"Mukhang ang saya-saya niyo ser ah!" paglilibang na sabi ng taxi
driver*1 sa pasaherong kanyang
naisakay sa NAIA Terminal 1*2. Si
Philip*3 ang kanyang tinutukoy,
isang OFW mula Qatar na pagkalipas ng halos labingdalawang taon*4 ay ngayon lang muling
makakabalik sa bansang kanyang kinalakhan.
Si Philip na isang
balikbayan o bagong bayani kung tagurian ng ating pamahalaan; bagong bayaning
nagsasakripisyo para sa pamilya at nagpapalakas ng ekonomiya ng bansa ngunit
saan man mapadako ay 'di magawang maprotektahan at mabigyan ng tulong kung
siya'y nangangailangan.
Pasado alas dose na ng
hatinggabi*5 nang lumapag ang eroplanong kanyang sinasakyan mula
Qatar. Bitbit ang malalaking bagahe laman ang iba't ibang pasalubong sa
pamilya; gadget, cellphone, damit, chocolates at lahat ng perang kanyang inipon
at kinita sa loob ng labingdalawang taon. Sabik na sabik ang balikbayan, hindi
ito maikakaila sa taglay niyang ngiti sa kanyang labi na kita rin sa kanyang
mga mata. Kaya ganun na lamang ang pagbati sa kanya ng driver ng taxi na
kanyang sinasakyan.
"Opo. Masaya talaga ako kasi pagkatapos ng labingdalawang taon
ngayon ko lang muli makikita ang pamilya ko, galing po kasi akong Qatar OFW po
ako dun." sagot ni Philip sa driver.
"Ah, ganun ba? Naku eh di tiyak nang matutuwa din sila niyan! Sa
tagal mong nawalay sa pamilya kung ano ang pagkasabik mo sa kanila sigurado
akong ganun din ang pagkasabik nila sa'yo. Ganyan din ang naramdaman ko noong
nagtrabaho ako bilang machine operator sa Saudi kahit higit lang isang taon*6 ako doon. Bumalik na agad ako sa 'Pinas kasi hindi ko kaya ang lungkot
dun. Kaya heto ako matagal-tagal na ring nagtitiyaga bilang isang taxi
driver."
kumpisal ng driver sa pasahero.
"Sinabi niyo pa ho, talaga pong nakakalungkot kung hindi nga lang
sa kinabukasan ng lima kong anak hindi ako magtitiyaga bilang cook doon. Kahit
may diskriminasyon sa mga katulad natin hindi ko na inintindi at pinatulan.
Saka iba ho talaga kasi ang salary sa ibang bansa hindi tulad dito sa atin na
kahit anong pagsisipag at pagtitiyaga mo sa trabaho parang wala ka namang
mahihita." walang bakas sa mukha ni Philip ang pagkaantok at pagkahapo kahit halos
isang araw na siyang bumibiyahe, natatalo ng kanyang pananabik ang magkahalong
pagod at antok niya.
Patuloy itong nagkwento. "Mabuti na nga lang medyo malaki na ang
naipon ko siguro hindi na ako babalik doon magtatayo na lang kami ng misis ko
ng karinderya o maliit na restaurant tutal 'yun naman ang trabaho at experience
ko. Kahit hindi ganun kalaki ang kita at least wala akong amo, mairaraos naman
siguro namin ang aming araw-araw. Malaking bagay din na mabait ang asawa ko,
napakasimple niyang babae at hindi maluho napagkakasya niya ang buwan-buwan
kong pinapadalang pera at the same time nakakaipon pa rin ako."
"Magandang plano iyan kung meron ka rin lang ipon mas okay na
magnegosyo ka na lang dito sa atin. Sa labingdalawang taon mong pagkawalay sa
pamilya mo tiyak kong malalaki na ang mga anak mo. Hindi mo na maibabalik 'yung
mga panahong nag-uumpisa pa lang silang maglakad o magsalita at ang unti-unti
nilang pagiging makulit. Sabi nga sa ingles, priceless 'yun! Pero di bale hindi
pa naman huli ang lahat may mga masasayang araw pang darating na kasama ka ng
iyong pamilya." tila pagsang-ayon ng driver sa tinuran ng balikbayan.
Kahit nakatira sila sa
Meycauayan kung saan sila nakakuha ng lote at bahay, sa Fairview nagpahatid ang
balikbayan dahil tiyak niyang naroroon ang kanyang pamilya. Tuwing weekend kasi
hindi ito pumapalya na dumalaw at bumisita sa kanyang mga magulang na may sakit
at may edad na, bilin niya ito bago pa man siya makalipad papuntang abroad. Isa
rin ito sa mga dahilan kung bakit napagpasyahan niyang mangibang bansa kahit
nagtatrabaho siya bilang waiter sa isang chinese restaurant.
Lumalaki ang kanyang pamilya
kailangan nang mag-aral ng kanyang mga anak sa private school at ang kanyang
mga magulang naman ay kailangan ng maintenance medicine. Wala nang ibang
maasahan. Dalawa silang magkapatid pero ang kanyang kuya*7 ay matagal nang nawawala
sabi ng mga kapitbahay sinalvage daw ng mga pulis dahil sa atraso sa droga pero
walang sinumang makapagpatunay nito. Ayaw ni Philip na maghirap at maghikahos
ang pamilya kaya labag man sa kanyang kalooban napilitan siyang maging OFW.
Pagkatapos ng maraming
gabing hindi siya makatulog sa pag-aalala.
Pagkalipas ang maraming
tanghalian at hapunang wala ang kanyang pamilya.
Makaraan ang ilang libong
araw ng pagtitiis heto na si Philip kasama ang pag-asa at katuparan ng kanilang
mga pangarap sa buhay.
Hindi na siya nagpasundo.
Minabuti niyang sorpresahin ang kanyang mag-iina dahil iba ang hatid na
kasiyahan nito para sa asawang si Yna at kahit nga noong magnobya pa lang sila
ilang surpresa ang kanyang ginawa dito.
Patuloy sa kwentuhan ng
kanilang nakaraan at karanasan ang dalawa hanggang makarating sa kahabaan ng
Commonwealth Ave*8. Higit sa dalawang daang metro bago dumating sa
Ever Gotesco mall ay huminto ang taksing kinasasakyan ni Philip mabuti na
lamang at ito'y nasa gilid na bahagi ng kalsada. Makailang beses ini-start ng
driver ang sasakyan. Bahagyang nagrebolusyon lang ngunit 'di nagtuloy sa
pag-ikot ang makina nito.
"Ser, pumalya po yata ang baterya ko. Pwede bang pakitulak sandali
hanggang sa magstart lang itong taxi." pakiusap ng driver sa kanyang pasahero.
Hindi nag-atubili ang
balikbayan. Agad itong tumalima, bumaba ng sasakyan upang itulak ang sasakyang
tumirik sa kalsada. Siguro'y sa kasabikan at kagustuhan na makauwi sa bahay
hindi siya nagdalawang-isip na gawin ito. "Sige
po, iwan ko lang itong bag ko para maitulak ko nang maayos." aniya pa.
Buo ang tiwalang bumaba si
Philip. Muling hinabilin sa driver ang kanyang bag bago inilapag sa likurang
bahagi ng upuan, inilapat ang pintuan.
Nang biglang humarurot ang
taxing inakala ni Philip na tumirik.
"Vrooom!"
Hindi pa nakakapwesto sa
likurang bahagi ng sasakyan ang bagong bayani'y kumaripas na ito ng takbo.
Mabilis itong nawala sa kanyang paningin. Sa kasamaang palad hindi niya man
lang nakuha ang pangalan ng taxi at ang plate number nito.
Kung gaano niya katagal
pinaghirapan ang kanyang naipon ganun kabilis naman ito nawala. Sa napakahabang
kalsada ng Commonwealth Avenue nilamon ng dilim at tuluyang naglaho ang
sasakyang naglalaman ng lahat ng kanyang bagahe, kagamitan, pasalubong at mga
inipong pera. Kasabay sa paglaho at pagkaripas ng taxi ay ang pagkawala ng
kanyang pananabik na makita ang pamilya at ang labis na kaligayahang kanyang
nadarama.
Sa isang iglap ang kanyang
pangarap ay ninakaw ng mapagsamantala.
Ang lahat ng masasayang
emosyong kanyang nadarama kanina ay kagyat na napalitan ng magkakahalong luha,
galit, pagkadismaya at kawalan ng pag-asa.
* * *
Legend:
1.
Kawangis ng mga lider na namumuno sa ating bansa. Lider na mahusay mangusap, lider
na dapat ay mahatid tayo sa destinasyong nais natin (ngunit iba ang kanyang
mithiin), lider na lubos nating inaasahan at pinagkakatiwalaan. Ngunit sa halip
na tumbasan ng matinong pamamalakad ang tiwalang iginawad at pagsusumikap ng
lahat ng mga 'Philip' ay magagawa nitong nakawin ng walang awa ang kanilang mga
pinagpaguran para sa kanilang sariling kasiyahan.
2.
Lugar na sumasalamin sa ating bansa kung saan matagal na siyang dapat
sumailalim sa rehabilitasyon at pagbabago ngunit dahil sa labis na korapsyon ay
hindi ito magawa at maisakatuparan.
3.
Isang balikbayang kawangis ng maraming pilipino. Pilipinong nagsusumikap para
sa kinabukasan ng pamilya na handang magtiis, magtiyaga, maghirap, magtiwala at
magsakripisyo para sa katuparan ng kanyang mga pangarap sa buhay. Mga Philip na
nananatiling nakasalalay ang mga pangarap sa umaandap na pag-asa.
4.
Bilang ng taon ng pagsisikap at pagtatrabaho ni Philip na sumisimbolo sa higit
isandaang taong paghihintay at pagtiis ng mga pilipino na makatakas sa pagdarahop
at paghihirap ng marami sa atin na sa kabila ng haba ng panahong lumipas ay
tila walang naging pagbabagong naganap.
5.
Kawangis ng kinalalagyan ng ekonomiya ng bansa, kalagitnaan ng gabi.
6.
Napakaikling panahong pagsisikap ng mga lider na magpakatino sa tungkulin
ngunit dahil sa talamak na katiwalian na kanyang nakikita kalaunan ay nilamon
na rin siya ng sistema.
7.
Sumisimbolo sa mga pilipinong napariwara ang buhay, kumapit sa patalim, naging
masalimuot ang buhay at walang tiyak na kinabukasan.
8.
Tiinaguriang isa sa pinakamapanganib na kalsada sa buong mundo, kawangis ng
Pilipinas hindi madaling mabuhay rito.
Wooh, grabe. Naawa naman ako kay Philip. Ilang taon nagtiis at nagpakahirap magtrabaho sa ibang bansa tapos sa isang iglap lang ay mawawala na lang ang lahat sa kanya dahil lang sa masasamang loob na naglipana sa ating bansa. tsk tsk tsk!
ReplyDeleteGaya ng paghahalintulad mo sa masaklap na kapalaran ni Philip sa ating gobyernong binulok na ng katiwalian at korapsyon, yung malaking TAX na pinapataw nila sa ating mga mamamayan. Nagkakandakuba na tayo sa pagtatrabaho tapos nanakawin lng mga buwaya sa ating gobyerno. Grabe na ito!
Bagong istilo ba ng modus operandi to? Kinutuban ako dun sa style ng driver eh, at hindi nga ako nagkamali. *hay* Kawawang Phillip...
ReplyDeleteKaya malaki ang paghanga at respeto ko sa Papa ko eh. Alam ko ang mga sakripisyo niya para lang mabigyan kami ng magandang buhay...
Ang mga pilipino sa katauhan ni Philip ay patuloy na pinagsasamantalahan.
ReplyDeleteMaraming Philip ang lumalaban ng parehas kahit paulit-ulit na ninanakawan. :(
Ano nga ba ang pwede nating gawin... ang gobyerno natin ay mayaman.. maraming pweding pag-ukulan ang mga yaman nito para sa ikauunlad ng bawat pilipino, kung iyong mapapansin ang mga nanunungkulan ay mga ewan rin lang, nadadala kasi ang iba sa ganda ng mukha o ng pupolaridad... ang pagbabago ay malayo pa sa bukang liwayway, tayo pa rin ay nananahan sa dilim ng koruption at sa mga pangil ng mga bampirang walang sawang nagtatampisaw sa dugo ng mga kagaya ni Philip at ng mga maralitang butot balat na sa hirap.
ReplyDelete