Showing posts with label iphone. Show all posts
Showing posts with label iphone. Show all posts

Monday, January 27, 2014

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap)




Unang Iglap: Birthday



Tulad ng pangkaraniwang mga party; ang birhday party na ito ni Russel na nagsicelebrate ng kanyang ikapitong-taong kaarawan ay dagsa ng mga panauhin. May mga iba't-ibang palarong inihanda, may sari-saring regalong bitbit ng bawat bisita, may magic acts at siyempre maraming pagkain. 


Nakavideo at photo coverage din ito.




Bukod kay Russel, ang isa pang masaya sa selebrasyong ito ay ang kanyang mommy na si Suzie. Nakatanaw lang ito sa isang tabi, nagmamasid sa napakahalagang araw ng kanyang anak, nangingilid ang luha dahil sa labis na kasiyahan.




Hindi mapagsidlan ang kaligayahan ni Suzie kahit batid niyang medyo malaki ang gastos sa selebrasyong ito 'di niya ito alintana dahil mas nangibabaw sa kanya ang pagnanais na mabigyan ng masayang kaarawan ang anak.




Si Suzie ay isang OFW sa Hong Kong. 
Single parent. 
Kumikita lang ng sapat para sa kanyang solong anak na si Russel at sa inang si Aling Rina na siyang nagpalaki at nag-aaruga dito. Mahigpit ang kanyang among intsik ngunit dahil isa ring ina napakiusapan niyang payagan siya na magbakasyon para sa araw na iyon.




"O, pinapanood mo na naman iyan! Mamaya niyan iiyak ka na naman. Wala na tayong magagawa hindi na natin maibabalik pa ang nakaraan kailangan mo ng lubos na pagtanggap para hindi ka magapos ng kalungkutan at ng nakaraan." si Aling Rina ang nagsasalita, kausap ang anak na si Suzie na paulit-ulit pinanonood ang 7th birthday celebration ni Russel sa video.




"Ma pinapanood ko lang naman, hayaan niyo na muna nga ako. Ito lang ang tanging alaalang naiwan ni Russel sa akin na nararamdaman kong buhay siya at masaya." pakiusap ni Suzie sa ina.




"Hmmp, ikaw na ngang bahala!" tuluyan nang iniwan ni Aling Rina si Suzie sa sala na katulad niya'y 'di napigilan ang pagluha.




Si Russel ay biktima ng ligaw na bala noong nakaraang selebrasyon ng pagsalubong sa bagong taon. Sa darating na Linggo, walong taon na sana ito. 



Hindi na bumalik si Suzie sa Hong Kong wala na umano siyang dahilan pa para magpaalipin sa mga intsik.



- E n d

 * * * * *



Ikalawang Iglap: iPhone



Lunes, alas siyete kinse ng umaga, unang araw ng school year. Hawak ni Kurt ang bagong iPhone na kasama sa balikbayan box na pinadala ng kanyang amang si Karl na nagtatrabaho bilang welder sa Dubai. Binabagtas niya ang kahabaan ng Recto patungo sa UE kung saan freshman student siya sa kursong Marketing.




Nakasuksok sa dalawang tenga niya ang earphone at kasalukuyan niyang pinakikinggan ang kantang 'Blurred Lines', mga sampung metro ang layo mula sa kanyang eskwelahan ay biglang mula sa kung saan ay may lalaking humablot sa kanyang iPhone.


Mabilis itong tumalilis at sumama sa kakapalan ng mga tao, bahagyang nadapa ang lalaki dahil sa naapakang sapatos ng isang estudyante ngunit 'di nabitiwan ang inisnatch na iPhone.




Dito na nagpasyang habulin ni Kurt ang mamang snatcher. Muling tumayo ang snatcher, tumakbo at tumawid sa island ng kalsada. Si Kurt na may kabilisan ring tumakbo ay patawid na rin ng kalsada na sa kasamaang palad ay nadapa dahil sa kumalas na sintas ng kanyang sapatos. Sa eksaktong sandaling iyon ay may humahagibis na bus ng G-Liner na biyaheng Cainta, kahit agad na nakatayo si Kurt ay nahagip pa rin ng gulong ng bus ang kanyang isang paa.




Naalerto ang lahat ng tao sa paligid. Kinuyog ng mga estudyante at mga tambay ang mamang nang-snatch ng iPhone ni Kurt, pinahinto ng traffic enforcer ang driver ng G-Liner at may mga mabubuting loob na nagdala kay Kurt sa pinakamalapit na ospital.




Dalawang araw pagkatapos ng insidente, sa ospital na inabutan ng amang si Karl na kagyat na lumipad galing Dubai, ang anak na si Kurt. Dahil sa malubhang sugat na tinamo ng paa hindi na nakuha pang iligtas ng mga doktor ang kaliwang paa nito. Napaiyak na lang ang ama sa kalungkutan at panghihinayang.




Habang tumatangis sa sama ng loob ang OFW na si Karl sa sinapit ng kanyang anak, ang mamang snatcher ng iPhone ay pansamantalang nakalalaya dahil sa piyansa ganundin ang driver ng bus na nakabundol at nakasagasa kay Kurt.




Ilang oras pa'y nagising at nagkamalay na si Kurt, iniabot ng nurse ang kanyang iPhone na naging dahilan ng pagkaputol ng kanyang isang paa. 


Samantalang nagdarasal ang kanyang ama sa prayer room ng ospital, hawak naman ni Kurt ang kanyang bagong iPhone na kasama noon sa balikbayan box na pinadala ng kanyang amang si Karl na nagtatrabaho bilang welder sa Dubai.



- E n d

* * * * *



Ikatlong Iglap: Superhero (inspired from Sir Eros)

“Ma, ang english pala ng bayani ay hero” si Julia, isang six year old na batang babae kausap ang kanyang ina.


“Oo, anak, bakit?” sagot at balik tanong ng ina.


“Eh ‘di si papa po pala ay isang hero kasi po ang tawag sa kanya ay bagong bayani” 


“Pwede rin. Kasi ang tawag sa mga katulad ni papa mo nagtatrabaho sa ibang bansa ay bagong bayani. Kung ang bayani ay hero sa English – hero na rin si papa mo” mahabang paliwanag ng ina.


“Eh ano naman po ‘yung ‘superhero’?” follow up question ni Julia sa ina na ginaganahang mag-explain.


“'Yung superhero naman fiction lang ‘yan o kathang-isip. Produkto lang ng siya ng imahinasyon ng mga sumusulat ng komiks at gumagawa ng movie. ‘Di tulad ng bayani na totoong tao; ang mga superhero higit pa sila sa tunay na tao, mas MAGALING sila” mas mahabang eksplanasyon ng mama ni Julia.


“Sa tingin ko po hindi kathang-isip lang ang superhero” makahulugang sabi ng anak.


“Ha, bakit mo naman ‘yun nasabi anak?” patakang tanong ng ina. “May kilala ka bang superhero na totoong tao?”
“Opo. Sa tingin ko po si Ninong Julius ko po ay isang superhero.”


Paano mo naman nasabing superhero si Ninong Julius mo?” nakangiting lumapit at umupo sa harapan ng anak ang mama ni Julia.


“Sabi niyo po ang superhero mas MAGALING sila sa mga tao. Narinig ko po kayo kagabi ni Ninong Julius sabi niyo sa kanya, mas magaling siya kesa kay Papa.” 


- E n d


Thursday, October 20, 2011

Imbensyon, Paghanga At Dalamhati (iPad) kay Steve Jobs


Isang malungkot na balita na pumanaw si Steve Jobs.
Ang magiting na CEO ng Apple Company na lumikha ng tila may gayumang mga gadget na iMac, iPod, iPhone at iPad. Marami ang nagluksa. Milyon ang lumuha. Hindi ba
nakakatuyang isipin sa pagpanaw ng isang taong henyo sa teknolohiya ay milyon ang umiyak at nag-alay ng bulaklak samantalang milyon ang namamatay sa iba't-ibang bahagi ng Africa dahil sa labis na kagutuman pero parang winawalang-bahala.
Napaka-interesante ng buhay ni Jobs. Para itong isang karakter sa teleserye na pinaampon ng magulang, hindi nakapagtapos ng pag-aaral subalit naging matagumpay sa buhay.
Bakit ba marami ang apektado sa pagkamatay ni Jobs? Nanghihinayang ba sila sa mga inobasyon pa ng iPod, iPhone at iPad? O taos talaga ang pakikiramay at malisyoso lang ako?
Sabihin na nating nakikidalamhati o nakikiramay sila sa isang Icon ng telekomunikasyon at wala namang nagsabing masama ito pero hindi ba parang napaka-OA na natin at pagbukas mo ng iyong FB ay sandmakmak na pakikiramay ang iyong mabubungaran at mababasa? At ito'y paulit-ulit at maya't-maya na para bang close sila sa isa't-isa.

Ano ba ang naging epekto sa buhay ng ordinaryong tao ang mga inobasyon ni Jobs?
Nang mailabas ba ang iPhone ay hindi pa naimbento ang cellphone?
Nang mailabas ba ang iPod ay wala pang MP3 player?
Ano ba ang importanteng hindi kayang gawin ng ordinaryong brand ng laptop na kayang gawin ng iPad o iMac?
Sa komersyalismong mundong ating ginagalawan ay walang dudang nagtagumpay ang produkto ng Apple. Marami ang tumatangkilik, milyon ang parokyano at hindi nila alintana kung magkano man ang halaga nito. Sa katunayan at ayon na rin sa ulat, mas mayaman pa ang kompanyang Apple (US$75.87 Billion) kaysa sa mismong gobyerno ng Amerika (US$73.76 Billion reserves) sa kabila nito anong bansa ba ang gumagawa (manufacture) ng produktong ito? China. Thru Inventec at Foxconn.
Ang posibleng dahilan: Simple lang. Mababang halaga ng labor upang malaki ang kitain ng kompanya. Foxconn na napakontrobersyal dahil sa misteryosong pagpapatiwakal ng maraming trabahador nito.

Okay. Maganda, ma-appeal, sopistikado ang ilang Apple products. Touchscreen at innovative. Maraming "Apps" na hindi naman kalimitang nagagamit ng isang nagmamay-ari nito. Tapos?
Sadya kasing attractive ito na parang nalason ang pag-iiisip ng mga taong walang kakuntentuhan at mahilig maki-uso nna tila may bato-balaning produktong ito. Walang katapusang "pinakamabilis", "pinakamaganda", "pinakahigh-tech" at iba pang pinaka. Sa katunayan sa sobrang nakabibighani ng produktong ito isang labing-pitong taong na kabataang Tsino ang nagbenta ng kanyang kidney (http://news.yahoo.com/blogs/technology-blog/17-old-sells-kidney-ipad-2-192030630.html) kapalit ng 20,000 Yuan o
humigit-kumulang US$3,000 upang makabili ng iPad2! Nakakatakot ito. Habang ang iba'y nag-aagaw buhay dahil sa pinsalang tinamo ng body organ may mga tao namang walang pagpapahalaga dito. Tila baga may kung anong "orasyon" ang mga produkto ng Apple at marami ang nahihipnotismo.

Lilinawin ko. Hindi ko ginagawa ito upang manira ng produkto o nagsa-"sourgraping " lang ako dahil 'di ko kayang bumili ng produktong ito (samantala, idadagdag ko na lang muna ang pambili ko dito hinuhulugan kong sasakyan) ginagawa ko ito dahil nagbabakasakaling may mapukaw na pag-iisip at umaasa na wala na sanang magbenta ng anumang (body) organ kapalit ng iPod, iPhone, iPad at kung ano-ano pang iLike. Humihikayat na bawasan kundi man mawala ang pagyakap at pagkahumaling sa komersyalismong hatid hindi lang ng Apple products kundi lahat ng naglalabasang high-tech na gadget.

Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya nating sabayan ang tawag ng teknolohiya dahil halos buwan-buwan may bago. At kung sasabayan mo ito baka hindi mo pa isinisuweldo ibinabayad mo na sa produktong bigla mong ginusto. Matutong timbangin ang pangangailangan kaysa kagustuhan baka sa panahon ng higit na pangangailangan wala kang madukot sa bulsa mo o ma-withdraw sa bangko dahil sa bago at maporma mong iPhone 4 o matikas na iPad 2 o magarang Samsung Tab 10.1". Kung may labis ka, bakit hindi? Hindi ito masama.

Oo, hanga ako kay Steve Jobs hindi lang sa inobasyon niya sa teknolohiya at dahil din sa paglikha niya sa buhay na animation (Pixar) ngunit mas higit na nakakahanga ang pagpupursigi at pagsisikap niya sa buhay. Na sa kabila ng kabiguan niya sa ilang aspekto ng buhay siya'y naging matagumpay. Ngunit ano bang legasiya ang naiwan niya bukod sa inobasyon niya sa teknolohiya? Katumbas din ba ito ng legasiyang iniwan nina; Thomas Edison na lumika ng kabit-kabit na imbensyon na may kinalaman sa phonograph, motion picture camera, electric bulb at iba pa o ni Leonardo da Vinci na walang katumbas ang kontribusyon sa sining at sa kanyang panahon ay may ideya ng makabagong helikopter, tangke, calculator at iba pa o ni Albert Einstein sa kanyang Theory of Relativity.
Ang kanyang inobasyon at imbensyon ba'y naging kapaki-pakinabang sa ordinaryo at pangkarinawang tao? Pinadali niya ba ang buhay ng tao? At sa anong paraan ito?

Gaya din ba ito ng imbensyong eroplano ng Wright Brothers na ginawang kombinyente at madali ang paglalakbay natin sa iba't-ibang bansa?
Tulad din ba ito ng imbensyong telepono ni Graham Bell na nagpadali ng komunikasyon sa loob ng matagal na panahon?
Pareho din ba ito ng imbensyong kotse ni Karl Benz na ginawang komportable ang paglalakbay natin sa lupa?
Sobra din ba ang pakinabang natin dito tulad ng pakinabang natin sa kuryente na unang natuklasan ng Ama ng Modernong Elektrisidad na si William Gilbert ?
Hindi ba't mas madaling gamitin ang computer dahil sa mouse na inimbento ni Douglas Engelbart?
Kaya't huwag na tayong magtaka kung bakit mas maraming inobasyon ang isang kasangkapan. Mas maraming idinadagdag na Apps o features sa isang gadget, mas palinaw ng palinaw ang anumang gamit na may kinalaman sa video/camera... dahil mas gutom at hanga ang mga taong walang kapanatagan at kakuntentuhan sa kung anong kanilang masasaksihan at kabusugan ng matang takaw-tingin.

Ngunit sa kabila ng katalinuhan ng tao pagdating sa larangan ng teknolohiya nakapagtatakang hanggang sa ngayon makalipas ang ilang dekadang pag-aaral at pananaliksik ay wala pa ring natutuklasang gamot laban sa HIV-AIDS o kahit man lang bakuna para rito at kung sakaling may siyentipikong dalubhasa na makatuklas nito, kikilalanin din ba natin ito gaya ng pagkilala at pagpaparangal na iginawad sa isang Steve Jobs? Duda ako. Yayaman at mapapabilang din kaya siya sa isa sa pinakamaimpluwensyang tao sa mundo? Makikidalamhati din kaya ang buong daigidig sa kanyang pagpanaw? Tanong ko lang. Pati ba ang daigidig ng Siyensiya ay nalukuban na ng komersyalismo?

Nakakapraning ang suhestiyon ni Rep. Golez na parangalan si Jobs dahil di-umano sa kontribusyon nito sa Siyensiya, pang-ulol ba ito? May kinalaman ba si Jobs sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas? Masyado ba siyang nabighani sa Apple products at ang laman ng kanyang silid sa Kongreso ay koleksyon ng Macbook, iPod, iPhone o iPad? Nakabuti siguro na dugong Syrian ang nanalaytay sa dugo ni Steve Jobs. Dahil kung sakaling may kapiranggot na dugong Pinoy si Jobs tiyak ako marami na naman ang magmamayabang at isisigaw sa kanilang FB wall: I'm proud to be Filipino!. We're proud of you Steve Jobs!

Kakambal ng pagyaman ng isang tao ay ang pagtulong sa mga kapus-palad. Gaya ng pagtulong na ginagawa ng mayayaman at maiimpluwensyang tao tulad ni Oprah Winfrey (Oprah Winfrey Foundation), Bill Gates (The Bill & melinda Gates Foundation) Warren Buffet (Warren Buffet Foundation, Giving Pledge), Angelina Jolie at marami pang celebrity na nakakaangat sa buhay. Share your blessings, ika nga. Subalit sa pagsasaliksik ko sa buhay ni Steve Jobs tila hindi umaayon ang expectation ng marami sa realidad; walang naitalang Foundation na aktibo si Jobs at walang balitang lumabas patungkol sa pagkalinga sa mga nangangailangan (http://dealbook.nytimes.com/2011/08/29/the-mystery-of-steve-jobss-public-giving/). Sa katunayan, noong 2007 binansagan pa nga ito ng Stanford Social Innovation Review (Magazine) na ang Apple daw ay "America's s least philanthropic companies”. Nakakalungkot. Kung ikaw nga na bumabasa nito nagnanais na tulungan ang mga mahihirap sa paraang nakaluluwag para sa'yo. Hindi natin alam baka naman may ibang dahilan si Jobs na hindi natin alam o baka naman masyado lang na-focus ang kanyang atensyon sa inobasyon ng kanyang produkto kunsabagay si Carlos Slim nga na pinakamayamang tao sa daigdig wala ring Foundation. Nakakapanghinayang lang. Mabuti pa si Apol (de Ap) ng Black Eyed Peas sa maikling panahon niya sa Industriya may itinatatag na APL Foundation para sa kapus-palad na kabataan.

Sa kabilang banda, dapat din naman na may papuri't parangal na matanggap si Steve Jobs sa mundo ng teknolohiya at hindi maitatanggi na kahanga-hanga siya sa larangang kanyang kinabilangan. At sana lang parehong papuri't parangal din ang ialay natin sa mga taong may maganda at mabuting kontribusyon sa lahat ng larangan maging Sining, Siyensiya o Teknolohiya man ito. Bilang paghanga sa kanyang katauhan, nais kong makita ang mundo sa pananaw ni Steve Jobs, gusto kong mangarap taglay ang kanyang pagsisikap, gusto kong kumilos taglay ang kanyang determinasyon.

Napakainteresting na malaman; ano pa kaya ang nasa kanyang utak at naisakatuparan kung hindi siya agad na pumanaw?
Bilang panghuli, makikiramay na rin ako. R.I.P. Steve Jobs.