Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Friday, December 3, 2010
Silip sa dekada 80
At dahil wala pang cable noon at mahina ang reception ng antenna sa aming bubungan kumuha ako ng tinidor, inilagay sa likod at inipit sa kabitan ng kable ng antenna."
Ang dekada 80 ang sa tingin ko ang pinakamakulay na dekada sa lahat ng larangan - musika, pelikula, programa, kasaysayan, pananamit, moda at teknolohiya. Datapwat mas mahuhusay ang mga teknolohiya at imbensyon sa kasalukuyang panahon na pumapatay naman sa napakaraming negosyo; sa panahon naman ng dekada 80 nagmula ang mga ideya nang makabagong gamit o kasangkapan at nagkaroon lamang ng mga inobasyon. Hindi maikakaila na kay sarap alalahanin at sariwain ang panahong ito ng ating kabataan (sa mga kaedad ko) kung nabuhay at may malay ka na noong panahong iyon ay makaka-relate ka sa blog na ito.
Dekada 80 kung kailan hindi gaanong komplikado ang buhay, hindi pa laganap ang kahirapan gayundin ang katiwalian. Paatras yata ang usad ng buhay ng Pinoy dahil sa halip na umunlad ay lalo pa tayong nalubog sa kahirapan. Ang piso noon ay mayroon pang halaga at ang palitan ng piso sa dolyar ay naglalaro lang sa P16 hanggang P18. Ang trapik ay hindi pa malala dahil wala pang pedicab, kuliglig o tricycle sa kalsada panaka-naka'y may makikita kang kalesa na bumibiyahe, asul na bus na kung tawagin ay Lovebus at syempre ang hari ng kalsada ang makulay na jeepney na Sarao ang tatak. Sa mga nakakaluwag sa buhay ang kotseng kung tawagin ay Box-type ang bumida at kung may kaanak ka naman na galing ng Saudi stainless na owner-type jeep ang inyong serbis. Walang ibang sikat na relo noon kundi ang Seiko 5 at acid wash kung tawagin ang mga maong na pantalon, nutribun ang peborit ng mga estudyante at slumbook & flames naman ang kanilang libangan sa loob ng klasrum. Naalala ko pa noon na ang pamasahe sa jeep papunta sa paaralan kong Lakandula ng elementarya at Torres naman ng sekondarya ay umabot lamang yata sa piso ang pinakamataas.
Sariwa pa sa isip ko na sa tuwing hihingi ako ng pera kay Inay noon ang bukambibig nya ay: "kung makahingi ka ng pera para kang may pinatago" o kaya naman ay " hindi pinupulot ang pera sa kalsada" pero madalas naman ay nabibigyan ako at sobrang saya ko dati kapag may matitirang piso o dalawang piso sa baon ko pagsapit ng Biyernes dahil Sabado kinabukasan ay masarap ang minindal ko: may tsitsirya at Sarsi Cola na ako. Siyempre hindi ko rin malilimutan ang mga patok na pagkain ng kabataan noon na nabibili sa tindahan sa may kanto at ang iba naman ay inilalako: Marie biskwit na bagamat pambata ay gustong-gusto naman namin, Bazooka Joe, pulang Lipps candy, Tarzan, Nougat, Judge at Bigboy bubblegum, Litson manok na tsitsirya, Kropek, "kulangot", Klim (binaligtad na milk), Rin-bee, Chizcurls, Nips, White Rabbit na pati balat ay kinakain, inilalakong lumpiang sariwa at pichie-pichie at sino ba ang makakalimot sa sampalok na alat-tamis ang lasa na nakabalot sa plastik na dilaw. Naalala ko rin noon na sa tuwing may bisita si Inay ay palaging skyflakes at coke solo ang inihahanda at ako naman ang uubos pag-alis ng bisita. Uso pa noon ang kapalit ng isang bote ay crispop na nakabilot sa dyaryo. Sikat noon ang mga imported na pagkain, tsokokate at damit sa Angeles na kung tawagin ay PX goods at luho nang maituturing ang pagkain ng isang piraso ng mansanas!
Bagama't napakabata ko pa noon para maging masugid na taga-hanga ng mga palabas sa TV, soap opera man ito o pelikula hindi ko naman makakalimutan ang mga palabas na laging kwentuhan ng aking kapit-bahay. Ang mga klasikong komedya na; John En Marsha, TODAS, Iskul Bukol, Champoy, Cafeteria Aroma, Bad Bananas at iba pa na hindi ko na maalala. Ang GMA 7 noon ay kilala sa pagpapalabas ng imported na serye; patok na patok sa kabataan ang Knight Rider tuwing Miyerkules at sa mga may edad naman ay ang mga The A-team, Mission Impossible, Blue Thunder, Love Boat, Charlie's Angel, Starsky & Hutch, Chips, That's Incredible at Tour of Duty. May black & white serye na Combat at Tarzan na sa panahong 'yon ay talaga namang hindi pinalalampas ng mga Pinoy. Sa aming mga kabataan ay walang makakalimot sa mga cartoon/superheroes nang panahong 'yon: Transformers, Superfriends (Justice League ngayon), Six Million Dollar Man, The Incredible Hulk, Wonder Woman, Bioman, Mazinger Z at syempre Voltes V. Nakatutok naman ang mga nanay sa mga dramang palabas na ginagaya pa rin ang tema hanggang ngayon. Walang tatalo noon sa "Mga batang Yagit" dahil sa husay ng mga batang nagsiganap dito idagdag pa natin ang Lovingly yours Helen, Coney Reyes on Camera, Napakasakit Kuya Eddie, Annaluna, Ula, Regal Shocker, Maricel Drama Specials, Flor de Luna at Annaliza. Baduy man ang tingin natin ngayon sa mga variety/game shows noon na: That's Entertainment, Germspesyal, Kuwarto o Kahon, VIP, Superstar, Loveliness, at The Sharon Cuneta Show, sikat naman ito dati. Noong panahon na wala pang cable ay inaabangan ng mga tatay ang "Sundays Big Event" sa channel 9, Wrestling at ang mga tagalog movie na Piling-piling Pelikula sa channel 13 dito ko napanood ang pellikula ng isang senador ngayon na hinati ang bala sa dalawa sa pamamagitan ng kutsilyo! Sino ba mag-aakala na muntik ng tibagin ng isang Randy Santiago ng Lunch Date ang Eat Bulaga? Na sa sobrang kasikatan nito ay pati limang pisong papel ay mukha ni Randy ang nakalarawan. Kasabayan ni Randy Santiago noon sa pagsikat sina; Dingdong Avanzado, Louie Heredia, Raymond Lauchencgo, Gino Padilla, Jamie Rivera, Lea Salonga, Apo Hiking Society, ang batang-batang The Dawn at iba pa. Kung may youtube lang noon makaka-ilang milyong hits kaya ang Menudo sa sobrang kasikatan? Ang pagtanggap sa PBA noon ng mga Fans ay malupit at nauuwi sa away kung may pipintas kay Jaworski at sa kanyang team na Ginebra. Sa dekada ring ito nagsimula ang sugal na ending.
Ang mga adik sa panahong ito ay hindi pa kilala ang "shabu", "heroine", "cocaine" o "ecstacy" kuntento na sila noon sa paglaklak ng flavored cough syrup; Corex-D o Colagen at susundutan ng damo habang magtitrip ng mga Slow Rock na mga tugtugin! Tulad ng mga kanta ng The Eagles, Scorpions o mga kantang katipo ng: Temple of the the King, Soldier of Fortune, Stairway to Heaven, etc. Ang kanilang mga suot ay halos pare-pareho lang na puting T-shirt, kurdoroy na pantalon at ang imortal na Chuck Taylor o puting tsinelas na Beach Walk (katumbas ng Havaiianas ngayon) na madalas nakawin 'pag pinapatuyo sa bubong.
Tumatak sa isipan ng mga Pinoy ang mga 80's Hollywood movies na: ET, Robocop, Indiana Jones, Crocodile Dundee, Conan the Barbarian, Flash Gordon, Starwars at ang hindi matapos-tapos na James Bond. Napakarami ding mga pelikulang pilipino noon ang nakikipagsabayan sa mga Hollywood Movies na madalas pa nga ay mas marami pa ang sa atin. May pagkakataon na may ipinalalabas na isa o dalawang pelikula ang Regal Films bukod pa ang iba na independyenteng prodyuser ang may gawa.Humanga ang lahat ng kumita ang pelikulang Bagets ni Aga Muhlach. Mga pelikula ni Maricel Soriano, Roderick Paulate, Tito, Vic & Joey, Romnick at Sheryl at hindi mabilang na mga artista. Sa mga pelikulang ito ginaya ang pananamit ng aking mga kaklase at ka-edaran; T-shirt na may padding, mga buhok ng babae na naka-spraynet at sa lalaki naman ay naka-gel na Dep, sapatos na magkaiba ang kulay o sintas with matching tsaleko, nakatiklop na manggas ng damit. Sobrang hanga ako noon sa mga naka-bag ng Khumbmela, mga naka-Sperry Topsiders, Haruta, high-cut na Reebok o Kaypee, Tretorn at ang hindi nalalaos na Nike lalo na nang lumabas ang Jordan 1. Ang magsuot ka noon ng Benetton at Esprit ay pag-uusapan dahil ang suot ng pangkaraniwan ay Puting T-Shirt na Hanes o Fruit of the Loom. Noon ay sobrang sikat na ng isang pamilya at animo'y simbolo ng karangyaan ang pagkakaroon ng telepono sa bahay, apat na patong na radio component o colored na telebisyon na mano-manol pa ang paglipat dahil ang pangkaraniwang telebisyon noon sa bawat pamilya ay ang kahoy na paa na o ang nakakahong kahoy na telebisyon. Wala pa noong computer o internet, CD player o burner kaya ang mga kabataan noon ay matiyagang naghihintay sa radyo na patugtugin ang mga paboritong kanta at niri-record sa blangkong "Maxell" na Cassette tape. At syempre dapat may songhits ka at excited na hahanapin at sasabayan ang tumutugtog na kanta nina Madonna, Michael Jackson, Cyndi Lauper, Robert Palmer, Spandau Ballet, Tears for Fears, The Cure, Miami Sound Machine, Culture Club at sobrang dami pang grupo na hindi matatapos kung ilalahad kong lahat o kaya naman ay ang mga kantang sikat na: Rico Mambo, Name Game, Sometimes Fantasy, Body Rock (theme ng mga breakdancer), Flashdance, Sweet Dreams, Gold, Shout, etc.
Naalala ko rin ang isa pang libangan noon ng mga Pinoy (kabilang na ako): ang pag-arkila ng komiks. (Sikat din noon ang Liwayway Magazine at imported na Playboy Magazine) Sino ba ang hindi makaka-alala sa Happy Komiks at kay 'Niknok" ng Funny Komiks? Ang sa iba naman ang kanilang paborito ay mga komiks na tulad ng: Wakasan, Lovelife, Tagalog Klasiks, Pilipino Komiks, Horror Komiks at iba pa na nakalimutan ko na. Pahirapan din ang mga research paper dahil wala namang "Google" noon kaya karamihan sa mga research/term paper ay Recto ang takbuhan at makalumang makinilya ang gamit. Sa paglipas pa ng ilang taon nadagdagan ang libangan ng mga bata (isama na rin natin ang matatanda) hindi lang piko, sipa, patintero, taguan-pung at tumbang-preso ang pinagkaka-abalahan dahil lumabas ang Betamax na ikinamangha ng marami na channel 3 ang set-up ng video (dahil wala pang youporn dati - marami naman ang maaarkilahan ng beta tapes na Rated X!) na agad din namang napalitan ng VHS. Sa panahon ding ito hindi pa liberal ang isip ng karamihan; ang impresyon sa'yo kung ikaw ay may tatoo ay kriminal, bastos na maituturing ang lumabas ang babeng sobrang iksi ng shorts at labas ang strap ng bra; bihira pa noon ang lalaking nakahikaw at hindi ka papapasukin sa loob ng Mall kung ikaw ay nakasando o naka-tsinelas lang. Noong panahon na hindi pa uso si Jollibee at Mcdo...Burger Machine ang paboritong tambayan ng estudyante. Bago ko makalimutan: inaarkila rin noon ang bisekleta ng per oras (mahal ba ang bisekleta dati?) Hindi pa sikat noon ang SM City kaya iilan lang ang pasyalan at destinasyon ng mga mahihilig sa shopping; Harrison Plaza, Greenhills, Cartimar Pasay at Recto, Farmer's Market, COD, Cash N Carry at ang may napakagandang tanawin sa tuwing magpapasko ang Ever Gotesco sa Monumento. Wala pa noong Star City o Enchanted Kingdom kaya tuwang-tuwa ako 'pag mayroong malapit na itinatayong Peryaan sa bakanteng lote tuwing may piyesta o magpa-pasko (pang-may pera kasi ang Fiesta Carnival sa Cubao). Ang katumbas ng CD/CD Player dati ay ang plaka at ang player nito na kung tawagin ay turntable, Home theater ngayon...ang uso naman dati ay boombox na radyo na bitbit-bitbit ng mga breakdancer sa kalsada, MP3 o iPod ngayon...dati naman Sony Walkman ang pangporma, PSP o Gameboy Advance ngayon...sa panahon naman ng 80's ay Game and Watch ang sobrang sikat na inaarkila ng per oras. PS3 o X-box ngayon...dati naman ay Nintendo Family Computer na may kakaibang kasiyahang ang nadadama tuwing naglalaro ng Super Mario, ang katumbas ng Karaoke o Jukebox dati ay ang Videoke ngayon na limang piso kada kanta, ang teknolohiya ng 3D animation ngayon ay parang katumbas lang ng viewmaster dati noong aking kabataan, ang mga on-line games sa computer ngayon ay parang hango lang sa video games dati sa Atari.
Sa pag-usad ng panahon at pag-unlad ng teknolohiya napakaraming mga negosyo ang naiwan at hindi nakasabay sa agos. Kung marami mang naidulot na bentahe sa kasalukuyan ang mga bagong imbensyon at inobasyon marami din naman ang nalugmok at hirap makabangon. Ang maliit na kinikita ng mga photographer at Fotome booth dati ay pinatay ng mga digital camera ngayon; ang industriya ng musika at pelikula ay pinatay ng laganap na pirated DVD, CD burner o internet downloads, ang negosyo ng telegrama na per letra ang bayad ay pinatay ng text message ng Celphone, ang baryang kinikita ng payphone o phonebooth ay pinatay ng napakababang rates ng mga Telecom giants, ang negosyo ng encyclopedia ay pinatay ng Google, Wikipedia at ng Encyclopedia CD, ang Printing/mimeographing business ay pinatay ng mga computer laser-jet printers.
Tama ang kasabihang: "Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan" pero hindi naman natin gustong mamuhay at matali sa nakaraan tama nang sariwain ang alaala dahil ito na lamang ang ating kayang gawin. Masasabi kong masuwerte ako dahil nabuhay ako sa panahong ito bagama't mahigit dalawampung taon na ang nakalipas hindi pa rin matatapos ang kwento ng aking kabataan sa dami nang alaalang inihatid sa'kin nito. Lahat tayo ay may kanya-kanya, sari-sarili at iba't-ibang istorya ng ating nakaraan pero mananatili sa isip natin ang panahong talaga namang tumatak sa mura nating isipan; bumabalik sa pagkabata at nakangiti sa mga masasayang alaala. Bahagi ng aking kabataan ang dekada otsenta at walang takot kong sasabihin na hindi ko ipagpapalit ang anumang uso o teknolohiya nang panahong iyon sa ngayon. Hindi ko ipagpapalit ang talino ni Michael Jackson kay Justin Bieber o ang husay ni Madonna sa pagsayaw sa isang Lady Gaga o ang napakagandang alaala ng Family Computer sa hightech na PS3 o ang malulupit na new wave music noon sa mga walang kwentang lyrics na mga RNB ngayon. Tamang-tama Biyernes ngayon, tara pakinggan natin sa 89.9FM ang sinasabi kong mga musika.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Wag niyo kalimutan si macgyver, seinfeld at air wolf.
ReplyDelete