Wednesday, August 8, 2012

Habagat



Agosto 6 - 7, 2012.
Mistulang umiiyak ang langit.
Nararamdaman ko ring siya'y nagagalit.
Lahat ng kanyang sama ng loob ay ibinuhos sa walang tigil na luhang kanyang hinatid. Tila sinisingil na ang tao ng kalikasan sa lahat ng kawalanghiyaang ginawa natin sa kanya. Matanda, bata, mahirap, mayaman, iskwater o pasosyal, salbahe o banal ay hindi pinatawad, hindi sinanto. Kaawa-awa. Kalunos-lunos. Mga hamak na nakatira sa ilalim ng tulay o prominenteng nasa subdibisyon ay wala ng pinag-iba. Mistulang mga basang sisiw na humihingi ng awa at kalinga.
Ang kulay ng umaga at gabi ay halos wala ng pinag-iba.
Ang gabundok na basura na ating itinapon sa kung saan-saan ay tinipon at ibinabalik na sa atin ngunit hindi pa rin tayo madadala, walang aral na makukuha.
Ang bawat patak ng ulan na dating ating nginingitian ay nagdudulot na nang takot sa bawat isipan, ang lagaslas ng tubig na karaniwang baha lang ang pinsala ngayo'y pumapatid na ng buhay at pag-asa, ang maruming tubig na noo'y nasa kanal at kalsada lang ay nakikisilong na rin sa loob ng maraming tahanan.
Idineklarang walang pasok hindi dahil upang ang mag-aaral ay maglaro o magsaya, hindi dahil upang ang empleyado'y gumimik o magpahinga kundi dahil upang masaksihan natin ang lupit at ganti sa'tin ng kalikasan at pagmasdan kung papaano humagupit ang nagngangalit na ulan; mapanood na maraming bahay at kagamitan ang inanod at tinangay, makitang maraming buhay at pangarap ang winasak at kinitil.
Ah, hindi na impormasyon lang ang hatid sa'yo ngayon ng balita kundi isang nakakahilakbot na bangungot sa marami nating kababayan.
Ang takot na tumimo at nanatili sa isip ng mga naging biktima na hinahatid sa tuwing sasapit ang ulan at huhuni ang hangin ay higit pa sa milyong pisong pinsala.

Nasaan ka araw? Sisilay ka pa ba?
Sana bukas muli kang magbigay ng init at pag-asa sa nanlalamig naming balat at isipan. Tulad ng dati.
Ano pa ba ang kaya nating gawing sa kalikasan? At ano pa ang kaya niyang iganti sa atin?
Sino ang tatawagan natin sa panahong parang may delubyo?
Sino ang magliligtas sa atin kung kasabay mo nang tumatangis ang langit?
Sino ang mahihingan natin ng tulong kung ang mismong mga tutulong ay nangangailangan nito?
Hindi lang si Mayor o ang MMDA, Red Cross o GMA, Pulis o Kapitan ng Baranggay na kanyang nasasakupan kundi ang minsang lumakad sa ibabaw ng karagatan.
Hindi kaya nakakalimot na tayo?

No comments:

Post a Comment