Showing posts with label pag-asa. Show all posts
Showing posts with label pag-asa. Show all posts

Tuesday, October 25, 2016

MARIA




I.
Hinahanap ko sa
kasalukuyan ang
wangis mong bukod
na pinagpala sa babaeng
lahat, ang siyang
babaeng walang sala't
sakdal linis na
nagluwal kay Hesus
na Hari ng awa,
ang siyang babaeng
puspos ng luwalhati
at pananampalataya
sa  mundong puspos
ng pagkakasala.
Bagaman maririnig
lamang ang ngalan
ng Ama,
ng Anak at
ng Espiritu Santo
sa dasal na inuusal ng
tulad kong sakdal ang
sala. Bagaman wala
ang 'yong ngalan sa
panalanging 'Ama Namin'
na aming dinadalangin
sa tuwing kami'y gipit,
may karamdaman o
suliranin. Ikaw nama'y
napupuno ng
grasya at biyaya.
'Di tulad naming
lumalapit sa disgrasya't
pagkapahamak. Lumalayo't
lumilimot sa
pananampalataya
sa Ama na May Likha.
Nakaluhod, nakapikit,
nagpupuri't nag-aantanda,
sa Langit ay nakatingala,
umuusal ng kabanalan
ngunit makalipas ang
'Amen!' muling babalik
sa pagkakasala.

II.
Hinahanap ko sa
kasalukuyan ang
wangis mong mayumi't
'di makabasag-pinggan.
Babaeng kay hinhin
na pamantayan ng
konserbatibong
kababaihang pilipino.
Datapwa't kimi at
matipid ang bawat
ngiti, ikaw'y lubos
na hinangaan at
niliyag ng pilipinong
nabilanggo,
naharuyo't
nabighani
sa tila perpektong
katangiang iyong
tinataglay.Datapwa’t
ikaw ay kinatha
lamang ng dakilang si
Gat Jose Rizal sa
Kanyang obrang
nobela, 'di
maiwaksing ikaw
ang sinadyang 
simbolismo ng
moralidad na bumubuo
sa sakdal linis na
kapurian ng kababaihan.
Ang iyong pagiging
masinop, masunurin,
tahimik at marespeto
sa kapwa, lalo't sa magulang
na wari'y inspirasyon at
ehemplo ng napag-iiwanang
lipunang konserbatibo'y
'di sana sumabay sa
pagkalimot at pagwaglit
ng marami sa konseptong
ang kabataan ang siyang
pag-asa ng bayang ito.


III.
Hinahanap ka sa
kasalukuyan ng
mundong puspos ng
pagkukunwari't makamundong
isipan. Ang wangis
mong liberal at moderno,
babaeng simbolismo ng
pagiging malaya. May
layang gawin ang mga
bagay ayon sa kanyang
nais at 'di dahil sa
dikta ng iba, may
layang kumilos
nang walang anumang
kritisismong inaalala.
Hinahangaan at pinupuri
ng marami ngunit
hinuhusgahan at
niruruyakan ng mas
marami pa - yaong mga
sensitibo sa isyu ng
moralidad ngunit 'di
nakikita ang sariling
pagkakasala. Bagaman
ang maganda mong
mukha, makinis mong
katawan at ang iyong
kahubdan ay naglipana't
pinag-ukulan ng pansin
ng makasalanang mga
mata at nagpalukso ng
libo-libong libido
sa magasin,
sa dvd at
sa internet
na ang tema ay porno.
Bagaman kinukutya ng
moralistang animo'y
walang sala't sakdal linis.
Niliiyag ka pa rin ng maraming
kalalakihan - hahamakin nila
ang lahat, iaalay kahit
na ang kalangitan at
tatawagin nila itong
pagmamahal. Ngunit
maiiwan ang
katanungang 'pag-ibig
nga ba o isang pagnanasa?'

- - - - - -
Ang Akdang ito ay ang aking lahok sa 2016 Saranggola Blog Awards sa kategoryang Tula
Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:


Monday, December 30, 2013

Dear 2014






Dear 2014,

Ilang oras na lang nandito ka na kaya naman lahat ng tao'y naghahanda sa pagsalubong sa'yo lalong-lalo na dito sa bansang mayaman sa kalamidad, hitik sa kwentong karahasan at siksik sa kasaysayan. Masaya at walang katulad ang selebrasyon dito sa kahit na anong okasyon lalo na sa tuwing sasapit ang ang bagong taon tulad ngayon;
- may mga bibili ng napakaraming paputok kahit kapos sila sa pambili ng pagkain,
- may magdiriwang at magpapakalango sa pag-inom ng iba't ibang uri ng alak na akala mo'y wala ng bukas,
- may magpapasikat na magpapalipad ng fireworks na pantanggal umano ng malas,
- may maghahain sa mesa ng 'sandosenang bilog na prutas na kanilang bibilhin kahit alam nilang overpriced at medyo bulok na dahil sa pag-aakalang suswertehin sila 'pag meron nito sa pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi.
At hindi na yata mawawala ang balita sa mga taong mapuputulan ng kani-kanilang spare parts sa katawan dahil sa katigasan ng ulo at kapabayaan at ang nakakalungkot may ilang magbubuwis ng buhay dahil sa pagiging iresponsable ng iilan na walang habas kung magpaputok ng kanilang kalibre. Tradisyon na raw kasi na dapat i-celebrate o ipagdiwang.


Marami na ang sabik sa'yo kabilang na ang kapitbhay kong tsimosa si Aling Conching dahil sa dala mo raw na bagong pag-asa, ika nga nila bagong taon katumbas ng bagong pag-asa. Sana nga ikaw na ang hinihintay namin sa mahabang panahon, sana nga hindi kami magkamali sa bago naming pag-aakala kahit alam naming napakaliit ng tsansang mababago mo ang nakagawiang sistema dito sa amin at napakaliit rin ng porsyentong mapagniningas mo ang naghihingalo naming ekonomiya na kinagisnan na ng aming mga ninuno sa isang iglap lang ngunit dahil resilient daw ang mga pilipino hindi kami agad susuko. Kahit nga ngayong huling bahagi na ng 2013 hindi pa rin kami bumibitaw at sumusuko, kumapit pa rin kami at sumampalataya na aalwan at giginhawa ang aming pasko at bagong taon.


Aaminin namin medyo bulag at sinungaling kami sa aming negatibong namamasdan sa paligid, alam naming hindi kami umaangat at umaasenso pero in denial pa rin kami dito, alam naming hindi pa hinog sa paghandle ng problema ang pangulo namin pero mataas pa rin ang gradong binibigay namin sa kanya, alam naming higit na marami ang nagugutom sa malaking bahagi ng bansa pero pinaniniwalaan pa rin namin ang isinasagawang huwad na survey - patay-malisya lang kami sa tunay na kalagayan ng bansa at naniniwala kaming lahat sa press release ng NEDA at gobyerno partikular ang Malacañang.


Sana 2014 wag mo kaming biguin 'wag mong gayahin si 2013 at 'yung napakaraming taon bago pa siya sana may dala kang swerte at magandang kapalaran para sa amin sawa na kami sa kamalasan, delubyo at karahasan. Sana kahit hindi mo ganap na mabago ang aming kapalaran 'wag mo kaming paasahin lang. Batid naming hindi ito madali at lahat ng aming inaasahan ay hindi magagawa ng overnight pero sana hindi mo kami mabigo sa ilang mga bagay, kahit kaunti lang please naman makita lang namin na medyo mabawasan ang bilang ng nagugutom na pamilya ay okay na sa amin 'yun. Kung pwede lang 'wag ka nang magsama ng super bagyo, super lindol at super storm surge sa kabuuan ng 12 months na pagstay mo sa amin - hassle kasi 'yun, hindi na nga kami umaasenso nababawasan pa ang production namin ng gulay, prutas at bigas and the worst is bukod sa bilyon-bilyong pisong damage sa amin, libo-libo pa ang namamatay sa tuwing may ganitong natural calamities. Hindi ko ito tatawaging Acts of God dahil 'pag ganun ang term parang biniblame natin si God sa lahat ng 'di magandang nangyayari sa ating bansa.

Very obvious naman na gusto na naming limutin at iwan ang puno ng kamalasan na si 2013, hindi naman kasi maikakaila na ang papalitan mo sa pwesto ay tila may dalang sumpa. Sa loob lang ng tatlong buwan quota na agad kami sa mga delubyo at debastayon nagkaroon ng madugong digmaan, mapangwasak na lindol at walang kasing lupit na super bagyo, idagdag ko pa ang panaka-nakang sakuna sa kakalsadahan tulad ng mga bus, mga asasinasyon at bangayang involved ang magigiting naming pulitko. Okay naman na magkaroon kami ng bagyo given na kasi 'yun sa katulad naming tropical country pero 'wag naman 'yung katulad ni Yolanda na singbilis yata ng F1 na sasakyan ang hangin o lindol na kasing-level ng Hiroshima Bombing during World War 2; makabangon at makabwelo man lang kami mula sa aming pagkakadapa mula sa trahedya at sakuna.

O mahaba na ito, to sum it up simple lang naman ang hiling naman sa'yo, less calamities, less violence, less controversies, less corruption at less mistakes from the government at more blessings.

2014, Welcome to our home.
Goodluck and may the good vibes you carry will stay throughout the whole year!

Hoping and anticipating,

A Filipino citizen


P.S.
Kung hindi man totally mawala, sana man lang ay mabawasan ang mga taong mahilig sa selfie pagdating mo; tama nang naging word of the year ito sa Oxford, tama na ang isang buong taong naflood ang aming Social Networking site nito, itigil na ang walang humpay na GGSS ng marami. Sabi nga ni Chris Tiu, 'The youth should do more than selfie.' at sana maging productive din sila at 'wag tumulad sa aming mga pulitiko.

Friday, June 21, 2013

Sugat (Inulit at In-edit)



Dumudugo ngunit 'di dumadaing, humahapdi ngunit 'di makahindi, tumatangis ngunit walang nakaririnig.

Kaawa-awa.

Sugatan.

Tangan ang isang sugat na tila wala nang pag-asa pang maghilom.
Walang kusang-loob na nagmamagandang-loob gayong marami ang may kakayahang ito'y gamutin. Samantalang ang nagnanais ay walang lakas,walang libog. Marami ang may kakayahang lunasan ang lumalalang sugat ngunit mas pinili ang magkibit-balikat na lang. Parati.

May sisigaw at idudulog ang nakatambad na galis at galos sa maalikabok na kalsada; nagmukha lamang tanga.
May susulat at ibubulong sa kinauukulan ang mga gunggong na may sanhi; itataboy at 'di pakikinggan.
May magbubunyag at isisiwalat ang dahilan ng mga halas; na mangmang lang naman ang nakamalas.
May boluntaryong iaabot ang medisinang paunang lunas ngunit isinantabi lang ito at ikinubli.

Manhid. Bingi. Imbalido. Baog.

Hanggang kailan dadalhin ang sugat? Sugat na namumutiktik na ang langib sa mahabang panahong walang nagmamalasakit.
Hanggang kailan mananatili ang sugat? Sugat na nawalan na ng kakayahang paghilomin ang sarili.
Hanggang kailan nakalantad ang sugat? Sugat na nakakadiri at wala ng pinagkaiba sa nabubulok na patay na hayop na nakakasulasok.

Silang mga may awa umano pero umaayuda sa pagdatal ng sakit.

Silang maasahan daw sa oras ng pangangailangan ngunit nagmamaang-maangan sa tuwing lalapitan ng awa.

Silang palaging may ngiti sa mga labi subalit daig pa ang unos sa pagiging madamot at masungit.

Silang nagsipag-aral kung papaano ang gumamot pero mas ninais magtanga-tangahan at nawiling sa kalokohan ginagamit ang napag-dalubhasaan.

Silang talos at nakikita ang kamalian pero ninais na pumikit at magbulag-bulagan at kalauna'y lalahok na rin sa kagaguhan.

Sila na magagalang tuwing ikatlong taon ngunit imbalido sa buong panahon. Ilustradong maituturing datapwa't sa estupido maihahambing.

Tayo.
Tayong nakamasid lang ang kayang gawin. Sa paghimod ng mga tarantado habang umaayuda sa hapding nararamdaman. Iiling at mapapamura nang kung ilang beses. Mga lunatikong 'di na tumulong paismid pang nilura ang kanilang nakahihindik na kamandag. Kahabag-habag.

Tayo.
Tayo na pinagmumukhang bobo at tanga. Umaasa sa wala naman. Nagrebelde, naghuramentado, naulol. Kaunti na lang ay magbibigti na sa kawalan nang pag-asa; ayaw mamasdan ang pag-baon ng panibagong punyal na kanilang itatarak sa mala-kanser na sugat.

May tuluyang lilisan at 'di na iibiging bumalik. Ayaw nang mamasid ang kalbaryo at paghihirap na dinaranas ng sugat na ang pag-asang maghilom ay halos patungo na sa pagkahulagpos. Galit na ituturan: "Sabay-sabay na kayong magpatiwakal!"

Daang-milyon pero halos walang bilang. 
Bilyong dolyar pero halos walang halaga. 
Dating henyong iskolar pero walang pakinabang. Lider-lideran pero walang matinong alam, walang silbi. 'Tangna! Pakiusap...gamutin niyo na kami! Hindi na namin kaya.

Sino ka ba? 
Sino ba sila?
Sino ba tayo?
 

Mga tagapaglingkod na maalam umano datapwat walang pakialam at hindi ito alintana, batid ng sugatan ngunit patuloy pa rin sa pag-unday sa sakit na nararanasan.
Walang puso. 
Walang kaluluwa. 
Harapan nang ninanakawan dapwa ang nais pa'y hubdan; maalis ang lahat ng saplot sa katawan hanggang sa maubos na kahit ang kapiranggot na kahihiyan. 

Ano pa ba ang kailangang nais? Hindi na nakontento sa nilikha nilang sugat nagpiga pa ng kalamansi na nagpadagdag sa sakit at hapdi. 

Ang iyong bawat sugat ay sumasalamin sa hirap na iyong dinaranas na iyong tinitiis sa mahaba-haba na ring panahon sa pag-aakalang ito'y muling maghihilom. 

Ang iyong bawat sugat ay sumisimbolo ng kawalanghiyaan ng mga taong may sanhi nito na hindi nangingiming muli kang sugatan kung mayroong pagkakataon. 

Ang iyong bawat sugat ay sumasagisag sa kagaguhan at kasakiman ng mga taong sinsasamba ang kuwarta at dinidiyos ang kapangyarihan.

Kahabag-habag na Pilipinas, sino ang lulunas sa lumalaki at lumalala mong mga sugat?

Umiiyak ang Pilipino, umiiyak ang Pilipinas, umiiyak ang langit.