




At dahil wala pang cable noon at mahina ang reception ng antenna sa aming bubungan kumuha ako ng tinidor, inilagay sa likod at inipit sa kabitan ng kable ng antenna."
Ang dekada 80 ang sa tingin ko ang pinakamakulay na dekada sa lahat ng larangan - musika, pelikula, programa, kasaysayan, pananamit, moda at teknolohiya. Datapwat mas mahuhusay ang mga teknolohiya at imbensyon sa kasalukuyang panahon na pumapatay naman sa napakaraming negosyo; sa panahon naman ng dekada 80 nagmula ang mga ideya nang makabagong gamit o kasangkapan at nagkaroon lamang ng mga inobasyon. Hindi maikakaila na kay sarap alalahanin at sariwain ang panahong ito ng ating kabataan (sa mga kaedad ko) kung nabuhay at may malay ka na noong panahong iyon ay makaka-relate ka sa blog na ito.
Dekada 80 kung kailan hindi gaanong komplikado ang buhay, hindi pa laganap ang kahirapan gayundin ang katiwalian. Paatras yata ang usad ng buhay ng Pinoy dahil sa halip na umunlad ay lalo pa tayong nalubog sa kahirapan. Ang piso noon ay mayroon pang halaga at ang palitan ng piso sa dolyar ay naglalaro lang sa P16 hanggang P18. Ang trapik ay hindi pa malala dahil wala pang pedicab, kuliglig o tricycle sa kalsada panaka-naka'y may makikita kang kalesa na bumibiyahe, asul na bus na kung tawagin ay Lovebus at syempre ang hari ng kalsada ang makulay na jeepney na Sarao ang tatak. Sa mga nakakaluwag sa buhay ang kotseng kung tawagin ay Box-type ang bumida at kung may kaanak ka naman na galing ng Saudi stainless na owner-type jeep ang inyong serbis. Walang ibang sikat na relo noon kundi ang Seiko 5 at acid wash kung tawagin ang mga maong na pantalon, nutribun ang peborit ng mga estudyante at slumbook & flames naman ang kanilang libangan sa loob ng klasrum. Naalala ko pa noon na ang pamasahe sa jeep papunta sa paaralan kong Lakandula ng elementarya at Torres naman ng sekondarya ay umabot lamang yata sa piso ang pinakamataas.