Sunday, January 12, 2014

Deboto



"Hoy, Berong! Bumangon ka na diyan alas-kwatro na malayo pa ang bibyahehin natin!" sigaw ni Zaldy sa kanyang barkada na naghihilik pa habang kanyang ginigising.


Enero 9. Piyesta ng Black Nazarene.
Kahit medyo malayo ang kanilang tirahan sa Quiapo hindi nila iindahin ang pagod, hirap at init sa siksikang kanilang kakaharapin sa selebrasyong ito. Pangwalong taon na nilang ginagawa ito kaya hindi na sila masusurpresa sa anumang senaryong sasalubong sa kanila. Handa sila para rito.


Ilang pag-iinat pa'y bumangon na rin si Berong. Nag-init ng kape. Nagbanyo. Nagsuot ng damit na kulay maroon na may imahe ni Hesus sa harap at may nakasulat sa likod na 'Viva El Señor', pareho sila ng damit ni Zaldy. Kinuha ang knapsack na bag at lumargang paalis.


"Pagdating ng Grandstand pwede na tayong maghiwalay dito na lang tayo sa bahay magkita ng gabi." bilin ni Zaldy kay Berong bago sila lumabas ng bahay.
 

Ilang minuto pa'y bumiyahe na sila. Sakay ng ordinaryong bus na ang mga driver nito kung magpatakbo ay tila laging nakikipagkarerahan kay Kamatayan. Madilim pa sa labas. Kakaunti pa lamang ang mga bumibiyahe, nakatulong ng malaki ang pagsuspindi ng klase ng mga estudyante. Wala silang kasabay na mga nakaunipormeng patungo sa mga unibersidad sa Maynila, kakaunti rin ang mga nag-oopisinang nakapostura, mas maraming pasahero ang tutungo sa pista ng Quiapo kapansin-pansin ito dahil sa suot nilang damit na maroon at karamihan sa mga ito'y nakaapak lang. Tulad nina Zaldy at Berong ang mga ito'y deboto.


Hanggang Blumentritt lang ang kanilang sinakyan. Hindi na makakatuloy ang iba pang sasakyan dahil sa kapal at dagsa ng mga taong patungo sa pista. Lahat ay bumaba ng bus.
Inumpisahan nilang maglakad.
Hindi nakakainip dahil sa dami ng mga taong may pagnanais ring makarating sa pista sa kahit na anong paraan. Mga taong tulad rin nila ay handang-handa sa anumang pagsubok na kanilang kakaharapin sa araw na ito. Ang buhos ng taong nagmamartsa ay parang dagsa ng mga taong naglalakad papuntang Grotto sa panahon ng Semana Santa o marahil ay higit pa.


Karamihan, hindi man lahat ay walang saplot sa paa ngunit hindi sina Zaldy at Berong siguro'y may dahilan sila para rito. Nakamamangha ang pagdami ng tao sa kanilang paglalakad; babae, lalaki, mga kabataan, mga may edad na at kahit mga paslit ay nakikilakad rin, panaka-naka'y may nakikita silang mga may kapansanan; mga nakasaklay.


Hindi matatawaran ang sakripisyo at matinding hirap na kakaharapin ng mga debotong ito pero sa kabila nito'y walang takot nila itong susuungin. Magtitiis. Magpapakapagod. Masasaktan. Magpapasensya. Para sa iba't ibang kahilingan at pagpapasalamat.
Pambihirang selebrasyong ipinagdiriwang ng mga pambihirang nilalang.


Nasa Quirino Grandstand ang poon ngunit pagpasok pa lamang ng Quiapo ay hindi na halos makausad ang mga deboto. Hindi mahulugang karayom sa hindi mabilang na dami ng mga tao ngunit matiyaga nilang sinalubong ito. Sa kapal ng tao kung susuungin mo ito para kang isang bangkang sasagwan sa daluyong ng malawak na karagatan. Ganoon kadelikado, ganoon kapanganib. Ngunit balewala lang ito sa mga deboto dahil mas malaki ang kanilang pananampalataya kumpara sa banta ng panganib.


Pausad-usad.
Dahan-dahan.
Unti-unti. Nakarating rin ang magkaibigan sa Quirino Grandstand kasama ng mga libo-libong debotong tila walang bahid ng kapaguran. Dito mas nakakapangilabot ang eksena.  Ang dami ng mga tao dito'y higit pa sa dami ng mga taong nagpunta sa alinmang pag-aaklas sa EDSA. Bagamat narito rin ang magkaibigan noong nakaraang taon pansin nilang mas masikip at mas makapal ang mga dumalo ngayon siguro'y dahil sa dami ng pagsubok na kinaharap ng bansa sa huling bahagi ng taong 2013. Mga taong puno ng pag-asa, pangarap at panalangin. Ang hindi kagandahang nangyari sa bansa ay lalong nagpaigting sa kanilang pagnanasa at panalanging mabawasan kung hindi man mawala ang trahedya, sakuna at kalamidad sa bansa ngayong 2014.


Sari-sari ang mga tao rito. Bukod sa mga debotong taon-taong naririto, dagsa rin ang mga miyembro ng media; lokal, international, print media, radyo at telebisyon - sa pamamagitan nila masasaksihan ng Pilipinas at ng buong mundo ang pambihirang pagdiriwang na ito. Nagkalat din ang mga vendor, mga self-proclaimed professional photographer, mga nag-uusyoso, mga foreigner na namamangha sa kaganapang ito, visible din ang mga miyembro ng kapulisan at mga volunteer na magbibigay ng paunang lunas sa mga debotong nahihilo o nasasaktan, mga taong kunwa'y deboto ngunit ang totoo'y mga mapagsamantala.

Para sa mga naniniwala, ang pagdiriwang na ito ay banal at sagrado - isang pagpapamalas ng sakripisyo at tunay na pananampalataya sa Panginoong Hesukristo, pananampalatayang daang taon nang isinasabuhay at isinasalin ng ilang henerasyon.
Para sa mga hindi naniniwala, ang senaryong ito ay isang pagano. Isang malaking kalokohan at pagkakamali. Paglapastangan sa pangalan ng tunay na Diyos. Batid na ng lahat na ang pagsamba sa bato ay kasalanan ngunit patuloy umano itong kinukunsinti ng simbahan.


Sakto lang ang dating ng magkaibigan. May misang pinangungunahan ni Cardinal Tagle. Banal ang misa, banal ang okasyon ngunit kapansin-pansin ang mga taong nagtutulakan, nagbabalyahan upang proktektahan ang kani-kanilang mga sarili. May malutong na magmumura kapag naaapakan ang paa o nagigitgit ng husto, may mga walang pakialam kung sila'y nakakapanakit na sa katutulak sa kapwa nila deboto. Nakisiksik na rin sina Zaldy at Berong sa karamihan ng mga tao, walang takot at walang pagdadalawang-isip na humalo sa napakasikip at nakapakainit na kumpol ng mga deboto.


Hindi pa man natatapos ang misa'y tinatangka na ng mga deboto na itulak at ilabas ang banal na poon mula sa kinalalagyan nito. Ang eksenang iyon ay ikinairita ng maraming nagmamasid kabilang na ang mga pari. Lalong nagkagulo ang mga deboto nang muntik nang mabuwal ang poon. Napakiusapan ang mga debotong kumalma muna. Ilang sandali pa natapos rin ang misa lalong umigting ang mga taong nagtutulakan, wala ng blangkong espasyo sa pagitan ng mga debotong nais makalapit kahit man lang sa lubid ng karosa.


"Viva El Senyor! Viva! Viva!" malalakas na sigaw ng mga deboto habang unti-unting inilalabas ang poon. Hindi na magkamayaw ang mga tao. Wari'y mga welgistang tumututol sa pamamalakad ng pamahalaan. Sa gitna ng napakainit na araw inumpisahan ang prusisyon. Habang lumalakas ang sigaw ng mga tao may mga umiimpit sa sigaw dahil sa pagkakaipit, habang nagkakagulo ang mga deboto may mga nagrereklamong nawawala ang kanilang cellphone, habang nagsisiksikan ang lahat may mga taong nagsasamantala upang sila'y makapangdukot. Ngunit hindi ang mga ito ang pipigil sa prusisyon o traslacion ng mahal na poon.


Marami ang sumasabay sa pagparada ng Black Nazarene. Walang eksaktong bilang ngunit sigurado raw ang tagapamahala na aabot sa milyon. May kabagalan ang usad nito subalit kung ikukumpara noong taong 2012 higit itong mas mabagal dahil sa pagkakasira ng mga gulong ng karosa umabot sa dalawamput anim na oras bago muling makapasok sa loob ng simbahan. May bagong ruta ang traslacion dadaan ito sa Kalye Escolta dahil daw sa kahinaan ng Mc Arthur Bridge hindi na nito kakayanin ang bigat ng ganoong buhos at dagsa ng mga tao.


Pasado alas dos ng hapon nakarating ang poon ng Black Nazarene sa Escolta. Unang beses ito kaya ganun na lamang ang tuwa ng karamihan sa mga nag-oopisina rito. Sa ordinaryong araw puno ito ng magagarang sasakyan ngunit sa araw na ito ay wala ni isang nakaparada, sarado ang mga business establishment at ang iba pa nga'y may harang na matibay na kahoy na proteksyon sa kanilang salaming pinto o roll-up door.
Pagkasapit sa lugar na ito magkahiwalay na kumalas ang magkaibigang Zaldy at Berong. 
Hindi na nila tinapos ang prusisyon at tulad ng bilin ni Zaldy sa bahay na lamang sila nagkita.


"O anong nakuha mo?" si Zaldy ang nagtatanong. Nasa bahay na sila.
"Heto..." isa-isang nilalabas ni Berong ang mga nakulimbat na mga gamit sa knapsack bag "isang Xperia, tatlong iPhone, saka apat na wallet. Bilangin ko muna ang laman. 'Tangina mukhang jackpot ako dito sa isa ang kapal ng laman!"



"Ako etong mga nakuha ko!" hinuhugot ni Zaldy mula sa kanyang dalang bag ang apat ring wallet, ilang cellphone kabilang na ang dalawang iPhone, isang netbook at isang iPad.


Gulat na napalingon si Berong. "'Tangina, paano no nakuha 'yan ang lalaki niyan ah!"


"Diskarte lang 'yan Tol! O, sa a-disi-otso naman, fiesta ng Tondo. Agahan natin ah!" pagmamalaki at paalala ni Zaldy kay Berong.

"Sige!" sang-ayon naman ng kausap.

  * * *

Sila sina Zaldy at Berong - mga deboto at ito ang kanilang kwento.

4 comments:

  1. Gusto ko yung twist sa huli. I didn't see it coming.lol

    Sino nga kaya ang sinasamba nila? NAkakalungkot ang ganitong katotohanan ng buhay :(

    ReplyDelete
  2. Nice twist. *hehe*

    Hindi lahat ng deboto, gumagawa talaga ng tama. *tsk tsk*

    ReplyDelete
  3. Napanood ko kinagabihan sa news 'yung aleng nagrereklamong nawala 'yung laptop niya during the feast celebration, napailing ako at napahanga. Doon nanggaling ang kwentong fiction na 'yan na hango sa true events.

    ReplyDelete
  4. sa ganitong selebrasyon di dapat dinadala ang mga gadget tsk tsk tsk ... ang dapat na dala panalangin at pasasalamat para ang mga mapagsamantala walang makuha, at pag wala silang makuha baka sakali matoto silang magdasal at mag bagong buhay..

    ReplyDelete