
- Kung ang Facebook ay isang paaralan, maraming Pinoy ang nagpapaka-dalubhasa't 'di lumiliban.
- Kung ang kalabisang panonood ng Teleserye ay makakapagpaangat ng ekonomiya ng Pilipinas, matagal na tayong nakakaahon sa kahirapan.
- Kung ang pag-abuso sa internet at video games ay batayan ng pagiging matalino, tambak na ang ating mga henyo.
- Kung ang basura ng Pilipinas ay ituturing na kayamanan, kabilang ang Pilipinas sa listahan ng mga first world country.
- Kung ang pangungurakot at katiwalian ay isang uri ng sining, nagkalat ang ating National Artist.
- Kung ang pagdo-droga ay isang klase ng palakasan, milyon-milyon ang bilang ng ating atleta.
- Kung ang basehan ng matinong pelikula ay ang laki ng kinita, pang-Oscar's ang husay nina Vic Sotto at Vice Ganda.
- Kung ang pagpuputa ay bubuwisan ng gobyerno, makakaipon ang ating Rentas Internas ng bilyon-bilyong piso.
- Kung ang trapik ng Pilipinas ay ituturing na tourist attraction, hindi magkakamayaw na dadagsa ang bilang ng mga dayuhang turista.
- Kung ang kayabangan at pamimintas ay ikokonsiderang marangal na ugali, maraming Pinoy ang kandidato ngayon sa pagka-santo.
- Kung ang pagsusugal ay isang laro sa Olympics, baka makatsamba na tayo ng medalyang ginto.
- Kung ang panonood at pagtangkilik ng malaswang gameshow ay karangalan ng isang bansa, iproklama na nating bayani ang host nito.
- Kung kayamanan ang pagkakaroon ng malaking populasyon, mas mayaman pa tayo sa maraming bansa sa Europa.
- Kung ang premarital sex ay isang kabanalan, aktibong relihiyoso ang ating mga kabataan.
- Kung ang pagti-text messaging ay uri ng physical fitness, sampu-sampung milyon Pilipino ang may magandang kalusugan.
- Kung eksepsyonal na talento ang taguri sa pag-abuso nang ni-remake na mga awitin, kahanga-hanga pala ang galling at husay ng musikerong Pilipino.
- Kung ang polusyon ang makapipigil sa paglala ng global warming, malaki ang naging bahagi ng Pilipinas sa pagsugpo nito.
- Kung ang pamantayan sa pagpaparangal ng Cannes Int'l Film Festival ay ang basurang istorya ng isang pelikula, maraming pelikula ang ilalahok ng ating Film & Movie industry.
- Kung basehan ng magandang pagkatao ang magandang telepono, angat na angat ang Pinoy sa buong mundo. :-)
- Kung isang krimen ang pagtitipid, walo sa bawat sampung Pilipino ang tiyak na maabswelto.
- Kung kabalastugan ang batayan ng pagiging magiting na pulis, sa Pilipinas magsasanay ang kapulisan ng iba’t-ibang mga nasyon.
- Kung ang labis na mga paglabag sa batas-trapiko ay isang mabuting gawain, magandang ehemplo ang ‘di mabilang na motoristang Pilipino.
- Kung ang kakulangan nang disiplina ay ikauunlad ng isang bansa, matagal nang nasa rurok ng pag-asenso ang mahal nating Pilipinas.
- Kung ang edukasyonal na programa sa telebisyon ay makasisira ng kaisipan ng mga kabataan, hindi gaanong maapektuhan ang isipan ng kabataang Pinoy.
- Kung ang makupad na hustisya at katarungan ang batayan ng United Nation sa paggawad ng UN Public Service Awards malamang na maluklok ang Pilipinas bilang isang Hall of Famer.
- Kung popularidad ng isang laro ang magiging batayan, DOTA o Lotto at hindi arnis o sipa ang nararapat na ating pambansang laro.
- Kung ang istorya ng bawat child labor ay ikukuwento at ilalahad, milyong libro ang mailalathala at maisasaad. (ngunit walang bibili nito)
- Kung karangalan ang pagkakaroon ng tiwaling mga pangulo, sabay-sabay nating isigaw "ikinararangal ko ang pagiging Pilipino!"
- Kung nais mo nang matinong pagbabago, umpisahan mo na ngayong itama ang iyong mga kamalian at maging isang magandang ehemplo sa iyong pamilya't komunidad.
- Kung hindi mo nakita ang mensahe ng akdang iyong binasa, basahin mo ulit mula sa umpisa.