

Isa akong langgam na magsisikap at mag-iipon sa tuwing may araw
Upang may maihain at makain kung sasapit ang panahon na maulan.
Isa akong magandang paruparo na may pakpak na makukulay
Sisimsim sa mabangong nektar ng bulaklak upang mabuhay.

Ako'y isang hayop na may makataong pag-aasal
Marunong mangarap, marunong gumalang, marunong magdasal.
Isa akong taong taglay ang karakter ng isang hayop
Marunong magsikap, marunong lumaban, 'wag lang maghirap at magdahop.

Friday, November 19, 2010

Usapang Aso


At dahil may batas tayo (Animal Welfare Act) na bawal ang kumatay ng aso marami ang nagdadalawang-isip na kumatay kay Bantay. Ang dahilan: ipinagbabawal sa mga Pinoy na kumain ng karne ng aso. Pero teka, bakit ba talaga ipinagbabawal ang pagkain nito?

a.dahil sa panganib na dala ng karne nito
b. proteksyon para sa tinagurian nating man’s best friend
c. pareho

Tama. C ang sagot. Dahil sa diumano'y taglay na rabies ng karne ng aso bawal tayo kumain nito at dahil nga “pet” at man’s best friend ito krimeng maituturing ang pagkatay rito. Lilinawin ko muna na ako ay part-time dog-lover (may dalawa akong Rottweiler at isang aspin) pero meat lover din naman. Sa lakas ng impluwensya ng media at sa medikal na aspeto diumano'y pwede ngang may taglay na rabies ang karne ng aso at marami ang naniniwala rito subalit noong panahon ng dekada 80 kung kailan mas marami ang kumakain ng karne ng aso wala akong nabalitaang namatay o nagkasakit dahil sa pagkain nito. Paano ba masasabing ligtas ang isang pagkain? Sigurado bang malinis ang lahat ng ating isinusubo?
Paano ba malalaman na may foot and mouth disease ang porkchop na binili mo?
Ang barbeque ba na nabibili natin sa kanto ay hindi “botcha”?
Wala bang swine virus ang lahat ng manok sa palengke?
Lahat ba na karne ng baka ay walang mad cow disease?
Mayroon pa bang formaline ang mga isda at pusit sa karinderya?
Hindi ba mapanganib ang labis na insecticide sa gulay?
Wala bang "magic sugar" ang masarap na sago't gulaman sa kalsada?

Ang aso ay hayop gayundin ang baka, kalabaw, baboy at manok. Kung pantay-pantay ang isinisigaw ng karamihan ipagbawal na rin natin ang pagkain ng baka, kalabaw, baboy at manok. Paanong ang pagkatay ng aso ay krimen pero ang pagkatay sa mga hayop na ito ay hindi? Habang karumal-dumal ang eksena nang pagsusuplete sa balat ng aso takam na takam naman tayo sa isang baboy na nakatusok sa kawayan; Mas kaawa-awa bang pagmasdan ang pag-iyak ng asong kakatayin kaysa ang atungal ng isang baka o baboy? Kung gayon ang katagang “life is unfair”ay hindi lang pala para sa mga tao applicable din ito sa mga hayop dahil ba sa baboy ay baboy ay walang problema kung ilang libo man ang katayin sa slaughterhouse;