Showing posts with label polusyon. Show all posts
Showing posts with label polusyon. Show all posts

Monday, August 11, 2014

Itim Ang Kulay Ng Mundo


Isang-daang milyon na ang bilang ng mga pilipino. Higit sa pitong bilyon na ang bilang ng tao sa mundo. Kung ngayon pa lang ay nakararanas na tayo ng unti-unting kakulangan sa supply ng pagkain paano kaya sa susunod na sampu o dalawampung taon pa? Kung ngayon pa lang ay naglalaho na ang karikitan at yaman ng dagat, bundok at kagubatan paano kaya sa paglipas ng ilang panahon pa?
Kaya bang pigilan ng mga tao ang pagkaubos ng yamang-dagat at likas-yaman kung siya mismo ang dahilan ng pagkasira at pagkawala nito?

'Wag na tayong magtanong at magtaka kung bakit ang bansang agrikultural umano ay kinailangang mag-angkat sa ibang bansa nang makakain upang matustusan lang ang kanyang sariling pangangailangan.
Dahil ang dating bukid ay kinatitirikan na ng dambuhalang mall, ang dating palayan ay ginawa ng magarang subdivision, ang ilog ay natutuyo at ang dagat ay bumabaho, ang dating bundok ay pinapasabog at unti-unti nang pinapatag. Paano kung dumating ang panahong ipagbawal na ng mga bansang ito ang pagluwas at paglabas ng kanilang mga produkto? Sasapat ba sa sarili niyang bansa ang kanyang mga pananim at pagkain upang matustusan ang nagugutom niyang mamamayan? Sa halip kasi na linangin at pagyamanin natin ang kalikasan para sa ating pangangailangan iba ang ginagawa at pinagkakaabalahan natin.

Itim na nga marahil ang kulay ng mundo.
Itim dahil sa labis na polusyon at pag-abuso. 
Itim dahil sa malaking pagbabago ng ugali ng tao.

- - - - -
Ang suliranin ng lipunan at ng mundo ay sumisidhi at lumalala. Wala nang pagmamahal, halaga at respeto ang tao sa kapwa niya tao, estranghero man ito o kanyang kadugo --- lalo na sa mga hikahos at patay-gutom. Anak na kikitilin ang buhay ng ina, ama na hahalayin ang anak o inang ibebenta ang kanyang paslit upang maging puta. Adik na gagahasain ang sanggol, anak na kakatayin ang kanyang magulang at mga pagpaslang ng walang kadahilanan. Ang tao ay tao at ang hayop ay hayop ngunit tila nabaligtad na ito. Mas marahas na ang tao at mas mabangis na tayo kumpara sa anumang hayop sa mundo. Mas kaibig-ibig na ang hayop kaysa tao at handa natin itong gastusan ng libo-libo.

Ang buhay ay mahalaga ngunit marami ang hindi na ito pinahahalagahan. Nakalulungkot na sagrado (raw) ang buhay ngunit hindi naman ito ang ating nakikita. Tila ang motibo ng buhay ngayon ay pera at kapangyarihan.
Pera na susuhol upang maging makapangyarihan at kapangyarihan para sa patuloy na pagkamal ng maraming pera. Ipinagpapalit natin ang buhay sa kapirasong pera at walang awang papaslang sa pagtamasa ng huwad na kapangyarihan.
Ang sinumang may pera ay tila diyos ang kakayanan. Siya ang magdidikta sa mundo, sa bukas at sa buhay. Gagawin nitong diretso ang baluktot at itutuwid naman ang liko.
Ang sinumang makapangyarihan ay tila haring mag-uutos. Mga alila'y susunod kahit labag sa batas, tutol sa kanyang kalooban at susuway sa utos ng tunay na May Kapangyarihan.
Ang mga may pera at may kapangyarihan, iniidolo at kinaiinggitan. Akala kasi natin perpekto ang kanilang buhay, walang problema at walang alalahanin. At kung meron man madali mong malulutas at mareresolba --- marami kasing paraan at impluwensiya. Ngunit 'di natin batid sa kabila ng pamumuhay ng may karangyaan ay ang napakaraming pag-alala, pag-aalalang bumabagabag sa tila paranoid na pag-uutak. Takot sa pagbagsak, takot na makanti ang putanginang pride, takot na marungisan ang dati nang marungis na pangalan. 'Di natin batid (o tayo'y nagkukunwari) na kakambal nang pagdami ng pera ang pagiging sakim at ganid. 'Pag sinamba ang pera tila isa itong sumpa na mananahan sa taong gahaman. Ngunit kahit pa, lahat tayo'y aasamin pa rin ito at ipagpapalagay na hindi tayo magbabago o ipapangakong manananatili raw na nakaapak ang paa sa lupa. Ipagpapalagay na iba tayo sa kanila, sa mga taong nag-iba ang pananaw dahil sa impluwensiya ng pera.
 
Moderno na ang mundo ngunit paurong mag-isip ang mga tao.
Maligalig ang mundo, sinligalig ng isip ng tao.
Mahirap intindihin at mahirap unawain.

  • May bibili ng ilang milyong dolyar na halaga ng drowing kesa magpakain at magsalba ng buhay ng milyon-milyong taong literal na pinapatay ng kagutuman.
  • May maghahasik ng malalakas na bombang papaslang sa mga inosente't walang malay sa buhay para sa ilang ektaryang teritoryong lupain.
  • May handang sumakmal ng (sagradong) buhay ng tao upang makuha lang ang hawak mong isang pirasong selepono o ilang daang piso.
  • May alipin ng kanilang pananampalataya at ikakatwirang makatarungan ang kanilang pakikidigma --- aagaw ng buhay dahil sa (maling) paniniwala.

 - - - - -
May layunin at dahilan daw kung bakit tayo nabubuhay ngunit paano mo malalaman ang layuning ito kung bumabangon at nabubuhay ka lang upang maghanap-buhay? Wala tayong magawa at hinahayaan nating tayo'y maging kasangkapan at alipin ng oras, ng pera, ng kabataan, ng teknolohiya at ng kababawan.
Aanhin mo ang legasiya kung nagugutom ang iyong pamilya?
Aanhin mo ang dangal kung wala kang pambili ng medisina para sa iyong ina?
Aanhin mo ang marangal na pangalan kung titira kayo sa tahanang walang bubungan?
Aanhin mo ang layunin at dahilan kung natuto ka nang hindi kumilala ng dahilan?
Kung kahirapan, pagdurusa at kapighatian ang mararanasan nang marami habang nasa mundong ito, payapa at wala na sanang paghihirap ang ating kakaharapin doon sa kabilang buhay.


Ano ba ang higit na mahalaga; ang makabuluhang pamumuhay o ang makahulugang kamatayan?
Kung nabubuhay kang hikahos at salat sa buhay at kabuhayan, walang silbi sa iyo ang makabuluhang buhay o walang halaga sa iyo ang makahulugang kamatayan sasang-ayunan mo ba kung sasabihin kong para lamang 'yan sa may ambisyong maging bayani at dakila? Mas madalas sa minsan na ang asal, karakter at ugali ng tao ay nakadepende sa kung ano ang kalagayan at katayuan niya sa buhay, hindi ba't may may mga napipilitang mang-umit dahil salat sa yaman? Mapalad ang kapos sa pera ngunit puspos sa kagandahang loob. Subalit bakit maraming humihiga sa kayamanan na sagad sa buto ang kawalanghiyaan?


Mahiwaga nga (raw) ang buhay. Misteryoso.
Datapwa't tinutuklas na ng tao ang lihim sa likod ng bawat misteryong ito hindi naman natin binibigyang kahalagahan ang buhay at karapatan ng tao. Kinakailangan nating abusuhin at pagsamantalahan ang mundo, ang mga hayop, ang kalikasan, ang karagatan at ang lahat. At LAHAT tayo'y bahagi ng kalapastangang ito (hindi man natin gusto, hindi man natin maamin) para magpatuloy ang henerasyon ng tao, para uminog ang modernong mundo, para magkalaman ang sikmura ng bawat tao.


Mahiwaga nga (raw) ang buhay. Misteryoso.
Mas marami ang mga tanong kaysa kasagutan. May mga tanong na may sagot ngunit mas pinili ng taong hindi ito tugunin dahil marahil sa pagtatakip sa katarungan o sa ipinaglalabang adhikain at katwiran.
Ang mga dating imposible'y unti-unting naging posible. Ang milagro ay pinipilit ng taong maging karaniwan sa tulong ng siyensiya. Darating ang panahong kaya na ng siyensiyang bumuhay ng patay o bumalik sa nakaraan at gagawin nila ito ekslusibo (malamang) para sa mga may pera at makapangyarihan. 

Nakaapak na ang tao sa buwan at abot-kamay na rin natin ang iba pang planeta, pangkaraniwan nang may namamasyal sa kalawakan ngunit nagmamaang-maangan ang marami kung papaano makararating sa LANGIT.


Masaya daw ang buhay kung pipiliin mong maging masaya. Ngunit paano nga ba ang sumaya kung 'di mo mahagilap ang katarungan at hustisya?
Masarap daw ang mabuhay kung masusulit mo ito. Ngunit paano nga ba sasarap ang buhay kung wala ka ni piso sa iyong bulsa?
Sa modernong panahon ng agham at siyensiya, malaki na ang ibinaba ang halaga ng iba't ibang uri ng teknolohiya subalit nakapagtatakang 'di napipigilan ang pagtaas ng halaga ng gamot at pagkain gayong ito'y pangunahing pangangailangan natin.
Sa pagsulpot at pagdami ng iba't ibang uri ng komunikasyon at teknolohiya (virtual o kasangkapan, hardware o software) kakatwa na inilalayo naman natin ang sarili natin sa totoong tao --- kahit sa sarili nating pamilya. Lumilikha tayo ng sarili nating mundo, mundong makasarili na lalason sa kanyang isip at papatay sa pakikipagkapwa-tao.


Noon pa man alam na nating hindi patas ang mundo, batid na nating hindi madali ang buhay ngunit kadalasan tayo rin ang nagiging dahilan upang humirap ito ng husto.
Hinahanap natin ang kapalarang tila ayaw magpahagilap.
Gutom tayo sa kasiyahan kahit busog tayo sa bagay na materyal.
Lahat ng nais nating malaman ay nasa teknolohiya ngunit nakapagatatakang marami pa rin ang walang alam dahil hindi pursigidong may malaman.
Ipinagpapalit natin ang pangangailangan para sa pangsariling interes at kagustuhan.
At sa kagustuhang makibagay sa mundong kanyang kinabibilangan, ang tao'y nagiging bihasa sa pagpapanggap kahit labag sa kanyang kalooban.


Kahit anong gawin bahagi na ng daigdig ang kahirapan, digmaan, diskriminasyon, alipin, pagmamalabis, kagutuman, kasakiman, kaguluhan at kamatayan. Marami na ang nagtangkang ito'y baguhin at pigilan ngunit gaya ng ulan at baha noong panahon ni Noah, 'di rin mapipigilan ang pagragasa at pagkalat nito sa mundo.
Sa patuloy na pag-ilanlang paitaas ng makapangyarihan at mayayaman ay ang 'di maitatangging paglaganap ng kahirapan at kagutuman, kabi-kabila ang karahasan at digmaan, 'di maipaliwanag na delubyo ng kalikasan, at ang pagsulpot ng mga karamdamang tila walang kalunasan. Kung nalalapit na nga ang araw ng paghuhusga ay walang sinumang tiyak na makapagsasabi ngunit iba na nga ang mundo kaysa dati at hindi ito ang kaganapan sa mundong gusto nating MANGYARI.


Datapwa't marami na ang nagmagalaing at nagprediksyong malapit na nga ang katapusan ng mundo at huhusgahan na ang mga tao ayon sa kasalanan nito ngunit nananatiling lahat ng pagpapahayag na ito ay bigo at palso. Walang pa ring makapagpapahayag kung kailan ang ating katapusan. Sabi nga, bigla itong darating sa panahong 'di mo alam at inaasahan, gaya ng magnanakaw na may dalang elemento ng sorpresa. Sa dami na ng kasalanan ng tao, kasalanang lampas pa siguro sa inaasahan nating lahat, maari na marahil na muling malipol ang tao kasama ng kanyang mga kabuktutan at kasalanan upang tayo'y magbigay daan sa bagong henerasyong walang muwang sa korapsyon, sa kapalaluan, sa kasakiman at sa kapangyarihan.

Upang mapalitan na ang umiitim na kulay ng mundo.

Saturday, December 10, 2011

Pi7ong Bilyon


Hindi na nakapagtataka na ang populasyon ng tao ngayon ay umabot na ng pitong bilyon medyo napaaga nga lang ito sa pagtantiya ng mga ekspertong nag-aaral tungkol sa pagdami ng tao. Hindi ba napaka-ironic na kung ano pang bansa ang medyo maunlad ay ‘yun pa ang mabagal ang paglago ng populasyon at kung ano pang bansa ang kabilang sa listahan ng mahihirap na bansa ay ‘yun pa ang mabilis ang paglago ng populasyon. At kung sino pang pamilya ang may lubos na kakayanan na mag-anak at magpa-aral ng marami ay ‘yun pa ang iilan lang ang anak at ang magulang na walang matino o permanenteng hanapbuhay ‘yun naman ang sandamakmak ang anak!

Tulad sa Pilipinas, third world country tayong maituturing pero may populasyon tayong humigit-kumulang sa 93 milyon katunayan pang-labing dalawa nga tayo sa talaan ng overpopulated na bansa sa mundo. Hindi pa kasali diyan ang labing-isang milyong Pilipinong nagtatrabaho sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Mabuti sana kung ang milyong bilang na ito ay produktibo, kapaki-pakinabang at nakakatulong sa pag-unlad ng bansa pero sa palagay ko'y hindi dahil marami sa bilang na ito ang hikahos at salat sa buhay, sa madaling salita: tambay. Sa napakalaking bilang na ito ng mga Pinoy ay tila lalong lumiliit ang oportunidad ng pag-unlad sa dahilang marami rin ang naghahagilap ng pagkakakitaan; ng trabaho. Lalo’t hindi naman patuloy na dumadami ang investor at negosyanteng nais na mamumuhunan sa ating bansa. Subalit hindi lang sa bansa natin nangyayari ito maging sa ibang bansa ay may ganito ring suliranin; ang mga mamamayang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap o pangkaraniwang tao ay ‘di gaanong umaasenso o kaunti ang bilang ng umaasenso.

Pitong bilyon.
Ang dami na natin. Pansin mo ba ang unti-unting pagbaba produksyon ng pagkain ng tao? Pansin mo ba ang pagkalugas ng mga puno sa gubat na pinagkukunan natin ng maraming mga bagay na ginagamit natin sa araw-araw tulad ng kahoy, papel, gomat at iba pa? Pansin mo ba ang pagwawalanghiya sa ating mga bundok na pinagkukunan natin ng bakal, ginto, tanso at iba pang yamang mineral? Pansin mo ba ang unti-unting pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin? Dahil ito sa patuloy na pagtaas ng demand ng pagkain ngunit lumiliit naman ang supply para dito. Naisip mo ba kung ilang toneladang basura ang napo-produce natin sa bawat araw na lumilipas at saan ba natin ito itinatambak? Ang tao’y napakabilis at napakahusay kumonsumo ng ng likas na yaman pero tila wala naman tayong sapat na kakayahang palaguin at pagyamanin ito. Kung ikaw ay magagawi sa liblib na bahagi ng iba’t-ibang lalawigan nakakatawag-pansin ang ganda at kariktan ng dagat, ilog o bundok at kung sakaling ito’y pamugaran, pakialaman o i-explore ng tao asahan mo ito’y masasalaula. Kung saan maraming tao asahan mo ang marumi at sira ang paligid, ganoon lang iyon.

Pitong Bilyon.
Pitong bilyon tayong mag-aagawan sa oportunidad, maghahanapbuhay para sa pagkain, para sa tirahan. Pitong bilyon tayong tayong didisiplinahin at babantayan ang isa’t-isa. Pitong bilyon ang magpapakiramdaman kung sino ang mas responsable sa pag-aalaga sa karapatang pangtao at pangkalikasan. Kung ngayon pa lang ay nakararanas na tayo ng matinding pagbagal ng trapiko, matinding polusyon, pangamba ng krimen, kakulangan ng oportunidad sa hanapbuhay ano pa kaya ang mangyayari sa susunod na dekada sa patuloy na pagdami ng tao?

Nakakabahala na rin ang tila pagbabalewala ng mga tao sa patuloy na paglala ng pagiging abnormal ng panahon. Kahit anong panawagan at kampanya para sa malinis na kapaligiran, sa pag-preserba sa yamang-dagat at sa pagsawata sa pag-abuso ng kagubatan parang walang pakialam ang mga kinauukulan. Patuloy lang tayo sa pagtapon ng basura sa kung saan-saan, kabi-kabila ang pagmimina, pangangaso sa gubat, pananalbahe sa karagatan, walang humpay na pagbuga ng mala-dambuhalang mga usok galling sa pabrika at iba’t-ibang uri ng sasakyan at lahat ng ito’y sa kawalan natin ng disiplina at siyempre kapalit ng pera. Kung ang tao’y marunong marunong maghiganti ganoon din ang kalikasan, sino bang mag-aakala na ang mga bansang dating hindi nakakaranas ng baha ngayo’y may pagbaha? Malakas na buhos ng ulan sa panahong tag-init o matinding tagtuyot sa malaking bahagi ng mundo. Ang mga bagyo’y palakas ng palakas na animo’y lulunurin ka sa dami ng bumubuhos na tubig, ang taglay na hangin nito ay patindi ng patindi na hindi malayong pati ang mismong tahanan natin ay liparin nito. Dahil dito nalilimas ang mga pananim na dapat sana’y ating kakanin resulta: kaawa-awa ang mga taong walang kinalaman sa kawalanghiyaan ng ilang taong ganid at nagsasamantala sa kapaligiran. Kawawa ang mga hayop sa gubat na wala nang masilungan, sayang ang mga ari-arian na kung ilang taong pinag-ipunan sa isang iglap ay aanurin. Ano ba ang ginagawa ng tao para manumbalik ang ganda at yaman ng kapaligiran? Wala. Wala na tayong magagawa dahil mas marami ang gustong magkamal at makinabang kaysa mangalaga.

Pitong bilyon.
Ilang porsyento ba rito ang wala nang takot sa batas? Ilang porsyento ba rito ang halang ang bituka at tila walang kaluluwa? Ilang porsyento ba rito ang nagpapahalaga sa terorismo o tinatangkilik ang kaguluhan kaysa kapayapaan? Ilang porsyento ba rito ang may pagpapahalaga sa pera kaysa buhay? Ilang porsyento ba rito ang binibigyang importansya ang kapangyarihan kaysa dignidad at karangalan?
Mahirap uriin at bilangin pero sapat ba ang batas na umiiral para lahat ng masasamang uri ay malipol? Sa darating na panahon madadagdagan ba ito o mababawasan? Paano mo ba mapo-protektahan ang iyong pamilya laban sa masamang uri ng lipunan? Kung ang ating mga alagad nga ng batas ay nasasangkot na rin sa kriminal na aktibidades. Sana'y 'di dumating ang punto na patuloy na dumami ang masasamang elemento ng lipunan kaysa mabuti dahil baka sa dami ng bilang ng tao ay hindi na tayo makontrol ng otoridad.

Ang realidad ayon sa pag-aaral darating ang panahon na kukulangin umano tayo ng supply ng pagkain. Ilang dekada na lang at tiyak na may kakulangan na rin sa langis at gasolina. Magiging limitado ang pagdami ng isda sa dagat dahil sa labis na panghuhuli nito at ito'y mangyayari daw sa taong 2050's o 2060's. At patuloy na ring nababawasan ang dami ng ating bukirin dahil ang mga nagsasaka nito'y napipilitang ibenta ang kanilang lupain sa developer ng mga subdivision o sa higanteng mall na pumapatay sa mga maliliit na negosyante. Ang mga karne ng hayop na ating kinakain tulad ng baboy, baka at manok ay baka 'di sumapat dahil sa dami ng tao, mapipilitan ang exporting countries na itigil ang pagbebenta ng kanilang agrikulturang produkto kabilang na dito ang bigas, trigo at mga gulay dahil mas kailangan ito ng kanilang mamamayan. Ang tanong: kaya ba nating isustini ang pangangailangan sa pagkain ng bawat isa sa atin? Nakakatakot na baka dumating ang panahong ultimo karne ng pusang kalye ay handa na sa hapag-kainan ng ilan nating kababayan dahil marami ang walang kakayahang makabili ng matinong pagkain dahil sa labis na kamahalan ng presyo nito.

Masasabi kong mapalad pa rin tayo sa panahong ito dahil kahit medyo mahal ang halaga may mabibili pa rin tayong mabitaminang prutas, maprotinang karne, masustansiyang lamang-dagat at isda, pampalakas na gulay at pampalusog na bigas sa tindahan, palengke at supermarket kahit na pitong bilyong katao na tayo.
Pahabol: Pakiusap, pwede bang 'wag mong itapon ang basura o kalat mo sa kung saan-saan? Baka sakali sa ganitong paraan ma-extend natin nang kahit na kaunti ang preserbasyon ng ating lupang tinatapakan at mundong ginagalawan.

>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>

“This is my entry to The Gasoline Dude’s Blogversary Writing Contest. I want to win the 1TB Portable Hard Drive!")


Sunday, June 26, 2011

Estero

Kahit alam natin na hindi magandang gawain ang maghagis ng basura sa kalsada.
Kahit alam natin na babara ito sa estero at magiging sanhi ng baha.
Kahit malala na ang problema natin sa baha at basura
At kahit malaki ang pondo para sa flood control project.
Hindi pa rin ito masosolusyunan kung patuloy ang walang koordinasyon at marami ang nagwawalang-bahala. Sadista at masokista ba tayo at natutuwa tayo sa tuwing atin itong nakikita?

Plastik na supot, sirang payong, lumang baterya
Basag na CD, gomang tsinelas, patay na daga
Plastik na bote, piraso ng styropor, damit na sira
Kalawanging yero, basag na baso, tinik ng isda

Plastik na supot, upos ng yosi, pouch ng Zest-o
Putol na kahoy, butas na sapatos, sachet ng shampoo
Interior ng gulong, salaming basag, karsonsilyo ng lolo
Sintas ng sapatos, lata ng gatas, napkin na madugo

Plastik na supot, bakal na makalawang, gulanit na basahan
Aluminum foil, pundidong bumbliya, punda ng unan
Elesi ng bentilador, brotsa ng pintura, silya na Orocan
Pinto ng aparador, doorknob na kinalawang

Plastik na supot, basyo ng ballpen, hasang ng isda
Buhok ng tao, basag na remote, buto ng baka
Suklay na bali, lata ng sardinas, balat ng pinya
Bulok na pagkain, sako ng bigas, brang nanggigitata

Plastik na supot, sanga ng antenna, karton ng sabon,
Retaso ng yero, diaper na may tae, charger ng celphone
Balat ng chichirya, kaha ng DVD, brief na parang bacon
Bananaque stick, pinggang porselana, payong na skeleton

Plastik na supot, basag na pigurin, hose ng gripo
Buto ng mangga, laruan ni Junior, toother ng shabu
Bolang pisot, manika ni Nikki, putol na tubo
Bote ng gamot, picture frame na basag, buhaghag na sepilyo

Plastik na supot, bote ng lotion, blinds ng bintana
Ginunting na toothpaste, putol na kwintas, bimpong tuwalya
Biyak na tabo, retaso ng tarpaulin, butas na timba
Tablang may pako, arinolang butas, patay na pusa

Plastik na supot, gulanit na bag, poster ng pulitiko
Pouch at cup ng noodles, bote ng mineral, tipak ng bato
Galong plastik ng Ice Cream, palara ng yosi, tumigas na semento
Sirang wallaclock, putol na kable, faucet ng gripo

Plastik na supot, lumang sombrero, casing ng celphone
Putol na sampayan, mabahong showercap,panyong may siipon
Balat ng itlog, putol na sandok, putol na sinturon
Gulong ng bisekleta, tangkay ng gulay, gamit na condom

Plastik na supot, panis na kanin, panaling plastik
Piraso ng plywood, pang-ipit sa buhok, barbeque stick
Wallet na nakaw, stripes na panty, ATM na kinupit,
Patay na tuta, nilaglag na fetus, sinalvage na adik.

Tama nga na ang basurang itinapon natin ay babalik din sa'tin.
Kaya 'wag magtaka kung isang araw ay may kakatok at papasok na basura't tubig sa inyong tahanan.
Kahit walang pahintulot sila'y manghihimasok. Kahit ayaw mo sila'y magpupumilit.
Hindi na kagulat-gulat ang pagbara ng ilog, kanal at estero dahil sa walang habas na pagtatapon ng kalat at basura ng marami sa'tin sa kung saan-saan.
At kahit hindi na kasalanan ng gobyerno kung bakit tambak ang basura sa estero at kalsada, sila pa rin ang namumura at nasisisi.
Lahat na lang ay gobyerno ang may kasalanan. Lahat na lang sa kanila natin isinisisi. Kahit alam natin na malaking bahagi dito ay mamamayan ang may malaking partisipasyon at pananagutan. Dekada na ang problemang ito wala pa ring kongkretong solusyon, habang patuloy na dumarami ang ating populasyon patuloy lang ding lumalaki ang polusyon, patuloy na dumarami ang basura sa ilog, dagat, estero.
Eh kung isali na lang kaya ulit natin sa Guiness ang senaryong ito tutal mahilig naman tayo mag-break ng kung ano-anong record; gaya na pinakamahabang pila ng barbeque, pinakamaraming naghahalikan sa kalye, pinakamaraming nagpapasuso sa isang okasyon at lokasyon at marami pang "mahahalagang" achievements.
"Bansang may pinakamaraming basura sa Estero".