Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Friday, November 19, 2010
Usapang Aso
At dahil may batas tayo (Animal Welfare Act) na bawal ang kumatay ng aso marami ang nagdadalawang-isip na kumatay kay Bantay. Ang dahilan: ipinagbabawal sa mga Pinoy na kumain ng karne ng aso. Pero teka, bakit ba talaga ipinagbabawal ang pagkain nito?
a.dahil sa panganib na dala ng karne nito
b. proteksyon para sa tinagurian nating man’s best friend
c. pareho
Tama. C ang sagot. Dahil sa diumano'y taglay na rabies ng karne ng aso bawal tayo kumain nito at dahil nga “pet” at man’s best friend ito krimeng maituturing ang pagkatay rito. Lilinawin ko muna na ako ay part-time dog-lover (may dalawa akong Rottweiler at isang aspin) pero meat lover din naman. Sa lakas ng impluwensya ng media at sa medikal na aspeto diumano'y pwede ngang may taglay na rabies ang karne ng aso at marami ang naniniwala rito subalit noong panahon ng dekada 80 kung kailan mas marami ang kumakain ng karne ng aso wala akong nabalitaang namatay o nagkasakit dahil sa pagkain nito. Paano ba masasabing ligtas ang isang pagkain? Sigurado bang malinis ang lahat ng ating isinusubo?
Paano ba malalaman na may foot and mouth disease ang porkchop na binili mo?
Ang barbeque ba na nabibili natin sa kanto ay hindi “botcha”?
Wala bang swine virus ang lahat ng manok sa palengke?
Lahat ba na karne ng baka ay walang mad cow disease?
Mayroon pa bang formaline ang mga isda at pusit sa karinderya?
Hindi ba mapanganib ang labis na insecticide sa gulay?
Wala bang "magic sugar" ang masarap na sago't gulaman sa kalsada?
Ang aso ay hayop gayundin ang baka, kalabaw, baboy at manok. Kung pantay-pantay ang isinisigaw ng karamihan ipagbawal na rin natin ang pagkain ng baka, kalabaw, baboy at manok. Paanong ang pagkatay ng aso ay krimen pero ang pagkatay sa mga hayop na ito ay hindi? Habang karumal-dumal ang eksena nang pagsusuplete sa balat ng aso takam na takam naman tayo sa isang baboy na nakatusok sa kawayan; Mas kaawa-awa bang pagmasdan ang pag-iyak ng asong kakatayin kaysa ang atungal ng isang baka o baboy? Kung gayon ang katagang “life is unfair”ay hindi lang pala para sa mga tao applicable din ito sa mga hayop dahil ba sa baboy ay baboy ay walang problema kung ilang libo man ang katayin sa slaughterhouse;
Ang pagkatay o pagpatay sa anumang paraan ay hindi makatao ito ay pag-utas at pagkitil sa isang buhay! Kung nakakakita ka ng mga lasenggong namumulutan ng karne ng aso siguro’y nasa isip mong: “kadiri” pero tayo rin ay kadiri sa mata ng mga taong vegetarian na tanging gulay lang ang isinusubo. Hindi ako kumakain ng karne ng aso at hindi rin ako lantarang tumututol sa mga kumakain nito pero lalong hindi ako nanghihikayat na kumatay at kumain tayo nito; Ang pagkain ba ng karne ng aso ay katulad ng paggamit ng droga na sumisira sa kaisipan ng tao at maaaring makasira sa buhay ng iba? Ang pagtangkilik at pagkain ng karne ng aso ay isang tradisyon sa malalayong lugar sa probinsya at sa paniniwalang medisinal na taglay daw nito. Ang kadiri sa iyo ay hindi naman kadiri sa iba.
Kung may pangil ang batas gaya ng mga aso ipatupad ito nang mahigpit hindi upang maging ugat ng suhol subalit ang dapat sana’y nagpapatupad nito hayun at nakikipag-inuman at may pulutang maanghang na asosena.
Maaaring iba ang iyong pananaw at ito’y aking nirirespeto.
Proteksyon para kay Bantay – Taliwas sa mga balita sa radyo, dyaryo at telebisyon hindi ba mas mapanganib ang aso kaysa ibang hayop? Dahil wala pa kong nabalitaan na kinagat ng baboy, sinuwag ng baka o kalabaw, naospital dahil sa tuka ng manok kung mayroon man ito ay mga isolated cases lang. Muli kong sasabihin ang hayop ay hayop at kung animal cruelty ang pag-uusapan dapat ding ipagbawal ang sabong ng mga manok dahil sa napaka-obvious na dahilan, ang karera ng kabayo at ang nagpapasaya sa mga bata na dolphin show idagdag pa natin ang pagkakakulong ng mga hayop sa zoo. Dahil ba sa kumikita ang gobyerno ay okay lang na magpatayan ang mga manok, magpauto ang mga dolphin, ituring na preso ang hayop at patakbuhin ang mga pagal na kabayo dahil sa perang dahilan?
Hindi ko talaga lubos na maunawaan! Ang aso ay hayop pareho din ng manok, baboy at baka pero bawal ang kumain ng adobong aso samantalang sarap na sarap tayo sa mga putaheng: hotdog, lechon at crispy pata, fried chicken, afritada at tinola, Roasted beef, nilagang baka at beefsteak. Ginawa ba sila para kainin lang natin at ang aso ay para alagaan? Paano na ang mga asong pagala-gala sa kalsada na akmang hahabulin ka tuwing gabi, bakit walang nag-aaruga sa kanila? Kung gayon ang aso pala ay espesyal o VIP kagaya nang pagturing natin sa VIP ng lipunan: ang mga pulitiko.
Kung pinahahalaghan natin ang buhay ng mga aso, parang winawalang bahala naman natin ang karapatan na mabuhay ng iba pang mga hayop na ligal na ginagawang karne. Kung makakapag-alsa lang ang mga baboy, baka o manok malamang na makikita natin sila sa kalsada at hihingi ng pagkakapantay-pantay.
Pero bawal nga ang pagkain ng karne ng aso sundin natin ito dahil ito’y batas ipatupad ito hindi lang sa Maynila kundi pati sa Tarlac, Nueva Ecija, Baguio, Pampanga, Pangasinan at saan pa mang lugar sa Pilipinas.
Weird man sabihin kailangan nating tanggapin na ang batas ng aso este tao pala ay talagang may kinikilingan.
Ang gulo no? Maki-baka 'wag matakot!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment