Muling ibalik ang tamis ng Pag-ibig*
*Ang pag-ibig na tinutukoy dito ay ang pag-ibig ng tao sa mga simpleng bagay, pag-ibig sa pisikal at aktuwal na aktibidad ng katawan, pag-ibig sa makalumang libangan at nakagawian, pag-ibig at pagrespeto sa tunay na sining, pag-ibig sa ordinaryong bagay at pamumuhay.
Hindi masama ang mamuhay ng moderno ngunit tila napag-iiwanan na ng panahon ang ibang bagay na dapat sana'y hindi muna natin inabandona. Ang mamuhay sa mundo ng birtuwal, moderno at magarbong pamumuhay ay kadalasang magulo, magastos at komplikado kung maari lang sanang muling maibalik ang tamis ng pag-ibig.
Tama na muna ang pulitika, ‘wag muna nating pag-usapan ang korapsyon, itigil muna natin ang pagbabangayan at hayaan na muna nating magmagaling ang kung sino-sinong gustong maging bida ng kani-kanilang larangan, tayo’y sabay-sabay na magbalik-tanaw ng humigit-kumulang tatlong dekada. Pahiram muna ng limang minuto mo at tayo nang mangarap at magbalik-tanaw.
Sa nagmamadaling ikot ng mundo halos hindi na natin namalayan na matagal-tagal na rin pala ang nakagisnan kong dekada otsenta at nobenta pero hanggang ngayon gusto ko pa rin itong sariwain at balik-tanawin; kung may kapangyarihan lang ako na ibalik ang nakaraan, nanaisin kong bumalik sa mga dekadang ito.
Ang magagawa lang ng mga kabataan ng bagong panahon ay patakbuhin ang kani-kanilang imahinasyon ngunit sa mga kabataan noong panahong ‘yon (tulad ko) na nabuhay at naranasan ang ganda ng dekadang ito ay tiyak na masasariwa ang masasaya, magaganda kasama na ang malulungkot na mga alaala.
Sobrang bilis na ng panahon at abala ang lahat sa kung ano-anong bagay; marami na tayong nakalimutan at sapilitang iniwan.
Nagmamadali ba ang lahat?
Saan ba tayo patungo at walang habas ang ating pagmamadali?
Tila nagbago na ang lahat mula sa pag-uugali hanggang pananamit, mula sa nakamulatan hanggang sa libangan; moderno, oo pero hindi ibig sabihin nitong tayo’y naging progresibo malimit nga nagiging paatras pa ang epekto nito sa mga tao – sa isip, sa salita, sa gawa at sa iba pang bagay. Hindi mo maalis sa aming damhin ang panahong lubos na nagdulot sa amin ng hindi makalilimutang alaala na alam naman naming hindi na o malabo nang makabalik pa sa kasalukuyang panahon. Ganoon pa man ipinagpapasalamat kong naranasan at naisabuhay ko ang napakasimpleng panahon ng dekada otsenta at nobenta. Halina't alalahanin natin ang nakalipas.
Accessible na ang lahat. Kabilang na ang mga gusto mong kanta o musika, isang click mo lang alam mo na ang lyrics ng gusto mong kanta ni Lady Gaga o Justin Bieber; isang click mo lang mapapakinggan mo na ang subliminal na mensahe ng kanta ni Jay-Z o Rihanna, isang click mo lang at maririnig mo na ang bayo ng melodiya ng mapagmalaking RnB o Hiphop na mga kanta, isang click mo lang at malalaman mong hindi na naman pala orihinal ang kinanta ng magaling sanang mang-aawit na si Jovit, isang click mo lang kaya mo nang i-download ang anumang nais mong kanta. Ang galing ‘di ba?
Kung nakakatulong ito sa industriya ay alam mo na ang kasagutan dito.
Kamakailan lang nagsara ang higanteng music company na Sony Music Philippines ang rason: dahil sa pamimirata. Nakakalungkot ito at ang mas nakakalungkot…malamang na masundan pa ito dahil sa sobrang accessible ng lahat ng bagay, kabilang na ang pagbu-bluetooth natin ng paborito mong kanta.
Lumang dekada, uso pa noon ang cassette tape at plaka. Masasabi kong mapalad ang mga musikero/artist sa panahong ito dahil ang mga taong mahihilig sa musika ay bumibili ng kopya, cassette tape man ito o 33 1/3 o 45 (single) vinyl na plaka. May pag-ibig sila sa musika dahil handa silang gumasta para sa kani-kanilang iniidolo. Ang daming kompositor noon na masisipag gumawa ng makabuluhan at magagandang kanta at ‘yun naman ang muling ginagaya at inihahain sa atin ng mga bagong henerasyon ng mang-aawit. Hindi nga moderno pero masaya at nakakapananabik para sa kabataan na abangan sa radyo ang kani-kanilang paboritong kanta; ang iba’y bibili ng blangkong cassette tape at magtitiyagang hihintayin at ire-record sa radyo ang usong mga kanta. Hindi nagpapadaig ang OPM noon sa mga banyagang mga awitin tila nagpapaligsahan sa ganda ng mga kanta ang magkabilang panig, walang itulak-kabigin ika nga. May mga bagong komposisyon bang katulad sa kalibre ng mga kanta ng Apo Hiking Society o Rey Valera ng dekada 80, o ang mga namayagpag sa dekada 70 na VST & Co. o Rico J., at ang sumikat noong dekada 90 na sina Jamie Rivera o Rodel Naval. Marami pang matatawag nating talentado noong mga panahong iyon 'di tulad ngayon kung hindi remake ay pilit ang pagkakagawa. Mabuti pa nga si Yoyoy Villame may kontribusyon sa OPM (hehe, maisingit lang). Teka, si Willie Revillame din naman meron ah.:-)
Tanong: Ano ang pagkakapareho ng palengke at ng radio station ngayon?
Sagot: Pareho silang maingay!
Bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang pakikinig sa radyo at kahit sa modernong panahong ito marami pa rin ang tagatangkilik ng radyo; kahit na laganap ang iba't ibang music player iba pa rin kung ikaw ay nakikinig ng radyo. Ngunit sa pagiging makabago natin nagbago na rin ang panlasa ng Pinoy Music Lover. Napakalaki ng pagkakaiba ng istasyon ng radyo noon at ngayon; tila niyakap na ng mga Pinoy ang istasyong palengke at naiwang nakabigti ang magagandang radio station dati. Bilang na lang sa ating mga daliri ang mga istasyong matitino at walang sapi, halos lahat na yata ng station ay gustong gawing palengke mode ang kanilang format; magmula kaliwa hanggang dulong kanan ng istasyon (sa mga analog ang FM Tuner) o magmula numero 90 hanggang 107 (sa mga digital ang FM Tuner). Umpisahan natin sa nagpasimuno ng lahat na 90.7 Loud Love Radio, 91.5 Energy FM, 93.9 iFM, Barangay LS 97.1, Yes FM 101.1, Tambayan 101.9, Star FM102.7, Wow FM 103.5 at hanggang pinakadulo Big Radio 107.9 (baka may nakaligtaan ako kayo nang magdagdag). Hindi mo makukuhang magrelax sa lakas ng boses ng mga DJ’s ng mga sitasyong ito at kanilang mga paulit-ulit na joke. Pero click na click ito ngayon kasi ito na ang gusto ng nakararami, trending ika nga. Sus.
Kung mahilig ka sa Radyo noong lumang dekada mapapansin mo ang laki ng pagkakaiba sa “taste” ng radio listeners noon sa ngayon. Sobrang nakaka-miss ang matitinong radio stations na may iba’t ibang format ng pinatutugtog, maibabalik pa kaya ito? Kung may maglalakas-loob na ibalik ito sa ere, maari siguro. Pasintabi sa mga fanatics ng palengke station pero mas maganda at may “sanity” ang istasyon dati; City Light 88.3, (Jazz) 89.1DMZ (dance station ito),
Magic 89.9WTM (existing pa ito, salamat) 90.7 DZMB (oo matino ito dati), KY FM91.5 (oldies but goodies), Joey 92.3FM (Jazz), Monster Radio RX93.1 (eto rin existing pa), 93.9 WKC (popular station in the 90's), 94.7 Mellow Touch (nandito pa rin ito pero marami na ring DJ ang nagbubulungan), 95.5 WDM, 96.3 LiteRock (still alive), Campus Radio LSFM 97.1 (ganda nito dati), 99.5RT, Radio Romance 101.9, 102.7 WXB, MaxxFM 103.5, LA105.9, Kool 106, NU 107. Mapapansin mo sa mga radio stations na ito na may kanya-kanyang silang genre ng musika (pop, ballads, jazz, rock, underground, etc.) 'di tulad ngayon halo-halo, sari-sari, joke-joke-joke, PALENGKE. Sa bilis ng takbo ng panahon mabilis na ring naglaho ang "pag-ibig" ng mga may-ari ng mga istasyong ito na imintini ang ganitong klase ng radyo, kailangan komersyal at hindi kikita kung hindi ka "in". Ayus.
Pamilyar ka naman siguro sa PSP, PS2,
PS3, X-Box, Wii, Gameboy Advance, DOTA, Counterstrike; ilan lang ‘yan sa mga modernong nilalaro ng kabataan sa ngayon, wala ka bang napansin? Daliri at mata lang halos ang kailangan mo para maglaro nito may kaunting paggamit ng kaisipan pero kalimitan ang layunin nito’y talunin at patayin ang kalaban sa bayolenteng paraan. Bukod sa epekto nitong masakit sa mata, daliri at ulo pagkatapos ng napakahabang oras sa paglalaro ay magastos pa ito, ubos ang allowance na dapat sana’y inipon na lang. Sinubok ko ring laruin ang ilan sa mga modernong larong ito nakaka-enjoy naman pero iba pa rin ang mga larong aking nakagisnan.
Sa panahong aking nakamulatan maraming laro ang lubos na malilibang ka ng hindi mo na kinakailangang gumamit ng baterya o kuryente; mga larong hahamon sa iyong lakas at kaisipan bagaman mayroon na noong Game n’ watch at ang klasikong Family Computer mas lamang at nakararami pa rin ang nagnanais na maglaro ng nakalilibang at nakatutuwang laro. Siguro kahit ibalik mo sa panahong ito ang mga larong tulad ng Bingo Chess, , Mastermind , mga board game na Snake and Ladders, Game of the Generals, Millionaires’ Game, Chinese Checkers, Monopoly at marami pa ay hindi na ito magiging hit o tatangkilikin. Ang pinoy na pinoy na larong sungka, domino o dama ay malabong-malabo na magustuhan ng modernong kabataan ngayon kahit ang simpleng larong Lucky 9, pekwa o ungoy-ungoyan sa baraha ay nababaon na rin sa limot. Ang pampamilya sanang laro na may hamon ng kaisipan na Scrabble ay hindi na rin mae-enjoy ng mga anak at kasama ang kanilang Mommy o Daddy dahil sa kanya-kanyang kaabalahan; si Mommy sa teleserye pag-aasikaso sa gawaing-bahay, si Daddy sa pag-iinom opisina at ang mga anak ay sa facebook pag-aaral.
Noong lumang dekada ay may paligsahan pa ang iba’t-ibang baranggay at eskwelahan sa paglalaro ng Chess ngunit ngayon yata’y iilang kabataan na lang ang marunong maglaro nito mas nakakalibang daw kasi ‘yung larong may hawak kang rifle at pasasabugin mo ang ulo ng kalaban mo o kaya’y ang larong iwawasiwas mo ang iyong espada sa kalaban at pagmasdang humagis ang ulo nito at tatalsik na parang sa gripo ang dugo nito, Whoah ganda nun! Bukod pa dito may mga pisikal na laro pa noon ang mga kabataan na nilalaro sa kalsada at hindi sa loob ng internet shop hindi ako mahusay sa mga larong ito dahil ako’y payat na bata ganunpaman pawisan ko itong nai-enjoy! May nakikita ka pa bang naglalaro ng tumbang-preso, sipa, luksong-tinik, luksong-baka, taguan-pung, siato, patintero, Dr. Kwakwak, jackstone, chinese garter, piko, trumpo o kahit ang saranggola na lang; tila sa Kite Festival mo na lang ito makikita. 'Di hamak na mas nakakalibang ang pampamilyang Scrabble kaysa sa mga galit na Angry Birds at 'di maikakaila na mas marami ang napapasaya ng patintero sa kalsada kaysa sa bayolenteng on-line game na DOTA.
Wala na ang Sony-BMG. Wala ng Fotome booth. Wala na ring Phone booth. Nagsara na ang Kodak. Itinigil na rin ang printing ng Encyclopedia Britannica. Hindi na rin dinudumog ang library ng mga eskwelahan. Hindi na uso ang mimeographing. Kaunti na lang ang nagpapadala ng sulat sa Post Office. Epekto ito ng modernong panahon.
Ano pa kaya ang susunod?
Ano pa ang maluluging negosyo dulot ng makabagong teknolohiya?
Hindi na pinapawisan ang mga kabataan sa tuwing naglalaro. Mas madalas pa ang inilalagi nila sa computer/gadget kaysa sa tunay na bonding ng pamilya. May nakikita ka pa bang nagbibisikleta na mag-ama? O mag-inang tinuturuan ang anak na mag-cross stitch (ano 'yun?) Kaunti na lang siguro. Napakadali ng alagaan ang mga musmos ngayon bigyan mo lang ng PSP o buksan ang TV may instant yaya ka na.
Ano ba ang programa sa TV na paborito ng mga bata? Tinagalog na cartoons! Tila sumabay na ring nawala ang mga matitinong programa dati. Ibinalik nga ang Batibot pero may nanonood ba? Alam mo ba na may Knowledge Channel? Siguro, pero mas maganda ang Cartoon Network o Disney Channel. Mayroong mga teen program na sa murang edad ang tema ay kalandian at pagliligawan. Pwede na rin ang magbangayan at magmurahan sa telebisyon. At huwag na rin tayong magtaka kung isang araw ay may tagalog subtitle o dubbed na tagalog ang mga movie sa HBO o Starmovies.
Ngayon, tila nawala na ang sipag ng mag-aaral dahil sa modernong mapaglilbangan. Tila nawala na ang pag-ibig ng kabataan sa pagbabasa ng makabuluhang libro. Sa dali nang cut/copy-paste mayroon ka ng research/term paper. Tinuturuan ng teknolohiya ang mga tao ng maging tamad! Kunsabagay, sino ba ang magtitiyaga na maghagilap ng katakot-takot na references at basahin ito isa-isa?
Napakadali na ang manligaw kumpara sa dati. Noon ay kailangan mong bumili ng napakaraming rosas para makapag-paibig ng babae pero ngayon ay ilang text messages lang ay pwede na. Dati'y kailangan mo ring manligaw ng personal at kausapin ng harapan bago mo mapasagot ang babae pero ngayon sa chat at video call lang ay ayos na. At sa panahong kayo ay may relasyon pangkaraniwan na lang ang mag-sex. Wala na ang pag-ibig at pagpapahalaga sa sariling dangal dahil kapusukan ang mas pinaiiral. Sana'y muli itong maibalik.
Ano ba ang huling matinong pelikula na napanood mo sa sine? Hindi mo na matandaan kasi hindi naman ito pinalalabas sa malalaking sinehan at ang tawag dito: INDIE FILM. Mas ina-appreciate at pinahahalagahan pa ito ng mga banyaga kaysa sa mga manonood na Pilipino. Bakit? Ang huhusay kasi ng mga pelikula nina Bosssing Vic, Vice Ganda, at Ai-ai, o kaya ang mga pelikulang pangkabataan na nilapatan ng recycle na ingles na kanta na tumatalakay sa pakikiapid at sekswalidad. Dekada sitenta at otsenta ay bantog ang Pilipinas sa buong mundo sa paggawa ng matitinong pelikula at mahuhusay na artista pero ngayon mas iniiisip ng producer ang kumita ng limpak-limpak at hahayaang magmukhang tanga ang manonood na Pilipino; mga artista na basta sikat ay pwede ng sumabak sa telebisyon at pelikula. HINDI NA PINAG-UUSAPAN KUNG MARUNONG BA ITONG UMARTE O HINDI. Paano kung walang Indie Film saan tayo pupulutin? Marami pang mga writer at direktor ang may magagandang ideya at kwento sana'y mabigyan sila ng pagkakataon at kung sakaling mabigyan sila ng pagkakataon panonoorin ba naman ito ng manonood na Pilipino? Malamang hindi. Hanggang pangarap na lang siguro ang pagbabalik ng mahuhusay na pelikula.
Wala na ang pag-ibig ng tunay na music artist sa pagkatalamak ng mga pirata, wala na rin halos ang magagaling na musikero dahil kadalasang kinokopya lang ang lumang kanta para sumikat. Kahit si Anne Curtis isa na ring mang-aawit at concert artist.
Wala na rin halos ang mga tunay na artista dahil maraming artista ang sumisikat dahil lamang sa dami ng text votes at hindi ng kanyang taglay na talento. Marami sa kanila ang nanggaling lang sa walang kwentang reality show kuno at walang pormal na kaalaman sa pagiging artista pero mas sumikat pa sa talagang may tunay na kakayahan.
Wala ng pag-ibig sa madla at masa ang mga higanteng istasyon mapa-radyo man o TV dahil mas umiiral ang kinomersyal na mga programa. Wala na rin ang pag-ibig ng mga tao sa magaganda at matitinong pelikula dahil hindi ito nagdudulot sa kanila ng kasiyahan.
Bakit? Ito rin kasi ang nais ng mga moderno at progresibong raw na mga tao. :-(