Monday, January 27, 2014

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap)




Unang Iglap: Birthday



Tulad ng pangkaraniwang mga party; ang birhday party na ito ni Russel na nagsicelebrate ng kanyang ikapitong-taong kaarawan ay dagsa ng mga panauhin. May mga iba't-ibang palarong inihanda, may sari-saring regalong bitbit ng bawat bisita, may magic acts at siyempre maraming pagkain. 


Nakavideo at photo coverage din ito.




Bukod kay Russel, ang isa pang masaya sa selebrasyong ito ay ang kanyang mommy na si Suzie. Nakatanaw lang ito sa isang tabi, nagmamasid sa napakahalagang araw ng kanyang anak, nangingilid ang luha dahil sa labis na kasiyahan.




Hindi mapagsidlan ang kaligayahan ni Suzie kahit batid niyang medyo malaki ang gastos sa selebrasyong ito 'di niya ito alintana dahil mas nangibabaw sa kanya ang pagnanais na mabigyan ng masayang kaarawan ang anak.




Si Suzie ay isang OFW sa Hong Kong. 
Single parent. 
Kumikita lang ng sapat para sa kanyang solong anak na si Russel at sa inang si Aling Rina na siyang nagpalaki at nag-aaruga dito. Mahigpit ang kanyang among intsik ngunit dahil isa ring ina napakiusapan niyang payagan siya na magbakasyon para sa araw na iyon.




"O, pinapanood mo na naman iyan! Mamaya niyan iiyak ka na naman. Wala na tayong magagawa hindi na natin maibabalik pa ang nakaraan kailangan mo ng lubos na pagtanggap para hindi ka magapos ng kalungkutan at ng nakaraan." si Aling Rina ang nagsasalita, kausap ang anak na si Suzie na paulit-ulit pinanonood ang 7th birthday celebration ni Russel sa video.




"Ma pinapanood ko lang naman, hayaan niyo na muna nga ako. Ito lang ang tanging alaalang naiwan ni Russel sa akin na nararamdaman kong buhay siya at masaya." pakiusap ni Suzie sa ina.




"Hmmp, ikaw na ngang bahala!" tuluyan nang iniwan ni Aling Rina si Suzie sa sala na katulad niya'y 'di napigilan ang pagluha.




Si Russel ay biktima ng ligaw na bala noong nakaraang selebrasyon ng pagsalubong sa bagong taon. Sa darating na Linggo, walong taon na sana ito. 



Hindi na bumalik si Suzie sa Hong Kong wala na umano siyang dahilan pa para magpaalipin sa mga intsik.



- E n d

 * * * * *



Ikalawang Iglap: iPhone



Lunes, alas siyete kinse ng umaga, unang araw ng school year. Hawak ni Kurt ang bagong iPhone na kasama sa balikbayan box na pinadala ng kanyang amang si Karl na nagtatrabaho bilang welder sa Dubai. Binabagtas niya ang kahabaan ng Recto patungo sa UE kung saan freshman student siya sa kursong Marketing.




Nakasuksok sa dalawang tenga niya ang earphone at kasalukuyan niyang pinakikinggan ang kantang 'Blurred Lines', mga sampung metro ang layo mula sa kanyang eskwelahan ay biglang mula sa kung saan ay may lalaking humablot sa kanyang iPhone.


Mabilis itong tumalilis at sumama sa kakapalan ng mga tao, bahagyang nadapa ang lalaki dahil sa naapakang sapatos ng isang estudyante ngunit 'di nabitiwan ang inisnatch na iPhone.




Dito na nagpasyang habulin ni Kurt ang mamang snatcher. Muling tumayo ang snatcher, tumakbo at tumawid sa island ng kalsada. Si Kurt na may kabilisan ring tumakbo ay patawid na rin ng kalsada na sa kasamaang palad ay nadapa dahil sa kumalas na sintas ng kanyang sapatos. Sa eksaktong sandaling iyon ay may humahagibis na bus ng G-Liner na biyaheng Cainta, kahit agad na nakatayo si Kurt ay nahagip pa rin ng gulong ng bus ang kanyang isang paa.




Naalerto ang lahat ng tao sa paligid. Kinuyog ng mga estudyante at mga tambay ang mamang nang-snatch ng iPhone ni Kurt, pinahinto ng traffic enforcer ang driver ng G-Liner at may mga mabubuting loob na nagdala kay Kurt sa pinakamalapit na ospital.




Dalawang araw pagkatapos ng insidente, sa ospital na inabutan ng amang si Karl na kagyat na lumipad galing Dubai, ang anak na si Kurt. Dahil sa malubhang sugat na tinamo ng paa hindi na nakuha pang iligtas ng mga doktor ang kaliwang paa nito. Napaiyak na lang ang ama sa kalungkutan at panghihinayang.




Habang tumatangis sa sama ng loob ang OFW na si Karl sa sinapit ng kanyang anak, ang mamang snatcher ng iPhone ay pansamantalang nakalalaya dahil sa piyansa ganundin ang driver ng bus na nakabundol at nakasagasa kay Kurt.




Ilang oras pa'y nagising at nagkamalay na si Kurt, iniabot ng nurse ang kanyang iPhone na naging dahilan ng pagkaputol ng kanyang isang paa. 


Samantalang nagdarasal ang kanyang ama sa prayer room ng ospital, hawak naman ni Kurt ang kanyang bagong iPhone na kasama noon sa balikbayan box na pinadala ng kanyang amang si Karl na nagtatrabaho bilang welder sa Dubai.



- E n d

* * * * *



Ikatlong Iglap: Superhero (inspired from Sir Eros)

“Ma, ang english pala ng bayani ay hero” si Julia, isang six year old na batang babae kausap ang kanyang ina.


“Oo, anak, bakit?” sagot at balik tanong ng ina.


“Eh ‘di si papa po pala ay isang hero kasi po ang tawag sa kanya ay bagong bayani” 


“Pwede rin. Kasi ang tawag sa mga katulad ni papa mo nagtatrabaho sa ibang bansa ay bagong bayani. Kung ang bayani ay hero sa English – hero na rin si papa mo” mahabang paliwanag ng ina.


“Eh ano naman po ‘yung ‘superhero’?” follow up question ni Julia sa ina na ginaganahang mag-explain.


“'Yung superhero naman fiction lang ‘yan o kathang-isip. Produkto lang ng siya ng imahinasyon ng mga sumusulat ng komiks at gumagawa ng movie. ‘Di tulad ng bayani na totoong tao; ang mga superhero higit pa sila sa tunay na tao, mas MAGALING sila” mas mahabang eksplanasyon ng mama ni Julia.


“Sa tingin ko po hindi kathang-isip lang ang superhero” makahulugang sabi ng anak.


“Ha, bakit mo naman ‘yun nasabi anak?” patakang tanong ng ina. “May kilala ka bang superhero na totoong tao?”
“Opo. Sa tingin ko po si Ninong Julius ko po ay isang superhero.”


Paano mo naman nasabing superhero si Ninong Julius mo?” nakangiting lumapit at umupo sa harapan ng anak ang mama ni Julia.


“Sabi niyo po ang superhero mas MAGALING sila sa mga tao. Narinig ko po kayo kagabi ni Ninong Julius sabi niyo sa kanya, mas magaling siya kesa kay Papa.” 


- E n d


11 comments:

  1. Drama, action at comedy?

    Sobrang nakakalungkot yung unang iglap, damang-dama ko ang pangungulila ni Suzie. :(

    Tingin ko ay hindi dapat sisihin yung iPhone sa mga nangyari kay Kurt. Ang may kasalanan talaga ay yung sapatos niya. Bakit naman kasi at that moment pa kumalas yung sintas niya... :P

    At natawa naman ako sa surprise twist nung huling iglap. *hehe* Pero di ko alam kung sino ang mas kawawa, yung bata o yung tatay niyang hero.

    ReplyDelete
    Replies
    1. actually fiction lang ito eh pero hindi na lingid sa atin 'yung ganyang balita, hindi na siya bago so in a way based na rin ito sa true events.
      sa ikatlong iglap - 'yung bagong bayani mananatiling bayani samantalang 'yung 'superhero' niya may katapusan iyon.haha

      Delete
  2. Ai, bad si tatay hero pa naman ang tingin sa kanya ng anak.. haist.. mga di inaasahang iglap talaga.. at OFW inspired and post na ot.. galing!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat sa muling pagbisita Ms Leeh, nagkataon lang siguro na OFW ang paksa ang sama ko puro tragedy ang ending ng kwento.

      Delete
  3. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  4. nakakaiyak naman ang unang iglap. maiksi. simple. tagos sa puso. 'yan ang isa sa mga kinatatakutan ko sa tuwing bagong taon. kaya naman iyon ang okasyon na hindi talaga ako nag-eenjoy.

    sa ikalawang iglap, napakaganda ng pagkakalasulat ng irony. sa dulo kitang-kita ang panghihinayang. taunting reality.

    sakit sa tiyan nung huli ha! :))))) ang superhero mas magaling!!! hahahaha so, si nanay ang villain? LOL

    ReplyDelete
    Replies
    1. sa first story din ako naantig, masakit yung namatayan ng walang katuturan tapos wala man lang maiharap na suspek.

      salamat sa bisita ms jem. :)

      Delete
  5. Unang Higlap- Hardcore to sakit sa damdamin kaisa isang reason mo para mabuhay mawawala lang sayo ng ganun ganon na lang.

    Ikalawang Iglap - Para to sa mga anak ng isang OFW at sa magulang na OFW, di lahat ng bagay dapat isabay sa uso. Minsan yung luho na nais mong ibigay sa anak mo nagiging mitsa pa ng buhay nya to.

    Ikatlong Iglap- Mas madalas ito mangyari sa mg OFW kung hindi ang iniwan ang magluluko yung lumipad para sa magandang buhay kuno ang nagluluko, mas swerte pa nga ang iba at di sila nakakalimutan padalhan at ang rason lang ng pagkakaroon ng arelasyon sa ibang lugar ay panawid gutom ng pangangailangan.. Mas masakit yung lahat ng pangako nya na mabigyan ng magandang buhay kaya magtratrabaho sa ibang bansa at pag katapos nakakita ng iba tinalikuran na ang tunay na sawa at mga anak para makasama ang bagong nakilala.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Narinig ko na naman 'yang 'hardcore' na yan haha iba talaga naiisip ko sa salitang hardcore, sensya na. In reality, every first day of the year nangyayari iyan nakakadismaya lang na sa kabila ng panawagan at peligro sa buhay marami pa rin ang walang pakialam.

      Hirap ang marami na magtiis 'pag nawala ang mahal sa buhay. Tama ka it's either 'yung naiwan o ang umalis ang magloko. Hirap na nga sa pagtatrabaho o mapag-isa ganyan pa ang kahihinatnan ng love story niyo. tsk tsk,

      Salamat sa komento, Ms Zei Maya

      Delete
    2. Sir natawa ako sa kung ano mang naiisip mo sa salitang Hardcore :)

      Delete
  6. Kuwento pala ito ng mga kababayan nating OFW.

    Nakakalungkot yung kuwento ni Russell at Kurt.

    Pero mas nagulat ako dun sa kuwento ni Julia... grabe... kaliwete ang ina nya XD

    ReplyDelete