Showing posts with label trapik. Show all posts
Showing posts with label trapik. Show all posts

Monday, May 19, 2014

Isang Open Letter Tungkol sa Trapiko




Dear Mayors, MMDA, LTO and other officials concerned,


Alam naming hindi madali ang inyong trabaho, alam naming hindi madaling patinuin ang mga motoristang salbahe at walang respeto sa kalsada at alam din naming sumasakit na ang inyong ulo sa kung ano at papaano ang susunod ninyong istratehiya upang maibsan o mabawasan man lang ang lumalalang traffic situation sa Kamaynilaan. Pero alam naming merong kayong police powers and authority para disiplinahin ang napakaraming pasaway sa kalsada kaya kayo lang ang may kapangyarihan na maisaayos sa legal na paraan ang maligalig at magulong sitwasyon ng trapiko dito sa atin. Hindi katulad namin na simpleng mamamayan lang ng republikang aming kinabibilangan.


Kung talagang seryoso kayo na mapaluwag ang trapiko sa Kalakhang Maynila hindi lang dapat number coding ang mahigpit niyong ipinatutupad, maaaring makatulong sa pagluwag ng daloy ng trapiko ang pagpapatupad ng daytime truck ban pero malaking dagok naman ito sa ating ekonomiya at 'di lang natin gaanong pansin na apektado tayo nito.


May dahilan kung bakit nagpatayo ng napakaraming footbridge sa Kamaynilaan pero kapansin-pansin ang mga pedestrian na mas ninanais na tumawid sa ilalim nito (talamak ito sa kanto ng Abad Santos Ave. at Recto). Bakit hinahayaan ng mga magigiting ninyong traffic enforcers ang mga walang disiplinang pedestrian na ito na daan-daanan lang sila?
Takot ba sila na ipatupad ang batas?
O sumuko na rin sila sa kasasaway sa mga jaywalkers?
Masikip na nga ang kalsada sumasabay pa ang mga mababait na pedestriang ito. Kung ganoon pala bakit gumastos pa tayo ng milyon-milyong pisong halaga ng footbridges gayong masaya naman ang lahat na nakikipaglaro ng patintero sa rumaragasang iba't ibang sasakyan.


Baka nakakalimutan ng inyong opisina na hindi pa pinapayagan ang pedicab, tricycle at kuliglig sa mga main road (DILG Memo Circular 2007-01, Local Gov’t Code Sec. 447 & 458) kaya muli namin itong ipinapaalala sa inyo.

Pero bakit nagkalat sila sa ating mga pangunahing kalsada?
Mga pedicab/kuliglig na nakikipag-unahan sa lahat ng uri ng sasakyan at may pasaherong lampas pa sa kayang isakay ng ordinaryong taxi, mga tricycle na kaliwa't kanan kung mag-cut at mag-overtake na tila ayaw na nauungusan. Idagdag pa natin na ang mga ito ay walang prangkisa, hindi napipigilan ang pagdami, walang pakundangan sa pagmamaneho, walang pakialam sa batas trapiko at ang nakapagtataka ay hindi sila sinisita man lang ng mga opisyal ng alinmang traffic agencies o sinumang traffic enforcers.
Hindi masama ang magtrabaho pero hindi ba't ang batas ay ginawa at ipinatutupad para sa lahat?


Hari ng kalsada kung sila'y ituring, bakit nga ba hindi eh wala silang respeto sa kapwa nila motorista. Magsasakay at magbababa sa kahit saang lugar nila naisin, bigla na lang hihimpil at maghihintay sa pasaherong sampung kanto pa ang layo, hihinto sa pinakagitna ng kalsada kesehodang siya ang maging sanhi ng pagkabuhol-buhol na trapiko. Mga PUJ na akala mo'y asong gala na tatae na lang kung saan sila abutan, ayaw magbigay daan at sila pang galit kung iyong pagsasabihan. Tulad ng mga tricycle/pedicab/kuliglig driver may laya rin silang huminto kahit berde ang ilaw at aarangkada kahit na ito'y pula. Siyempre hindi naman lahat ng jeepney driver ay violator meron din namang matitino at panakanaka ay sumusunod sa batas trapiko pero ilang porsyento lang kaya sila? 
Sana. Sana lang ay mabigyang tuldok na ninyo ang lantarang paglabag ng mga astig na driver na ito.

Lahat na yata ng pagdidisiplina ay ginawa na ng inyong opisina sa mga unstoppable at higanteng mga buses pero tulad ng dati hindi sila nagpapatinag at nagpapaapekto sa anumang sanction at parusang kaya ninyong ipataw sa kanila. Kahit na kitang-kita naman na sila ang malaking bahagi nang dahilan ng pagsimula ng trapik kung saan sila bumibyahe o rumurota. Dalawang dambuhalang bus lang ang nakabalagbag sa kalsada ay tiyak nang makagagawa ng kilometrong pagsikip ng trapiko.
Pero kahit libong beses niyo man silang pagmultahin, suspendihin o alisan ng prangkisa sana 'wag kayong huminto sa pagdisiplina sa kanila.

Sa inyong kaalaman baka walang nag-iinform sa inyong opisina na:

- Maraming lugar sa Kalakhang Maynila kabilang na ang kahabaan ng A.Bonifacio Ave. mula Quezon City hanggang Lungsod ng Maynila ay tila pangkaraniwan na lang ang mga sasakyang nagka-counterflow; mula kuliglig o tricyle hanggang sa magagarang sasakyan, nandun sila sa tapat mismo ng North Cemetery makakakapal ang mukhang binabalandra ang kanilang kawalang galang. Ganito rin ang senaryong ginagawa ng mga motor at tricycle sa Fourth Avenue sa Caloocan City at sa Bonifacio Drive at R-10 sa Maynila at Caloocan.

- Lantarang ginagawang (ilegal) terminal ng mga tricycle o jeepney driver ang mga pangunahing kalsada na sa obvious na dahilan ay pinapayagan ng mga pulis at traffic enforcers. Sa A. Mabini St. sa Pajo, Caloocan, sa ilalim ng LRT partikular ang Abad Santos at sa R. Papa stations ay ilan sa mga halimbawa nito. Kung bakit naman din kasi pinapayagan ng kung sino na ang isang kalsada ay isara para sa liga ng basketball ay sila lang ang nakakaalam. Kaya hayun, dagdag sakit ng ulo sa inyo at sa amin.

- Bukod sa illegal terminal ng tricycle at jeepney, malaking perwisyo rin ang mga vendor at ang mga nakapark sa mga main road at secondary road. Hindi lingid sa inyo at sa atin na noong kapanahunan ni Chairman BF ay halos nasawata na ito pero ngayon tila umarangkada na naman ang mga illegal vendors at illegally parked vehicles sa halos lahat ng lugar sa Kamaynilaan. Sa Dangwa na bagsakan at bilihan ng mga murang bulaklak ay masikip ang trapiko kahit sa dis-oras ng gabi at ang dahilan nito ay ang mga nakapark na iba't ibang uri ng sasakyan; delivery van, mga sasakyan ng mamimili, at private vehicle ng mga stall owner. Samantalang sa magkabilang kanto ay hindi bababa sa tatlong traffic enforcer ang nakatalaga para magmando ng trapiko, galing 'di ba? Nilalaparan ba ng DPWH ang kalsada para gawing paradahan lang ng mga pribadong sasakyan?


Higit sa isandaang milyong na ang populasyon natin at napakalaking labingdalawang porsyentong Pilipino (more or less) ay nakakalat sa Kalakhang Maynila habang nasa siyam na milyon ang nakatalang nakarehistrong sasakyan sa LTO, hindi pa kabilang dito ang daang-libong mga sasakyang walang rehistro. Walang eksaktong numero kung ilang sasakyan ang naglipana sa Metro Manila pero tiyak na milyong bilang rin ito na nakikipagsiksikan at nakikipag-gitgitan sa malasardinas na kalsada ng Kamaynilaan. Kaya kung susumahin namin ang inyong trabaho siguradong resulta nito ay matinding sakit ng ulo.

Milyong sasakyan + masikip na kalsada + walang disiplinang motorista at pedestrian + baha sa tuwing maulan + inconsistent/unreliable traffic enforcer = Teribleng Trapiko.


Totoo ngang sa ikauunlad ng bayan ay disiplina ang kailangan. Subok na ito ngunit bakit hindi natin ito kayang i-apply sa ating sarili dahil magmula sa pinakamahirap na motorista hanggang sa mga taong may matataas na katungkulan sa pamahalaan ay tila walang pakundangang nilalapastangan ang batas sa lansangan.


Hanggang saan ba ang pagtitiis naming ito?
Hihintayin pa ba nating bansagan ng mga dayuhan, na ang kalsada ng Kamaynilaan ay "Roads of Hell"?
Hahayaan na lang ba nating babuyin at walanghiyain ng marami ang nakalatag na batas trapiko?
Ano na naman kaya ang susunod ninyong ipagbabawal sa kalsada?
Ano ba ang inyong susunod na komprehensibong plano upang lumuwag ang kalsada?

Kung iisipin at tutuusin, hindi natin kinakailangan ng karagdagan pang plano, polisiya o batas para maibsan ang masikip na traffic na araw-araw nating nararanasan dahil sapat na ang umiiral na mga regulasyon at batas. Dagdagan niyo lang sana ng kahigpitan at lagyan ng ngipin ang pagpapatupad nito sa lahat ng uri ng mamamayan mapamahirap o mayaman man ito. Sigurado, unti-unting magkakaroon ito ng progreso.

At kami bilang ordinaryong motorista at pasahero ay susunod, makikipagkoordinasyon at makikipagkooperasyon sa lahat ng pagkakataon para sa ikabubuti at kapakanan ng mas nakararami.

Hindi na siguro namin kailangan sabihin pa na ang katumbas ng bawat oras na pagkaantala sa traffic ay milyon ang halaga, hindi na siguro namin kailangang sabihin pa na may mga taong nagbuwis na ng buhay dahil sa pagkaburyong sa traffic, hindi na siguro namin kailangang sabihin pa na nagpapabagal sa pag-unlad ng ekonomiya ang traffic. Siguradong alam ninyo 'yan kaya nga kayo itinalaga at iniluklok sa posisyong hawak ninyo dahil sa malawak ninyong karanasan at kaalaman.

Maraming Salamat at sana’y mabigyang pansin ninyo ang bukas na liham na ito.


Lubos na umaasa,

Mga naiinip na motorista

Tuesday, March 13, 2012

Tudyo


  • Kung ang Facebook ay isang paaralan, maraming Pinoy ang nagpapaka-dalubhasa't 'di lumiliban.
  • Kung ang kalabisang panonood ng Teleserye ay makakapagpaangat ng ekonomiya ng Pilipinas, matagal na tayong nakakaahon sa kahirapan.
  • Kung ang pag-abuso sa internet at video games ay batayan ng pagiging matalino, tambak na ang ating mga henyo.
  • Kung ang basura ng Pilipinas ay ituturing na kayamanan, kabilang ang Pilipinas sa listahan ng mga first world country.
  • Kung ang pangungurakot at katiwalian ay isang uri ng sining, nagkalat ang ating National Artist.
  • Kung ang pagdo-droga ay isang klase ng palakasan, milyon-milyon ang bilang ng ating atleta.
  • Kung ang basehan ng matinong pelikula ay ang laki ng kinita, pang-Oscar's ang husay nina Vic Sotto at Vice Ganda.
  • Kung ang pagpuputa ay bubuwisan ng gobyerno, makakaipon ang ating Rentas Internas ng bilyon-bilyong piso.
  • Kung ang trapik ng Pilipinas ay ituturing na tourist attraction, hindi magkakamayaw na dadagsa ang bilang ng mga dayuhang turista.
  • Kung ang kayabangan at pamimintas ay ikokonsiderang marangal na ugali, maraming Pinoy ang kandidato ngayon sa pagka-santo.
  • Kung ang pagsusugal ay isang laro sa Olympics, baka makatsamba na tayo ng medalyang ginto.
  • Kung ang panonood at pagtangkilik ng malaswang gameshow ay karangalan ng isang bansa, iproklama na nating bayani ang host nito.
  • Kung kayamanan ang pagkakaroon ng malaking populasyon, mas mayaman pa tayo sa maraming bansa sa Europa.
  • Kung ang premarital sex ay isang kabanalan, aktibong relihiyoso ang ating mga kabataan.
  • Kung ang pagti-text messaging ay uri ng physical fitness, sampu-sampung milyon Pilipino ang may magandang kalusugan.
  • Kung eksepsyonal na talento ang taguri sa pag-abuso nang ni-remake na mga awitin, kahanga-hanga pala ang galling at husay ng musikerong Pilipino.
  • Kung ang polusyon ang makapipigil sa paglala ng global warming, malaki ang naging bahagi ng Pilipinas sa pagsugpo nito.
  • Kung ang pamantayan sa pagpaparangal ng Cannes Int'l Film Festival ay ang basurang istorya ng isang pelikula, maraming pelikula ang ilalahok ng ating Film & Movie industry.
  • Kung basehan ng magandang pagkatao ang magandang telepono, angat na angat ang Pinoy sa buong mundo. :-)
  • Kung isang krimen ang pagtitipid, walo sa bawat sampung Pilipino ang tiyak na maabswelto.
  • Kung kabalastugan ang batayan ng pagiging magiting na pulis, sa Pilipinas magsasanay ang kapulisan ng iba’t-ibang mga nasyon.
  • Kung ang labis na mga paglabag sa batas-trapiko ay isang mabuting gawain, magandang ehemplo ang ‘di mabilang na motoristang Pilipino.
  • Kung ang kakulangan nang disiplina ay ikauunlad ng isang bansa, matagal nang nasa rurok ng pag-asenso ang mahal nating Pilipinas.
  • Kung ang edukasyonal na programa sa telebisyon ay makasisira ng kaisipan ng mga kabataan, hindi gaanong maapektuhan ang isipan ng kabataang Pinoy.
  • Kung ang makupad na hustisya at katarungan ang batayan ng United Nation sa paggawad ng UN Public Service Awards malamang na maluklok ang Pilipinas bilang isang Hall of Famer.
  • Kung popularidad ng isang laro ang magiging batayan, DOTA o Lotto at hindi arnis o sipa ang nararapat na ating pambansang laro.
  • Kung ang istorya ng bawat child labor ay ikukuwento at ilalahad, milyong libro ang mailalathala at maisasaad. (ngunit walang bibili nito)
  • Kung karangalan ang pagkakaroon ng tiwaling mga pangulo, sabay-sabay nating isigaw "ikinararangal ko ang pagiging Pilipino!"
  • Kung nais mo nang matinong pagbabago, umpisahan mo na ngayong itama ang iyong mga kamalian at maging isang magandang ehemplo sa iyong pamilya't komunidad.
  • Kung hindi mo nakita ang mensahe ng akdang iyong binasa, basahin mo ulit mula sa umpisa.

Saturday, December 10, 2011

Pi7ong Bilyon


Hindi na nakapagtataka na ang populasyon ng tao ngayon ay umabot na ng pitong bilyon medyo napaaga nga lang ito sa pagtantiya ng mga ekspertong nag-aaral tungkol sa pagdami ng tao. Hindi ba napaka-ironic na kung ano pang bansa ang medyo maunlad ay ‘yun pa ang mabagal ang paglago ng populasyon at kung ano pang bansa ang kabilang sa listahan ng mahihirap na bansa ay ‘yun pa ang mabilis ang paglago ng populasyon. At kung sino pang pamilya ang may lubos na kakayanan na mag-anak at magpa-aral ng marami ay ‘yun pa ang iilan lang ang anak at ang magulang na walang matino o permanenteng hanapbuhay ‘yun naman ang sandamakmak ang anak!

Tulad sa Pilipinas, third world country tayong maituturing pero may populasyon tayong humigit-kumulang sa 93 milyon katunayan pang-labing dalawa nga tayo sa talaan ng overpopulated na bansa sa mundo. Hindi pa kasali diyan ang labing-isang milyong Pilipinong nagtatrabaho sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Mabuti sana kung ang milyong bilang na ito ay produktibo, kapaki-pakinabang at nakakatulong sa pag-unlad ng bansa pero sa palagay ko'y hindi dahil marami sa bilang na ito ang hikahos at salat sa buhay, sa madaling salita: tambay. Sa napakalaking bilang na ito ng mga Pinoy ay tila lalong lumiliit ang oportunidad ng pag-unlad sa dahilang marami rin ang naghahagilap ng pagkakakitaan; ng trabaho. Lalo’t hindi naman patuloy na dumadami ang investor at negosyanteng nais na mamumuhunan sa ating bansa. Subalit hindi lang sa bansa natin nangyayari ito maging sa ibang bansa ay may ganito ring suliranin; ang mga mamamayang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap o pangkaraniwang tao ay ‘di gaanong umaasenso o kaunti ang bilang ng umaasenso.

Pitong bilyon.
Ang dami na natin. Pansin mo ba ang unti-unting pagbaba produksyon ng pagkain ng tao? Pansin mo ba ang pagkalugas ng mga puno sa gubat na pinagkukunan natin ng maraming mga bagay na ginagamit natin sa araw-araw tulad ng kahoy, papel, gomat at iba pa? Pansin mo ba ang pagwawalanghiya sa ating mga bundok na pinagkukunan natin ng bakal, ginto, tanso at iba pang yamang mineral? Pansin mo ba ang unti-unting pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin? Dahil ito sa patuloy na pagtaas ng demand ng pagkain ngunit lumiliit naman ang supply para dito. Naisip mo ba kung ilang toneladang basura ang napo-produce natin sa bawat araw na lumilipas at saan ba natin ito itinatambak? Ang tao’y napakabilis at napakahusay kumonsumo ng ng likas na yaman pero tila wala naman tayong sapat na kakayahang palaguin at pagyamanin ito. Kung ikaw ay magagawi sa liblib na bahagi ng iba’t-ibang lalawigan nakakatawag-pansin ang ganda at kariktan ng dagat, ilog o bundok at kung sakaling ito’y pamugaran, pakialaman o i-explore ng tao asahan mo ito’y masasalaula. Kung saan maraming tao asahan mo ang marumi at sira ang paligid, ganoon lang iyon.

Pitong Bilyon.
Pitong bilyon tayong mag-aagawan sa oportunidad, maghahanapbuhay para sa pagkain, para sa tirahan. Pitong bilyon tayong tayong didisiplinahin at babantayan ang isa’t-isa. Pitong bilyon ang magpapakiramdaman kung sino ang mas responsable sa pag-aalaga sa karapatang pangtao at pangkalikasan. Kung ngayon pa lang ay nakararanas na tayo ng matinding pagbagal ng trapiko, matinding polusyon, pangamba ng krimen, kakulangan ng oportunidad sa hanapbuhay ano pa kaya ang mangyayari sa susunod na dekada sa patuloy na pagdami ng tao?

Nakakabahala na rin ang tila pagbabalewala ng mga tao sa patuloy na paglala ng pagiging abnormal ng panahon. Kahit anong panawagan at kampanya para sa malinis na kapaligiran, sa pag-preserba sa yamang-dagat at sa pagsawata sa pag-abuso ng kagubatan parang walang pakialam ang mga kinauukulan. Patuloy lang tayo sa pagtapon ng basura sa kung saan-saan, kabi-kabila ang pagmimina, pangangaso sa gubat, pananalbahe sa karagatan, walang humpay na pagbuga ng mala-dambuhalang mga usok galling sa pabrika at iba’t-ibang uri ng sasakyan at lahat ng ito’y sa kawalan natin ng disiplina at siyempre kapalit ng pera. Kung ang tao’y marunong marunong maghiganti ganoon din ang kalikasan, sino bang mag-aakala na ang mga bansang dating hindi nakakaranas ng baha ngayo’y may pagbaha? Malakas na buhos ng ulan sa panahong tag-init o matinding tagtuyot sa malaking bahagi ng mundo. Ang mga bagyo’y palakas ng palakas na animo’y lulunurin ka sa dami ng bumubuhos na tubig, ang taglay na hangin nito ay patindi ng patindi na hindi malayong pati ang mismong tahanan natin ay liparin nito. Dahil dito nalilimas ang mga pananim na dapat sana’y ating kakanin resulta: kaawa-awa ang mga taong walang kinalaman sa kawalanghiyaan ng ilang taong ganid at nagsasamantala sa kapaligiran. Kawawa ang mga hayop sa gubat na wala nang masilungan, sayang ang mga ari-arian na kung ilang taong pinag-ipunan sa isang iglap ay aanurin. Ano ba ang ginagawa ng tao para manumbalik ang ganda at yaman ng kapaligiran? Wala. Wala na tayong magagawa dahil mas marami ang gustong magkamal at makinabang kaysa mangalaga.

Pitong bilyon.
Ilang porsyento ba rito ang wala nang takot sa batas? Ilang porsyento ba rito ang halang ang bituka at tila walang kaluluwa? Ilang porsyento ba rito ang nagpapahalaga sa terorismo o tinatangkilik ang kaguluhan kaysa kapayapaan? Ilang porsyento ba rito ang may pagpapahalaga sa pera kaysa buhay? Ilang porsyento ba rito ang binibigyang importansya ang kapangyarihan kaysa dignidad at karangalan?
Mahirap uriin at bilangin pero sapat ba ang batas na umiiral para lahat ng masasamang uri ay malipol? Sa darating na panahon madadagdagan ba ito o mababawasan? Paano mo ba mapo-protektahan ang iyong pamilya laban sa masamang uri ng lipunan? Kung ang ating mga alagad nga ng batas ay nasasangkot na rin sa kriminal na aktibidades. Sana'y 'di dumating ang punto na patuloy na dumami ang masasamang elemento ng lipunan kaysa mabuti dahil baka sa dami ng bilang ng tao ay hindi na tayo makontrol ng otoridad.

Ang realidad ayon sa pag-aaral darating ang panahon na kukulangin umano tayo ng supply ng pagkain. Ilang dekada na lang at tiyak na may kakulangan na rin sa langis at gasolina. Magiging limitado ang pagdami ng isda sa dagat dahil sa labis na panghuhuli nito at ito'y mangyayari daw sa taong 2050's o 2060's. At patuloy na ring nababawasan ang dami ng ating bukirin dahil ang mga nagsasaka nito'y napipilitang ibenta ang kanilang lupain sa developer ng mga subdivision o sa higanteng mall na pumapatay sa mga maliliit na negosyante. Ang mga karne ng hayop na ating kinakain tulad ng baboy, baka at manok ay baka 'di sumapat dahil sa dami ng tao, mapipilitan ang exporting countries na itigil ang pagbebenta ng kanilang agrikulturang produkto kabilang na dito ang bigas, trigo at mga gulay dahil mas kailangan ito ng kanilang mamamayan. Ang tanong: kaya ba nating isustini ang pangangailangan sa pagkain ng bawat isa sa atin? Nakakatakot na baka dumating ang panahong ultimo karne ng pusang kalye ay handa na sa hapag-kainan ng ilan nating kababayan dahil marami ang walang kakayahang makabili ng matinong pagkain dahil sa labis na kamahalan ng presyo nito.

Masasabi kong mapalad pa rin tayo sa panahong ito dahil kahit medyo mahal ang halaga may mabibili pa rin tayong mabitaminang prutas, maprotinang karne, masustansiyang lamang-dagat at isda, pampalakas na gulay at pampalusog na bigas sa tindahan, palengke at supermarket kahit na pitong bilyong katao na tayo.
Pahabol: Pakiusap, pwede bang 'wag mong itapon ang basura o kalat mo sa kung saan-saan? Baka sakali sa ganitong paraan ma-extend natin nang kahit na kaunti ang preserbasyon ng ating lupang tinatapakan at mundong ginagalawan.

>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>

“This is my entry to The Gasoline Dude’s Blogversary Writing Contest. I want to win the 1TB Portable Hard Drive!")