Showing posts with label katotohanan. Show all posts
Showing posts with label katotohanan. Show all posts

Wednesday, December 19, 2012

Brutal



"Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue".
Linya ito sa isang kanta ni Billy Joel na may titulong "Honesty".
Isang napakalungkot at brutal na deklarasyon na ang lahat ng tao'y hindi matapat.
Nasaan na nga ba ang honesty?
Sino ba ang maaring sabihing matapat? Sino ang may lakas ng loob na sabihing siya'y matapat? Ako? Ikaw? Sila? Guro? Ang ating mga Pari o Pastor? May natitira pa bang matapat sa panahon ng mapagkunwaring mundong ito?
Huwag magmalinis. Dahil lahat tayo hindi man madalas ay minsang hindi naging tapat; matino man o hindi ang katwiran at mabigyang katarungan ang anumang dahilan ng hindi pagiging tapat, ang punto rito: walang nabuhay na matapat kahit gaano ka pa katalino, kahit gaano ka pa kagaling, kahit gaano pa kabanal ang tingin sa'yo ng mga tao, kahit gaano pa kataas ang posisyon mo at kahit gaano ka pa kabait.

Hindi ako malinis at mapagkumbaba kong aaminin at sasabihing sumuway din ako sa katapatan dahil katulad ng halos lahat minsan sa kasaysayan ng aking buhay ako ay naging suwail at hindi naging matapat. Kailanman ay hindi ito dapat ikarangal at ipagmalaki ngunit ang pinakamahalagang nadulot nito ay ang natutunang leksyon sa pagkakamali at ang pagsusumikap na huwag na muling maulit pa ang kamaliang ito kaakibat nang pagtanggap at pag-amin ng kasalanan.

Ang anumang nangyari sa ating buhay noon ay may koneksyon sa ating buhay ngayon maging maganda man ito o kasawian, maging kabutihan man ito o kasalanan dahil ito ang nagbibigay kahulugan kung sino tayo ngayon. Ito ang huhubog sa ating ganap na pagkatao ngunit masasayang ang lahat ng ito kung wala kang pinagsisihan sa mga kasalanan,  kung wala kang itinama sa mga kamalian at kung hindi mo isinapuso ang mga ibinigay na leksyon at aral.

Datapwat may mga bagay na hindi madaling sundin ang katapatan mas marami pa ring pagkakataon na kaya nating maging tapat. Nakakadismaya lang malaman na sa lahat ng antas ng buhay ay talamak na ang pagiging suwail at hindi tapat. At alam nating marami nito sa pulitika, sa pamahalaan, sa opisina, sa gobyerno at saan mang antas ng lipunan.

Bakit marami ang suklam na suklam sa nanunungkulan ngunit ni hindi man lang nila nakikita ang kalokohang ginagawa nila?
Bakit sa taas ng posisyong nakaatang sa balikat tinutumbasan naman ito nang mababang uri ng pag-aasal?
Sa kabila ng ganda ng trabaho, posisyon at sweldo, nakakadismaya na hindi pa rin napuputol ang paghahangad ng kalabisan.
Sadya bang nakalulula sa itaas o wala lang talagang kakuntentuhan ang paghahangad na mapunan ang pagkagahaman?

Bukod sa pera, ang dishonesty ang mortal na kalaban ng mundo. Napakaraming uri ng dishonesty ang kayang gawin ng mga tao na kahit simpleng bagay na lang ay sinusuway pa. Sana kung hindi rin lang ganoon kahirap na tupdin maging tapat tayo kahit walang nakamasid at kahit walang parusang nakaamba. Kung sakali mang dumating sa puntong sinusubok ang iyong katapatan piliting ito'y paglabanan 'wag masilaw sa sandaling kasiyahan hindi mo man lubos itong pagsisihan may katumbas itong kaparusahan nang hindi mo namamalayan.

Kung ang lahat ay hindi na matapat dapat bang tayo'y magbigay ng tiwala?
Kung ang lahat ay may kakayahang basagin ang tiwala dapat ba ang isang pagpapatawad?
Kung ikaw ay minsan nang nagpatawad dapat bang magbigay ng ikalawa at isa pang pagkakataon?
Oo nga na ang lahat ay hindi tapat, maaring ang iyong mga ginawang kamalian ay hindi na nalaman at nasiwalat pa ng iba, ngunit naitanong mo ba sa sarili mo kung dapat ka rin bang pagkatiwalaan? Marami ang humihingi ng kapatawaran ngunit ang masaklap ang mismong may gawa ng sala ay 'di mapatawad ang sarili.
Ang hindi raw maasahan sa maliit na bagay ay hindi rin maasahan sa malaking bagay. Kung ang simpleng bagay lang ay 'di mo matupad paano ka pa mabibigyan ng isang malaking responsibilidad?

Madalas na hindi buo ang tiwala natin sa mga tao, madalas na kahit nagbigay tayo ng tiwala ay may kalahok pa rin itong pagdududa pero minsan nakakalimutan natin kahit ang sarili natin ay hindi natin kayang pagkatiwalaan. Kaya tayong ipagkanulo ng ating sarili anumang oras, anumang pagkakataon. Sa panahong akala natin ay kaya nating paglabanan at mapagwagian ang lahat ng uri ng temptasyon doon ka pa susubukin at saka mo malalaman na marupok ka pa rin at hindi sasapat ang lahat ng iyong nakaraan at karanasan, lahat ay mababale-wala sa isang kisapmata lang.

Kung sa tingin mo'y naging tapat ka sa buong panahon ng iyong buhay 'wag kang magpatawad pero kung hindi ka rin naging tapat, sino ka para hindi maggawad ng kapatawaran?
Ngunit hindi ibig sabihin nito na dapat kang alipinin at abusuhin nang paulit-ulit at gawing lisensiya at karapatan ang iyong pagpapatawad para ikaw ay maging katawa-tawa at maging tanga sa patuloy niyang hindi pagiging tapat.

Higit na masakit ang sugat na wala sa balat.
Kahit bukal sa loob mo ang pagpapatawad hindi maiwawaglit sa isip mo ang sugat na nalikha nito sa iyong damdamin. Kahit bukas sa puso mo na ibigay ang kapatawaran hindi kailanman malilimot ang sakit na dinulot nito. Ang alaala ng kasalanan ang magiging sanhi ng hindi lubos na pagtitiwala; ito ang pilat na magpapaalala sa sugat na minsang naging makirot na nanunuot hanggang sa iyong panaginip. Kahit napakaraming taon na ang lumipas hindi tuluyang maglalaho ang gunita ng nakaraan na mumulto sa nagpupumilit na tumiwasay na damdamin at kaisipan.

Wala ngang nabuhay na matapat ngunit...
Pagsumikapang maging tapat kahit na marami ang hindi ito ginagawa.
Piliting magpakatatag kahit walang nakakakita.
Pag-isipan nang maigi bago magdesisyon dahil kaakibat nito ang paglala o pagbuti ng sitwasyon.

Ang pagsusumikap na maging tapat ay parang pagsuong sa isang malakas na buhos ng ulan hindi ka man lubusang mabasa dahil sa dala mong pananggalang, kaya ka pa rin niyang basain sa taglay niyang hanging brutal at walang pakudangan.

Monday, September 17, 2012

Ironies and Realities in Life





  •  Ang mga pinakaimportanteng bagay sa mundo ay hindi bagay.
  • Ang mga bagay na niluluhaan mo ngayon ay isa sa magiging dahilan ng pag-ngiti mo pagdating ng ilang panahon.
  • Kung kailan ka napapalapit sa isang bagay saka pa ito biglang maglalaho sa iyo.
  • Maliit man o malaki, halos lahat ay may itinatagong sekreto.
  • Hindi lahat ng mayaman ay mahal ang mga gamit at hindi lahat ng mahirap ay mumurahin ang kagamitan.
  • Kahit gaano ka pa kabait o kabuti may mga tao pa ring hahanapan ka ng pagkakataong magkamali.
  • Weird ang tingin sa iyo ng mga tao kung may iba kang pananaw sa buhay.
  • Kung sino ang binubully ngayon siya ang nagiging matagumpay sa pagdating ng ilang mga taon.
  • Kahit na anong galing at talino mo darating ang araw na mas may makahihigit sa iyo.
  • Mas tinatangkilik at minamahal natin ang mga banyagang pelikula o artist kaysa sa sarili nating gawang pelikula o talento.
  • Sa pagnanais natin na mamintini ang ating kagustuhan nasasakripisyo natin ang ating pangangailangan.
  • Mas alam at kabisado ng mga Ina ang buhay ng bidang karakter sa paboritong teleserye kaysa sa buhay ng mismong anak nila.
  • Minsan mas maasahan ang ibang taong hindi mo lubos na kilala kaysa sa mga taong itinuring mong kaibigan at inakalang kilala-kilala mo na.
  • Mas nakakagawa ng paraan ang mga tao na magkaroon ng panahon at oras sa isang pamilya o kaibigang namatay kaysa noong nabubuhay pa ito.
  • May kakaibang saya ang tao kung nakakagawa ng bawal.
  • Lahat tayo ay may pangamba tuwing sasakay ng eroplano.
  • Maraming tao ang kaibigan ka lang kung ikaw ay napapakinabangan.
  • May mga taong hindi naman imbalido pero mas masahol pa sa may kapansanan kung umasta.
  • Ang mga kabataan ay nagmamadaling maging matanda at ang mga may edad nagpupumilit maging bata.
  • Hindi natututo ang pangkaraniwang tao sa paulit-ulit na problema at kamalian.
  • Mas malaki ang porsyentong hindi ka mabayaran kung ikaw ay nagpautang.
  • Totoong mas nakakatakot ang buhay kaysa sa patay.
  • Labis-labis ang kalungkutan nang nadarama ng isang tao kung walang pera.
  • Mas mayabang pa ang taong hindi mayaman kaysa sa tunay na mayaman.
  • Mas madali pala ang buhay noong estudyante ka pa kaysa ngayong nagtatrabaho ka na.
  • May pagkakataon sa buhay natin kung ano ang sinabi mo iyon ang nagkakatotoo.
  • Misteryosong hindi natin makita ang ilang bagay na ating hinahanap pero lumilitaw din ito sa panahong hindi mo inaasahan.
  • Mas mapamintas ang mga taong hindi gaanong kagandahan kaysa sa mga tunay na magaganda.
  • Pangkaraniwan na sa tao ang mapanghusga base sa kanyang nakikita; sa damit, sa posesyon at sa itsura.
  • Ang mga kayumanggi may pagnanais na pumuti at ang mapuputi may pagnanais na maging kayumanggi.
  • Minsan mistulang walang pinag-aralan kung umakto ang may matataas na pinag-aralan kaysa sa mga taong mas may mababang pinag-aralan.
  • Mas madali makakuha ng impormasyon ngayon pero mas marami ang higit na matalino noon kumpara ngayon.
  • Ang tao kahit baon na sa pagkakautang utang pa rin ng utang.
  • Mas pinahahalaghan lang natin ang oras pag paubos na ito.
  • Minsan mas pinagkakatiwalaan mo ang ibang tao kaysa sarili mong kamag-anak.
  • Ang mga artista na may tunay na talento ay nagko-commute lang papunta at pauwi samantalang ang mga artistang halos pa-cute lang ang alam komportableng nakakotse saan man patungo.
  • Mas simple ang buhay noong Nokia 5110 pa lang ang usong celphone.
  • Mas maraming pinagkakakitaan, oportunidad at proyekto ang mga taong marami nang pera kaysa sa mga taong higit na nangangailangan nito.
  • Kahit anong pilit natin na huwag tayong mag-discriminate sa tao minsan hindi pa rin natin ito maiwasan.
  • Kahit gaano kalaki ang sweldo mo madalas kulang pa rin ito sa iyo.
  • Kahit anong ganda ng sinulat mo mas mapapansin pa rin ang isang ordinaryong sulatin lang kung marami itong kaibigan.
  • Balat-kayo lang ang "Proud to be Filipino".
  • Marami sa mga pulis, pulitiko at abogado ang unti-unting nilalamon ng maling sistema.
  • Minsan hindi lang talento, abilidad, talino at pagkaguwapo/pagkamaganda ang kailangan mo upang umasenso sa buhay, kailangan din ng oportunidad at pagkakataon.
  • Habang tumatagal lalong bumababa ang kalidad ng musika at pelikulang pilipino.
  • Mas madali ang magpatawad kaysa makalimot.
  • Mas madaling humanap ng pera kaysa makahanap ng katapatan.
  • Mas mabilis ang karma kaysa pagyaman.
  • Nagbibigay ng kakaibang self-confidence ang pagkakaroon ng pera.
  • Matutuklasan mong hindi sasapat ang pera para makubos ang iyong kaligayahan.
  • Madalas kahit alam nating mali ginagawa pa rin natin.
  • Lahat ay gustong makarating ng langit pero hindi naman natin makuhang magpakabait.
  • Lahat ay naniniwalang may Diyos pero hindi lahat ay nagtitiwala.
  • Kahit na anong gawin lahat ng bagay ay mayroong hangganan. - Ely Buendia