Sunday, June 26, 2011

Estero

Kahit alam natin na hindi magandang gawain ang maghagis ng basura sa kalsada.
Kahit alam natin na babara ito sa estero at magiging sanhi ng baha.
Kahit malala na ang problema natin sa baha at basura
At kahit malaki ang pondo para sa flood control project.
Hindi pa rin ito masosolusyunan kung patuloy ang walang koordinasyon at marami ang nagwawalang-bahala. Sadista at masokista ba tayo at natutuwa tayo sa tuwing atin itong nakikita?

Plastik na supot, sirang payong, lumang baterya
Basag na CD, gomang tsinelas, patay na daga
Plastik na bote, piraso ng styropor, damit na sira
Kalawanging yero, basag na baso, tinik ng isda

Plastik na supot, upos ng yosi, pouch ng Zest-o
Putol na kahoy, butas na sapatos, sachet ng shampoo
Interior ng gulong, salaming basag, karsonsilyo ng lolo
Sintas ng sapatos, lata ng gatas, napkin na madugo

Plastik na supot, bakal na makalawang, gulanit na basahan
Aluminum foil, pundidong bumbliya, punda ng unan
Elesi ng bentilador, brotsa ng pintura, silya na Orocan
Pinto ng aparador, doorknob na kinalawang

Plastik na supot, basyo ng ballpen, hasang ng isda
Buhok ng tao, basag na remote, buto ng baka
Suklay na bali, lata ng sardinas, balat ng pinya
Bulok na pagkain, sako ng bigas, brang nanggigitata

Plastik na supot, sanga ng antenna, karton ng sabon,
Retaso ng yero, diaper na may tae, charger ng celphone
Balat ng chichirya, kaha ng DVD, brief na parang bacon
Bananaque stick, pinggang porselana, payong na skeleton

Plastik na supot, basag na pigurin, hose ng gripo
Buto ng mangga, laruan ni Junior, toother ng shabu
Bolang pisot, manika ni Nikki, putol na tubo
Bote ng gamot, picture frame na basag, buhaghag na sepilyo

Plastik na supot, bote ng lotion, blinds ng bintana
Ginunting na toothpaste, putol na kwintas, bimpong tuwalya
Biyak na tabo, retaso ng tarpaulin, butas na timba
Tablang may pako, arinolang butas, patay na pusa

Plastik na supot, gulanit na bag, poster ng pulitiko
Pouch at cup ng noodles, bote ng mineral, tipak ng bato
Galong plastik ng Ice Cream, palara ng yosi, tumigas na semento
Sirang wallaclock, putol na kable, faucet ng gripo

Plastik na supot, lumang sombrero, casing ng celphone
Putol na sampayan, mabahong showercap,panyong may siipon
Balat ng itlog, putol na sandok, putol na sinturon
Gulong ng bisekleta, tangkay ng gulay, gamit na condom

Plastik na supot, panis na kanin, panaling plastik
Piraso ng plywood, pang-ipit sa buhok, barbeque stick
Wallet na nakaw, stripes na panty, ATM na kinupit,
Patay na tuta, nilaglag na fetus, sinalvage na adik.

Tama nga na ang basurang itinapon natin ay babalik din sa'tin.
Kaya 'wag magtaka kung isang araw ay may kakatok at papasok na basura't tubig sa inyong tahanan.
Kahit walang pahintulot sila'y manghihimasok. Kahit ayaw mo sila'y magpupumilit.
Hindi na kagulat-gulat ang pagbara ng ilog, kanal at estero dahil sa walang habas na pagtatapon ng kalat at basura ng marami sa'tin sa kung saan-saan.
At kahit hindi na kasalanan ng gobyerno kung bakit tambak ang basura sa estero at kalsada, sila pa rin ang namumura at nasisisi.
Lahat na lang ay gobyerno ang may kasalanan. Lahat na lang sa kanila natin isinisisi. Kahit alam natin na malaking bahagi dito ay mamamayan ang may malaking partisipasyon at pananagutan. Dekada na ang problemang ito wala pa ring kongkretong solusyon, habang patuloy na dumarami ang ating populasyon patuloy lang ding lumalaki ang polusyon, patuloy na dumarami ang basura sa ilog, dagat, estero.
Eh kung isali na lang kaya ulit natin sa Guiness ang senaryong ito tutal mahilig naman tayo mag-break ng kung ano-anong record; gaya na pinakamahabang pila ng barbeque, pinakamaraming naghahalikan sa kalye, pinakamaraming nagpapasuso sa isang okasyon at lokasyon at marami pang "mahahalagang" achievements.
"Bansang may pinakamaraming basura sa Estero".

Tuesday, June 21, 2011

Poor ba Us?


'Wag kang magtawa. 'Yan talaga ang titulo ng artikulong ito. Uso ngayon ang ganyang uri ng pananalita at pakikipag-usap lalo na sa mga kabataan baka nga ginagamit mo rin 'yan sa pakikipag-text sa iyong mga kaibigan. Literal na taglish.

Nakakabobong pangungusap. Nakakabobong tanong. Bakit ba kasi kailangan pang itanong kung mahirap tayo eh alam naman ng lahat na ang Pilipinas ay kabilang sa third world country, developing country o sa madaling sabi: Mahirap na bansa. Sa katunayan ayon sa nakalap na impormasyon ng International Monetary Fund ang Pilipinas ang ikalimapu't-lima sa listahan ng pinakamahihirap na bansa sa mundo at ikalabing-anim naman tayo sa buong Asya.
Mahirap nga siguro tayo dahil may mga data at ebidensiya na nagpapatunay na tayo'y isang mahirap na bansa at wala naman sigurong kokontra at aapela pa usaping ito.

At dahil mahirap nga tayo ang budget ng bawat kongresista sa kongreso sa kanilang pork barrel fund ay umaabot sa 70 - 100 milyong piso lang at ang atin namang bawat senador ay may tigda-dalawang milyong pisong pwedeng gastusin para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino. Mahirap pa tayo niyan. Pero minsan napapaisip din ako't nagtatanong; ilang opisyal at nanunungkulan na ba sa gobyerno halal man o hindi ang mahirap? Halos lahat sila ay multi-milyonaryo; maging alkalde, bise-alkalde, konsehal, kongresista, senador, mga kalihim at iba pa.

Kahit na hindi tayo mayamang bansa kaya nating gumastos ng 600 milyong piso sa isang kalsada lang na may habang 5.1 kilometro - aba ito 'na yata ang pinakamahal na highway sa buong mundo! Sino rin bang bansa ang magsasabing mahirap tayo eh bumilib nga sila nang gumastos ang ating mga opisyal ng gobyerno ng halagang $20,000 sa di-umano'y isang simpleng kainan lang sa Le Cirque sa New York kesehodang i-tag tayong 3rd World Country ng makapangyarihang mga bansa.

Kahit mahirap tayo hindi rin naman pahuhuli ang mga Pinoy pagdating sa mga bagong gadget tulad ng iPhone, iPad, Android tablets, DLSR Camera, Home theater, LCD TV's, etc. na kahit kari-release pa lang ang modelo ay kaagad na mayroon tayo nito o di kaya'y matiyagang pag-iipunan o babayaran ito ng labingdalawang buwan sa bangko maski na halos barya na lang ang maiuuwing sweldo sa pamilya. Kahit nga kalalabas pa lang ng isang bagong modelong sasakyan ay agad-agad na mayroon kang makikita sa lansangan ng Kamaynilaan. Haha. Mahirap pa tayo niyan.

Ang isa pang hinahangaan ng mga dayuhan sa'tin kahit na mahirap tayo ay ang patuloy na paglago ng bilang ng mayroong celphone sa 'tin, na sa populasyon nating mahighit 90 milyon, 50 milyon dito ay aktibong nagti-text at katumbas nito ay average na 400 milyong text sa loob lang ng isang araw! At may pagkakataon pa ngang umaabot ito ng 1.3 bilyong text tuwing araw ng Bagong Taon. Binansagan nga tayong "Text capital of the world" dahil dito. Kung gaano kabilis ang pagdami ng celphone users sa'tin ganun' din kabilis ang paglago ng bilang ng internet users sa 'Pinas sa katunayan mayroon tayong 18 milyon account na aktibo sa Facebook. Partida, mahirap pa tayo niyan.

Hindi man tayo mayaman na bansa ay lintek naman ang budget natin sa bawat departamento ng gobyerno ~ Hundred (B)Million! Sa katunayan sa laki ng budget natin nagiging source pa nga ito ng pangungurakot ng maraming opisyal ng pamahalaan. At ang pocket money ng mga opisyal na ito kung sila'y may tungkulin na dapat gampanan sa abroad ay million dollars. Anong sinabi ng mayayamang bansa sa 'tin?
Maganda sigurong pagdiskusyunan at sabihin na: hangga't mayroong kinukulimbat at kinukupit sa pera ng bayan ay 'wag tayong maniniwalang mahirap ang Pilipinas.

Marami mang hikahos sa karamihan ng mga Pilipino can afford pa rin ang mga ito na bumili ng yosi (na may halagang dalawang piso ang isa ~ pinambili na lang sana ng tinapay), pila-pila ang nagsisitayaan sa lotto lalo na 'pag umabot na sa daang milyong piso ang premyo ~ na ang halagang ginagasta dito ay sana'y ipinambili ng isang kilong bigas. 'Wag sabihing tumataya para makatulong sa mahihirap ~ kalokohan 'yan. Idagdag na rin natin ang pagdami ng bumibili ng shabu kahit na ang halaga nito'y mas mataas pa sa ginto na umaabot sa limang libong piso ang isang gramo! Ang mga small time naman ay hindi pahuhuli dahil limampung piso ang isang teabag ~ Paano pa kaya kung mayaman tayo?

Hindi mo ba pansin ang pagdami ng mamimili sa tuwing weekend sa mga Mall, Divisoria, 168, Greenhills at iba pa? Lalo na sa tuwing may SALE ang higanteng SM Supermalls na halos hindi na gumagalaw ang sasakyan sa labas ng establisimyento sa dami ng gustong magpark at masamantala ang "minsanang" SALE na ito. Hindi ka na nga rin halos makaupo sa upuan ng sinehan sa tuwing may bagong palabas na malupit na Hollywood Movies, mapa-3D man ito o hindi. At pagkatapos mag-malling siyempre kakain sa mga overpriced na fastfood o sa overpriced na kape, na sa dami rin ng mga kakain ay hindi ka agad makakahanap ng available na upuan. Kung minsan tuloy tinatanong ko ang sarili ko kung mahirap nga ba ang 'Pinas.

Sa tuwing may okasyon lalo na kung piyesta ay malupit din maghanda ang mga Pinoy; handaang makapagpapakain ng aabot sa halos isandaang katao. Naisip mo ba kung gaano kalaki ang ginastos sa isang araw lang? Na mabuti sana kung ang halagang ito ay galing sa sobrang pera nila. Balidoso at balidosa na rin ang mga Pinoy ~ naglevel-up na ika nga. Dahil kahit na malaking halaga ang gagastusin para sa pagpapaputi sa mahal ng presyo ng glutathione pikit-mata natin itong binibili para lang makamit ang inaasam na kulay. At daang-libo man ang halaga ng pagpaparetoke, operasyon o pagpapaganda (ang gusto mong itawag) sa mga katulad ng clinic nina Belo o Calayan, papatusin ito ng marami dahil importante ito para sa kanila. Sus, kahirapan ba 'yan?!

Mahilig din maglibang ang Pinoy kahit na mahirap lang dahil tuwing summer kahit saang resort ka magpunta beach man 'yan o swimming pool sa Boracay, Cebu, Palawan, Cavite, Olongapo, Pampanga, Batanggas o Bulacan man 'yan asahan mong puno ito ng mga tao! Mas lalo sigurong masikip ang mga resort na 'yan kung higit na mayaman tayo. Isang uri din ng paglilibang ang pagtangkilik ng mga Pinoy sa foreign artists na gaya nina David Archuleta, David Cook, Taylor Swift, Rihanna, Neyo, Miley Cyrus, Kenny G, Justin Bieber at kahit nga Korean Pop group pinatos na natin; at kahit na halagang limang libo, sampung libo o labing-limang pisong halaga ng tiket ay Sold-out! Mukha ng kahirapan.

At dahil taliwas ang gawi ng mga Pinoy sa tanong na: Poor ba us? Ibahin natin ang tanong at sa pagkakataong ito itatama at itatagalog natin ang tanong: Mayaman ba ang Pilipinas at mga Pilipino?
Hindi. Pero mayabang tayo. 'Di ba nga madalas nating sabihin na: I'm proud to be Filipino!

Tuesday, June 14, 2011

"Ang Kabataan ang pag-asa ng Bayan"


Hunyo 19.
Kaarawan ng ating idolo: Dr. Jose Rizal. Si Rizal na makata, manunulat, alagad ng sining, mangingibig, doktor, makabayan.

Si Gat Jose Rizal na ating pambansang bayani; isang taong eksepyonal sa lahat ng larangang kanyang ginusto at inibig. Henyong maituturing kumpara sa ordinaryong taong tulad natin. Sa edad niyang tatlumpu't-apat nang siya'y pumanaw ay hindi matatapos ang istorya ng kanyang buhay sa sobrang kulay nito. At ngayong ika-isandaan at limampung taon ng kanyang kapanganakan hindi maaaring hindi ito gunitain ng makabayang Pilipino at ng ating kasalukuyang pamahalaan.

Gugunitain ang kanyang pagiging ehemplo sa kabataan, ang pagkamartir, ang kanyang mga gawa, ang kanyang mga reporma, ideolohiya at ang kanyang kabayanihan.

Marami siyang pangaral na iniwan sa'tin at isa lamang sa daan-daang pangaral na ito ay ang malalim na: "Ang kabataan ang pag-asa ng Bayan".

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ito'y katotohanan walang duda. Dahil ang kabataan ang masusing nagmamatyag sa gawi ng nakatatanda, sila ang nagmamasid sa bawat kilos nang mas may gulang. Subalit, hindi ba may kasabihang: "Anumang ginagawa ng mga nakatatanda ay nagiging tama sa paningin ng mga bata".
Ano ba ang nakikita nating ginagawa ng nakatatanda sa atin?
Ano ba ang ginagawa ng mga may edad na nasa pwesto at tungkulin?
Kabi-kabila ang lantarang lumalabag sa batas, mahirap man o mayaman.
Nakakalungkot malaman na ang kabataang may magandang hangarin sa bayan ay lalamunin ng sistema.

Nasaan na ba ang kabataang binabanggit ni Gat Rizal? Nasaan na ba ang pag-asang kanyang hinahanap sa katauhan ng mga kabataang ito? Pansin mo ba ang pagbabago ng kabataan ngayon? Bakit marami sa kanila ngayon na ang sarili mismo nila ay hindi nila mahagilap? Hindi ba dapat sila ay higit na maasahan dahil sa madaliang solusyon sa bawat katanungan hatid ng bagong teknolohiya?

Masdan mo ang mga bata. Ang aral sa kanila makukuha.
Masdan mo ang kabataan.
Marami ang sa kanila'y pakalat-kalat sa mall at sa arcade kahit na ang dapat ay nasa loob sila ng klase at nag-aaral kaharap ang guro at pisara.
Marami ang sa kanila'y nasa bilyaran kahit na ang dapat ay nagsusulat ng kanilang aralin hawak ang pluma sa halip na tako.
Marami ang sa kanila'y nasa loob ng internet cafe o computer shop minamaster ang kung anu-anong video games sa halip na ang kanilang asignatura habang ang kanilang magulang halos dugo na ang ipawis sa paghahanap-buhay.

Masdan mo ang mga bata. Ang sagot ay 'yong makikita.
Masdan mo ang kabataan.
Makikita mo sa kanila na ang buhay ay simple lang; may okasyon man o wala ay wala silang sawa sa inuman.
Makikita mo sa kanila ang tunay na "pagrespeto" sa matatanda; wala silang pakialam at gagawin pa rin ang gusto kahit na halos umiyak na ang magulang sa pagsaway sa kanilang maling gawi. At kahit na ang simpleng pag-utos ng ina ay hindi alintana.
Makikita mo sa kanila ang pagpapahalaga sa tinatawag na "pag-ibig"; lantaran nila itong ipinapahayag sa murang edad at pagkuwa'y isinisisi sa gobyerno ang kahirapang naging dulot nang kapusukan.

Masdan mo ang mga bata. Ang buhay ay hawak nila.
Masdan mo ang kabataan.
Marami sa kanila ang hinahayaang malubog ang sarili sa iba't-ibang mga bisyo; hindi pa tapos ng kolehiyo pero napakahusay na humithit ng yosi.
Marami sa kanila ang hinahayaan ang sarili na magayuma at malason ang isip ng teknolohiya sa halip na ibaling ang sarili sa mas makabuluhang mga bagay.
Marami sa kanila ang maagang napapasok sa sindikato at napapariwara ang kapalaran; mga kabataang hanap ay basag-ulo at walang pakialam sa mga taong kanilang naagrabyado.

Sa hirap ng buhay, ang ibang mga kabataang may pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral ay nahihinto, ayaw man nila itong gawin. Maagang sumasabak sa hamon ng buhay, naghahanap ng trabaho, nagbabanat ng buto. Trabahong maituturing na hindi naman sasapat sa lahat ng pangangailangan.
Hindi ba nakakagagong isipin na kung sino pa ang kabataang may kapasidad na pag-aralin ng magulang ay sila pa ang madalas na magloko at walang interes na mag-aral! At ang mga kabataang gustong makapagtapos ng pag-aaral ay sila naman ang hindi nabibigyan ng magandang pagkakataon makatuntong ng kolehiyo!

Kaya't ipagbunyi natin ang mga kabataang hindi (pa) nagpapalason sa kinang ng kapangyarihan at hindi nalulunod sa komersyalismong hatid ng makabagong teknolohiya. Mga kabataang hindi nababahag ang buntot na labanan ang masamang epekto ng bisyo at droga, mga kabataang nagsusumikap makapagtapos ng pag-aaral sa kabila nang kahirapan sa buhay, mga kabataang may nakikita pang liwanag sa gitna nang madilim na kapaligiran, mga kabataang agresibo sa tunay na pagbabago, mga kabataang puno ng pangarap. Mga kabataang isinasapuso pa rin ang aral, habilin at ideolohiya ni Gat Jose Rizal. Pero kakaunti na lamang yata sila, ganunpaman sila pa rin ang maituturing na pag-asa ng bayan. Bakit? Wala naman tayong pagpipilian. Dahil ang matatanda'y kukupas, lilipas at patuloy na nilalamon ng nabubulok na sistema.

Bagong henerasyon. Bagong Pag-asa. Huwag kalimutan hangga't buhay ka (pa) may pag-asa.
Kabataan, sila ang pag-asa ng bayan.

Tuesday, June 7, 2011

Hindi porke

Marami ang nalilito, naguguluhan, naghusga, nagmagaling.
Hindi lahat nakukuha sa unang tingin. Buksan ang mga mata, lawakan ang isipan.
Ang tao'y mapanghusga ayon sa hitsura at nakikita kahit alam naman natin na hindi lahat ng ating nakikita ay totoo at hindi lahat ng totoo ay ating nakikita.


Hindi porke nakulong ay mayroong kasalanan.
Hindi porke napawalang-sala ay tunay na inosente.
Hindi porke Husgado ay dalisay ang kaibuturan.
Hindi porke may tattoo isa nang kriminal.
Hindi porke nagmamagaling isa nang tunay na mahusay.
Hindi porke nakulong 'di mo na dapat pagkatiwalaan
Hindi porke pipi 'di na pwedeng magsalita.
Hindi porke bulag wala nang nakikita.
Hindi porke gwapo ay 'di gagawa ng kasamaan.
Hindi porke 'di kagandahan ang ugali'y magaspang.

Hindi porke mahusay mag-ingles dapat mo nang paniwalaan.
Hindi porke tagalog lang ang lenggwahe isa nang mangmang
Hindi porke tahimik mayroon ng suliranin.
Hindi porke walang imik ito'y mahiyain.
Hindi porke iyakin madali nang sumuko.
Hindi porke masiyahin walang problema.
Hindi porke paralisado wala nang silbi sa lipunan.
Hindi porke namamahagi ng pera taos ang pagtulong.
Hindi porke mayaman ay matapobre.
Hindi porke mahirap ay magnanakaw.

Hindi porke tapos ng kolehiyo, edukado.
Hindi porke 'di nakatapos ng pag-aaral, mal-edukado.
Hindi porke pulubi pera lang kailangan.
Hindi porke matalino maganda ang kinabukasan.
Hindi porke 'di matalino walang matinong kinabukasan.
Hindi porke mamahalin ang gamit ay dapat nang kainggitan.
Hindi porke palamura isa nang salot sa lipunan.
Hindi porke 'di nagmumura ituturing na nating mabait.
Hindi porke pala-kaibigan totoo ng kaibigan.
Hindi porke "kaibigan" handa ka laging damayan.

Hindi porke paladasal isa nang banal.
Hindi porke madalang sa simbahan isa nang makasalanan.
Hindi porke palaboy pwede nang laitin.
Hindi porke pulis 'di dapat pagtiwalaan.
Hindi porke abogado 'di nagsasabi ng totoo.
Hindi porke maputi mas angat ang katauhan.
Hindi porke kayumanggi papayag nang magpa-aglahi.
Hindi porke walang pera wala ng dangal.
Hindi porke taong-gobyerno isa nang kawatan.
Hindi porke may kritiko dapat nang tumahan.
Hindi porke may pork barrel fund gagamitin sa kapakanan ng bayan.

Hindi porke magaling sa bakbakan maaari na sa Batasan.
Hindi porke mahusay na artista pwede na sa pulitika.
Hindi porke naimbestigahan mayroon ng mapaparusahan.
Hindi porke ito ay tama ito na ang nararapat.
Hindi porke mali hindi na maaari.
Hindi porke muslim dapat nang katakutan.
Hindi porke bakla bawas na ang katauhan.
Hindi porke bisaya mababa ang pagkatao.
Hindi porke mabait isa ring mabuti.

Hindi porke Pilipina isa nang alila.
Hindi porke Pilipino isa nang tarantado.
Hindi porke Banyaga dapat nang kabiliban.
Hindi porke imported maganda ang kalidad.
Hindi porke Amerikano dapat ka nang magpatalo.
Hindi porke tagapagpatupad ng batas matapat na sa batas.
Hindi porke ang plaka ay otso pwede ng gaguhin ang trapiko.
Hindi porke mambabatas mahusay sa batas.
Hindi porke wala ng wangwang titigil na ang katiwalian.
Hindi porke popular ang pangulo mahusay na mamuno.

Hindi porke inilahad ang maruming katotohanan isa nang suwail sa bayan.

Tuesday, May 31, 2011

Pusong bato at kamay na bakal

"Sa pag-unlad ng bayan disiplina ang kailangan."
Isa itong panawagan noong dekada sitenta ng isang pangulong bantog sa pagiging disciplinarian sa katunayan sa pagnanais niyang disiplinahin ang mga Pilipino ipinatupad niya ang batas-militar. Subalit batas-militar lang ba talaga ang magpapatino sa atin? Bakit ba hindi natin kayang pairalin ang disiplina sa sarili? Bakit 'pag nasa ibang bansa naman ang isang Pinoy ay mayroon siya nito?

Masarap mangarap na ang Pilipinas ay isang maunlad na bansang tinitingala at hinahangahaan ng ibang nasyon.
Kay sarap siguro ng pakiramdam na ang mga Pilipino ay may angking disiplina sa sarili, disiplinang magsisilbing ehemplo at tatatak sa isip ng mga banyaga.

Ngunit habang lumalaon at lumilipas ang panahon, ilang dekada ang nakararaan at ilang pagpapalit na rin ng Pangulo ang ginawa natin patuloy lang tayong umaasa, tsumastamba at nagbabaka-sakali na umahon kahit na papaano ang lugmok na Pilipinas. Masasabi ba nating may pag-unlad at may disiplina ang Pilipinas at mga Pilipino?
'Wag mo ng sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Ang pag-unlad at disiplina ay magkaugnay. Walang pag-unlad kung walang disiplina.
Hindi tayo aasenso kung hindi natin didisiplinahin ang ating mga sarili.
Hindi tayo uunlad kung hindi tayo didisiplinahin ng batas at mahigpit na pinapatupad ito kahit kanino.
Sa dami ng suliranin at delubyo na kinaharap ng mga Pilipino nararapat lamang na mayroon tayong natutunan sa nakaraan ngunit parang may kurot ng katotohanan ang kasabihang: "Ang kasaysayan ay paulit-ulit lang na nangyayari".

Napalayas na ang mga Espanya na tatlong siglong sumakop sa atin at nakamit natin ang kasarinlan ~ buong akala natin ay ito na ang umpisa nang pag-usbong ng Bagong Pilipinas.
Hindi rin nagtagal ang pananatili ng mga Hapon sa atin at muli rin tayong nakalaya sa kuko ng mapang-aping mga Hapones ~ muli tayong bumuo ng pangarap na tayo'y uunlad.
Ilang pangulo pa ang naghalinhinan sa pagmando at pagmaniobra ng Pilipinas.
Hanggang dumating si Marcos at ayon sa kasaysayan ito ang sinasabing pinakaabusadong Pangulo na namuno sa'tin. Dalawang dekada raw ang nasayang ng siya ang nanungkulan subalit marami rin ang nagsasabi na sa kanyang pamunuan "tumino" at nadisiplina ang Pilipino, ang ekonomiya'y hindi lugmok at ang piso'y lumalaban sa dolyar. Nang siya'y mapatalsik sa Malacañang ~ hindi pa rin tayo tumigil sa ating pangarap dahil nagising ang naidlip na pangarap na ito.

Bumilang ulit tayo ng ilan pang presidente, senador, alkalde, mambabatas at iba pa hanggang sa dumating ang isa pang di-umano'y kumitil sa pag-unlad ng Pinas sa katauhan ni GMA. At ngayon, tulad nang pagpapalayas noon kay Marcos heto na naman tayo naghalal ng Pangulong popular. Sino ba naman ang hindi mabibighani sa slogan na: "Kung walang Corrupt walang Mahirap!"? Iisipin natin na ito na ang magbabangon sa atin sa kahirapan. Bagaman isang taon pa lamang siya sa pwesto masasabi ba natin na may kakayanan siyang disiplinahin ang Pilipinas?
'Wag mo ng sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Katulad ng sinabi ko ang pag-unlad ay nasa disiplina. Ang mga mauunlad at progresibong mga bansa ay may disiplina. Kahit nga komunismong bansa ay may disiplina. Disiplinang hindi lang sa salita kundi sa gawa at ipinapatupad ang disiplinang ito maging sino ka man at ano man ang katayuan mo sa buhay. Idagdag na rin natin ang pagmamahal ng mamamayan sa kanyang bansa. Nakakainggit ang ganitong mamamayan na nakikita nating may lubos na pagmamahal sa bansang kanyang nasasakupan, may pagtangkilik sa lokal na produkto at matinong sinusunod ang umiiral na batas. Tayo ba ay mayroon nito?
'Wag mo na ring sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Nakita mo ba kung gaano kadisiplina ang mga Hapon? Na kahit sa panahon ng krisis ay pinaiiral pa rin ang disiplina at matiyagang nakapila sa rasyon ng pagkain noong sila'y nilindol at nakaranas ng tsunami. Kaya ba natin yun?
Hindi mo ba napansin ang pagmamahal ng mga Koreano sa kanilang bansa? Na ilang dekada lang ang nakalipas matapos ang Korean war ay muling umusbong ang sigla ng ekonomiya. Kaunti lang ang mahilig sa imported na produkto at mas pinapaboran nila ang kanilang sariling gawa. Nakakainggit 'di ba?
Hindi ka ba humahanga sa disiplina ng mga Singaporean? Walang tutol nilang sinusunod ang mahihigpit ngunit epektibo nilang mga batas. Galing nila 'di ba?
Hindi ka ba nahusayan sa disiplina sa kalsada ng Hongkong Nationals? Napakaayos ng sistema ng kanilang batas-trapiko; ang motorista ay sumusunod sa ilaw-trapiko at ang mga pedestrian ay tumatawid sa takdang tawiran. Magaya kaya natin 'yun?
Hindi ka ba bilib sa pag-aalaga ng bansang Amerika sa kanyang kababayan? Na kahit nasa ibang bansa ang isang amerikano ay todo-proteksyon sila dito kaya ganun na lang din ang pagmamahal ng amerikano sa kanilang bansa. Kaya ba ng gobyerno natin gawin ito sa'ting mga Pilipino?
'Wag mo na ring sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Ang Pilipino'y likas na may katigasan ang ulo bantog tayo sa kawalan ng disiplina. Hangga't wala tayong disiplina hindi natin makikita ang liwanag ng pag-asa, hindi natin masisilayan ang pagbangon ng Pilipinas at wala tayong kakaharaping magandang bukas. Ngunit sino ba ang magpapatino sa atin? Sino ba ang may tapang na ipatupad ang umiiral na batas? Sino bang namuno ang hindi kinondena? Sino bang matinong namuno ang lubos na sinuportahan ng walang batikos?

* Sino ba ang makakapag-utos sa mga negosyante at kapitalista na magpasweldo ng tama?
* Sino ba ang kayang humuli sa lahat nang lumalabag sa batas-trapiko?
* Sino ba ang magbabawal sa mga pasaway na taong patuloy na nagtatapon ng basura sa kung saan-saan?
* Sino ba ang may kayang ilikas ang mga iskwater ng walang kaguluhang mangyayari?
* Sino ba ang sisita sa mga abusado at barubal na motorista sa kalye?
* Sino ba ang makakapigil sa mga pinoy na mahilig dumura at umihi sa kung saan-saan?
* Sino ba ang makikiusap at susundin na 'wag babuyin ang pampublikong banyo? 'wag mag-vandalism? 'wag nakawin ang takip ng manhole? 'wag batuhin ang ilaw sa mga poste?
* Sino ba ang may kakayahang sabihan ang mga tambay na maghanap ng trabaho?
* Sino ang ganap na makapagpapatigil sa ilegal na pagmimina at pagtotroso?
* Sino ba ang susundin sa panawagang magbayad ng tamang buwis?
* Sino ba ang magsusuplong sa mga negosyanteng ganid sa kita ng langis?
* Sino ba ang mag-uutos at susunding 'wag magbigay ng VIP treatment sa mga may kaya?
* Sino ba ang makapagpapatino sa mga taong tawid ng tawid sa hindi tamang tawiran?
* Sino ba may kayang makiusap at sundin na huwag mag-park sa kung saan-saan?
* Sino ba ang magpapatino sa mga illegal vendor at sabihin sa kanilang 'wag magtinda sa kalsada?
* Sino ba ang huhuli sa mga sasakyang may nakalalasong usok na nakaapekto sa kapaligiran?
* Sino ba ang may karapatan na kumumbinsi at iutos na tangkilikin ang sariling atin?
* Sino ba ang may kakayahan na dapat ay lagi tayong nasa oras?
* Sino ang magsasabi na 'wag mag-anak ng marami kung walang sapat na hanap-buhay?
* Sino ba ang may kapangyarihan na ipatupad ang batas ng walang pinapaboran?
* Sino ba ang pipigil sa mga mambabatas at halal ng tao na 'wag kulimbatin ang pondo ng bayan?
* Sino ba ang sasawata sa taong-gobyerno na itigil na ang katiwalian?
* Sino ba ang aawat sa mga pulis at militar na 'wag gamitin sa masamang paraan ang kanilang pondo?
* Sino ba ang may kayang utusan ang pulis na 'wag mangotong at maglingkod ng buong puso para sa bayan?
* Sino ba ang ganap na susundin sa panawagang ipatupad ang magagandang programang para sa kapakanan ng bayan?
* Sino ba ang susundin sa panawagan ng pagkakaisa?

Sa tigas ng ulo at kawalan ng disiplina ng karaniwang Pinoy (mahirap man o mayaman) hindi lang pangkaraniwang lider ang kailangan natin subalit 'wag naman sanang dumating sa punto na kailanganin pa ng buong Pilipinas ng Death Squad (tulad ng sa Davao) para lang tayo lubos na madisiplina.

Tama. Na ang disiplina ay nagmumula sa sarili subalit hindi naman ito ang totoong nangyayari dahil ang mga pinoy ay kanya-kanyang diskarte para malusutan ang batas ~ impluwensya at kapangyarihan sa mayayaman, pagiging sutil at paawa effect naman sa iba. Kaya nararapat lang na may maghihigpit, may susupil at may totoong sasaway sa matitigas na ulong mga Pinoy.

Hanapin natin ang ganitong lider dahil ito ang ating kailangan.
Hindi natin kailangan ng lider na may pusong naghahanap ng kalinga sa buhay.
Mas kailangan natin ng lider na may Pusong bato sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas ng walang pinapaboran at walang kinikilingan.
Hindi natin kailangan ng lider na may kamay na naghahanap ng makakadaupang-palad sa lamig o init ng gabi.
Mas kailangan natin ng lider na may Kamay na bakal para usigin, kasuhan at ikulong ang sino mang may kasalanan at ibigay ang nararapat na parusa ano man ang estado nito sa buhay.

Kung mayroon lang sanang pangulo na may ganitong katangian at may b_y_g na kayang disiplinahin ang lahat ng mamamayan kabilang na ang mga opisyal nito doon pa lang natin makikita ang pag-unlad subalit malabong mangyari ito dahil mas ginugusto at pinapaboran ng masa na maghalal ng popular na kandidato sa halip na kandidatong pamumunuan tayo ng may likas na Talino, Tikas at Tigas.

Nakakainip na babanggitin na naman natin na hindi pa siguro panahon na makahanap tayo ng lider na ganap na susundin at susuportahan ng mga Pilipino ang anumang adihikain nito laban sa kahirapan at lubha ring napakahirap makahanap ng tao na sasagot sa ating mga katanungan. Sa kasalukuyan nating panahon parehong ang namumuno at mamamayan niya ay walang disiplina. Ano pa ba ang aasahan natin?

Sa'n hahantong ang kawalan ng disiplina nating ito? Kung ang simpleng mga panuntunan ay hindi kayang tuparin ng simpleng mamamayan lalo pa ang matataas na tao. Patuloy na yata tayong mangangarap na lang nang magandang ekonomiya at maunlad na Pilipinas. Sayang ang mga dugo at buhay na ibinuwis ng ating mga bayani sa pagtatanggol sa tinatawag na kasarinlan sa pag-aakalang kaya nating umunlad ng walang tulong ng dayuhan.
Saan ba tayo huhugot ng disiplina? Mahirap ba itong gawin?
'Wag mo ng sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Monday, May 23, 2011

Dapat minsan lang

Minsan kailangan mong magalit upang maramdaman ng iba na ikaw'y nasasaktan na.
Minsan kailangan mong umiyak upang mas madama ang kaligayahang naghihintay.
Minsan kailangan mong madapa upang malaman ang aral ng buhay.
Minsan kailangan mong magkamali upang lubos na maunawaan ang tama.

Minsan dapat mong maranasan ang lungkot para mas matamis ang ngiti sa darating na bukas.
Minsan parang dapat na magyabang para kumalma ang higit na mayabang.
Minsan dapat mong maranasan ang kabiguan para sa pag-usbong ng bagong pag-asa.
Minsan parang dapat na itigil ang pagtikom ng bibig para masawata ang bibig na matabil.

Minsan mapipilitan kang magbulag-bulagan upang hindi masaksihan ang pagdurusa na 'di mo kayang ibsan.
Minsan mapipilitan kang magbingi-bingihan upang pansamantalang hindi marinig ang hinaing nang nahihirapan.
Minsan mapipilitan kang maging manhid upang makausad ka sa lakad ng iyong buhay.
Minsan mapipilitan kang manahimik upang magparaya at 'di makasakit ng ibang damdamin.

Minsan makabubuti ang sumuko sa isang laban dahil may ibang laban na nakalaan sa iyong tagumpay.
Minsan makabubuti ang magkunwari dahil mas maiiwasan dito ang nakaambang kaguluhan.
Minsan nakabubuti ang pagkakaroon ng mabigat na problema dahil dito nalalaman ang iyong tunay na kaibigan.
Minsan makabubuti ang magpalinlang dahil dito natin mararamdaman ang tunay na nagmamalasakit.

Minsan mapipilitan kang magsinungaling para sa ikabubuti ng mas nakararami.
Minsan mapipiltan kang magsawalang-kibo para hindi lumala ang magulo nang sitwasyon.
Minsan mapipilitan kang magdamot para hindi maabuso ang 'yong kabaitan.
Minsan mapipilitan kang magtanga-tangahan para alamin kung sino ang mas tunay na tanga.

Pero dapat minsan lang...

Tuesday, May 17, 2011

Ostentatious

Ostentatious: (Adj.)
- putting on a pretentious display.
- intended to attract notice and impress others
- vulgar display of wealth


Ano ba ang ibig sabihin ng ostentatious sa isang karaniwang taong tulad natin?
Ang ugaling ostentatious ay ang garapal na pangangalandakan ng kayamanan upang makakuha ng inaasam na atensyon.
Actually, walang batas na nagsasabing bawal ito.

~ Walang pumipigil sa tao na i-broadcast sa buong mundo na ang iyong bag ay nagkakahalaga nang higit sa milyong piso habang maraming dukhang Pinoy ang nakatira sa mabaho at masikip na espasyo sa ilalim ng umuugang tulay tulad ng Delpan o sa mapanganib na gilid-gilid ng kalsada at plastik na supot ang sisidlan ng kanilang mga damit na animo'y basahan.

~ Walang pumipigil sa tao na isahimpapawid ang daang libong pisong halaga ng kanyang suot-suot na alahas habang kayamanan na sa marami ang makatanggap ng baryang limampung piso sa kanilang maghapong paghingi ng limos.

~ Walang pipigil sa iyo kung magdiwang ka ng isang napakarangyang kaarawan na ang halagang ginastos ay hindi kayang kitain ng ordinaryong tao habangbuhay man siyang kumayod habang marami ang hindi nasasayaran ang dila ng karne ng baka at hindi ito natitikman sa mahabang panahon.

~ Walang pipigil sa iyo kung pauit-ulit mong bigkasin ang halaga ng suot mong magarang damit habang maraming batang palaboy sa kalye ay nanlilimahid at gula-gulanit ang suot-suot na sandong makutim.

~ Walang aaresto sa'yo kahit na banggitin mo ng may yabang ang iyong bagong biling magarang kotse habang ang iba'y nagtitiis na naglalakad na lamang sa gitna ng init ng araw o nagpasyang hindi na umalis dahil sa kawalan ng perang pamasahe.

~ Walang aaresto sa'yo kahit na ipangalandakan mo ang isang matayog at magarang building na Condo unit ay iyong pag-aari mo na ang halaga'y 'di na kayang bilangin ng taong mahina sa Math habang ang mga taong dukha'y nakatingin na lamang sa kawalan na ni pambili ng trangkahan ay 'di kayang pag-ipunan.

~ Walang magsusuplong sa'yo kung ipamukha at ipagyabang mo man ang katakot-takot na achievements mo sa buhay na halos lahat ng letra sa alpabeto ay nakadikit na sa'yong pangalan habang maraming paslit ang minamaliit imbes na kalingahin at naghahangad na makatuntong sa eskwelahan kahit sekondaryo man lang.

~ Walang magsusuplong sa'yo kung isampal at isumbat mo man sa mga kritiko mo ang iyong mga "naitulong" sa mahihirap upang ipantakip sa'yong mabahong personalidad ngunit sa pagkakaalam ko ang diwa nang pagtulong ay ginagawa ng kusang-loob at nang wala dapat panunumbat.

~ Walang makakaangal sa Presidente kung kumain man siya at magbayad ng milyon sa isang mamahalin at engrandeng restaurant sa ibang bansa kahit pera pa ito ng bayan habang mistulang daga na kuntento na sa pagkain nang pinagpag na tira-tirang pagkain sa fastfood ang kanyang kababayan.

Ang pagiging bulgar, hayagang pagpapakita ng karangyaan o ostentatious bagama't hindi isang krimen ay hindi rin naman kaaya-aya sa paningin lalo na sa nakararaming mga kapus-palad. Nagdudulot lang ito ng inggit imbes na inspirasyon; kayabangan sa halip na pagpapakumbaba; pagmamalabis imbes na paghanga; pagmamalaki sa halip na karampatang papuri.

Isa itong sampal sa mahihirap na tao; kahalayang maituturing sa kaisipan ng mga dukha. Tama bang ipangalandakang ikaw'y nakahiga sa pera at ipangalandakan ito sa kabila ng daang milyong bilang ng mga tao ang naghihirap sa mundo?

Minsan, tayo rin mismo ang gumagawa ng komplikadong sitwasyon sa ating buhay sa pamamagitan ng ating mga pinag-gagawa, walang nagsasabing baguhin mo ang iyong nakagawian buhay mo 'yan at hindi rin naman mababago ang buhay ng mas nakararami magbago ka man o hindi subalit pansin mo ba na mas tahimik at mas simple ang pamumuhay ng likas na mayayamang walang ostentatious sa katawan?

Bihira ako mag-quote ng bible verses sa aking mga blog dahil parang hindi bagay sa tulad kong sinner pero tatapusin ko ang blog na ito sa isang bible verse.

Proverbs 16:18-19.
"Pride goes before destruction, a haughty spirit before a fall. Better to be lowly in spirit and among the oppressed than to share plunder with the proud."