Unang Iglap: Birthday
Tulad ng pangkaraniwang mga
party; ang birhday party na ito ni Russel na nagsicelebrate ng kanyang
ikapitong-taong kaarawan ay dagsa ng mga panauhin. May mga iba't-ibang palarong inihanda, may sari-saring regalong bitbit ng bawat bisita, may magic
acts at siyempre maraming pagkain.
Nakavideo at photo coverage din ito.
Bukod kay Russel, ang isa
pang masaya sa selebrasyong ito ay ang kanyang mommy na si Suzie. Nakatanaw lang ito sa isang tabi, nagmamasid sa napakahalagang araw ng kanyang anak, nangingilid ang luha
dahil sa labis na kasiyahan.
Hindi mapagsidlan ang
kaligayahan ni Suzie kahit batid niyang medyo malaki ang gastos sa selebrasyong
ito 'di niya ito alintana dahil mas nangibabaw sa kanya ang pagnanais na
mabigyan ng masayang kaarawan ang anak.
Si Suzie ay isang OFW sa
Hong Kong.
Single parent.
Kumikita lang ng sapat para sa kanyang solong anak na
si Russel at sa inang si Aling Rina na siyang nagpalaki at nag-aaruga dito.
Mahigpit ang kanyang among intsik ngunit dahil isa ring ina napakiusapan niyang
payagan siya na magbakasyon para sa araw na iyon.
"O, pinapanood mo na naman iyan! Mamaya niyan iiyak ka na naman.
Wala na tayong magagawa hindi na natin maibabalik pa ang nakaraan kailangan mo
ng lubos na pagtanggap para hindi ka magapos ng kalungkutan at ng
nakaraan." si Aling Rina ang nagsasalita, kausap ang anak na si Suzie na paulit-ulit pinanonood
ang 7th birthday celebration ni Russel sa video.
"Ma pinapanood ko lang naman, hayaan niyo na muna nga ako. Ito
lang ang tanging alaalang naiwan ni Russel sa akin na nararamdaman kong buhay
siya at masaya." pakiusap ni Suzie sa ina.
"Hmmp, ikaw na ngang bahala!" tuluyan nang iniwan ni Aling Rina si
Suzie sa sala na katulad niya'y 'di napigilan ang pagluha.
Si Russel ay biktima ng
ligaw na bala noong nakaraang selebrasyon ng pagsalubong sa bagong taon. Sa darating na Linggo, walong taon na sana ito.
Hindi na bumalik si Suzie sa
Hong Kong wala na umano siyang dahilan pa para magpaalipin sa mga intsik.
- E n d
* * * * *
Ikalawang Iglap: iPhone
Lunes, alas siyete kinse ng
umaga, unang araw ng school year. Hawak ni Kurt ang bagong iPhone na kasama sa balikbayan box na
pinadala ng kanyang amang si Karl na nagtatrabaho bilang welder sa Dubai.
Binabagtas niya ang kahabaan ng Recto patungo sa UE kung saan freshman student
siya sa kursong Marketing.
Nakasuksok sa dalawang tenga
niya ang earphone at kasalukuyan niyang pinakikinggan ang kantang 'Blurred Lines', mga sampung metro ang layo mula sa kanyang eskwelahan ay biglang mula
sa kung saan ay may lalaking humablot sa kanyang iPhone.
Mabilis itong tumalilis at sumama
sa kakapalan ng mga tao, bahagyang nadapa ang lalaki dahil sa naapakang sapatos
ng isang estudyante ngunit 'di nabitiwan ang inisnatch na iPhone.
Dito na nagpasyang habulin
ni Kurt ang mamang snatcher. Muling tumayo ang snatcher, tumakbo at tumawid sa
island ng kalsada. Si Kurt na may kabilisan ring tumakbo ay patawid na rin ng
kalsada na sa kasamaang palad ay nadapa dahil sa kumalas na sintas ng kanyang
sapatos. Sa eksaktong sandaling iyon ay may humahagibis na bus ng G-Liner na biyaheng Cainta, kahit
agad na nakatayo si Kurt ay nahagip pa rin ng gulong ng bus ang kanyang isang paa.
Naalerto ang lahat ng tao sa
paligid. Kinuyog ng mga estudyante at mga tambay ang mamang nang-snatch ng
iPhone ni Kurt, pinahinto ng traffic enforcer ang driver ng G-Liner at may
mga mabubuting loob na nagdala kay Kurt sa pinakamalapit na ospital.
Dalawang araw pagkatapos ng
insidente, sa ospital na inabutan ng amang si Karl na kagyat na lumipad galing
Dubai, ang anak na si Kurt. Dahil sa malubhang sugat na tinamo ng paa hindi na nakuha
pang iligtas ng mga doktor ang kaliwang paa nito. Napaiyak na lang ang ama sa kalungkutan at panghihinayang.
Habang tumatangis sa sama ng
loob ang OFW na si Karl sa sinapit ng kanyang anak, ang mamang snatcher ng
iPhone ay pansamantalang nakalalaya dahil sa piyansa ganundin ang driver ng bus na nakabundol at
nakasagasa kay Kurt.
Ilang oras pa'y nagising at
nagkamalay na si Kurt, iniabot ng nurse ang kanyang iPhone na naging dahilan ng
pagkaputol ng kanyang isang paa.
Samantalang nagdarasal ang kanyang ama sa
prayer room ng ospital, hawak naman ni Kurt ang kanyang bagong iPhone na
kasama noon sa balikbayan box na pinadala ng kanyang amang si Karl na nagtatrabaho
bilang welder sa Dubai.
- E n d
* * * * *
Ikatlong Iglap: Superhero (inspired from Sir Eros)
“Ma, ang english pala ng bayani ay hero” si Julia, isang six year old na batang babae kausap ang kanyang ina.
“Oo, anak, bakit?” sagot at balik tanong ng ina.
“Eh ‘di si papa po pala ay isang hero kasi po ang tawag sa kanya ay bagong bayani”
“Pwede rin. Kasi ang tawag sa mga katulad ni papa mo nagtatrabaho sa ibang bansa ay bagong bayani. Kung ang bayani ay hero sa English – hero na rin si papa mo” mahabang paliwanag ng ina.
“Eh ano naman po ‘yung ‘superhero’?” follow up question ni Julia sa ina na ginaganahang mag-explain.
“'Yung superhero naman fiction lang ‘yan o kathang-isip. Produkto lang ng siya ng imahinasyon ng mga sumusulat ng komiks at gumagawa ng movie. ‘Di tulad ng bayani na totoong tao; ang mga superhero higit pa sila sa tunay na tao, mas MAGALING sila” mas mahabang eksplanasyon ng mama ni Julia.
“Sa tingin ko po hindi kathang-isip lang ang superhero” makahulugang sabi ng anak.
“Ha, bakit mo naman ‘yun nasabi anak?” patakang tanong ng ina. “May kilala ka bang superhero na totoong tao?”
“Opo. Sa tingin ko po si Ninong Julius ko po ay isang superhero.”
“Paano mo naman nasabing superhero si Ninong Julius mo?” nakangiting lumapit at umupo sa harapan ng anak ang mama ni Julia.
“Sabi niyo po ang superhero mas MAGALING sila sa mga tao. Narinig ko po kayo kagabi ni Ninong Julius sabi niyo sa kanya, mas magaling siya kesa kay Papa.”
- E n d