Monday, April 29, 2013

Unang ulan ng Mayo



Naririnig kong pumapatak ang ulan. Dahan-dahan.
Naririnig ko ring may tumatakbong isang paslit sa gitna ng ulan. Walang pakialam, walang pagsidlan ang kasiyahan.
Masaya ba siya dahil umuulan o masaya siya dahil siya'y naglilibang?
Sa pagtila kaya ng ulan ay titila rin ang kanyang pagtawa?
Alam kaya niya na ang kahulugan ng ulan ay ang sandaling paghalik at pagtatagpo ng langit at ng lupa?
* * *
Tulad mo'y isang ulan na iglap na dumating at iglap ding lilisan.
Sa panahong kailangan kong magtampisaw, ikaw ay naroon. Naglibang at naputikan ngunit katulad ng isang paslit; walang pakialam.
Sa panahong nais kong mabasa gamit ang tubig na galing sa iyong ulap, higit pa sa tubig ang iyong ibinigay. Mas lamang ang pagkasiya sa tuwing ikaw ay bumubuhos kahit alam kong ikaw ay isang panandalian; pilit ko pa rin itong itinanggi.
Pinatid mo ng iyong ulan ang uhaw kong panaginip, hindi ka nagdamot at hinayaan akong magtampisaw sa iyong bawat patak at tilamsik.
Ang bawat anggi at ihip ng iyong hangin ay nagdulot sa akin ng kakaibang ritmo ng musika na aking inawit at sinayawan.
Hinalikan mo ng iyong tubig ang lupang natuyot ng balat-kayo at pagkukunwari.
Kung maari lang sanang hindi ka na tumila, kung maari lang sanang hindi ka na tumigil, kung maari lang sanang hindi ka na lumisan. Ngunit nakalulungkot na hindi ito ang itinakda.

Tulad ng sa ulan, ikaw ay lilisan at kasabay mong lilisan ang kapilas ng aking kasiyahan na hindi kayang tumbasan ng anumang libangan. Nalulunod ako sa tuwing ikaw ay bumubuhos ngunit nais ko pang ilublob ang aking sarili upang mabatid ko pa kung gaano ito kalalim.
Gaya ng sa ulan, ikaw ay titila at kasunod din nito ang pagtila ng kakaibang ngiting iyong idinulot sa noo'y nagulumihanan kong pag-iisip. Kaligayahan ang hatid ng iyong bawat patak at kahit batid ko nang ito'y titigil hindi ko pa rin hinanda ang aking sarili, 'di nagpapigil.

Ngunit...
Paano ba ihahanda ang sarili sa kalungkutan?
Paano ba itatakwil ang kaligayahan?
Paano ba pagtaksilan ang kasiyahan?
Ah, siguro'y ayoko pang magpasagip, ayoko pang umahon. Kung kasalanan ang lumangoy sa iyong tubig hayaan mo nang tuluyan akong malunod at kagyat na mahusgahan ng Langit.

Sa iyong paglisan, aalalahanin ko ang iyong tinig na minsa'y naglagay ng ngiti sa nagtatanong kong nakaraan. Gagawin kong sandigan ang iyong positibong pananaw sa buhay at 'di kailanman marunong magalit. Tatawa ako kasama ng iyong mga tawa at halakhak na ngayo'y isa na lamang pangarap. Babaunin ko ang kislap ng iyong ngiti na minsa'y naging inspirasyon ng aking panaginip.
Isa kang panaginip na naging totoo at bumalik sa pagiging panaginip.
Ayoko sabihing madamot ang tadhana kahit saglit ka lang niyang ibinigay sa akin.
Ayoko sabihing sinungaling ang mundo kahit minsan ka lang naging katotohanan.
Ayoko sabihing pinagkaitan ako ng pagkakataon kahit sandali lang nang tayo'y pinagtagpo.

Totoo palang masaya ang mundo at higit pa itong sumaya nang minsa'y sinamahan mo akong hakbangin at lakbayin ang isang landas patungo sa kasiyahan. Hindi ko na itatanong kung bakit sa isang kisap lang ikaw ay maglalaho dahil mas nararapat ang isang pasasalamat kaysa anumang panunumbat. Minsan ko na ring sinabi, na sa ating buhay ay may pagkakataong hindi sasapat ang salitang SALAMAT para masuklian ang lahat ng buti at kasiyahang idinulot sa atin ng isang tao. At ikaw, ay higit pa sa isang salamat lang. Higit pa sa iniisip ko noon, higit pa sa inaakala ko dati, higit pa sa isang panaginip ko ngayon.

Kung lahat ng bagay ay may dahilan, ikaw ang aking dahilan.
Kung lahat ng bagay ay may kasagutan, ikaw ang aking kasagutan.
Kung lahat ng bagay ay may katapusan, haharapin ko ito nang may paggalang.
Maraming salamat at hanggang sa muli.
* * *
Naririnig kong pumapatak ang ulan. Dahan-dahan.
Isa akong paslit na nagtatakbo sa gitna ng ulan. Walang pakialam, walang pagsidlan ang kasiyahan.
Masaya ako dahil umuulan hindi dahil sa ako'y naglilibang.
At sa pagtila ng ulan ay titila na rin ang aking pagtawa.
At sa iyo ko nalaman na ang kahulugan pala ng ulan ay ang sandaling paghalik at pagtatagpo ng langit at ng lupa.

Oo, ako 'yung paslit at ikaw ang aking ulan.


2 comments:

  1. Ang luffet ng post mo Sir.. na miss ko bigla ang tunog ng pagpatak ng ulan sa bubungan :)

    ReplyDelete
  2. Salamat sa muling pagbisita ms zei maya. :)

    ReplyDelete