Showing posts with label malayang pag-iisip. Show all posts
Showing posts with label malayang pag-iisip. Show all posts

Thursday, January 29, 2015

Park You!

Hindi lang natin gaanong pansin pero malaking suliranin na ng bansa partikular na sa Kalakhang Maynila ang espasyo ng parking. Kadalasan, nagiging sanhi ng kaguluhan at awayan ang agawan sa parking. Meron ngang isang insidenteng ganito sa Marikina na nagresulta sa pagkamatay ng isang ginang dahil hindi nagbigayan sa parada.


Sa Kamaynilaan, may malaking bahagi at kontribusyon sa pagsikip ng daloy ng trapiko ang mga nakahambalang at nakabalagbag na iba't ibang uri ng sasakyan. Sa maraming car/vehicle owner dito sa atin ipinagpapalagay nila na ang tapat ng bahay nila ay extension ng kanilang pag-aari at may karapatan silang iparada ang kanilang sasakyan (jeep, tricycle, pedicab, AUV, SUV, sedan, trak, etc.) kesehodang nasa masikip na eskinita lang sila o nasa main road na daanan sana ng mabibilis na sasakyan.


Dahil sa kaisipang ganito, may mga insidenteng binabasag ang windshield, pina-flat ang gulong o ginagasgasan ang isang sasakyang 'di sinasadyang makapag-park sa parking space umano nila. At ang kaawa-awang biktima ay clueless sa kung sino ang maysala sa kagaguhang ginawa sa kanyang sasakyan.


Napakalabong maisulong ang batas na magbabawal sa mga sasakyang (pribado man o pampubliko) magparada sa kalsada. Napakalabo dahil malaking porsiyento ng mga car/vehicle owner dito sa atin ay wala namang paradahan. At kung mayroon mang 'available parking space with pay' malabo pa sa tubig-kanal na may pumatos dito dahil bakit ka nga naman gagastos ka ng isang libong piso o mahigit pa para sa maliit na espasyo ng parada kung libre lang naman sa kalsada at wala pang sumisita.


Halos hindi nababawasan ang sasakyan sa Kamaynilaan bagkus lalo pa itong dumarami, at sa pagtantiya ng LTO ay libo rin ang dinadagdag sa kalsada ng Kamaynilaan kada taon kabilang na ang mga dambuhalang trak at bus. At sa pagdagsa ng maraming bilang na ito, asahan mo na rin ang pagsikip ng kalye hindi lang dahil sa mabagal na daloy ng trapiko kundi dahil ang mga kalyeng dapat sana'y maluwag na ating dinaraanan ay pinasikip at sinakop ng mga sasakyang ipinarada ng mga iresponsable at walang pakialam sa ibang motorista na mga car/vehicle owners.


Ang iligal na pagparada sa kalsada ay hindi lang sektor ng ekonomiya o negosyo ang apektado, sa maraming pagkakataon nagiging sanhi rin ito ng pagkaantala ng mga bumbero sa tuwing sila'y rumiresponde sa isang sunog saanmang lugar sa Kamaynilaan. Ang dati nang masikip na kalsada'y lalong sumisikip dahil sa kabi-kabilang nakabalagbag na sasakyan. At sa oras ng isang emergency hindi kaagad makakapasok ang mga otoridad na sasawata o may kapasidad na pumigil sa 'di inaasahang sakuna o aksidente.


May kaukulang multa para sa mga motoristang iligal na nagpaparada ng kanilang sasakyan sa Kamaynilaan pero tila walang silbi ito para sa kanila. Hindi nila iniinda o ‘di sila nababahala kung sakaling may mag-tow ng kanilang sasakyan dahil ang lahat ng kampanya para mabawasan (kundi man mawala) ang illegal parking ay pawang mga ningas-cogon lang – muli nating napatunayan na walang ngipin ang batas dito sa atin. May pagkakataon namang ang may-ari ng sasakyan kung sisitahin ay kakasa at magbabanta sa pobreng magpapatupad ng batas.

May mga kalsadang medyo maluwag naman kung susuriin gaya ng R-10, Abad Santos Ave., Rizal Ave., maraming kalye sa Maynila, Quezon City, Parañaque, Caloocan at iba pa, pero dahil nga open space for parking ang LAHAT ng kalsada sa atin at dahil din walang kakayanan ang mga tagapagpatupad ng batas na sitahin ang mga iligal na naka-park -- nagmimistula itong masikip na nagreresulta sa "traffic". Isipin mo na lang kung maaalis LAHAT ng mga sasakyang nakaharang sa kalsada, hindi ba't may mas mailuluwag pa ang daloy ng trapiko?


Hindi nagkakaroon ng widening project ang DPWH o MMDA para sa convenience ng pribadong mamamayan, ginagawa ang mga ganitong proyekto dahil nais ng pamahalaan na mas maluwag, mas swabe at maibsan kahit papaano ang problemang trapiko. Ngunit marami ang nag-a-assume na ang pinalawak at sinimento o inaspaltong kalsada sa tapat ng bahay nila ay pag-aari rin nila kaya't asahan mo na ang komportableng pagpa-park ng kani-kanilang sasakyan, na 'yung iba sa sobrang pagiging komportable ay naglalagay pa ng tent sa kotse nila na proteksyon sa mainit na araw at hamog ng ulan.


Mahirap masanay sa mali pero 'yun ang pinapamulat sa atin ng karamihan at kahit ang mga otoridad. Ang pangatwiranan ang isang mali ay pagpapakita ng kamangmangan at kaarogantehan at mahirap kalabanin ang mga taong may ganitong pangangatwiran dahil siguradong mawawalang saysay ang lahat ng iyong ipinaglalaban. Ang akala nating maliit na bagay lang ay lumalago kalaunan at dahil sa pagkunsinti ng mga dapat sana'y may kakayahang supilin ang isang mali magiging parang anay ito na bubuwag at guguho sa matibay na pundasyon ng isang lipunan.


Kahit saan man tingnan o suriin, ang mali ay mali -- maliit man ito o malaki.
Ngunit ang nakalulungkot walang ginagawang inisyatibo ang sinuman para ito'y umayos at itama. Madalas pa nga, hinayaan na lang nila ang ganito dahil ito na ang nakasanayan. At kung mayroon mang maglalakas loob na sumita dalawang bagay lang: una, makukuha lang ito sa lagay at areglo, ikalawa, may padrino o may katungkulan ang sinisita.

At hindi lang sa Illegal Parking ito applicable kundi sa halos lahat ng ilegal na aktibidades sa ating bansa.

Monday, March 10, 2014

Guni-guni





At ang lahat ay magyayabang na kilala nila ang kanilang sarili.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay.
Kung papaano umunlad mula sa pagdarahop.
Kung papaano umasenso mula sa kawalan.
Kung papaano naging makapangyarihan mula sa pagiging busabos.
Kung papaano binubusog ang tiyan ng masasarap na pagkain.
At tulad ng dalaga sa kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman'

kahit paulit-ulit na lokohin,
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling,
kahit paulit-ulit ang pangako.



Ano't lagi nating niyayabang ang ating yaman?
Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang mayroon ka?
Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging alkade ng Maynila?
Pera, talino at kapangyarihan. Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi ikikimkim.
Hambog ka, hindi mo lang alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga ba ang hindi?




Hindi mo kilala ang iyong sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng kamatayan,
dadausdos ang karera sa pulitika,
nabigo sa pangarap ng kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang sumalubong sa one-way na kalsada.
May bubunot ng baril o kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil sa pagkadismaya sa mundo, sa sarili, sa tadhana at doon sa nasa Itaas.
Magpapasya ng may kaakibat na pagsisisi.



Nasubukan na ba nating mamuhay ng may kapayapaan?
Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.

Oo. Malupit ang buhay. Malupit ang mundo. Salbahe ang tao.
mabibigo ka kung kailan ka pursigido,
dadalaw ang trahedya sa panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak ka, sinadya mo man o hindi
gagaguhin ka kung kailan nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo gustong magpakabait.



Nakalimutan na ng tao ang respeto.
Lahat na nga ay walang paggalang sa kapwa.
Ang 'putangina' ang humalili sa 'po' at 'opo' bibitawan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas. Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa o lupaypay sa tambak na problema o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.
Minsan. Minsan lang. Sasamba (kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.
Dadalangin ng biyaya, hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan.
Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat. Kahit ang pasasalamat.




Paano kung ang rapture ay sa isang linggo? O bukas? O mamaya?
Paano tayo haharap sa Lumikha?
Kung right minus wrong ang batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi?
Mainit daw doon.
Ewan. Bahala na.
Inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasalanan...
Madami. Hindi na ako nagulat.
Tama ba na isipin nating higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa. Pare-pareho ang katwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko. Ikaw rin. At sa iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.

Ah, siguro malapit na nga ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao, ng masama at mabuti, ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal, ng pagmamagaling at ng kasakiman,
karamdamang walang lunas, walang medisina.


May mga propeta na magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero (umano') naniniwala.
Na walang alam ngunit nagdudunong-dunongan.
Ikakalat ang kabobohan sa madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa pang kabobohan, ang prediksyong bulaan, parang maligno na maghahasik ng lagim, ng sindak, ng takot. Sa lahat.

Kahit ang demonyo'y kanyang tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang katangahan.



At nabuhay ang alamat ng mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax', ng panggagago, ng pang-uuto sa mga tao. Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan ng rating. Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan, lalo na ang boladas ng mga nanunungkulan, lalo't may kasamang pangsuhol na bigas o de-lata o noodles o tatlong daang piso. Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.
'Wag mo nang pagtakhan kung bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Binoy, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't ibang lalawigan.
Marami pa sila. Na hindi naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa kanilang yaya ay may katungkulan.
Marami pa sila. Hindi na mabilang dahil nagkukubli sa ganda ng ngiti, sa mabuting salita, sa talumpati, sa pagkalinga, sa huwad na surbey, sa pagiging makatao, sa pagiging maka-Diyos.


Tayo'y paurong. Hindi pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi paabante.
Tayo'y palubog. Hindi paahon.
Parang ang lahat ng nagaganap ay guni-guni o bangungot. Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan, bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari. Ngayon na ang panahon na ang isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.


Tayong nabuhay sa maling henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng kaalaman. 
Uubos ng oras sa android sa halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip na ipunin,
interesado sa bugbugan ng palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip na libro o kwaderno.
Binobobo ng saritical na balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan. Dose oras sa harap ng kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi 
scandal, 
tsimis sa idolo, 
kalibugan 
at kahalayan. 
Tanungin mo kung ano nang balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang silangan, walang pakialam. 
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong sa alak, sa droga din, sa kontrobersiya at sa kababuyan. Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo, ituturing na parang diyos; iiyakan, ipaglalaban, hahagilapin, tutunguhin, sasambahin.


Lipas na nga ang panahong ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani. May respeto. May dangal. May karangalan.


Isa na lamang itong guni-guni. Isang panaginip