Wednesday, January 1, 2014

At Sa Lupa'y Kapayapaan



ang larawan ay galing sa kodakangmaysining.wordpresss.com

At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Hindi na (gaanong) nasindak ang lahat nang may tumimbuwang na pulitiko at kanyang kabiyak sa pambansang paliparan nadamay at napahamak pa ang isang anghel na sa mundo'y walang muwang. Bintana ng isang bansa ngunit 'di sapat ang nagmamasid na mga mata (CCTV) dinaig pa ng kapitbahay mong umuumit ng oras sa pamilya dahil sa kanilang piso-pisong renta para sa FB, CS at DOTA.


Kabi-kabila ang magsasagawa ng imbestigasyon at pagsusuri sasamantalahin ang pansamantalang festival ng mga media. Pagkalipas ng humigit-kumulang at napakabils na isang buwan malilibing sa limot ang karumal-dumal na pagpaslang kawangis nang paghimlay ng mga biktima ng Ampatuan, ng Tarmac, ng batas-militar, ng Hacienda Luisita at ng libo pang iba. Bukas, sa makalawa o sa isang araw ang kasaysayan ay muling mauulit, walang leksyong natutunan, walang pusakal na mabibilibid.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Disyembre a-sais, Brgy. Bungad, Q.C. Tatlong putok ang pinaulan sa sasakyang sumalubong. Isang musmos ang naging biktima ng pagkapikon. Mapalad umano kung iulat ng media ang batang nakaligtas kahit muntik nang buhay ay mautas. Nakatala sa kuha ng kamera ang karahasan kabilang ang kulay at deskripsyon ng matikas na sasakyan, halos isang buwan na ang nakararaan wala pa ring kriminal na lumutang. Kagyat na natabunan ang trumending na karahasan nang sumulpot ang mas malulusog na mga balita una ang bagsik at lupit ni Yolanda, ikalawa ang bangayan nina Romualdez at ang 'tagapagligtas' na si Roxas, ikatlo ang pag-eksena ng mga kampon ni King Binay II na maangas versus nabullying guard ng Dasmariñas.


Kumalat sa social media ang panawagan para sa mabilisang pagsakote sa pumutok ng kwarenta y singko na kalibre ngunit singbilis din ng kidlat ang paglimot ng lahat sa nasabing insidente. Parang gobyernong bisyo ay ugaling ningas cogon, parang estudyanteng nangangamote sa tuwing may examination. Sa pagkubkob ng amnesia ng mga concerned citizen at ng mga higanteng istasyon ngingiti at bubunghalit ng tawa ang mamang humihiram ng tapang sa pumuputok na iskwala. Habang ang musmos na walang malay ay habangbuhay na may pilat ng karahasan, habangbuhay na biktima ng halos inutil na kapulisan. Biktima ng kahambugan.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Mga kabataang malutong kung pumutangina 'wag lang magkatinginan ay handa kang gripuhan sa magkabilang tagiliran o manggulpi ng walang matinong dahilan o papaslang kahit sinong mapagtitripan. Ani ng dakilang si Gat Rizal kabataan umano ang pag-asa ng bayan ngunit kadalasan sila rin ang pasimuno ng gulo sa bawat kanto. Sumisindak, sumisilakbo ang damdamin sa kaunti lamang udyok. Ayaw magpatalo sa kahit saang rumble, reresbak kasama ang tropa kung sakaling nagipit at nasukol. Kabataang mas maangas pa sa parak, mas astig pa sa siga noong dekada sitenta.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Biglang haharurot mula sa kung saan ang notoryus na riding in tandem kikitilin ang target na kanilang biktima walang sisinuhin maging babae o matanda, mayaman man o maralita, pulitikong matapobre o dukhang patay-gutom. Sa gitna ng tirik na araw o kubli man sa kadiliman 'di nahahabag na pumatay at 'di nababahag na mamatay. Habang mga saksi ay magmamasid lang; mabubulag, mapipipi at maduduwag. Paglisan ng kriminal saka magpapamalas ng tapang; ilalabas ang seleponong may camera, kukunan muna ng video ang naghihingalong biktima bago abutan ng tulong at kalinga saka ihahatid sa pagamutan slash punerarya. Disyembre beinte-sais sa kaharian ng mga Binay, isang Raquel Ricafrente empleyado ng Sanglaang Tambunting ang tumimbuwang sa kalsada ng Baranggay Palanan - ang salaring riding in tandem ay walang mukha, walang pagkakakilanlan. Ang pamilya ng nauulila, titingala sa langit hihiyaw ng katarungan, aasa sa himala.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Digmaang laganap sa kabundukan at kamindanawan. Mga rebeldeng may kanya-kanyang ipinaglalaban, may layuning tunay raw na kasarinlan. Mananawagan ng kapayapaan at kaunlaran habang pinauulanan ng punglo ang kalabang militar. May madadamay na mga taong inosente na tatawagin nating lahat na 'collateral damage' kunwari'y tutugisin ang mga rebeldeng salarin ngunit ilang taon na ang lumipas hindi pa rin masusupil. Muling papatay para sa kanilang ipinaglalaban, muling mananawagan ng kapayapaan habang nakasukbit ang mataas na kalibre sa baywang.
Digmaang walang nagagapi, walang nagwawagi.
Giyerang walang dinedeklarang talo dahil magkabilang panig ay panalo umano.
Kahit higit sa apat na dekada na ang karahasan, kahit libo-libo na ang buhay na inutang.


Sing-ilap ng kapayapaan ang kaunlaran.
Singlupit na ng bagyo ang karamihan sa mga tao.
Simbangis na ng sangkatauhan ang mga hayop sa kagubatan.
Mga simpleng holdaper at kriminal sa kanto na papaslang kapalit ang ilang piraso ng piso. Mga ganid sa pwestong uutas at uutos para sa pagmamahal sa kapangyarihan. Kikitil sakaling pride ay mayurakan, handang pumutok kahit walang matinong dahilan. Lahat (raw) sila'y naniniwalang may Diyos ngunit wala namang puso kung pumaslang, walang awa sa pagkalabit ng gatilyo, walang respeto sa kapwa tao.


Nagkulang ba sa turo ang simbahan o lumabis ang tao sa kalayaan?
Nagkulang ba sa pagmamahal ang magulang o lumabis na ang tao sa pangarap?
Nagkulang ba ang pagpapatupad sa batas o labis na ang tapang ng tao sa katawan?
Nagkulang ba ang paaralan sa pangaral o lumabis na tayo sa kayabangan?


Sa pagsapit ng araw ng Linggo, makikihalubilo at sasama sa atin ang ilan sa mga pusakal, kriminal, suwail at makasalanan sa loob ng sambahan; suot ang maskarang luluhod at hihingi ng kapatawaran sa mga kasalanan sa mga batong dumudouble ring palamuti ng simbahan, labis-labis sa pag-usal ng dasal ngunit kakapusin sa panalangin, pananampalataya at pagpapasalamat sa tunay na may kapangyarihan.  


Samantalang magpupuri ang kumakaunting banal at may dangal, taimtim na mananalangin at hihiling nang lupang puspos ng kapayapaan para sa mga taong kanyang kinalulugdan.

12 comments:

  1. hmnnn... good read. i also wish for world peace. lahat naman gusto to pero bakit hindi ma-achieve? hyyyy...

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tagal nang huling dalaw mo senyor ah. World peace? Sus, mas imposible pa 'yun sa imposible. :(

      Delete
  2. These were indeed horrible events before the year ends. *tsk tsk* Peace and justice for the victims. Awareness and the end of indifference for us who are still living.

    Anyway, justified talaga ang pagkapanalo mo sa SBA. Ang galing ng pagkakasulat mo nitong entry na to. Sarap sa mata ng Tagalog.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Horrible na pwede naman sanang hindi na maulit kaya lang...
      Tsamba lang sir 'yun, daming deserving pero lumusot kahit papaano.

      Delete
  3. It's been a crazy year. Let's all hope 2014 will be better. Happy new year! :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. We are all hoping for a better year not just for ourselves but for our country as well.
      Happy new year. Glad you're here visiting and commenting. :)

      Delete
  4. Wala kasing pangil ang batas sa ating bansa. Kaya ang mga kriminal at halang ang mga kaluluwa, naglipana.

    Happy New Year, sir Ramil. Kayo po pala ung nag-add sakin sa FB. Thanks po!

    ^_^

    ReplyDelete
    Replies
    1. Kailan ba nagkapangil? hahaha.
      Ako ba ang nag-add? Sus, may alzheimer na ako.

      Happy New Year and may God bless us.

      Delete
  5. hello, Limarx... hope your 2013 went well. maligayang 2014, kapatid. pasensya na at di agad nakabalik, hoho. sana ikaw at mga mahal mo ay nasa maigi. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi Ate San.
      Nagbakasyon ka ba? Tagal mong nawala sa blogosphere musta na? Busy sa negosyo? Sa lovelife? Sa career? Hehe.
      We're all fine and happy pati na 'yung three sons na makukulit lumalampas na sila sa kulit ko. hahaha.

      Happy new year! :)

      Delete
  6. Bakit nga kaya talamak ang kasamaan? Nakakatakot na minsan umuwi sa lupang sinilangan. But no matter what, there is still goodness and beauty around. Everything happens for at reason and everyone will be judged. Happy New year kabayan:)

    ReplyDelete
  7. sana ngayong 2014 magkaroon ng pagbabago... matigil na ang kasamaan....

    sana magkaroon na ng kapayapaan... para lahat happy na.... bawal kasi ang sad.... ^__^

    pero ang galing ng pagkakasulat.... mahusay.... ^^

    ReplyDelete