Mula sa malalim na pagtulog
ay napamulagat at kumaripas ng bangon si Congressman Revillame. Nilibot ng
kanyang mga mata ang lugar. Makipot ito at may kadiliman. Hindi pamilyar sa
kanya.
Nagsisilibing liwanag ng
paligid ay ang malamlam na apoy ng sulo na nakapalamuti sa mga sulok. Mula sa
'di tiyak na pinanggalingan ay may nauulinigan siyang sari-saring mga tinig na
umaalingawngaw, na bumabasag sa katahimikan ng kapaligiran; tinig ng mga dumadaing,
nakikiusap, umiiyak, nagsusumamo, natatakot, humihiyaw. Kung susumahin at
ilalarawan sa isang salita ang kanyang naririnig na tinig masasabing ang mga
ito'y NAGDURUSA.
Kinalakhan na ng kongresista
ang pagiging matikas, matapang at maging astig sa mundong kanyang kinabilangan
ngunit ngayon'y tila kinakabahan siya ng husto. Kakaiba ang kanyang
nararamdaman. Labis ang kanyang pangamba bagamat walang tibok ang kanyang puso.
Pagkahilakbot ang katumbas ng mga nagsusumamong tinig na nagmumula sa kung
saan. Ang bawat daing nila ay nakakakilabot, sumusuot ito sa diwa at isip nang
bawat nakaririnig nito na kahit iwaksi ay pilit pa ring tutugisin at gagapiin
ang lahat ng natitirang tapang mo sa katawan.
"Tao po!" sinubukan niyang sumigaw nagbabakaling may makarinig sa kanya ngunit
bumalik lamang sa hangin ang salitang kanyang binitiwan. Sa lakas ng kanyang
boses imposibleng walang makarinig dito, sa kanyang isip.
Nagpatuloy siya sa paglakad
ngunit kalaunan napansin niyang tila siya'y 'di lumalayo sa ilang na lugar na
ito. Datapwat naririnig pa rin niya ang mga nagdurusang tinig saan man siya
mapadpad hindi naman niya ito matiyak at matunton.
Ilang oras pa ang lumipas,
nababalot na ng lubos na pagkatakot ang Congressman. Hindi na niya batid kung
ano ang susunod niyang hakbang at gagawin. Labis ang kanyang pagtangis ngunit
walang luhang lumalabas sa kanyang mata. Hinahanap niya ang kalsadang patungo
sa kanyang tahanan, ang kanyang pamilya, ngunit tinatanong niya rin ang kanyang
sarili kung 'paano?'
Pakiramdam niya'y siya na
lang ang nag-iisang tao sa daigdig na ito.
Napasalampak siya sa lapag,
senyales ng kawalan ng pag-asa. Said ang kanyang luha ngunit hindi ang kanyang
takot bagkus lalo pa itong nadagdagan. Hindi siya sanay sa ganito, sa tila
miserableng lugar na kanya ngayong kinasadlakan. Sanay siya sa marangyang
buhay; magagarang mga bahay, maraming pagkain, maraming pera, maraming
kaibigan, magagandang mga lugar, maliliwanag na mga ilaw at may kapangyarihang
utusan ang kung sinuman.
Lubos na kabaligtaran sa
lugar kung saan siya ngayon naroroon.
Pilit niyang inaalala ang
huling pangyayaring naganap sa kanya.
"Ah, nasa kwarto ako nang barilin ako ng pobreng hired
killer!",
naalala na niya.
"Hindi maari! Isa lang itong panaginip! Hindi maaring ito ay
impiyerno. Hindi ako nararapat dito!"
"Ang mga katulad mo ang kailangan ko dito!" nanggaling sa kanyang
likuran ang may kalakihang boses. Boses ng lalaki. Datapwat may bahid ng takot
at sindak, dahan-dahan niyang nilingon
ang pinanggalingan ng tinig. Hinanda niya ang kanyang sarili sa kanyang
anumang makikita. Kailangan niya itong makausap, kailangang may makatugon sa
kanyang mga katanungan, kailangang may makapagpaliwanag sa kanya kung bakit
siya naroroon.
Taliwas sa kanyang inaasahan
ang kanyang namalas.
Ang lalaking kanyang nasa
harapan ay may magandang mukha, makinis ang morenong kutis, mapungay ang
katamtamang laki ng mga mata, maliit ang mapulang labi, matangos na ilong, sa
tantiya niya'y matangkad ito sa kanya ng mga pitong pulgada, may perpektong
pangangatawan at katamtaman ang haba ng buhok. Kung pagmamasdan mo ang lalaki
para lang itong obra-maestrang imahinasyong iginuhit ng isang mahusay na
artist.
"Tama ka, ikaw nga ay nasa Impiyerno! At ang mga katulad mong
sagad sa buto ang kawalanghiyaan ang dahilan kung bakit patuloy na nagniningas
ang apoy ng lugar na ito. Habang patuloy na dumadami ang mga katulad mong
walang habag at walang tunay na pagmamahal sa kapwa, palawak ng palawak ang
masasakop kong kaharian at teritoryo!"
"Hindi maari ito! Isa lang itong masamang panaginip at ikaw ay
produkto lang ng aking imahinasyon." tila hindi pa rin makapaniwala ang
Congressman. "Marami akong
natulungan, marami akong pinagtapos sa pag-aaral, mabuti akong tao at mahal na
mahal ako ng aking mga kababayan. Kung ako'y totoong patay na hindi ako dapat
naririto!"
"Ang lahat ng iyong pagtulong at paglingap sa mga kapuspalad ay
pawang pagtatakip lang sa mga kasamaan at kawalanghiyaang iyong ginagawa,
habang ipinagyayabang mong ikaw ay matulungin ninakaw mo naman ang salaping
nakalaan para sa iyong mga kababayan na sinasabi mong mahal na mahal ka! Hindi
kayang hugasan ng sinasabi mong kabutihan ang lahat ng iyong kasalanan at kung
tutuusin kulang pa ang isang kaluluwa mo kumpara sa maraming buhay na iyong
sapilitang binawi!" mapanumbat na ang boses ng lalaki.
"Ngunit ako'y madasaling tao, nagsisimba ako kasama ng aking
pamilya tuwing Linggo, malaking bahagi ng aking yaman ay ibinibigay ko sa
charity at simbahan. May takot ako sa Diyos at simula pagkabata ay adbokasiya
ko na ang tulungan ang mahihirap na mga tao, sa taimtim kong pagdarsal sa
Kanyang ngalan ay nararamdaman kong ako'y Kanyang pinatatawad." hindi pa rin sumuko sa
pangangatwiran ang Congressman, ginagamit niya ang kanyang pagkabihasa sa
pag-aargumento.
"PUTANGINA KA! HUWAG MONG GAMITIN ANG PANGALAN NG DIYOS SA LUGAR NA ITO!
WALA KANG KARAPATANG SABIHIN AT GAMITIN ANG KANYANG NGALAN SA TAGLAY MONG
KAWALANGHIYAAN AT PAG-IISIP NA SAGAD ANG KALASWAAN, PAGKAGAHAMAN AT KAHALAYAN!
HINDI MO NA SIGURO BATID KUNG ILANG BUHAY ANG IYONG PINAPATAY DIREKTA MAN O
HINDI! HINDI MO NA SIGURO ALAM KUNG GAANO KARAMING PERA ANG IYONG NINAKAW!
ILANG KALULUWA ANG ISINADLAK AT ITINULAK MO SA LUGAR NA ITO? ILAN ANG NAGING
BIKTIMA MO NG IYONG KAHALAYAN? ILANG LIBONG KASINUNGALINGAN ANG IYONG GINAWA
NANG IKAW AY NABUBUHAY?" galit na ang lalaki.
"Nais kong makausap ang Diyos, maari ba? Gusto kong humingi ng
kapatawaran sa Kanya. Nais kong pagsisihan ang mga nagawa kong kasalanan at
pagkakamali."
pakiusap ng Congressman sa lalaki.
"HULI NA ANG LAHAT! HINDI ITO ANG LUGAR PARA HUMINGI KA NG
KAPATAWARAN. MASYADONG MAHABA ANG PANAHONG INILAGI MO SA MUNDO PARA PAGSISIHAN
ANG LAHAT NG IYONG KASALANAN NGUNIT HINDI MO GINAWA DAHIL ABALA KA SA PAGKAMKAM
NG YAMAN, PAG-UTAS SA BUHAY NG MGA TAONG SAGABAL SA IYO, PAGTAHI NG MGA
KASINUNGALINGAN UPANG MAPANATILI ANG KALINISAN NG NAKAKASULASOK MONG PAGKATAO!
AT SINO ANG TINUTUKOY MONG DIYOS? HINDI BA'T ANG DINIYOS MO'Y PERA?!? MULA NANG
MAMULAT AT MAGKAISIP KA AY WALA KANG INATUPAG AT GINAWA KUNDI ANG PAGPAPALAKI
NG IYONG YAMAN! AT ANG LAHAT NG SINASABI MONG PAGTULONG AY BAHAGI LANG NG IYONG
PAGBABALATKAYO AT PAGKUKUNWARI! HINDI
ITO ANG LUGAR NG PAGSISISI DAHIL ITO ANG LUGAR PARA PARUSAHAN ANG KALULUWA MONG
KINUBKOB NG KASALANAN!" mahabang sagot ng
lalaki.
Sa haba ng kanilang
diskusyon at pag-uusap kumbinsido na ang kongresista na siya nga'y nasa
kabilang buhay na. Gusto niyang mangatwiran at ipaliwanag ang kanyang panig
ngunit bawat salitang kanyang sinasabi'y tila sumasampal sa kanyang katauhan.
Hindi na siya makagagawa pa ng kasinungalingan dahil may detalyadong sagot ang
lalaki sa kanyang bawat alibi at katwiran. Wala na siyang ibang maisip na
gagawin at sasabihin na makapagkukumbinsi na siya'y patawarin sa kanyang mga
nagawang kasalanan.
"Naniniwala akong may Diyos. Kung maari lang sanang mabigyan pa
ako ng isang pagkakataon, pagkakataong mabuhay ng tama at matuwid." bumaba pang lalo ang
kanyang boses at may kasama ng pag-iyak ang kanyang pakiusap. Walang lumabas na
luha.
"NANINIWALA KANG MAY DIYOS PERO KAHIT KAILAN HINDI MO
IPINAGKATIWALA ANG BUHAY MO SA KANYA. NANINIWALA KANG MAY LANGIT AT UMAASA KANG
DOON KA MAPUPUNTA PERO KABALIGTARAN ANG LAHAT NG IYONG GINAWA. HINDI KA PA MAN
NAKAKATUNTONG SA PINTUAN NG LANGIT ITINATAKWIL KA NA NITO! AT HINDI AKO DIYOS
PARA BIGYAN KA NG ISA PANG PAGKAKATAON! AT KUNG MAY KAPANGYARIHAN MAN AKONG
GAWIN IYON HINDI KO IYON IPAGKAKALOOB SA'YO DAHIL HINDI KA KARAPATDAPAT NA
MAGKAROON NG PANIBAGONG BUHAY! SA TAGLAY MONG KASALANAN MALAKING APOY ANG
MAGAGAWA MO DITO SA IMPYERNO! AYOKO NANG MAKIPAGTALO SA IYO SAPAT NA ANG
IBINIGAY KO SA'YONG PALIWANAG!"
"Ngunit..." magtatangka pa sanang sumagot ang kongresista ngunit
unti-unti nang nagbago ang kanyang anyo. Naging blangko ang kanyang maamo at
gwapong mukha. At sa pagitan ng pagpikit ng kanyang mga mata ay nasa lugar siya
sa kung saan niya nauulinigan kanina ang sari-saring mga tinig. Mga tinig na
umaalingawngaw na bumabasag sa katahimikan ng kapaligiran; tinig ng mga dumadaing,
nakikiusap, umiiyak, nagsusumamo, natatakot, humihiyaw. Kung susumahin at
ilalarawan sa isang salita ang mga tinig na naririnig masasabing ang mga ito'y
NAGDURUSA. At kabilang na ang tinig dito ng matikas na kongresista.
Nagngangalit ang apoy para
itong karagatan na walang tiyak na sukat, walang tiyak na lalim sa lawak.
Ramdam ang labis-labis na hapdi ngunit ang balat naman ay 'di nalalapnos.
Walang senyales na mababawasan ang init at alab nito dahil maya't maya ay may
inihahagis dito na nagiging dahilan ng patuloy na paglaki at pagningas ng apoy!
Kasama ng kongresista sa
dagat ng apoy ang maraming kaluluwang katulad niya na walang mukha, walang
pagkakakilanlan. Sa lugar na ito pantay-pantay ang lahat, walang mahirap walang
mayaman, walang alipin at hindi kikilalanin kung ikaw man ay 'matulunging'
congressman.
Sabay sa pagiging blangko ng
mukha ng kongresista ay ang pagbabagong anyo ng katauhan ng lalaking kanyang
kausap. Ang magandang mukha ng lalaki ay naging nakakatakot. Malalim ang
nakalisik at mapupulang mga mata, naging buto't balat ang kanina lang na
perpektong katawan, may kulot ang mahabang sungay, matutulis ang mahahabang
kuko gayundin ang buntot nito, maputla ang balat, mahaba ang tainga katulad ng
kanyang dilang maaring maihambing sa dila ng ahas, naging makaliskis ang kutis
nito at mayroong halakhak na ubod ng lakas at masakit sa pandinig.
Kung pagmamasdan mo ang
lalaki para lang itong obra-maestrang imahinasyong iginuhit ng isang mahusay na
artist.
A reminder for those that need to repent before it is too late....
ReplyDeleteWow grabe sir, ang husay po ng inyong pagkakasulat :)
ReplyDeleteIyan ang perfect definition ng kaparusahan sa lahat ng nagawang kasalanan ni Congressman. Ang masunog sa naglalagablab na apoy ng impyerno ang kanyang makasalanang kaluluwa.
Nawa'y ito ang kahantungan ng mga kapwa politiko ni Revillame. Magsisisi din sila sa huli.
ReplyDelete