Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Showing posts with label tanong. Show all posts
Showing posts with label tanong. Show all posts
Thursday, March 6, 2014
Tanong
Dahil ang tao ay maraming katanungan.
Dahil maraming walang sagot sa maraming katanungan.
At dahil ang buhay ay isang malaking tanong.
Minsan ipinipikit natin ang ating mga mata hindi upang ipahinga ito o para itulog ang ating pagod nang katawan kundi para kalimutan panandali ang dinaranas na walang patid na suliranin at problema, ninanamnam ang pait at sakit na nadarama dulot ng biro ng tadhana.
Pigilan mo mang pumatak at dumaloy ang mga luha sa mugto mong mata ay hindi mo ito kayang labanan.
Sugatan ka na'y hindi ka pa rin lubayan ng walang humpay na dagok ng buhay.
Sugat na mas masakit pa sa punyal na itinarak sa iyong laman.
Pilitin mo mang iwaksi ang kalungkutan sa pamamagitan ng tawa, ngiti o anumang pagkukunwari hindi pa rin maitatago ang bigat na nadarama. Marami ng mga tanong ang naglalaro sa'yong ligaw na isipan, mga tanong na walang katapusan at walang tiyak na kasagutan. Naisin mo mang sumigaw o tumakas sa trahedya hindi mo na ito magawa para kang isang presong nakabilanggo at ang nanlilimahid na mga kamay ay may posas.
Ginawa mo na ang lahat ng naisip mong paraan pero lahat ng ito'y walang silbi. Walang gamit. Para itong tubig na nasa iyong palad na nakikita mo nga subalit hindi mahawakan.
Kahit na alam mong walang solusyon sa pagtingin sa kawalan ngunit ginagawa mo pa rin ito, anumang pakunswelo o pampalakas ng loob galing sa ilang kaibigan ay hindi pa rin maibsan ang nadarama.
Hindi na nga maibabalik pa ang panahon at oras, pero ano ba ang silbi nito kung maibalik mo man ito?
Saan na nga ba ako patungo?
Ano pa ba ang dapat kong gawin?
Kailan matatapos ang ganitong pasakit?
Bakit kailangan pa itong danasin?
Sadya bang ako'y makasalanan para anihin ko ang ganitong uri ng bunga?
Kabayaran ko ba ito sa mga nagawa kong pagkakamali?
Ang sinasabing liwanag sa kabila ng dilim ay hindi mo masilayan, ang sikat ng araw na iyong hinahanap ay hindi pa rin sumisilay, ang bahaghari pagkatapos ng ulan ay isa lamang bang kathang-isip?
Lahat ng iyong nakikita ay kadiliman, nakakasawa na, desperado na ang iyong isip sa paghanap at pagtugis ng solusyon. Naiisip mo na para kang isang taong dagliang nawalan ng hininga, walang buhay at walang pakinabang na hindi ikaw ang iniiyakan kundi ikaw ang tumatangis, naghihintay nang suwerte, biyaya, tulong, himala sa kung kanino.
Alam mong bahagi ng buhay ng tao ang masugatan, magkaroon ng suliranin, ang mabigo, makaranas ng kalungkutan, pero sino ba ang gustong masanay sa ganitong negatibong aspekto ng buhay?
Hindi ito maiiwasan ninuman para itong alon na humahampas sa bato ng dalampasigan.
Walang pusong-bato sa delubyo ng buhay.
Walang maton sa hamon ng tadhana.
Walang matipuno ang hindi napapagod.
Walang matalino sa komplikadong sitwasyon.
Walang bakal ang hindi matutunaw.
Walang matatag na hindi nagugupo.
Ilang beses ba tayo dapat na malunod para malaman nating tayo'y nananatili pa rin sa dagat?
Ilang beses ba tayo dapat na masugatan para malaman nating tayo'y hindi pa pala manhid?
Ilang beses ba tayo dapat na madapa para malaman nating tayo'y nasasaktan pa rin?
Ilang beses ba tayo dapat na mamulat sa ingay at gulo para malaman nating tayo'y wala palang katahimikan?
Ilang beses ba tayo dapat na bangungutin para malaman nating hindi pa pala tayo makagising?
Ilang beses ba tayo dapat mamatay para malaman ang kahalagahan at kahulugan ng buhay?
Ang mga dating nagdudulot sa'yo ng saya ngayon ay nag-aayuda sa dinaranas mong lungkot, ang musika na dati mong kaibigan ngayon ay gumagatong sa pagtulo ng iyong luha, ang alaala na noon ay nagpapangiti sa iyo, ngayon ay dumadagdag sa pagiging desperado mo.
Naisip mo na baka mas masayang mabuhay ng mag-isa kaysa mabuhay na may lungkot at trahedya kasama ang mahal mo sa buhay.
Naisip mo na ba mas mabuting habangbuhay nakapinid ang 'yong mga mata kaysa masaksihan ang bawat pagdurusa?
Naisip mo na ba mas mabuting wala kang pandinig para hindi mo maringgan ang nakakatulilig na mga daing at hinanakit?
Naisip mo na ba mas mabuting habang-buhay kang paslit para hindi mo naramdaman ang lupit ng tadhana?
Nasaan na ang inaasahan mong dadamay sa'yo sa ganitong kalagayan? Abala rin ba sila sa pakikipaglaban o gusto lang nila'y puro kasiyahan?
Nasaan na ang mga tapat mong kaibigan? Marami ba silang mahalagang gawain kaya ikaw ngayon ay hindi naalala?
Nasaan na ang dinamayan at natulungan mo noong sila'y nangailangan? Hindi pa ba sila handa para ikaw naman ang damayan?
Nasaan na ang noo'y palalo na mag-aabot ng kalinga sa ganitong sitwasyon? Huwag mo ng itanong sapagkat abala pa rin siya sa pagiging palalo...
Maging ang sarili mo'y hindi mo na pinagkakatiwalaan dahil ang iyong isip ay may ulap ng kalituhan, hindi mo na kayang ipagbukod ang tama sa kamalian. Ang tangi na lamang nalalabi na dapat pagkatiwalaan at asahan, bakit kung kailan lang tayo nagigipit saka lang natin Siya naaalala?
Thursday, October 13, 2011
Ba't Ganun?

Marami na ang nagtatanong gusto ko ring lumahok, may mga tanong din akong gustong ibahagi.Mga tanong na maaring walang sagot sa kadahilanang ayaw hanapan ng kasagutan, mga tanong na hindi sinasagot dahil ayaw lang makialam, mga tanong na may kasagutan pero ayaw lang solusyunan, mga tanong na minsan hinahayaan lang nating maging tanong habang-buhay at minsan namang nakatiwangwang.
Kung hindi ka man makibahagi sa kasagutan sana'y 'wag ka namang maging bahagi ng tanong.
Mga iba't-ibang tanong na naipon sa malikot na isipan; tanong na may biruan, may kababawan, may kagaguhan, may tanga-tangahan, may katuwaan, may kalungkutan, may pangungulit lang, may pagsarkastiko pero ang lahat ay may kurot ng katotohanan. Ba't Ganun?
~ Ba't marami ang sumasali sa mga patimpalak o paligsahan pero hindi naman pala umaasang manalo?
~ Bakit 'pag bata pa nagmamadaling tumanda pero 'pag tumanda na gusto naman bumalik sa pagkabata?
~ Bakit ang "food supplement" umano'y hindi gamot 'pag in-advertise pero ang epekto naman ay nakakagamot?
~ Bakit marami ang nag-aadvance ng kani-kanilang orasan pero ang palagi namang resulta ay late sa pupuntahan?
~ Bakit 'pag kayumanggi ang kulay ng isang tao gusto nitong pumuti pero ang likas na mapuputi gusto namang maging kayumanggi?
~ Ba't 'pag tumataas ang presyo ng langis marami ang nagrereklamo pero 'pag bumaba naman ito may nagrereklamo pa rin?
~ Bakit 'pag ikaw ang bibili ng alahas mahal ang halaga nito pero 'pag ibebenta o isasangla mo na ito mababa naman ang halaga?
~ Ba't 'pag may nagsusulat tungkol sa kalagayan ng bayan may negatibong komento pero 'pag positibo naman ang isinusulat may negatibong komento pa rin?
~ Bakit 'pag may nangyayaring krimen may panawagan para sa paglantad saksi pero 'pag may lumantad ng saksi itinatanong dito "ba't ngayon lang siya lumantad"?
~ Ba't ang isang taong may kalusugan 'pag inihabla at nahaharap sa sa maraming kaso at krimen bigla na lang nagkakaroon ng malubhang karamdaman?
~ Bakit ang media kahit nakikita nang umiiyak ang isang kaanak ng namatayang biktima tinatanong pa rin: "Anong nararamdaman mo ngayon"?
~ Ba't madalas sabihin ng mga pulis sa suspek na sa presinto na lang siya magpaliwanag pero 'pag nasa presinto na hindi naman pinakikinggan ang paliwanag?
~ Bakit marami ang nag-aaklas at walang sawang sumisigaw ng "Ibagsak" pero wala naman yata silang gustong itayo?
~ Bakit kahit anong sensesyonal at kontrobersyal na isyu ay pinag-uusapan sa senado "for aid of legislation" kuno, pero wala naman yatang batas na pinapasa kaugnay nito?
~ Bakit 'pag buhay pa ang isang mahal sa buhay hindi man lang mabulungan ito ng "mahal kita" pero 'pag namatay na ito saka naman isisigaw na "sobrang mahal kita hindi ko lang nasabi sa'yo"?
~ Bakit ang pribadong motorista 'pag nakalabag sa batas-trapiko agad na "hinuhuli" ng enforcer pero 'pag jeepney driver hindi man lang pinapansin ito?
~ Bakit ang jeepney driver madalas na humihinto 'pag berde ang ilaw ng trapiko pero umaandar naman ito kahit pula pa ang naka-ilaw?
~ Bakit kung sino pa ang sumisigaw at naghahanap ng kapayapaan ay siya naman itong may hawak na malalakas na armas pero ang mga ayaw sa kapayaan takot at namang lumantad at ayaw ipagsigawan ito?
~ Bakit kung sino pa ang "whistle blower" na handang magsiwalat ng totoo siya pa ang lumalabas na nagtaksil sa bayan pero ang alam nating taong may kasalanan hindi man lang mapatunayan at patuloy na ginagawang tanga ang bayan?
~ Bakit kung kalian punong-puno na ang tubig ng isang dam saka lamang ito magpapakawala ng tubig pero sa panahon ng tag-init ayaw magpakawala kahit na kaunti?
~ Bakit ang mga pulitkong ayaw nating manalo ang madalas na nananalo sa eleksyon pero ang mga pulitkong mukha namang matino 'yun ang laging talunan?
~ Bakit ang taong may edad na singkwenta sinasabihan nang "matanda na" pero 'pag namatay ng ganun ding edad sinasabi namang "ang bata pa"?
~ Bakit 'pag laban ni Manny Pacquiao sa Amerika maraming pulitiko ang sinasadya pa ito pero 'pag panahon ng sakuna o malalang tag-baha halos wala man lang nagpupunta?
~ Bakit ang Pilipinas na naturingang agrikulturang bansa ay suki sa pag-angkat ng mga bigas pero ang bansang Hapon na hindi naman bantog na agrikulturang bansa ay may napakagandang bigas at nakukuha pang mag-export nito?
~ Bakit ang sinasabing pinakamasarap na mangga sa buong mundo na galing sa 'Pinas ay natikman na ng iba't-ibang lahi sa mundo pero hindi naman ito nalalasap ng isang ordinaryong Pinoy?
~ Bakit ang isang salarin sa isang masaker o krimen ay madalas na walang pabuyang nakataya pero ang isang taong nagmaltrato sa sa hayop ay kagyat na may pabuyang daang-libong piso?
~ Bakit ang small time na holdaper ay agad na hinahatulan ng kamatayan (salvage) pero ang mga kawatang nakapwesto hindi man lang masampahan ng kaso?
~ Bakit 'pag mahirap ang nakagawa ng krimen sa mayaman madaling maresolba pero 'pag mayayaman ang isa sa may kinalaman sa trahedya (Ozone tragedy, Ultra Stampede) kahit daang bilang ang namatay tila hindi umuusad ang demanda?
Sa totoo, alam naman natin ang kasagutan sa mga tanong na 'yan; naglalaro lang ito sa katamaran, katiwalian, diskriminasyon, kahirapan, pagwawalang-bahala, kayabangan, pagmamaang-maangan, pagiging ganid at iba pang negatibong rason. Pa-ignorante lang natin itinatanong at sa sarkastikong paraan baka sakaling may magising at matauhan at itama ang kamalian pero sa tingin ko mukhang malabo baka nga lalo pang madadagdagan ang mga tanong na 'yan dahil hindi naman natin binibigyan ng malinaw na kasagutan. Sige, pagkatuwaan na lang natin.
Teka may pahabol ako: "Bakit marami ang sobrang concern at may malasakit sa kalagayan ng Pilipinas at buong handa raw paunlarin ito pero hanggang ngayon lugmok pa rin tayo sa kahirapan? Ba't Ganun?
Labels:
diskriminasyon,
kakulitan,
katamaran,
katangahan,
tanong
Subscribe to:
Posts (Atom)