Showing posts with label jose rizal. Show all posts
Showing posts with label jose rizal. Show all posts

Monday, December 29, 2014

Bukas Na Liham Para Kay Gat Jose Rizal

Mahal kong Dr. Jose Rizal,

Disyembre 30 na naman. Holiday dahil araw ng iyong kadakilaan. Nagpapasalamat ang mga Pilipino sa’yo kasi dahil sa pagkamatay mo mahaba ang kanilang bakasyon, sumabay kasi ito sa selebrasyon ng Bagong Taon. Nakakatawa dahil tila limot na ng karamihan ang mga dahilan kung ano ang iyong ipinaglaban. Mas nae-excite sila sa pagpapaputok ng fireworks sa gabi ng Disyembre 31 kaysa pag-aralan, ipagdiwang o isapuso ang kasarinlang aming nakamtan dahil sa iyo at iba pang mga bayani ng bayan.


Kung nabubuhay ka kaya sa panahong kasalukuyan, ano kaya ang masasabi mo sa kalagayan ng ating lipunan?
Matuwa ka kaya dahil nagtatamasa ang lahat ng “Kalayaan”?
Hindi ka kaya nagsisisi dahil naging mapagmalabis ang maraming pilipinong dapat sana’y nag-aaruga sa ating Inang Bayan?
Masasabi mo kayang sulit ang pagbuwis ng iyong buhay para sa kapakanan ng mga Pilipino ng sumunod na henerasyon?


Marami pa rin naman ang nakakakilala sa’yo bilang aming pambansang bayani, marapat lang. Ngunit marami rin kaya ang nakakaalam sa mga sakripisyo at ginawa mo sa bayan sa panahong kasalukuyan? Ewan. Dahil sa dami ng mga nagsasamantala sa bayang iyong ipinaglaban sa kalayaan higit sa isandaang taon na ang nakararaan, hindi ko na mawari kung tuluyan na nga nilang kinalimutan ang pagmamahal at pagmamalasakit mo sa bayan, naibaon na rin marahil ang istorya sa likod ng katapangang ipinakita mo laban sa mapanupil at mananakop na mga kastila.


Halaw sa isang sinulat mo dati; “Aanhin mo ang kalayaan ng mga tinapakan kung bukas sila naman ang maghahari-harian.” pagkalipas ng mahigit isang siglong kasarinlan tila ganoon na nga rin ang nangyayari, ang salinglahi ng mga tinapakan, niyurakan at ipinaglaban mo noon ay sila ngayon ang hari at naghaharian sa ating bansa. Sila mismo ang dumudungis at hindi nagmamahal sa bayang iyong sinilangan.  Nawala na nga ang monarykiya ng Bansang Espanya ngunit nanatili naman ang mga hari sa iba’t ibang anyo at iba’t ibang kapuluan. Nakakalungkot. Sa halip na magtulungan ang lahat upang magpaunlad ang bansa, sa halip na maglingkod para sa bayan – ang mga makapangyarihan ay  kadalasang mas masahol pa sa hari, mas sakim pa sa ganid, mas malupit pa sa berdugo.


Nasaan na kaya ang iyong tinuran at nagmarka sa isip ng karamihan na: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Tunay ngang kabataan sana ang pag-asa at mag-aahon sa nakasadlak na inang-bayan, ngunit taliwas at tila iba ang nangyayari sa kasalukuyan. Marami sa kabataan ang napapariwara at nalululong sa iba’tibang bisyo, marami ang bukas ang pag-iisip sa usaping seksuwal na nagreresulta sa maagang pag-aasawa, maraming palaboy at kapos sa edukasyon, marami ang katulad ng iba pang desperado at patungo sa kawalan ng pag-asa.
Ngunit batid kong mayroon pa ring kabataan ang mabubuti at matitino, sila na huhubog at papanday para sa magandang kinabukasan ng bansang Pilipinas.



Kahit kapiraso na lang, gusto ko pa ring mangarap na hindi pa lubusang huli ang lahat para magbago, may  pag-asa pang sisilay sa bansa mo katulad ng pag-asang iyong tangan-tangan noong ikaw ay nabubuhay pa at nangangarap na makaalpas sa mapaniil na kamay ng mga Kastila. Sana gaya mo, ang buhay namin ay magkaroon ng saysay at maging makahulugan.
Sana matularan namin ang kahit ilan lamang sa iyong kabayanihan.

Sana’y mabuhay ang kabayanihan sa aming mga puso at isip; ang adhikain at adbokasiya na iyong tinaglay noong ikaw’y nabubuhay ay hindi sana humilay; ang pagiging makabayan, matapang, dakila at handang magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan ay ‘di sana tumigil sa iyong panahon.

Monday, April 2, 2012

Tatak Pilipino

Tatak Pilipino.
'Pag sinabing tatak Pilipino ano ang unang-unang sumasagi sa isip mo?
Filipino hospitality? Native Philippine products? Philippine Azkals?
Sa negatibong aspekto, ang agad mong maiisip ay ang korapsyon, polusyon, overpopulation at marami pang ibang nega na sa sobrang dami ay makakabuo ka na ng isang blog entry.

Kamakailan, nalagay sa isang kontrobersiya ang pagkomento ni Arnold Clavio sa kanyang pang-umagang programa na ang karamihan umano sa miyembro ng Phil. Azkals ay wala o hindi taos sa isip at puso ang pagiging tunay na Pilipino; maraming panatiko ng Azkals ang bayolenteng nagre-act at bumatikos sa naturang komento. Naisip ko, ano ba talaga ang tatak Pilipino? May natitira pa bang tatak at ugaling Pilipino sa panahong ito? At may kahalagahan o pinahahalagahan pa ba ang tatak Pilipino sa kasalukuyan?
Sa modernong panahong ito, tila wala nang kumakatawan sa pagiging orihinal na tatak Pilipino; magmula sa naglalahong kaugaliang bayanihan hanggang sa mga personalidad ng ating palakasan, magmula sa ating pangalan hanggang sa mga kasangkapan.
Ang ating mga musika, pelikula at programa sa telebisyon ay may malaking impluwensiya ng mga banyaga; ang ating pananamit, kasuotan gayundin ang ating mga kagamitan sa bahay; ang ating pagkain, gadget o ang suot-suot mong sapatos o relos, ang mga makabagong reality show, talent search/show at ang ating news o showbiz program, lahat ng mga iyan ay may bahid ng tatak banyaga. Ang pangalang taglay mo ngayon ay may tunog banyaga; karamihan sa apelyidong Pinoy ay tunog Kastila samantalang ang unang pangalan naman ay karaniwang galing sa mga kanluraning bansa.
Nawala na nang tuluyan o 'di kaya'y bilang na lang halos sa ating daliri ang mga magulang na nagpapangalan sa kanilang mga anak ng tunay at likas na pangalang Pilipino, si Kidlat Tahimik (sino 'yun) na nga lang yata ang may likas na pangalang Pinoy. 'Di tulad sa bansang Hapon, Thailand o Korea kahit laganap na ang iba't ibang kanluraning pangalan (halos) hindi sila naiimpluwensyahan nito. Kilala mo ba sina Hirisho Nagasaki ng bansang Hapon? O si Predaporn Samutprakarn ng Thailand? O si Jun Sin Lum ng Korea? Ako rin, hindi ko rin sila kilala dahil imbento ko lang ang kanilang pangalan pero sa isang dinig mo pa lang alam mo na agad kung ano ang nasyonalidad ng ganitong pangalan.

Dito sa atin ang karaniwang pangalan ay tulad na rin sa bansang Amerika o Espanya tulad ng Johnny, Jessie, Margie, Eleonor atbp. Maraming kapitbahay nating bansa sa Asya ang may tunay na identidad, pagkakakilanlan na agad mong maiisip ang kanilang bansa; anong bansa ba ang maiisip mo 'pag binanggit ang Sony o Toyota o ang maganda at mabangong bigas na Thai Jasmine Rice o ang sasakyang Hyundai at gadget na Samsung? At ang counterpart nito sa mga Pinoy: NFA rice siguro. Pinoy napinoy. Haha.
Ang pambansang punong Narra mayroon pa ba tayo nito? Inuubos na sa labis na pangangaso.
Ang dating pambansang ibon natin ay maya na ngayon ay agila ay tila ginaya lang natin sa Amerika.
Wala na rin halos tayong nakikitang kalesa, bahay-kubo at bakya napalitan at naging moderno na rin ito.
Ang sayaw na tinikling ay tila sa CCP o sa Loboc river o tuwing Linggo ng Wika na lang umeeksena.
Dapat na rin sigurong palitan ang ating pambansang laro na sa halip na sipa ay gawin natin itong lotto dahil sa obvious na dahilan.
Panaka-naka'y may nakikita pa tayong nagtitinda ng sampagita pero 'di malayong ito'y unti-unti ring maglaho. Pasalamat na rin tayo dahil nandiyan pa ang pambansang prutas at isda na mangga at bangus. Mangga na ang primera klase ay agad na pinadadala sa mga bansang Amerika, Hapon Australia atbp. at ang naiiwan sa atin ay yung hindi export quality at ang bangus na may masarap na produksyon na rin ang bansang Taiwan.
Alam mo ba na maski ang ating pambansang watawat na tinahi nina Marcela at Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa de Natividad ay gawa sa ibang bansa (Hong Kong)?
At alam mo rin ba na ang ating pambansang awit na Lupang Hinirang ay orihinal na salitang Kastila? Taong 1899 ng ito'y magawa galing sa kastilang tulang 'Filipinas' ni Jose Palma, isinalin sa Ingles noong 1919 at 1940's nang ito'y maging ganap na Lupang Hinirang sa salitang Tagalog o Filipino.
Sadyang mahirap yatang ugatin ang tunay na tatak Pilipino dahil kahit ang ating mga pambansang sagisag kundi may bahid ng banyaga, ay halos nawawala na.
Dahil sa kahirapan, naglalaho na rin halos ang magandang kaugalian na: 'Filipino Hospitality' napapalitan ito ng pagiging makasarili at pagsasamantala sa mga dayuhang turista bagama't mayroon pa rin namang mangilan-ngilan na mababait na pilipinong may taglay nito. Ang native products tulad ng banig, kapis, bamboo, atbp. na ipinagmamalaki nating gawang Pinoy ay hindi na rin halos tinatangkilik ng pangkaraniwang Pinoy. Mayroon pa ba kayo nito sa inyong salas o kwarto? Malakas ang impluwensiya ng kanluraning bansa kaya mas ginugusto natin ang mga modernong disenyo at kagamitan sa bahay. Kakatwa nga na mas naa-appreciate pa ito ng mga dayuhan kaysa sa 'tin. Huwag na nating pag-usapan ang mga negatibong aspekto ng tatak Pilipino dahil ito'y ibang usapin.
Aminin man natin o hindi, hindi natin kayang mamuhay ng mag-isa, hindi natin kayang mamuhay ng walang produkto o tulong ng mga dayuhan. May kasabihan sa Ingles: 'no man is an island' applicable din ito sa kahit anong bansa, mayaman man o mahirap.
Nakakalungkot lang malaman na kahit mayroong tayong orihinal na gawa o produktong Pilipino ay mas tinatangkilik pa rin ang gawa o produktong dayuhan; mayroon nga tayong mga patok na Pilipinong produkto pero makikitang malakas ang impluwensiya dito ng banyaga o di kaya ay malaking bahagi ng naturang produkto ay inaangkat galing sa iba't ibang bansa (lalo sa China). Ang numero unong fast food chain na Jollibee ay sa Pilipino pero hamburger ang isa sa may pinakamalakas nilang nabebenta; ang matinong Philippine made na Cherry mobile na celphone products na kahit mura ang halaga ay tila nilalangaw sa merkado ganundin ang Timex watches; ang numero unong clothing product na Bench ay pagmamay-ari ng isang Pilipino-Tsino at malaking porsyento ng kanilang produkto ay galing Tsina.
Mayroon noong panawagan si Cong. Joey Salceda na i-boycott ang mga produktong galing China kung tutuusin maganda ang kanyang layunin at adhikain at ang magbebenipisyo dito ay ang maliliit na negosyanteng Pilipino ngunit sa reyalidad at tunay na kalagayan ng Pilipinas ay hindi natin kayang tustusan ang ating sariling pangangailangan. Higit sa animnapung porsyento ng ating angkat na produkto ay galing China/Taiwan/Hong Kong at kung ipagbabawal ang mga produktong Tsina ano na lang ang ititinda ng ating mga kababayan sa Tutuban o 168 mall? Saan manggagaling ang ating supply ng maraming building materials? At kahit ang mga paboritong produkto ng mga sosyalin na Lacoste o iPhone ay galing China, oo galing 'yan sa China.


Marami sa basketball player ng paborito ng masang PBA ay binubuo ng Fil-foreigners sa katunayan muli ng lumakas ang benta ng tiket ng PBA nang dumami ang mga fil-foreigner sa naturang liga, ang national team natin sa basketball ay binubuo ng Filipino/Filipino foreigner at kahit nga ang orihinal na coach nito ayforeigner (Iranian) din, ang Philippine Rugby team ay ganundin mas marami sa kanila ang mas mahusay mag-ingles kaysa mag-tagalog at hindi exempted dito ang kontrobersyal at popular na Philippine Football Team ang: Philippine Azkals.

Hindi maitatanggi na malalakas at may talento ang mga Fil-Foreigner kumpara sa purong Pilipino kung hindi ba naman e di sana matagal na tayong muling nakabalik sa FIBA at iba pang liga. May talento rin naman ang mga Pinoy pero tila hindi ito sasapat sa laki at liksi ng mga dayuhang kalaban sa iba't ibang pisikal na sports. Tanggapin na natin na ang mga Fil-Foreigner athletes natin ngayon na kabilang sa iba't-ibang sports team ay malaki ang naiaambag at nagiging kontribusyon sa pagyabong muli ng natutulog na sports sa Pilipinas, naging mas exciting at mas maangas ang dating ng ating bagong pambato laban sa ibang bansa. Kung magiging isyu ang nationality sa pagkakasali ng mga Fil-foreigner sa pambansang koponan na basketball, rugby, football o kahit ano pa 'yan; dapat ay kinuwestiyon din dati ang nationality ni Robert Jaworski na iniidolo ng napakaraming basketball fanatics, oo Fil-foreigner din siya (Polish-American/Filipino) idagdag ko na rin ang ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal (siya rin may dugong banyaga).

Tulad nila Phil at James Younghusband, o nila Robert Jaworski o ng ating idolong si Jose Rizal o tulad mong bumabasa nito hindi mo naman hiniling na maging Pilipino o maging half-bred na Pilipino; ito na ang nakagisnan at naitadhana sa iyo, hindi na natin ito maitatanggi ngunit mabuti pa nga sila itinataguyod at ipinaglalaban nila ang pagiging Pilipino sa larangang alam nila hindi tulad sa maraming Pilipino na lumisan, tinalikdan at niluran pa ang bansang Pilipinas. Mayroon namang tunay daw na Pilipino pero wala namang malasakit sa kanyang kapwa Pilipino at nakukuha pang lustayin ang perang buwis ng Pilipinas at saka sasabihing mahal ko kayo at ang bansang Pilipinas! Kung ikaw ang tatanungin, mas nanaisin mo bang magkaroon ng kaibigang Pilipino na oportunista't mapagsamantala o isang (fil) foreigner na tapat at mapagkakatiwalaan?
Nakakatawa na tayong mga Pilipino ay sobrang sensitibo kung kakantiin at pupulaan ang Pilipino at bansang Pilipinas ng ibang nasyon pero tayo mismo ang nagbebenggahan sa isa't isa at tayo ring Pinoy ay sagad kung makapamintas sa ibang lahi. Sa halip na lunasan ang suliranin at tanggapin ng positibo ang kritisismo ginagantihan din natin ito ng pangungutya.

Wala na nga ang tunay na tatak Pilipino, wala na rin tayong tunay na identidad ngunit ano bang magagawa natin o may magagawa pa ba tayo? Problema ba itong dapat na solusyunan? Sa tuwing may Pilipino o kahit katiting na dugong pilipinong nagkakaroon ng papuri at karangalan sa ibang bansa nagkukumahog at nag-uunahan ang maraming kababayan natin na ipagmayabang ang pagiging pilipino ngunit patay-malisya naman kung sakaling matalo o may nasasangkot na pilipino sa isang kalokohan at buong yabang na babatikusin ang kanyang kapwa, 'yan marahil ang bagong Tatak-Pilipino.
Sa pananamit na lang siguro natin masasabing tayo'y may orihinal na tatak Pilipino; hindi ang baro't saya ang tinutukoy ko dahil hindi na ito pangkaraniwang isinusuot ng kababaihang pilipina kundi ang Barong Tagalog, madalas pa rin itong sinusuot at nakikita sa mga kasalan, sa pagtitipon, sa kongreso, sa senado at kahit sa Malakanyang pero teka ano ba ang pang-ilalim natin dito? Ah, T-shirt na Hanes o kaya ay Kamisa Tsino ayos, Tatak Pilipino nga.

Tuesday, June 14, 2011

"Ang Kabataan ang pag-asa ng Bayan"


Hunyo 19.
Kaarawan ng ating idolo: Dr. Jose Rizal. Si Rizal na makata, manunulat, alagad ng sining, mangingibig, doktor, makabayan.

Si Gat Jose Rizal na ating pambansang bayani; isang taong eksepyonal sa lahat ng larangang kanyang ginusto at inibig. Henyong maituturing kumpara sa ordinaryong taong tulad natin. Sa edad niyang tatlumpu't-apat nang siya'y pumanaw ay hindi matatapos ang istorya ng kanyang buhay sa sobrang kulay nito. At ngayong ika-isandaan at limampung taon ng kanyang kapanganakan hindi maaaring hindi ito gunitain ng makabayang Pilipino at ng ating kasalukuyang pamahalaan.

Gugunitain ang kanyang pagiging ehemplo sa kabataan, ang pagkamartir, ang kanyang mga gawa, ang kanyang mga reporma, ideolohiya at ang kanyang kabayanihan.

Marami siyang pangaral na iniwan sa'tin at isa lamang sa daan-daang pangaral na ito ay ang malalim na: "Ang kabataan ang pag-asa ng Bayan".

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ito'y katotohanan walang duda. Dahil ang kabataan ang masusing nagmamatyag sa gawi ng nakatatanda, sila ang nagmamasid sa bawat kilos nang mas may gulang. Subalit, hindi ba may kasabihang: "Anumang ginagawa ng mga nakatatanda ay nagiging tama sa paningin ng mga bata".
Ano ba ang nakikita nating ginagawa ng nakatatanda sa atin?
Ano ba ang ginagawa ng mga may edad na nasa pwesto at tungkulin?
Kabi-kabila ang lantarang lumalabag sa batas, mahirap man o mayaman.
Nakakalungkot malaman na ang kabataang may magandang hangarin sa bayan ay lalamunin ng sistema.

Nasaan na ba ang kabataang binabanggit ni Gat Rizal? Nasaan na ba ang pag-asang kanyang hinahanap sa katauhan ng mga kabataang ito? Pansin mo ba ang pagbabago ng kabataan ngayon? Bakit marami sa kanila ngayon na ang sarili mismo nila ay hindi nila mahagilap? Hindi ba dapat sila ay higit na maasahan dahil sa madaliang solusyon sa bawat katanungan hatid ng bagong teknolohiya?

Masdan mo ang mga bata. Ang aral sa kanila makukuha.
Masdan mo ang kabataan.
Marami ang sa kanila'y pakalat-kalat sa mall at sa arcade kahit na ang dapat ay nasa loob sila ng klase at nag-aaral kaharap ang guro at pisara.
Marami ang sa kanila'y nasa bilyaran kahit na ang dapat ay nagsusulat ng kanilang aralin hawak ang pluma sa halip na tako.
Marami ang sa kanila'y nasa loob ng internet cafe o computer shop minamaster ang kung anu-anong video games sa halip na ang kanilang asignatura habang ang kanilang magulang halos dugo na ang ipawis sa paghahanap-buhay.

Masdan mo ang mga bata. Ang sagot ay 'yong makikita.
Masdan mo ang kabataan.
Makikita mo sa kanila na ang buhay ay simple lang; may okasyon man o wala ay wala silang sawa sa inuman.
Makikita mo sa kanila ang tunay na "pagrespeto" sa matatanda; wala silang pakialam at gagawin pa rin ang gusto kahit na halos umiyak na ang magulang sa pagsaway sa kanilang maling gawi. At kahit na ang simpleng pag-utos ng ina ay hindi alintana.
Makikita mo sa kanila ang pagpapahalaga sa tinatawag na "pag-ibig"; lantaran nila itong ipinapahayag sa murang edad at pagkuwa'y isinisisi sa gobyerno ang kahirapang naging dulot nang kapusukan.

Masdan mo ang mga bata. Ang buhay ay hawak nila.
Masdan mo ang kabataan.
Marami sa kanila ang hinahayaang malubog ang sarili sa iba't-ibang mga bisyo; hindi pa tapos ng kolehiyo pero napakahusay na humithit ng yosi.
Marami sa kanila ang hinahayaan ang sarili na magayuma at malason ang isip ng teknolohiya sa halip na ibaling ang sarili sa mas makabuluhang mga bagay.
Marami sa kanila ang maagang napapasok sa sindikato at napapariwara ang kapalaran; mga kabataang hanap ay basag-ulo at walang pakialam sa mga taong kanilang naagrabyado.

Sa hirap ng buhay, ang ibang mga kabataang may pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral ay nahihinto, ayaw man nila itong gawin. Maagang sumasabak sa hamon ng buhay, naghahanap ng trabaho, nagbabanat ng buto. Trabahong maituturing na hindi naman sasapat sa lahat ng pangangailangan.
Hindi ba nakakagagong isipin na kung sino pa ang kabataang may kapasidad na pag-aralin ng magulang ay sila pa ang madalas na magloko at walang interes na mag-aral! At ang mga kabataang gustong makapagtapos ng pag-aaral ay sila naman ang hindi nabibigyan ng magandang pagkakataon makatuntong ng kolehiyo!

Kaya't ipagbunyi natin ang mga kabataang hindi (pa) nagpapalason sa kinang ng kapangyarihan at hindi nalulunod sa komersyalismong hatid ng makabagong teknolohiya. Mga kabataang hindi nababahag ang buntot na labanan ang masamang epekto ng bisyo at droga, mga kabataang nagsusumikap makapagtapos ng pag-aaral sa kabila nang kahirapan sa buhay, mga kabataang may nakikita pang liwanag sa gitna nang madilim na kapaligiran, mga kabataang agresibo sa tunay na pagbabago, mga kabataang puno ng pangarap. Mga kabataang isinasapuso pa rin ang aral, habilin at ideolohiya ni Gat Jose Rizal. Pero kakaunti na lamang yata sila, ganunpaman sila pa rin ang maituturing na pag-asa ng bayan. Bakit? Wala naman tayong pagpipilian. Dahil ang matatanda'y kukupas, lilipas at patuloy na nilalamon ng nabubulok na sistema.

Bagong henerasyon. Bagong Pag-asa. Huwag kalimutan hangga't buhay ka (pa) may pag-asa.
Kabataan, sila ang pag-asa ng bayan.