
The greed for money is the root of all evil.
Money is like the sixth sense you can't make use of the other five without it.
Whoever said money can't buy happiness simply didn't know where to go shopping.
Money, if it does not bring you happiness, will at least help you be miserable in comfort.
Money is the barometer of the society's virtue.
Money, the root of all evil but solutions to (almost) all of the problems.
Mga quotes na may kinalaman sa pera, mga katotohanan pero pilit na iwinawaksi at ayaw harapin. As I've described on my previous blog entry, Money is on top of my list of overrated things. Gaya rin ng ibang mga bagay anumang sobra ay masama subalit sa pagkakataong ito parang halos lahat na yata ng tao ay naghahangad ng marami nito. Money makes the world go round and money changes everything sarkastikong mga pananaw pero may kurot nang katotohanan. Pera ang nagpapaikot sa mundo at malamang karamihan sa mga tao. Katulad mo marami rin ay naghahangad din nito nangangarap, nananaginip, na sa pagdating ng mailap na panahon mabili ang mga bagay na maglalagay ng ngiti sa ating mga labi, magpapakalma ng magugulong mga isipan, magpapaginhawa ng ating buhay at ng ating pamilya. Oo, hindi lang pera ang nagpapaligaya sa buhay ng tao pero siguro kung mayroon ka nito madali nang magawan ng paraan kung paano ka maging masaya. Nakakalungkot malaman na karamihan na sa tao ay nakadepende ang kasiyahan sa materyal na bagay at kapag sinabing materyal na bagay kakambal nito ay pera. Pera na napaka-powerful, napaka-influential at always in control sa lahat ng oras, sa lahat ng bagay. Sinasabing ang respeto ay hindi hinihingi kundi kusang ibinibigay sa isang tao pero kung wala ka namang pera sino ba ang rerespeto sa’yo? Magmumukha ka lang gusgusing pulubi sa kalsada pero ang hinahanap mong respeto ay hindi mo makukuha. Ilan na ba ang rumespeto sa taong grasa na humihingi ng marungis na barya? Sino ba ang nagbigay pansin sa mga paslit na kumakatok sa magagarang sasakyan? Bukod sa barya, awa lamang ang kaya nating ibigay sa kanila. Sino ba ang madalas kuhaning ninong sa binyag o kasal? Gustuhin man natin o hindi, sa realidad nang buhay ang sinomang may pera ay may kapangyarihan at ang respeto pilit man ito o hindi ay naibibigay sa taong mayroon nito.
Ang batas ay pantay-pantay at ito'y para sa lahat, mayaman ka man o mahirap subalit ikaw ba ay naniniwala dito? Ang sinumang may pera sa bansang ito ay madalas palagiang nangingibabaw sa batas. Parang mga asong uto-uto ang mga pulis na nagpapasilaw sa kinang ng pera, mga piskal, abogado at huwes na pikit-matang tinatanggap ang bulto ng salapi kapalit ng pagbaluktot ng batas. Ang hustisyang nararapat na para sa iyo ay napakahirap matagpuan 'pag ikaw ay salat sa pera nakakalungkot malaman pero totoo.
Napakaraming mga tanong na ang simpleng sagot ay pera. Simple na mailap at napakahirap makamit, simple na sa buong buhay ng tao ay dito nakasentro, simple na hindi naman pwedeng iwasan.
Ano ba ang dahilan kung bakit dumarami ang pulitikong "concerned" sa mamamayang Pilipino?
Bakit ba tayo iginapang sa pag-aaral ng ating mga magulang?
Ano ba ang naging ugat noong hostage crisis sa Luneta?
Pagkagahaman ba saan ang pamamaslang noon sa Maguindanao?
Bakit ba hindi kayang ipagamot ng karaniwang Pinoy sa matinong hospital ang mga mahal natin sa buhay?
Bakit nagreresulta sa kamatayan ang karaniwang Pilipino na may mga karamdaman?
Bakit ba dumarami ang palaboy sa kalye?
Bakit ba nadaragdagan ang iskwater sa gilid ng kalsada at ilalim ng tulay?
Bakit hindi masugpo ang katiwalian sa gobyerno?
Bakit ba hindi matigil ang jueteng sa Pilipinas?
Bakit ba palagi na lang may nanghoholdap at nangingidnap?
Bakit dumaraming mga magulang ang iniiwan ang mga anak para mag-ibang bayan?
Bakit ba kakaunti na lang ang matitinong mga pulis?
Ilang mag-asawa na ba ang naghiwalay dahil sa kawalan nito?
Ilang respeto at tiwala ng kapatid, kaibigan, at kahit pamilya na ba ang nasira dahil dito?
Ang kawalan ng pera ay parang katumbas ng kawalan ng dignidad sa isang materyosong mundong ating ginagalawan, nakapagpapababa din ito ng moral na minsan nagdudulot ito ng desperasyon at maaaring makagawa ng mga bagay na labag sa kalooban, sa batas at sa Diyos. Gugustuhin ba ng isang babae na magpakaputa na pinagpaparausan ng kung sino-sinong lalaki kung mayroon siyang pera? Nanaisin ba ng isang ina na magnakaw ng isang latang gatas kung may pambili siya nito? Isusugal ba ng isang ama ang kanyang buhay sa pagnanakaw para mapa-opera ang kanyang anak na malubha? Hindi ka ba maaantig kung makakita ka sa kalsada ng paslit na nanghihiningi ng barya sa dis-oras ng gabi? Hindi ka ba makakaramdam ng awa sa mga batang naghahagilap ng mapagkakakitaan sa umaalingasaw na basura? Sa kabilang banda, ang pagkakaroon (ng labis) nito ay nagdudulot sa tao ng kumpiyansa, labis na lakas ng loob, dignidad at mentalidad na hindi ka kayang apihin dahil sa ikaw ay may pera. Madalas nga sa pagkakaroon ng kumpiyansa ay nauuwi pa ito sa kayabangan at hindi namamalayan na isa na rin siya sa nag-aalipusta sa mga kapos naman sa pera.
Pera, kung sinoman ang nag-imbento nito ay nakabibilib higit pa ito sa kung ano pa mang imbensiyon ng teknolohiya dahil kung wala nito hindi makakamit ang bawat adhikain. Mas makinang pa ito sa nakasisilaw na araw, mas mahalimuyak pa ito sa pinakamabangong pabango, mas nakabibighani pa ito sa pinakamagandang babae at mas malakas pa ang epekto sa pinakamatinding gayuma. Ang tao ang nag-imbento sa pera kaya marapat lamang na ang tao ang nagpapaikot dito hindi ang kabaligtaran pero iyon ba ang nangyayari sa kasalukuyan? Hindi man literal na pinapaikot tayo ng pera subalit ito na ang nakalakhan ng bawat isa simula nang pagkabata; Kung may pera lang sana noon si nanay; Gaano kaya kasaya ang kabataan ko kung nagkaroon ako ng game and watch, rc cars at mightykid na sapatos? Lagi ko sanang naaalala ngayon ang cake at ice cream sa tuwing birthday ko, Anong antas kaya ng kasiyahan ang nadama ko kung may pambili kami ng Nike o Tretorn noong nag-aaral ako ng Highschool? Naipamana pa sana sa akin at hindi nailit ang ibang mga alahas ni Itay kung may pangmatrikula ako sa kolehiyo. Hanggang sa kasalukuyang mga gusto at pangarap natin na Laptop, DSLR Camera, I-phone, malupit na mga shoes at bags, bakasyon sa Palawan, Tokyo o Paris. Ang sarap siguro ng pakiramdam kung hindi ka nag-aalala sa mga dumarating na bill ng kuryente, cable, credit card at iba pa. Makamit, maranasan o mapag-ipunan mo man ang ilan sa mga ito, kinabukasan babangon ka ulit para magtrabaho at kumita ng pera para naman sa ibang gusto at pangangailangan dahil ang tao naman ay wala ring kakuntentuhan. Hindi lang pinapaikot ng pera ang kamalayan ng tao idagdag mo pa ang pagiging alipin ng karamihan ng tao sa makapangyarihan at malabato-balaning hatid at dulot ng pera. Hindi na alintana ang anumang negatibong resulta masustini lang ang pangangailangan, hindi na iniisip ang masamang dulot ng pangyayari at may mga tuluyan nang nalason ang pag-iisip dahil sa pagiging gahaman at sakim. Higit sa 60% ng ating buhay ay inilalaan natin sa hanap-buhay o trabaho, hindi pa sumisikat ang araw ay bumabangon na tayo para kumayod kung hindi pera ang dahilan dito ay ano? Baka nga mahina na ang tuhod natin o lugas na ang ating buhok ay naghahanap pa rin tayo ng mapagkakakitaan. Pagod ka na ba? Huwag muna dahil may pasok ka pa bukas at kailangan mo pang kumita.
Ilang okasyon na ba ang hindi mo napuntahan dahil ikaw ay may pasok sa trabaho?
Saan ka ba makakarating kung hawak mong pera ay 'sandaang piso?
Sapat na bang magpadala ka lang ng pera sa kaarawan ng iyong anak?
Kaya mo bang laging lumiban sa trabaho para dumalo sa mga pagdiriwang?
Ano ba ang uunahin mong bilhin, bigas o medisina?
Naisip mo ba kung pagkasyahin ang 200 piso kinita sa maghapon sa lahat ng gastusin?
Hindi ka ba mapapaluha kung hindi mo kayang tulungan ang isang mahal sa buhay dahil ikaw ay kapos rin?
Sino ba ang tutulong sa'yo kung ikaw naman ang nangangailangan?
Kaya mo na bang unawain ngayon ang isang holdaper na katulad mo'y desperado na din sa pera?
Ilang araw at gabi ba ang tiniis mo para sa kapakanan at kinabukasan ng iyong anak at para may ihain sa hapag-kainan?
Sa pag-ibig daw ay pantay-pantay ang mahirap at mayaman, totoo kaya ito? Makakapagpa-ibig ka ba kung ikaw ay hikahos sa pera? Alipusta lang ang aabutin mo sa magulang na iyong nililigawan magiging para ka lang busabos sa kanila na parang isang napakalaking kasalanan ang pagiging mahirap mo. Damit, pagkain at tirahan ating mga pangunahing pangangailangan masyadong madami e kung gawin na lang nating isa: Pera. Tutal yun din naman ang kailangan para ma-fulfill ang ating basic needs ganun din ang iba pang mga pangangailangan.
Ang kalusugan ay kayamanan pero paano ba mapapanatii ang kalusugan? Libre ba ang gulay, karne, isda, gamot at bitamina?
Ang edukasyon ay isa ring kayamanan ngunit ano ba ang katumbas ng edukasyon? Hindi lahat ng tao ay may eksepsyonal na talino at kayang makapag-aral ng libre dahil sa taglay nitong angat na talino, ang edukasyon ay hindi libre at pera ang kailangan para makapagtapos ng matinong pag-aaral. Paano na lamang ang iyong pangarap na magandang bahay at modelong sasakyan kung hindi ka nakapag-aral? Lahat na yata ng kilos natin ay nag-uugat at nangangailangan ng pera? Sana nga'y mali ako subalit mali nga ba ako?
Magmula pagsilang hanggang kamatayan, magmula unang kaarawan hanggang sa libingan pera ang iyong kailangan. Magkano ba ang iyong kailangan para ipambayad sa isang nanganak sa ospital lalo na't caesarian? Hindi mo ba pinag-ipunan ang unang kaarawan ng iyong anak? Magkano ba ang gagastusin sa pagkakasakit, sa simpleng ataul at sa pagpapalibing?
Ang mentalidad na ang mayayaman ay matapobre at ang mahihirap ay snatcher ay hindi totoo kathang-isip lamang ito ng mga manunulat ng mga pelikula, komiks at teleserye. Hindi lahat ng mayaman ay mang-aapi at hindi lahat ng mahirap ay hindi marangal ang hanapbuhay kadalasan nga ay ang kabaligtaran pa ang nangyayari. Pero naniniwala pa rin ako na kailanman hindi pwedeng gamiting dahilan o katarungan ang kahirapan para gumawa ng kasamaan at kamalian alam kong hindi madali pero sa tingin ko'y ito ang tama. Bagaman, napakahirap kumita ng pera at mabibigat ang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay hindi pa rin ito sapat para gumawa ng isang bagay na ating pagsisihan kung hindi man dito sa kasalukuyang buhay malamang sa kabilang dimensyon ng ating buhay kung ikaw'y naniniwala sa buhay pagkatapos ng mortal na buhay sa makasalanan at puno ng temptasyon na lupa. Maaaring hindi natin alam ang solusyon sa ibang mga problema, maaaring hirap ka na magdesisyon at lito na ang iyong isip sa kaiisip kung saan maghahagilap ng kaparaanan, maaaring ginawa mo na ang lahat ng nalalaman mong paraan, hindi pa man ito sapat ay wala ka nang magagawa. Hindi natin kontrol ang lahat ng bagay, hindi mo man alam ang dahilan sa ngayon baka sa susunod na panahon maintindihan mo ito. Huwag nating tularan ang iba na ganid sa pera siguro nga'y tama na: ang pagiging sakim sa pera ay ugat ng kasamaan. pero ano ba ang kinalamanan ng pera sa pag-gawa ng kasamaan ng tao? Ang bawat desisyon ay nakasalalay sa tao huwag isisi sa pera, sa kung kanino man o sa kung saang bagay man. Ang pag-gawa ng mabuti o masama ay "by-choice" hindi sapat sabihin na sumama ang ugali ng isang tao dahil sa siya'y yumaman maraming mga nakaririwasa sa buhay ang may magandang ugali. Huwag din isisi sa iba ang kinahinatnan ng buhay mo wala silang kinalaman sa katayuan mo ngayon. Ang pera'y mabuti kung gagamitin sa mabuti. Ang pera'y masama kung gagamitin sa masama.
Paunawa: Ang blog na inyong nabasa ay tumatalakay lamang sa relasyon nang tao sa pera at nang pera sa tao kung gaano kahalaga, kahali-halina at kaimpluwensya, sa buhay ng isang tao ang pera. Ang epekto, dahilan at sanhi nito ay inugat din para sa kaalaman ng lahat. Ang pananampalataya at paniniwala sa Diyos, obligasyon at responsibilidad sa kapwa ang tunay na mahalaga sa kahit ano pa mang bagay dito sa mundo hindi na ito nilawakan dahil ang konsentrasyon ng may akda ay tungkol lamang sa pera, pera, pera.
No comments:
Post a Comment