Showing posts with label pulis. Show all posts
Showing posts with label pulis. Show all posts

Friday, February 3, 2012

Balat-kayo


Ang mundo'y mapagkunwari.
Minsan kailangan mo ring magkunwari upang hindi makasakit ng ibang damdamin. Ngunit kung ang nais ng iyong pagkukunwari'y upang apakan ang iba o ipamukha sa kanila ang 'yong mga posesyon, materyal man o hindi; wala ka na ring ipinagkaiba sa kung sino mang iyong kinamumuhian.

Ang mundo'y isang palaisipan.
Minsan alam mo ang isang kasagutan pero kadalasan naman ay hindi. Pero kung pupunan mo ng sagot ang isang katanungan para magyabang at ipangalandakan ang hiniram mong talino o sasagutin mo ang isang palaisipan upang maibsan ang isang naguguluhan kahit alam mong ito'y mali; wala ka na ring ipinagkaiba sa isang bulaang nagpropesiya nang katapusan ng mundo.

Ang mundo'y nangangailangan ng bayani.
Minsan kang makatutugon sa pangangailangan ng iilan pero madalas hindi mo rin sila matingnan sa kalunos-lunos nilang kalagayan. Ngunit kung nais mong mag-abot ng ayuda dahil gusto mong magbida o ikaw'y magbabahagi para ikaw'y maging tanyag; wala ka na ring ipinagkaiba sa umaambisyong pulitiko.

Ang mundo'y sinungaling.
Minsan kang magiging tapat at pipiliting maging maging masunurin ngunit kalauna'y magsisinungaling ka pa rin para sa hangaring mabuti. Ngunit kung ikaw'y magsisinungaling para pagtakpan ang krimen o mas malalang kasamaan; wala ka na ring ipinagkaiba sa isang halimaw na pusakal.

Walang pumipilit na ikaw ay 'wag magkunwari.
Walang kayang humadlang kung gusto mong magtalino-talinohan.
Walang pakialam ang marami kung ang pagtulong mo'y may kapalit.
Walang pipigil sa iyong mga kasinungalingan.
Pakinggan mo man o hindi ang mga nais na gustong magmulat at magpaliwanag ikaw pa rin sa bandang huli ang siyang masusunod. Kung ikaw man ay mahusay magbalat-kayo marami din ang bihasa dito. Hindi lang ikaw, sila rin.

Sila na...
Mas maaarte pa kaysa sa tunay na maganda.
Mas magaling pa 'di umano kaysa sa tunay na magaling.
Mas paingles-ingles pa kaysa sa tunay na mahusay sa ingles.
Mas nais magpapakilalang otoridad kaysa sa tunay na may katungkulan.
Mas nagbibigay ng payo gayong sila ang higit na nangangailangan nito.
Mas mayabang pa kaysa sa tunay na mayaman.
Mas maingay at maangas pa kaysa tunay na matalino.
Mas mapamintas pa kaysa sa ibang may karapatan.
Mas mapang-api pa kaysa sa maunawaing amo.
Mas mapang-alipusta pa kaysa sa mga tunay na milyonaryo.
Mas magastos pa kaysa sa tunay na may kakayahang gumastos.
Mas matatapang pa kaysa sa tunay na matapang.
Mas maporma at may mahal na gamit pa kaysa sa kanilang inuutangan.
Mas nagmamayabang ang mga kasangkapan kahit puro inutang.

Bakit ba mas simple at payak ang buhay ng may kaya sa buhay kaysa sa mga nagpupumilit na hikahos?

Napaisip ka ba? Isa ka ba sa kanila?

Ang mundo'y mapagbalat-kayo.
Ang panglabas na iyong nakikita ay iba sa tunay nitong anyo. 'Wag magpalinlang sa kumikinang na ginto marami rito ang imitasyon; 'wag magpadala sa matatamis na salita marami rito ang maghahatid sa'yo ng pait; 'wag magpadala sa uso ito ang maglulugmok sa'yo patungo sa bangin.
Ang mundo'y minsang mapagbiro. Mahirap unawain, mahirap intindihin. Magtatanong minsan sa mga walang tiyak na kasagutan ngunit sasagutin naman ang mga hindi mo tinatanong, may dadating nang walang pasintabi at may lilisan ng 'di magpapaalam. 'Wag mo nang isipin, 'wag mo nang pagtangkaing itanong kung bakit.

Kung bakit...
Minsan mas tinatangkilik ang mga istoryang walang kwenta kaysa sa may matitinong kwento.
Minsan mas may magandang pananaw pa ang salat sa paningin kaysa sa mga hindi bulag.
Minsan mas kapaki-pakinabang pa ang may kapansanan kaysa sa mga tamad na malalaki ang pangangatawan.
Minsan mas hinahangaan ang mayayabang kaysa mapagkumbaba.
Minsan mas pinagkakatiwalaan natin ang mababa kaysa sa matataas.
Minsan mas minamahal ang nagkukunwaring kawawa kaysa sa totoong kaawa-awa.
Minsan mas gusto mong tumulong sa iba kaysa sa mismong kamag-anak.
Minsan mas kahanga-hanga ang walang talento kaysa mayroon nito.
Minsan mas mapanganib ang isang alagad ng batas kaysa sa inakala mong kriminal.
Minsan mas pinapahamak at inilalapit ka ng kaibigan sa panganib kaysa ilayo ka dito.
Minsan nahahalal ang popularidad lang ang puhunan kaysa sa higit na may kakayahang mamuno.
Minsan nagtatagumpay ang masasama laban sa kabutihan.
Minsan mas pinaniniwalaan ang kasinungalingan kaysa katotohanan.

Dahil ang mundo'y mapagbalat-kayo. Siguro ikaw rin.

Tuesday, May 31, 2011

Pusong bato at kamay na bakal

"Sa pag-unlad ng bayan disiplina ang kailangan."
Isa itong panawagan noong dekada sitenta ng isang pangulong bantog sa pagiging disciplinarian sa katunayan sa pagnanais niyang disiplinahin ang mga Pilipino ipinatupad niya ang batas-militar. Subalit batas-militar lang ba talaga ang magpapatino sa atin? Bakit ba hindi natin kayang pairalin ang disiplina sa sarili? Bakit 'pag nasa ibang bansa naman ang isang Pinoy ay mayroon siya nito?

Masarap mangarap na ang Pilipinas ay isang maunlad na bansang tinitingala at hinahangahaan ng ibang nasyon.
Kay sarap siguro ng pakiramdam na ang mga Pilipino ay may angking disiplina sa sarili, disiplinang magsisilbing ehemplo at tatatak sa isip ng mga banyaga.

Ngunit habang lumalaon at lumilipas ang panahon, ilang dekada ang nakararaan at ilang pagpapalit na rin ng Pangulo ang ginawa natin patuloy lang tayong umaasa, tsumastamba at nagbabaka-sakali na umahon kahit na papaano ang lugmok na Pilipinas. Masasabi ba nating may pag-unlad at may disiplina ang Pilipinas at mga Pilipino?
'Wag mo ng sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Ang pag-unlad at disiplina ay magkaugnay. Walang pag-unlad kung walang disiplina.
Hindi tayo aasenso kung hindi natin didisiplinahin ang ating mga sarili.
Hindi tayo uunlad kung hindi tayo didisiplinahin ng batas at mahigpit na pinapatupad ito kahit kanino.
Sa dami ng suliranin at delubyo na kinaharap ng mga Pilipino nararapat lamang na mayroon tayong natutunan sa nakaraan ngunit parang may kurot ng katotohanan ang kasabihang: "Ang kasaysayan ay paulit-ulit lang na nangyayari".

Napalayas na ang mga Espanya na tatlong siglong sumakop sa atin at nakamit natin ang kasarinlan ~ buong akala natin ay ito na ang umpisa nang pag-usbong ng Bagong Pilipinas.
Hindi rin nagtagal ang pananatili ng mga Hapon sa atin at muli rin tayong nakalaya sa kuko ng mapang-aping mga Hapones ~ muli tayong bumuo ng pangarap na tayo'y uunlad.
Ilang pangulo pa ang naghalinhinan sa pagmando at pagmaniobra ng Pilipinas.
Hanggang dumating si Marcos at ayon sa kasaysayan ito ang sinasabing pinakaabusadong Pangulo na namuno sa'tin. Dalawang dekada raw ang nasayang ng siya ang nanungkulan subalit marami rin ang nagsasabi na sa kanyang pamunuan "tumino" at nadisiplina ang Pilipino, ang ekonomiya'y hindi lugmok at ang piso'y lumalaban sa dolyar. Nang siya'y mapatalsik sa Malacañang ~ hindi pa rin tayo tumigil sa ating pangarap dahil nagising ang naidlip na pangarap na ito.

Bumilang ulit tayo ng ilan pang presidente, senador, alkalde, mambabatas at iba pa hanggang sa dumating ang isa pang di-umano'y kumitil sa pag-unlad ng Pinas sa katauhan ni GMA. At ngayon, tulad nang pagpapalayas noon kay Marcos heto na naman tayo naghalal ng Pangulong popular. Sino ba naman ang hindi mabibighani sa slogan na: "Kung walang Corrupt walang Mahirap!"? Iisipin natin na ito na ang magbabangon sa atin sa kahirapan. Bagaman isang taon pa lamang siya sa pwesto masasabi ba natin na may kakayanan siyang disiplinahin ang Pilipinas?
'Wag mo ng sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Katulad ng sinabi ko ang pag-unlad ay nasa disiplina. Ang mga mauunlad at progresibong mga bansa ay may disiplina. Kahit nga komunismong bansa ay may disiplina. Disiplinang hindi lang sa salita kundi sa gawa at ipinapatupad ang disiplinang ito maging sino ka man at ano man ang katayuan mo sa buhay. Idagdag na rin natin ang pagmamahal ng mamamayan sa kanyang bansa. Nakakainggit ang ganitong mamamayan na nakikita nating may lubos na pagmamahal sa bansang kanyang nasasakupan, may pagtangkilik sa lokal na produkto at matinong sinusunod ang umiiral na batas. Tayo ba ay mayroon nito?
'Wag mo na ring sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Nakita mo ba kung gaano kadisiplina ang mga Hapon? Na kahit sa panahon ng krisis ay pinaiiral pa rin ang disiplina at matiyagang nakapila sa rasyon ng pagkain noong sila'y nilindol at nakaranas ng tsunami. Kaya ba natin yun?
Hindi mo ba napansin ang pagmamahal ng mga Koreano sa kanilang bansa? Na ilang dekada lang ang nakalipas matapos ang Korean war ay muling umusbong ang sigla ng ekonomiya. Kaunti lang ang mahilig sa imported na produkto at mas pinapaboran nila ang kanilang sariling gawa. Nakakainggit 'di ba?
Hindi ka ba humahanga sa disiplina ng mga Singaporean? Walang tutol nilang sinusunod ang mahihigpit ngunit epektibo nilang mga batas. Galing nila 'di ba?
Hindi ka ba nahusayan sa disiplina sa kalsada ng Hongkong Nationals? Napakaayos ng sistema ng kanilang batas-trapiko; ang motorista ay sumusunod sa ilaw-trapiko at ang mga pedestrian ay tumatawid sa takdang tawiran. Magaya kaya natin 'yun?
Hindi ka ba bilib sa pag-aalaga ng bansang Amerika sa kanyang kababayan? Na kahit nasa ibang bansa ang isang amerikano ay todo-proteksyon sila dito kaya ganun na lang din ang pagmamahal ng amerikano sa kanilang bansa. Kaya ba ng gobyerno natin gawin ito sa'ting mga Pilipino?
'Wag mo na ring sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Ang Pilipino'y likas na may katigasan ang ulo bantog tayo sa kawalan ng disiplina. Hangga't wala tayong disiplina hindi natin makikita ang liwanag ng pag-asa, hindi natin masisilayan ang pagbangon ng Pilipinas at wala tayong kakaharaping magandang bukas. Ngunit sino ba ang magpapatino sa atin? Sino ba ang may tapang na ipatupad ang umiiral na batas? Sino bang namuno ang hindi kinondena? Sino bang matinong namuno ang lubos na sinuportahan ng walang batikos?

* Sino ba ang makakapag-utos sa mga negosyante at kapitalista na magpasweldo ng tama?
* Sino ba ang kayang humuli sa lahat nang lumalabag sa batas-trapiko?
* Sino ba ang magbabawal sa mga pasaway na taong patuloy na nagtatapon ng basura sa kung saan-saan?
* Sino ba ang may kayang ilikas ang mga iskwater ng walang kaguluhang mangyayari?
* Sino ba ang sisita sa mga abusado at barubal na motorista sa kalye?
* Sino ba ang makakapigil sa mga pinoy na mahilig dumura at umihi sa kung saan-saan?
* Sino ba ang makikiusap at susundin na 'wag babuyin ang pampublikong banyo? 'wag mag-vandalism? 'wag nakawin ang takip ng manhole? 'wag batuhin ang ilaw sa mga poste?
* Sino ba ang may kakayahang sabihan ang mga tambay na maghanap ng trabaho?
* Sino ang ganap na makapagpapatigil sa ilegal na pagmimina at pagtotroso?
* Sino ba ang susundin sa panawagang magbayad ng tamang buwis?
* Sino ba ang magsusuplong sa mga negosyanteng ganid sa kita ng langis?
* Sino ba ang mag-uutos at susunding 'wag magbigay ng VIP treatment sa mga may kaya?
* Sino ba ang makapagpapatino sa mga taong tawid ng tawid sa hindi tamang tawiran?
* Sino ba may kayang makiusap at sundin na huwag mag-park sa kung saan-saan?
* Sino ba ang magpapatino sa mga illegal vendor at sabihin sa kanilang 'wag magtinda sa kalsada?
* Sino ba ang huhuli sa mga sasakyang may nakalalasong usok na nakaapekto sa kapaligiran?
* Sino ba ang may karapatan na kumumbinsi at iutos na tangkilikin ang sariling atin?
* Sino ba ang may kakayahan na dapat ay lagi tayong nasa oras?
* Sino ang magsasabi na 'wag mag-anak ng marami kung walang sapat na hanap-buhay?
* Sino ba ang may kapangyarihan na ipatupad ang batas ng walang pinapaboran?
* Sino ba ang pipigil sa mga mambabatas at halal ng tao na 'wag kulimbatin ang pondo ng bayan?
* Sino ba ang sasawata sa taong-gobyerno na itigil na ang katiwalian?
* Sino ba ang aawat sa mga pulis at militar na 'wag gamitin sa masamang paraan ang kanilang pondo?
* Sino ba ang may kayang utusan ang pulis na 'wag mangotong at maglingkod ng buong puso para sa bayan?
* Sino ba ang ganap na susundin sa panawagang ipatupad ang magagandang programang para sa kapakanan ng bayan?
* Sino ba ang susundin sa panawagan ng pagkakaisa?

Sa tigas ng ulo at kawalan ng disiplina ng karaniwang Pinoy (mahirap man o mayaman) hindi lang pangkaraniwang lider ang kailangan natin subalit 'wag naman sanang dumating sa punto na kailanganin pa ng buong Pilipinas ng Death Squad (tulad ng sa Davao) para lang tayo lubos na madisiplina.

Tama. Na ang disiplina ay nagmumula sa sarili subalit hindi naman ito ang totoong nangyayari dahil ang mga pinoy ay kanya-kanyang diskarte para malusutan ang batas ~ impluwensya at kapangyarihan sa mayayaman, pagiging sutil at paawa effect naman sa iba. Kaya nararapat lang na may maghihigpit, may susupil at may totoong sasaway sa matitigas na ulong mga Pinoy.

Hanapin natin ang ganitong lider dahil ito ang ating kailangan.
Hindi natin kailangan ng lider na may pusong naghahanap ng kalinga sa buhay.
Mas kailangan natin ng lider na may Pusong bato sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas ng walang pinapaboran at walang kinikilingan.
Hindi natin kailangan ng lider na may kamay na naghahanap ng makakadaupang-palad sa lamig o init ng gabi.
Mas kailangan natin ng lider na may Kamay na bakal para usigin, kasuhan at ikulong ang sino mang may kasalanan at ibigay ang nararapat na parusa ano man ang estado nito sa buhay.

Kung mayroon lang sanang pangulo na may ganitong katangian at may b_y_g na kayang disiplinahin ang lahat ng mamamayan kabilang na ang mga opisyal nito doon pa lang natin makikita ang pag-unlad subalit malabong mangyari ito dahil mas ginugusto at pinapaboran ng masa na maghalal ng popular na kandidato sa halip na kandidatong pamumunuan tayo ng may likas na Talino, Tikas at Tigas.

Nakakainip na babanggitin na naman natin na hindi pa siguro panahon na makahanap tayo ng lider na ganap na susundin at susuportahan ng mga Pilipino ang anumang adihikain nito laban sa kahirapan at lubha ring napakahirap makahanap ng tao na sasagot sa ating mga katanungan. Sa kasalukuyan nating panahon parehong ang namumuno at mamamayan niya ay walang disiplina. Ano pa ba ang aasahan natin?

Sa'n hahantong ang kawalan ng disiplina nating ito? Kung ang simpleng mga panuntunan ay hindi kayang tuparin ng simpleng mamamayan lalo pa ang matataas na tao. Patuloy na yata tayong mangangarap na lang nang magandang ekonomiya at maunlad na Pilipinas. Sayang ang mga dugo at buhay na ibinuwis ng ating mga bayani sa pagtatanggol sa tinatawag na kasarinlan sa pag-aakalang kaya nating umunlad ng walang tulong ng dayuhan.
Saan ba tayo huhugot ng disiplina? Mahirap ba itong gawin?
'Wag mo ng sagutin pareho lang tayo ng nasa isip.

Tuesday, January 25, 2011

Carnapping ~ sakyan natin



Kung tutuusin kaya ng kapulisan sugpuin ang carnapping kung gugustuhin lang nila...

Laman ng balita ngayon ang nakabibilib na sunod-sunod na pagdakip sa mga suspected na mga carnapper ganundin ang pag-raid sa kani-kanilang mga hideouts kabilang na ang sa Cavite, Pampanga, Batanggas at iba pa.
Ito ba'y dahil sa naging sensesyonal ang pagkamatay nina Emerson Lozano at Venzon Evangelista?
Bakit bigla na lamang silang naging masipag at bawat opersayon nila ngayon ay may katumbas na media coverage?
Sa isang iglap ba'y sabay-sabay na impormasyon ang natanggap nila galing sa kanilang mga asset at mahusay nila ngayong nagagampanan ang kanilang tungkulin?
Kung hindi kaya na-media ang brutal na pagpatay kay Lozano, Evangelista, et al masipag din kaya sila ngayon kumpara sa dati?

Ang gagaling naman ng ating magigiting na pulis at halos sabay-sabay nilang natunton ang mga liblib na safehouses ng mga carnapping syndicate, mga taong involve sa sindikato, mga whereabouts ng kung sino-sino at ang modus ng bawat grupo. Kung iisipin, halimbawang ang iyong sasakyan ang na-carnap sa kahit saang lugar sa Pilipinas; ano ang chances na ma-recover mo ito?

May posibilidad ba na may mahuling kasangkot?
May mapapala ka ba sa pag-report mo sa pulisya?
Meron siguro... kung anak ka ng senador, congressman, mayor at kung sino-sino pang may matataas na katungkulan sa gobyerno pero kung ordinaryong Juan dela Cruz ka lang,'wag ka nang umasa. Gaya nga kasong ito: http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=599133

Nakatutuyang nakakalungkot na kung sino pa ang dapat asahan sa panahon na kailangan natin nang tulong nila (kapulisan) ay sila rin ang hindi natin pinagkakatiwalaan. Masisisi ba nila tayo? Ilang pulis ba ang nahingan mo ng kagyat na tulong at hindi humingi ng kapalit?

Hangga't ang media ay hindi tumitigil sa kabit-kabit na pagbabalita sa insidente ng carnapping patuloy na may masasakote ang kapulisan, wala silang tigil sa pagprisinta ng kanilang mga nahuli at pagbubunyag ng mga hideouts ng carnapper at mga katayan ng na-carnap na sasakyan. Katulad ng mga kriminal sa lipunan ang kapulisan ay balot ng misteryo ~ napakalalim nilang mag-isip at halos magkaugnay na ang kanilang mga kilos at gawi. Sa mahigit tatlumpung iba't-ibang kasong isinampa sa lider ng carnapping group, magtataka pa ba tayo na labas-masok lang sila sa kulungan? Isa lamang itong moro-moro dahil alam naman ng lahat na hindi kayang mag-operate ng isang sindikato kung walang basbas ng otoridad. At ngayong bunyag na ang kanilang operasyon malamang kahit hindi nila krimen ay ibabato sa kanilang grupo. Sa bansang ito na kung ano ang mainit na paksa ay 'yun ang pagpipiyestahan at sasakyan. Heto naman ngayon ang mga kagalang-galang na mga senador at maghahain ng batas na gagawing non-bailable ang sinumang maakusahan ng carnapping...kailangang may magsakripisyo para maisip nila ito!

Ilang dekada ng lumalala ang carnapping sa Pinas pero hindi nila ito naisip dati. Ilang daang sasakyan ang ninanakaw sa araw-araw pero ngayon lang sila naging concern sa mahal nilang mga Pilipino (plastic!). Bakit marami pa ring mga sasakyan (kotse man o motor) sa kalsada ang humaharurot ng walang plaka? Niñgas-cogon lang na naman 'yan ng pulitiko, pulis at ahensiya ng gobyerno kung may lalabas na mas kontrobersyal na balita matatabunan lang ang isyu ng carnapping.