Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Wednesday, December 8, 2010
Ang komersyalismo ng Paskong Pinoy
Okay, so malapit na naman ang Christmas. Sa loob-loob ng marami ay umpisa na naman ang mga alalahanin sa regalo sa kung sino-sino, sa mga pamangkin, sa ka-officemates, sa kaibigan, sa mga pinsan, sa iyong tito at tita, sa mga kakilala, sa mga hindi kakilala, sa kaibigan at syempre sa mga inaanak. Ilan na nga ba sila? Ano na nga ulit ang mga pangalan nila? Sino na nga ang mga Mommy't Daddy nila? Inaanak ko ba talaga sya? Ilang taon na ba sila? Mataba ba sya o payat? Pera na lang ba o regalo?
Iyan ang mga katanungang nasa isip natin taon-taon na lang pero hindi pa rin matandaan ang mga kasagutan. Makakalimutin ba tayo o sadyang matigas talaga ang mga ulo natin? Bakit hindi na lang natin isulat sa isang papel ang listahan nila para bago mag-Christmas ay hindi tayo gahulin sa oras sa kakaisip sa ating mga katanungan. Pero after the occasion, malamang na may mga makakaligtaan at makakalimutan pa rin tayo.
Sale sa mall, sale sa Tiangge, Zero interest na mga appliances - mga pang-engganyo sa mga tao at pangkaraniwang senaryo tuwing Disyembre. Nakakalungkot man isipin at sabihin pero taon-taon ay parang nagiging komersyal na ang bawat pasko ng karamihan sa atin. Realidad na ito. Parang naoobliga na ang marami na mamili, magbigay, mag-aginaldo, magregalo na kung minsan ay hindi na bukal sa loob ng iilan. Kamakailan lang ay nanawagan ang simbahang katoliko sa pagiging komersyalismo ng Paskong Pilipino dahil tila nawawala ang totoong diwa ng Pasko: ang birthday ni Bro. Sa pagkakataong ito ay magkasundo kami ng simbahan hindi katulad sa isyu ng "contraceptives". Naiirita na ang simbahan dahil maraming mga bata ang hindi nakakaalam kung kaninong okasyon ang pasko; ang sabay-sabay nilang sagot: SANTA CLAUS! (syempre kasama ang mga reindeer nito) imbes na si Hesukristo. Santa Claus na produkto at imahinasyon lang ng Coca-cola at malayong-malayo sa totoong St. Nicholas na payat at palihim ang ginagawang pagtulong at pamimigay ng aginaldo.
Am i becoming a "Grinch"? KJ" na ba ako? Hindi naman. Hindi ako pastor para magsermon at lalong hindi ako guro para magturo, gusto ko lang i-point out ang naoobserbahan ko sa bawat paskong dumadaan sa'ting mga Pinoy.
Paano kung wala ka talagang maipambibili ng regalo? Paano kung wala ka talagang pera? At umaasa ka lang din sa magulang mo sa ngayon. Paano kung wala kang trabaho ngayon? Mangungutang ka ba para lang may maipangregalo ka? Maiintindihan ba nila ang kasalukuyan mong kalagayan? O panay kantyaw at pintas ang mababalitaan mo galing sa'yong supposed to be friends na iyong kumare o kumpare?
Paano naman kung may sapat ka lang na pera na pambili ng pagkain para sa pamilya mo? Paano kung may sapat ka lang na pera na panggastos para sa mga anak mo? Paano kung ang nareceived mong 13th month pay ay sapat lang na pambayad sa mga nauna mong utang? Paano kung wala kang labis na pera para sa okasyon na 'to? Gagamit ka ba ng credit card para lang walang masabi sa'yo ang mga nag-i-expect ng regalo na galing sa'yo? Na sa susunod na bill ng card mo ay siguradong ikasasakit ng ulo mo. Ano ang masasabi mo sa isang ninong na nagtago o sadyang umalis sa araw na ito para makaiwas? Masamang ninong na ba sila? Kagustuhan ba talaga nila yun? Maiintindihan mo ba sila?
Kahit na anong gawin mong pagtitipid o kahit na anong gawin mong paraan para hindi gumastos sa supposed to be "holy occasion" na 'to ay siguradong lagpas ka pa rin sa budget mo. Pero iba ang pinoy, may attitude tayo na "bahala na bukas" na para bang lagi tayong may inaasahan sa darating na bukas kahit na fixed lang naman ang salary natin.
Lagi na lang nating naririnig: "isang beses lang naman 'to sa loob ng isang taon" oo nga't tama na dapat itong sini-celebrate dahil birthday ito ni Bro pero marami na ang gumagamit ng dahilang ito para sa hindi magandang hangarin. Tama bang gumasta ng sobra-sobra para sa isang bonggang paghahanda? Tama bang ipangutang mo ang mga dapat mong ipangregalo sa kung sino-sino? Bakit ba dumarami ang mga aetas na humihingi ng pera sa kalsada ng kamaynilaan tuwing Disyembre, pa'no ba sila nakarating dito gayong ang layo ng pinanggalingan nila? Tuwing Disyembre lang din ba masipag ang ating mga friendly neighborhood basurero? Bakit sobrang manamantala ang mga taxi drivers sa ganitong okasyon? Bakit ba kinuha kang ninong/ninang ng isang mag-asawa sa anak nila gayong hindi mo naman sila personal na kakilala? Bakit ba may kumukuha ng sampu o higit pang pares ng ninong at ninang sa isang binyagan? Sadya bang friendly lang sila o may hidden agenda? Bakit ba madalas kuhaning ninong/ninang si mayor o congressman at iba pang may impluwensya? Bakit ba marami ang napi-pressure tuwing darating ang okasyon na 'to? Masakit na yata ako magsalita...pero alam ko tanong din yan ng karamihan hindi lang nila mai-voice out.
Ang pasko ay pagbibigayan alam ko 'yan at ng lahat ng mga Pilipino at hindi ko rin sinasabi na tayo'y maging maramot sa okasyong ito. Sabi nga sa isang patalastas: Kahit sino pwedeng magbigay ng tulong basta ang mahalaga bukal ito sa puso mo. Huwag lang sanang obligahin ng kung sino ang kanyang kapwa at ipamukha na ang kahulugan nito'y regalo, regalong materyal. Pansin mo ba ang pagtaas ng mga krimen sa kalye tuwing nalalapit ang kapaskuhan? Pang-i-snatch, shoplifting, holdap, pamemeke ng pera at marami pang modus. Lahat ng may gawa nito ay nalason ang isip ng komersyalismo; gagawin ang lahat para makapaghanda, makapagregalo, makasabay sa agos at demand ng pasko. Ang masama pa nito kung sila'y maaaktuhan at mahuhuli ang kanilang katwiran ay: "panghanda lang sana sa pasko" o "pambili lang sana ng bagong gamit sa pasko". Kalokohang mga katwiran! Nakalulungkot na sa banal na panahong ito ay nakasalalay na naman ang kasiyahan ng isang tao sa materyal na bagay. Sana kung ano lang ang kaya natin doon lang muna tayo sabi nga eh kung masikip ang kumot matutong mamaluktot. Pero alam ko rin na hindi na ito mababago dahil kung ano ang kinamulatan ng mga Pilipino ito na rin ang kakagisnan ng susunod na mga henerasyon. Tsk tsk.
It is better to give than to receive - it is indeed true! But if we're yet capable to give things especially material things to somebody, someone or some people...just tell the truth 'coz on the contrary honesty is the best policy. Words come and go don't be affected. Don't resort to things that will put you, your job and your life at risk that in the end regretting would be the least thing that you can do. Or instead of the desire to give happiness to your loved ones it might turn out to be tears and loneliness on their faces. Damn with the commercialism. Smile instead of smirking. Celebrate instead of spending. Work instead of begging. Pray instead of pleading.
Ganunpaman, nangangarap pa rin ako na sana dumating ang araw na hindi gamitin ang banal na okasyon na ito para sa personal na motibo at pansariling interes. Masarap at maligaya ang pagdiriwang ng okasyong ito kung magagawa lang natin itong simple, tahimik at taimitim. Kasama ang pamilya, pasasalamat sa nakalipas na taon, sa mga blessings, sa sick-free na miyembro ng family at syempre greetings para kay Bro.
Mapayapang Pasko sa ating lahat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment