Wednesday, January 8, 2014

Friend Zone



Noon pa man ay matanong na siya.
Maraming mga tanong ang naglalaro sa kanyang isipan. Mga tanong na kung tutuusin ay madali namang sagutin pero mahirap para sa kanya ang ito'y unawain - (kung sinadya man niya na 'di unawain ang mga 'yun ay siya lang din ang tanging nakakaalam). May mga oras na nakakatuwa ang kanyang mga tanong, mayroon namang 'di mawari kung ang kanyang tanong ay pabiro lang o sadyang panunuya.


Mabuti na lamang sa maraming pagkakataon ay handa ako sa kanyang bawat katanungan; sa mga tanong niya tungkol sa paglubog ng araw, sa pagsikat ng buwan, sa iba't ibang kulay ng bahaghari, sa lagaslas ng tubig sa talon at ang pagpatak ng ulan sa kalagitnaan ng mainit na panahon.


Magkababata kami ni Divina. Dalawang taon ang tanda ko sa kanya ngunit hindi ito naging hadlang upang magkaroon kami ng malalim na samahan at tunay na pagkakaibigan. Kita ko sa kanya ang sobrang kasiyahan nang magkaroon siya ng unang manliligaw na kalaunan ay naging una niya ring boyfriend at saksi rin ako sa kanyang labis na kalungkutan nang mauwi ang kanyang unang relasyon sa hiwalayan.


Bata pa lamang kami'y ako na ang tagapakinig sa kanyang mga masasayang kwento, ako ang saksi sa kanyang mga pagluha, ako ang nagsisilbi niyang gabay sa kanyang mga pagkakadapa. Inaamin ko kakaibang ligaya ang nararamdaman ko sa tuwing pinaglalaanan niya ako ng sandali. May kabuluhan ang aking mga oras sa tuwing kami'y magkasama, may kahulugan para sa akin ang kanyang bawat salita, mahalaga para sa akin ang kanyang bawat paanyaya.
At lahat ng mga ito'y langit para sa akin.


Malalim ang pinaghuhugutan ng kanyang mga buntung-hininga.
Hindi ko masukat.
Iba rin ang kanyang aura ngayon 'di tulad dati na maari akong magsingit ng mga corny kong patawa. Sa pagkakataong ito kakaiba ang kanyang ikinikilos, sa tingin ko'y 'wag lang makanti ay tiyak na mapapasubo siya sa isang basag-ulo.


Tanda ko pa Abril, ng nakaraang taon nang huli ko siyang nakausap nang matagal. Nang masinsinan. Ibinibida niya noon sa akin ang boyfriend niyang si Paul.
Higit na pala 'yun sa walong buwan. Higit sa walong buwan ko na siyang hindi man lang nakausap. Sige aaminin ko, hindi niya ako kinakausap. Hindi binigyang pansin - walang kongkretong dahilan, basta bigla na lang nanlamig siya sa akin. Wari ko'y may mabigat akong pagkakasalang nagawa sa kanya na hindi ko maalala. Bagama't madalas kaming nagkikita sa tuwing nakakasabay ko siya sa sakayan ng tricycle sa kanto, panaka-naka'y tinatanguhan niya ako sa tuwing magtatama ang aming paningin pero mas madalang pa iyon sa patak ng ulan sa panahon ng El Niño.


Kaya may halong pagtataka ang paglapit niya sa akin ngayon.
May kurot sa puso ko. Para akong teenager na biglang kinilig.
Namiss ko siya at ang kanyang kabuuan, ang kanyang pantay na ngipin sa tuwing siya'y ngingiti, ang kanyang malulutong na halakhak sa tuwing ako'y nagpapatawa at ang malambing niyang boses sa tuwing siya'y may ipinapakiusap.


Sa tagal ng walong buwan tila estranghero ako sa kanya. Naninibago. Nakikiramdaman sa kanyang bawat sasabihin, sa kanyang bawat ikikilos. Pero hindi ko na yata kailangan ng mga salita para maunawaan at malaman ang kanyang nais ipahiwatig.
Sinipat ko ang kanyang mabilog na mga mata. Banaag ko rito ang nangingilid na luhang halatang kanyang pinipigilang pumatak.
Sapat na iyon para yakapin ko siya.

Mahigpit.

Parang pagyakap ng ina sa kanyang bagong silang na sanggol. Tuluyan na siyang humagulgol. Ngunit hindi ko siya hinahayaang magsalita mas komportable akong nag-uusap ang aming puso.
May mga bagay na higit pa sa salita. Higit pa sa kayang sabihin ng ating bibig.


Limang minuto ng katahimikan.
Kumalma na ang kanina lang na paghagulgol niya.
Nakangiti na siya sa akin. Muli kong nasilayan ang kanyang pantay na ngipin.
Sa eksaktong sandaling iyon bumuhos ang ulan. 
Katamtaman ang lakas.
Sakto lang na maanggihan kami ng kaunti. Ang kanina lang na basa niyang pisngi dahil sa patak ng luha ay napalitan ng bahagyang tubig-ulan.


Tiyak kong ang nararamdaman niya'y pagkabigo kahit 'di niya sabihin, kahit 'di niya aminin. Bago pa niya ako maunahang magtanong, ako na ang nauna: "Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng ulan?"


Umiling lang siya. Napakunot ang noo.


Ako rin ang sumagot sa aking tanong: "Ang ulan ay hindi lang basta namuong tubig sa ulap. Ang ulan ay luha ng kalangitan, ang ulan ay pakikiramay ng langit sa mga taong nabigo sa pag-ibig...tulad mo, tulad ngayon."

Sapat na iyon para siya'y aking mapatawa.
Malakas.
Sa wakas, muli kong narinig ang kanyang malutong na halakhak na halos walong buwan kong hinanap-hanap.


"Dami mong alam!"
lambing niyang sagot sabay batok sa aking ulo.

1 comment:

  1. Ang lugar na mas malala pa kesa sa impyerno, ang Friendzone. :(

    ReplyDelete