- kahit heavy drama ang teleserye karaniwang action ang katapusan nito
- ang pinakamaldita o pinakawalanghiyang kontrabida sa teleserye it's either mamamatay, makukulong o mababaliw
- ang less villain ay makukulong o magiging mabait o mapapatawad ng bida
- ang mga bidang may wagas na pagmamahalan siyempre ay magkakatuluyan, mas kilig ang ending kung sa simbahan ito tatapusin o kaya naman ay wedding proposal ng bidang lalaki sa babae, hudyat na ito na patapos na ang teleserye
- kung mag-asawa na ang dalawang bida sa teleserye tatapusin ito na payapa ang pagsasama ng dalawa na naninirahan sa tahimik na lalawigan o sa isang maunlad na bansa
- kahit anong klaseng gulo pa na mayroon sila tiyak na magkakasundo ang dalawang magkatunggaling pamilya
Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Thursday, March 13, 2014
Very Teleserye
Friday, April 13, 2012
Minsan may isang kwento

Tampok ang kantang kung ilang beses nang ininit
Nang mang-aawit na mas kiri pa sa dalagitang nagpipilit.
Istoryang halos 'sing edad ng dinoktor na kasaysayan
Tunog mayamang pangalan, tatsulok na pagmamahalan.
Pangangalunya, paghihiganti, panunupil.
Pakikiapid, inggit, sekswalidad, pangingitil.
Digmaan ng marangya laban sa maralitang dukha.
Bastardo, bastarda 'tangna wala na bang iba?
Sa tirik na araw o gabing mabulahaw.
Giliw na giliw, baliw na baliw, hayok na parang halimaw.
Hindi ka na nakakatuwa
Kung pwede lang ipagulpi sa gwardyang may batuta.
Isip na hanga sa mabulaklak na dayalogo
Utak na kalam sa hangal na komersyalismo.
Ang oras na dapat sa anak ay sapilitang inaagaw
Nang mitikal na kwentong drama sa iyo'y ibinugaw.
Kahit sanglibong ulit patok pa rin at tinatangkilik
Manhid sa pagod at antok na matang nakalisik.
Tanghaliang tapat hanggang likod ay lumapat
Mula musmos na walang muwang hanggang sa matandang may kapansanan.
'Di makaihi, 'di makakain,'di maiwanan
'Di makausap, pinigil ang tae, 'di mabitawan.
Nakangiti parang sinto, muntangang nakamasid
Habang anak na paslit nasa eskinita't nanlilimahid.
Parang isang drogang palaging hinahanap
Parang isang alak na nakalalasing sa sarap.
Tagatangkilik na tila ginigiyang kung 'di masilayan
Itsura ng sugapa na hindi matanggihan.
Parokyanong matalinong malalahad ang detalye ng istorya
Ngunit 'di batid na ang anak ay nasa bingit na ng pariwara.
Hoy, teleserye!
Letse ka. Ano bang meron ka at para ka nang sinasamba?
Tuesday, March 13, 2012
Tudyo

- Kung ang Facebook ay isang paaralan, maraming Pinoy ang nagpapaka-dalubhasa't 'di lumiliban.
- Kung ang kalabisang panonood ng Teleserye ay makakapagpaangat ng ekonomiya ng Pilipinas, matagal na tayong nakakaahon sa kahirapan.
- Kung ang pag-abuso sa internet at video games ay batayan ng pagiging matalino, tambak na ang ating mga henyo.
- Kung ang basura ng Pilipinas ay ituturing na kayamanan, kabilang ang Pilipinas sa listahan ng mga first world country.
- Kung ang pangungurakot at katiwalian ay isang uri ng sining, nagkalat ang ating National Artist.
- Kung ang pagdo-droga ay isang klase ng palakasan, milyon-milyon ang bilang ng ating atleta.
- Kung ang basehan ng matinong pelikula ay ang laki ng kinita, pang-Oscar's ang husay nina Vic Sotto at Vice Ganda.
- Kung ang pagpuputa ay bubuwisan ng gobyerno, makakaipon ang ating Rentas Internas ng bilyon-bilyong piso.
- Kung ang trapik ng Pilipinas ay ituturing na tourist attraction, hindi magkakamayaw na dadagsa ang bilang ng mga dayuhang turista.
- Kung ang kayabangan at pamimintas ay ikokonsiderang marangal na ugali, maraming Pinoy ang kandidato ngayon sa pagka-santo.
- Kung ang pagsusugal ay isang laro sa Olympics, baka makatsamba na tayo ng medalyang ginto.
- Kung ang panonood at pagtangkilik ng malaswang gameshow ay karangalan ng isang bansa, iproklama na nating bayani ang host nito.
- Kung kayamanan ang pagkakaroon ng malaking populasyon, mas mayaman pa tayo sa maraming bansa sa Europa.
- Kung ang premarital sex ay isang kabanalan, aktibong relihiyoso ang ating mga kabataan.
- Kung ang pagti-text messaging ay uri ng physical fitness, sampu-sampung milyon Pilipino ang may magandang kalusugan.
- Kung eksepsyonal na talento ang taguri sa pag-abuso nang ni-remake na mga awitin, kahanga-hanga pala ang galling at husay ng musikerong Pilipino.
- Kung ang polusyon ang makapipigil sa paglala ng global warming, malaki ang naging bahagi ng Pilipinas sa pagsugpo nito.
- Kung ang pamantayan sa pagpaparangal ng Cannes Int'l Film Festival ay ang basurang istorya ng isang pelikula, maraming pelikula ang ilalahok ng ating Film & Movie industry.
- Kung basehan ng magandang pagkatao ang magandang telepono, angat na angat ang Pinoy sa buong mundo. :-)
- Kung isang krimen ang pagtitipid, walo sa bawat sampung Pilipino ang tiyak na maabswelto.
- Kung kabalastugan ang batayan ng pagiging magiting na pulis, sa Pilipinas magsasanay ang kapulisan ng iba’t-ibang mga nasyon.
- Kung ang labis na mga paglabag sa batas-trapiko ay isang mabuting gawain, magandang ehemplo ang ‘di mabilang na motoristang Pilipino.
- Kung ang kakulangan nang disiplina ay ikauunlad ng isang bansa, matagal nang nasa rurok ng pag-asenso ang mahal nating Pilipinas.
- Kung ang edukasyonal na programa sa telebisyon ay makasisira ng kaisipan ng mga kabataan, hindi gaanong maapektuhan ang isipan ng kabataang Pinoy.
- Kung ang makupad na hustisya at katarungan ang batayan ng United Nation sa paggawad ng UN Public Service Awards malamang na maluklok ang Pilipinas bilang isang Hall of Famer.
- Kung popularidad ng isang laro ang magiging batayan, DOTA o Lotto at hindi arnis o sipa ang nararapat na ating pambansang laro.
- Kung ang istorya ng bawat child labor ay ikukuwento at ilalahad, milyong libro ang mailalathala at maisasaad. (ngunit walang bibili nito)
- Kung karangalan ang pagkakaroon ng tiwaling mga pangulo, sabay-sabay nating isigaw "ikinararangal ko ang pagiging Pilipino!"
- Kung nais mo nang matinong pagbabago, umpisahan mo na ngayong itama ang iyong mga kamalian at maging isang magandang ehemplo sa iyong pamilya't komunidad.
- Kung hindi mo nakita ang mensahe ng akdang iyong binasa, basahin mo ulit mula sa umpisa.
Friday, April 29, 2011
Ito ang gusto ko
Bakit parang prayoridad na nang karaniwang tao ang kanyang kagustuhan kaysa sa mga pangangailangan?
Iba na ba ang mentalidad ng mga tao ngayon at dapat ng isakripisyo ang mga pangangailangan?
Masyado na bang mababaw ang ating kaligayahan para mabusog ang ating diwa ng iba't-ibang kababawan?
Masyado na bang naaabuso ang teknolohiyang nakapaligid sa atin at hindi natin alintana ang damdamin ng ibang tao?
Komersyalismo na ba ang nangingibabaw kaysa ang nararapat na edukasyong moral at akademya?
Namulat tayo na ang damit, bahay at pagkain ang pangunahing pangangailangan ng tao bukod sa mga ito ano pa ba ang naiisip mong pangangailangan?
Edukasyon.
Ang edukasyon ay mahalaga subalit ang edukasyon ay hindi lang natatapos sa apat na sulok ng silid-paaralan; hanggang sa paglabas ng ating bahay, hanggang makarating ka sa iyong tahanan ay dapat na mayroon kang natututunan, ika nga education does not stop after school. Pero pagdating mo sa bahay galing sa opisina o paaralan, ano ba ang iyong dadatnan?
Soap opera o mas kilala sa tawag na teleserye.
Magmula hapon hanggang gabi ito ang kinagigiliwang panoorin ng makamasang Pinoy. Hindi mo masisisi ang mga higanteng istasyon dahil ito ang hinihingi ng mga tao datapwat alam ng lahat na walang edukasyong mapupulot dito patuloy pa rin ang paglaki ng manonood nito na animo'y isang kultong patuloy na dumadagasa ang mga kasapi.
"Ito ang gusto ko!" 'Yan siguro ang karamihang isasagot ng masa kung sila'y tatanungin kung papipiliin sila ng ibang programa. Kahit alam nating halos paulit-ulit lang naman ang tema at istorya ng teleseryeng 'yan; ang pang-aapi at paghihiganti ng bida, pag-iibigan ng dalawang karakter at may manggugulong konrtrabida, kaunting kalandian at kunwari'y pananaig ng kabutihan sa kasamaan pero ang tunay na motibo dito ng istayon ay: Komersyalismo. Magkamal ng limpak at hayaang nakatunganga at mag-abang ang manonood sa susunod na mangyayari. Pero wala pa rin tayong pakialam ang importante mapunan ng (mababaw na) kasiyahan ang ating mga damdamin at isipan. Kunsabagay sino ba naman ang manonood kung isasalang mo sa primetime ang mga documentary na: I-witness, Reporter's Notebook, The Correspondents, Probe at iba pa? Kailangan mong magpuyat para mamulat sa kalagayan ng ating kapaligiran. Sapat na siguro ang dalawang programang teleserye sa primetime upang sumaya panadalian ang ating mga ilaw ng tahanan subalit ang apat o limang teleserye ay isang pang-aabuso na sa kautakan nang manonood na Pilipino.
Katapat ng mga teleseryeng ito ay ang isa pang mataas ang rating at malakas ang hatak sa masang pinoy ang pang-gabing game show na Willing-Willie. Huwag mong sabihing hindi ka nakapanood ng programang ito dahil sa ayaw mo man at sa gusto ay paminsan-minsang maililipat mo dito ang channel ng iyong remote control habang patalastas sa paborito mong teleserye na Mutya o recycled na Mara Clara. Bukod sa naggagandahang babaeng naka-bikini na kangkarot sumayaw, ano bang magandang aral ang maibibigay sa'tin ng programang ito? Isip, isip. Wala 'yata. Pero gusto ito nang nakararami dahil sa kahali-halinang mga papremyo nito kesehodang halos pulubi na sa paglimos at pagatanghod ang mga kalahok at audience sa host ng programa. Anong edukasyon ba ang makukuha mo sa mga tanong tungkol sa mga lumang kanta? Wala na itong halaga dahil mas importante ang makukuhang salapi at papremyo. Kunsabagay sino ba naman ang manonood kung sa halip na game show na Willing Willie ay quiz show na tulad ng Battle of the Brains ang ipapalabas ng TV5? Malabo 'yan wala kasing papremyong bahay, kotse at milyong piso. Baka ituring ka lang na nerd at weird kung ito ang madalas mong panoorin.
Hindi pa nakuntento sa pagbuhos ng "educational" na teleserye ang ABS binigyan pa tayo ng isa pang walang kabuluhang programa: Showbiz News Ngayon o SNN. Likas yatang tsismoso at tsismosa ang mga Pinoy dahil kung hindi ba naman ay ilalagay ang programang ito gabi-gabi? Matutulog ka na lang tsismisan pa ang palabas. Ganun din ang TV5 na may Juicy! naman sa tanghali. Bukod pa sa Sabado at Linggo, hindi pa nakuntento at inaraw-araw pa nang malalaking istasyong ito ang tsismisan at pinakain pa nila ang ating mga kaisipan ng kung ano-anong kaek-ekan.
Siguro nga marami ang interesado sa relasyong Jayson at Melay.
Siguro nga marami ang interesado sa awayang Christine Reyes at Sarah Geronimo.
Siguro nga marami ang interesado sa honeymoon ni Robin at Mariel.
Siguro nga marami ang concern sa pagbubuntis na Regine Velasquez.
Siguro nga marami ang intersado sa susunod na proyekto ni Papa Piolo.
Gusto ito ng Pinoy eh may magagawa ka ba?
Kung sakaling ilagay sa time slot na 'yan ang programang kahalintulad ng "Ating Alamin" o programang maglilinang sa kakayanan ng isang negosyante, manonood ka ba?
Sinong bata ba ngayon ang naiibigan ang Batibot kumpara sa kalaban nitong Dora the Explorer o Spongebob Squarepants?
Sa cable, Ilang kabataan ba ang nakakaalam at masugid na nanonood ng Knowledge Channel kumpara sa Cartoon Network, Disney Channel, Myx o MTV?
Inobliga ba natin sila na panoorin ang makabuluhang programang ito?
Ang mga cartoons ay bahagi na ng kabataan para itong hotdog na ubod ng sarap pero walang sustansya.
Idagdag na din natin ang anime (cartoons) at Hollywood Movies na tinagalog, mga talent show na ang batayan sa paghuhusga ay sa pamamagitan ng dami ng text votes, teen show (tween hearts) na maagang iminumulat ang kabataan sa pag-iibigan (kalandian?), kababawan at kabadingang programa ni Sharon tuwing Linggo (mabuti naman at natigbak na), mga adaptation ng korea at mexican telenobela (hiram na ideya), Pinoy Big Brother na isang kababawan at pamboboso sa high-tech na pamamaraan ang tema pero teka favorite mo 'to di ba? Peace. At lalo pa nating ibinaba ang antas ng manonood sa pamamagitang ng nakakapraning at nakakawindang na programang Face to Face ~ ito ang pinakamababaw sa lahat ng mababaw.
Ang mga programang ito ay maihahalintulad ko sa junk foods o mala-basurang pagkain na tulad ng chicharon, chichiria, burger, popcorn, french fries, tsokolate, softrdrinks at iba pa na masarap at nakakalibang nga subalit wala namang buting maidudulot sa ating katawan at isipan. Ganunpaman hindi naman tayo madalas kumakain nito 'di tulad ng mga programang nabanggit na maghapong binubusog at patuloy na bubusogin ang ating kamalayan nang iba't-ibang kababawan ngayon at sa susunod pang mga bukas. Pero anong magagawa natin? Ito ang gusto ng Pinoy.
