Showing posts with label astig. Show all posts
Showing posts with label astig. Show all posts

Tuesday, May 8, 2012

BST & Co. (Barreto, Santiago Tulfo atbp.)

"Never do anything when you are in a temper, for you will do everything wrong"
- author unknown


Headline: Isang araw ng Mayo may isang beterano, batikan, walang takot, astig, matapang at umaapaw sa kumpiyansang journalista ang binugbog ng isang pumpon ng mga siga sa pamumuno ng isang dating sikat na komedyante action star na asawa ng dating sikat rin na madrama actress.
Mayo nga pala panahon ng mga piyesta, lahat ng uri ng tao ay nakipiyesta sa tsimis balitang ito; mayaman o mahirap, sikat o salat, press o depressed, estudyante o kick-out, propesyonal o tambay, lahat na…ay ito ang pinag-uusapan natabunan na naman ang malalaking isyu ng lipunan.  Napanatag na ba ang Panatag Shoal? May suspek na ba sa pinaslang na si Alfred Mendiola na witness sa Dominguez Carnapping Syndicate?

Panahon din ng Sagala kaya pala pumarada ang mga taong maangas, maiinit ang ulo at hindi alam ang depinisyon ng pasensya. Walang sinabi ang Reyna Elena sa laki ng ginawang kontrobersya.
Malapit na rin ang Tag-ulan kaya’t biglang bumuhos ang mga gulpihan na walang sinasanto kahit sino ang tamaan. Kahit isa lang ang biktima ay higit pa ang espasyong nakuha sa tuwing may nasasalanta ng bagyo.

Habang ang Pinas ay binu-bully ng dambuhalang Tsina heto ang isang balitang pumaimbulog sa lahat ng klase ng komunikasyon at impormasyon; nag-trending ika nga. Diyaryo, Radyo, Telebisyon (lokal at internasyonal), sa tindahan, sa parlor, sa kanto, Facebook, Twitter, opisina at ngayon paksa sa aking blog (sasawsaw na rin ako, bwahaha). Kung karamihan nga sa mga tsismis ay gawa-gawa lang ng mga artista ay pinag-tsitismisan pinag-uusapan lalo pa itong eskandalong kinasasangkutan ng malalaking tao na daig pa ang maliliit na tao ng lipunan, ng mga taong mga edukado pero daig pa ang walang pinag-aralan sa gawi at kilos, ng mga taong popular pero daig pa ang mga nalaos sa pinaggagawa-gawa na nais lang ay kontrobersiya, ng mga taong may sapat na pag-iisip pero higit pa sa sinto-sinto sa ipinakitang asal, ng mga taong may sapat na gulang pero mas masahol pa sa mga musmos ang ipinamalas na pag-uugali.
Ang tatapang nila! Isang senior citizen ang pinagtulungang gulpihin; lumilipad ang mga tadyak, braso, kamao at mga malulutong na mura! (Ba’t ‘di na lang sila nagsundalo at lumaban sa mga rebelde?) Ang pinag-ugatan: ‘di magandang serbisyo ng Cebu Pacific. Alam na natin na hindi maganda ang serbisyo ng airline na ito pero sapat na bang dahilan ito para mang-alipusta ng isang empleyada? May mababago ba kung ikaw ay magtatatalak na parang putang inagawan ng kliyente? Ipagpalagay na nating may pagkukulang ang panganay na Tulfo, dapat ba na ang bayad dito ay ang walang humpay na panununtok at paninipa? At kung hindi kaagad naawat ay ano pa kaya ang mas malalang nangyari? Paano kung sa ordinaryong taong tulad ko, mo o natin nangyari ang ganoong sitwasyon? At sino ba ang maituturing na biktima dito kung walang video? Isa pang nakakainis na isipin ay ang tila tuod na pagkilos ng airport security ganundin ang management ng paliparan. Bakit?
  •           Walang CCTV – mabuti pa ang mga maliliit na internet/computer shop may high definition na CCTV (tapos magrereklamo tayong napabilang ang NAIA sa world’s worst airport)
  •           Hilaw na aksyon ng NAIA management – nakita nang parang inutil ang mga security wala man lang ginawa at gagawing aksyon para mapabuti ang seguridad
  •          Walang opisyal na pahayag ang buong pamunuan ng NAIA patungkol sa insidente
  •          Walang koordinasyon sa mga otoridad at hinayaang ang buong Pilipinas ay manghula sa tunay na nangyari
  •          Matagal ng problema ang off-load luggage ng mga pasahero ng iba’t ibang airline pero walang ibinibigay na sapat na impormasyon ang mga pasahero sa kung anong nangyari sa bagahe
  •          Ang mahal ng Terminal Fee (konek?)
Sa kabilang banda, ang pangalang Tulfo ay synonymous na sa mga salitang Astig, Bastos, Matapang, Barumbado, Walang Takot at Kumakasa. Tila walang inuurungan ang mga Tulfo at lahat ay kanilang tinutuligsa basta't hindi niya gusto ang karakas ng ugali mo. Ngunit dumadating talaga ang pagkakataong mayroon kang makakatapat gaano ka pa kayaman, katapang at kaangas. Mainit na ang sitwasyon at lalong nagpainit ang "pagsalya" ni Mon Tulfo kay Claudine at pagbira umano kay Raymart. At nangyari na nga ang naganap. Nasaktan ang mama, mukhang binatilyong ginulpi ng mga siga sa kanto. Bagsak ang Pride. Windang ang mga Tulfos at nagbantang reresbak! Sa halip na kumalma na muna dahil nakasampa na ang kaso 'di nagpapigil at muling umulan ng maanghang na mura. Naghamon, nagbanta, nanakot. Astig talaga. Habang mainit pa ang isyu at walang nagpapakumbaba ay patuloy na magpapatutsadahan at mag-aakusahan ang magkabilang panig at tayo'y aliw na aliw sa pag-abang sa susunod na mangyayari parang teleseryeng laging aabanganan at susubaybayan. Walang dapat panigan dahil wala naman akong kaugnayan sa kanila, nais ko lang maipunto na hindi kailanman maitatama ang mali nang nagawa. Sana lang lumabas ang matatapang sa panahon ng digmaan; digmaan laban sa kahirapan, digmaan laban sa katiwalaan, digmaan laban sa abusado...sige na nga digmaan laban sa Tsina.

Ang tapang ay nararapat lang na nilulugar hindi ito ginagamit sa kung saan-saan lang lalo’t maglalagay ito sa pangalan mo sa isang alanganing sitwasyon. Pagkatapos ipakita ang tapang at kaastigan…ano na ang nangyari? Basag na mukha, basag na ego, basag na pangalan. Hindi na maibabalik pa ang nangyari kahit na anong gawin pero sana nagkaroon ito ng isang magandang aral sa magkabilang panig. Karagdagang pagtitimpi/pasensya sa panig ng mga Santiago at kaunting pagpapakumbaba at pagpapakita ng respeto sa damdamin ng ibang tao (ordinaryong tao man o hindi) kay Mon Tulfo. Minsan katapangan din ang umaatras sa isang laban.


Huwag magdesisyon kung mainit ang ulo magdadala ito sa kapahamakan; ilang tao na ba ang nakapatay, napatay, nakulong  o nawalan ng pamilya dahil nagpadala sa init ng ulo? Kung isa kang matapang na tao laging tatandaan na mayroon ding matapang na maaring higit sa tapang mo at kung mamalasin baka magbuwis ka ng buhay dahil mas nangibabaw ang init ng ulo at nakinig sa bulong ng ispiritung may buntot at sungay. Maari ding ipakita ang katapangan sa ibang paraan, hindi lang sa bugbugan.

Tuesday, December 14, 2010

The ASTIG compilation

Astig - pang-uri; pabalbal; astig binaligtad na salitang tigas. Tumutukoy ito sa mga tao o sitwasyon na may maangas o matikas na taglay o pag-uugali.

Karamihan sa mga pinoy ay ASTIG sa halos lahat ng bagay at sa kanyang pananaw sa buhay. Bawat indibidwal ay may angking kaastigan ang iba ay kanila nang nabatid ang iba naman ay kailangan pang linangin at tuklasin. Negatibo o positibo man ito sa ating mata isa lang ang sigurado: ang pagiging astig ay tatatak sa isip ng pangkaraniwang pilipino at ng iba pang dayuhan. Ano-ano o sino-sino ba sila? Ito ang aking pananaw.


paa ng manok - dahil ang pinoy ay astig kahit paa ng manok o bituka o dugo man 'yan walang problema basta may mailaman sa tiyan kaya ng pinoy isubo yan. Astig di ba?

kuliglig - Astig na maituturing ang kuliglig at ang driver nito. Nag-evolve ito mula sa liternal na bukid hanggang sa Andres Bukid at Divisoria tinatangkilik ito ng motorista. Ano ang astig dito? Marami. Exempted sa huli, sa traffic rules, maraming sakay at higit sa lahat umaalma sa astig din na pulis!


double parking - kahit masikip na kalsada, kahit makaabala sa iba basta makapag-park lang at maipakita ang kaastigan gagawin ng pinoy 'yan. wala namang sumisita eh bakit aayusin ang parada?

habal-habal - kung siya'y tawagin astig na maituturing. Sa'n ka ba naman nakakita ng sasakyang dalawa ang gulong pero higit pa sa laman ng kotse ang kayang isakay! 'Wag mo isipin ang disgrasya para hindi ka mamroblema.

kampana ng simbahan - ay nanggigising na ayon sa isang kanta pero pa'no ka na ngayon gigisingin kung ang kampana ay naakyat-bahay na? Hindi pa ba astig ang tawag kung pati kalembang ng simbahan ay kayang nakawin? na ang timbang ay halos simbigat na ng ordinaryong sasakyan.

pag-ihi - ay isang ordinaryong gawain lang pero kung gagawin mo 'to kung saan-saan kaastigan 'yan 'tol! bantog tayo sa gawaing ganyan kaya bilib sa'tin ang mga dayuhan.

basura kahit saan - tapos magrireklamo tayo kung bakit may baha? sa kalsada, sa overpass, sa lrt kahit sa'n mo maisip may basura ganyan kaastig ang pinoy. Sablay nga lang.

inuman at sugalan sa daan - isang kaastigan! normal na senaryo na lang ito sa mahal kong bayan. idagdag mo pa ang tong-its na pampasaya maya-maya sila-sila rin ang mag-aaway-away. Lupit.

basketbol sa kalsada – isang kaastigan. kahit pa maraming naabalang ibang tao o sasakyan sa paglalaro nito okay lang basta mapagbigyan ang mga mini-liga na ganito. wa’ko kers ika nga. kung si kap nga eh hindi rin ito pinakikialamanan sino ang maglalakas-loob na gibain yan?
iskwater - sa ilalim man 'yan ng tulay o gilid ng riles ay maituturing na kaastigan. sila ang halimbawa ng tunay na survivor kahit sa'n mo ilagay siguradong mabubuhay. yan ang tunay na astig. idagdag mo pa sa pagiging astig nila ang pagkakaroon ng average na limang anak bawat pamilya. may bago nga palang tawag ngayon sa kanila hindi na raw iskwater kundi informal settler. ano ang pinagkaiba? wala. ang alam ko lang astig sila.

tricycle - tulad ng baraha na may apat na hari kabilang na rin sa hari ng kalsada ang mga tricycle. meron nga silang rehistro at lisensya pero malala din paglabag nito sa trapiko. overloading. counter-flowing. reckless. disregarding. 'pag nakasagi o nakabundol: sila pa ang minsa'y galit. ano pa ini-expect mo? astig nga eh.

MMDA signage - malupit na ang babala hindi pa rin nababasa ganyan kaastig ang mga pinoy. ipipilit pa rin ang gusto nila kahit alam nang mali 'pag nabundol...syempre kasalanan pa rin ng mga driver. reckless imprudence resulting to homicide.

manhole na ninanakaw - gustuhin man ni mayor na pagandahin ang kalsada o lagyan ng magagandang ilaw ang poste o pinturahan ng bago ang mga pader magdadalawang isip siya. bakit? nanakawin ang manhole. babatuhin ang ilaw. vandalism sa pader. tapos isisisi sa gobyerno ang kalagayan nila. ilagay sa ayos ang kaastigan.

pulubing nagyoyosi - pulubi man ay may angking kaastigan nakukuha pang magyosi eh wala na ngang pambili ng kanin. nakakaawa na ganyan ang kanilang kalagayan pero hindi naman sila nililimusan para ipambili lang nila ng yosi. lintik kasi na slogan 'yan: come to where the flavor is.

barubal na jeepney - kung hindi ka pa naka-encounter nito hindi ka tunay na pinoy. isa pang astig ng kalsada: ang mga jeepney. requirements na yata sa pagiging jeepney driver ang magbaba at magsakay kahit saan nila maisipan, ang umandar sa pulang ilaw at huminto naman sa luntian. hindi mo sila pwedeng sawayin dahil lalong lalabas ang pagka-astig nila. ako? binabaril ko sila gamit ang aking daliring hintuturo. bang!

walang helmet - alam na ngang bawal pero ginagawa pa rin. tipikal na pinoy. ordinaryong motorista, pulis, enforcer na nakamotor pansinin mo marami sila. abangan mo bukas sa paborito kong 24 oras may naaksidente dahil sa motor kundi namatay, ay malubha. at pag nabuhay uulit pa 'yan. astig eh.

commemorative plates - para saan ba 'yan? siyempre para ipakita sa madla na astig sila at hindi sila pwedeng sitahin sa kalsada! tiklop ang buntot ng MMDA kung ito ang nakalagay sa kotse mo imbes na regular plate. klasikong halibawa ng "the law applies to all otherwise none at all" taliwas nga lang.

sidewalk vendor - isa ring kaastigan ang pagtitinda sa gilid ng kalsada kahit alam nilang halos wala ng madaanan ang mga tao wala rin silang pakialam ganun talaga kailangang may laman ang sikmura, kahit na kinukumpiska o sinusunog ang paninda nila tuloy pa rin sila sa pagtitinda. survival of the fittest rules.

videoke - ang larawang ito ay kuha sa isang liblib na lugar sa probinsya ibig sabihin kahit sa'n ka man mapunta ang pagbi-bidyoke ay laganap. ganyan ka-astig ang pinoy pagdating sa kantahan. konting okasyon videoke, kahit sa patay may videoke, kahit masikip na eskinita magsi-set up para maipwesto ang videoke. priceless moments.

GMA - wala ng aastig pa sa pagmumukhang ito at walang hindi nakakakilala dito. Astig ito sa pinakamataas na antas! Kung manlalaro lang ito ng ahedres dadaigin nito sa Eugene Torre o Wesley So at malamang isa na rin itong grandmaster sa galing niya mag-pwesto ng mga opisyal. Astig 'di ba? Sa'n ka ba naman nakahanap ng tao...pangulo na nasa pinakamataas na posisyon eh tumakbo pang congressman. ang touch move ay para lamang sa ahedres pero ibahin mo 'to 'tol she's untouchable! Kasariang babae pero ugali ng tunay na lalaki. ASTIG!