Friday, March 2, 2012

Bakit ba wala kang pera?!?

"Bakit ba wala kang pera?"
Isang tanong na hindi madaling sagutin o kung masasagot man malamang na mabigyang katwiran ang maling nagawa dahil sa madaling pagkaubos ng pera. May trabaho naman pero laging kapos sa pera at sa pagsapit ng araw ng sweldo ang perang pinagpaguran ay sakto lang at mas madalas pa na kulang. Habang lumalaki ang sweldo lumalaki ang gastos, malamang tama ito dahil ang pangangailangan at kagustuhan ay tumataas din na sunod sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng tao. Pero hindi sana maging hadlang ito upang basta na lang gumastos at sana'y masulit natin ang bawat pisong pumapasok sa'ting bulsa. Hindi madaling kumita ng pera pero marami pa ring tao ang nakapagtatakang walang pakialam kung paano nila gastusin ang kanilang pera, tila hindi nanghihinayang kahit na wala namang kabuluhan ang binili o pinag-gamitan ng pera.


Kung minsan sa pagnanais natin na mapunan ang ating mga kagustuhan nasasakripisyo ang ating tunay na pangangailangan. Tila mas matimbang pa nga yata ang kagustuhan kaysa pangangailangan. Hindi madaling umiwas sa gastos lalo't ang isip natin ay patuloy na tinatakaw ng iba't ibang modernong materyal na bagay at sa huli na natin mararamdaman na nahihirapan na tayong kumawala sa ating gastusin. Kung ang tanging inaasahan ay ang sweldo lang dapat na gastusin ito sa tamang paraan dahil kung hindi sigurado na ang lahat ng iyong pinagpaguran ng buong araw o ng buong buwan ay ilalaan lang natin sa ating pagkakautang. Ang Pilipinas ganundin ang indibidwal na Pilipino ay 'di maitatangging palautang. Ang Pilipinas ay may pagkakautang na higit sa 80 bilyong dolyares at ang mga Pilipino ay may bilyon ding pagkakautang sa iba't ibang mga bangko; credit cards, housing loans, car loans at iba pang personal na pangangailangan.


'Pag ang mga financial institution ang tatanungin may kabutihang dulot ang utang; sa bansa at sa mismong taong may pagkakautang sa bangko. Itinataas nito ang credit reputation ng isang bansa o tao. Isang ironic na 'pag may record kang pagkakautang sa bangko at ikaw ay patuloy na nagbabayad sa kanila prinsipal man ito o interes lang ibig sabihin nito'y may magandang reputasyon ka sa kanila. Ngunit sa sandaling pumalya ka ng ilang beses asahan mo ang patong-patong na penalties, interest, surcharges at kung ano-ano pang charges na kahit sinong magaling sa arithmetic ay hirap makuha kung paano nag-arrive sa ganoong kwenta. Dito mag-uumpisa ang masalimuot na kwento iyong ng buhay-pinansiyal. Mga collecting agent na halos pagbantaan na ang iyong buhay, mga nakakayamot na tawag sa dis-oras ng gabi, mga pang-aabala kahit nasaan ka pa at mga katakot-takot na istratihiya ng pamamahiya.


'Di maikakaila na makapangyarihan ang pera. Lahat tayo ay nangangailangan nito, walang hindi. At sa labis na pangangailangan nito ng mga tao ang halos lahat ng ads, komersiyo o negosyo ay pinupuntirya ang ating pinagkakitaang pera. Sari-saring patalastas na pang-engganyo sa atin upang bumili nang ganito, nang ganoon, magpunta sa ganitong lugar o gumimik ka dito o magsaya ka doon. Walang masama dito ang nagiging problema ay sa labis na paggasta ng kung ano-ano at kung saan-saan naapektuhan ang maraming bagay; trabaho, kaibigan, pamilya at ang sariling isipan. Napakahirap solusyunan ang lumaking problema na pwede naman sanang maremedyuhan noong maliit pa at ang nakakabahala at pinakamalala; ang dumating sa puntong hindi mo pa isinusweldo ay ibinabayad mo na sa iyong pagkakautang! Ngunit ano-ano ba ang dahilan bakit lagi tayong walang pera? Heto ang ilan sa mga obserbasyon na nais kong ibahagi.


  1. Mabisyo - Ano man ang estado sa buhay ay may bisyong tangan-tangan. Maging mahirap o ubod ng yaman; maging construction worker man o manager ng korporasyon ay may bisyo; sigarilyo man ito o alak. Ang mga nakakaangat sa buhay ay kadalasang magpupunta sa mga gimikan gagastos ng libo-libo at magsasaya ng walang humpay habang ang hindi gaanong malaki ang kita ay kuntento nang maguumpukan sa kanto; may maliit na lamesa, tig-iisang upuan at mag-uumpisa sa isang boteng tagay. Kakambal ng inuman ay ang pagyoyosi; gagastos ng higit sa isang kaha ng sigarilyo sa bawat araw na katumbas ng higit sa P14,000 sa isang taon, kung tutuusin. Hindi gaanong iindahin ang gastos sa umpisa pero kung iisiping mabuti malaki-laki rin pala ang perang napupunta at nasasayang sa bisyo. Isang kakatwa na kung sino pa ang hindi gaanong malaki ang kita ay iyon pa ang kadalasang may bisyo ng pagsusugal; saan mang mayroong saklaan, sabong, karera ng kabayo (legal man o ilegal), video karera o simpleng paglalaro ng tong-its ay dagsa ang ating kababayan. Marami ang naghirap at nakalulungkot malaman na naubusan ng pera dahil dito; silang mga iginupo ng pagiging talamak sa bisyo, mga malalaking personalidad o pangkaraniwang mamamayan na nahumaling sa sobrang bisyo ng alak, droga at sugal. Hindi maitatangging isa ito sa dahilan kung bakit laging walang pera ang mga Pilipino. Hindi masama ang magsaya at gumimik pero ano mang labis ay masama, masama sa bulsa.
  2. Paggasta ng labis sa kakayahan - Kung hindi mo kokontrolin ang sarili mo malamang na mapabilang ka dito. Ang paggasta ng labis sa kakayahan ng iyong kinikita ay maaring ihalintulad sa bahala-na-bukas attitude nating mga Pinoy. Gasta ng gasta dahil laging may inaasahang sweldo; gamit ang credit card na sasamantalahin ang zero interest daw na 12 months installment. Kahit pwede pa ang dating gamit (celphone man o hindi) ay maggigive-in sa temptasyon na dulot ng modernong features ng isang kagamitan. Kung pakikinggan parang napaka-iksi lang ng labingdalawang buwan pero kung aktwal mo na itong binabayaran doon mo mararamdaman na matagal pala ito dahil sa laki ng nababawas sa 'yong sahod. Nag-uumpisa ito sa maliit na dalawang libong pisong pagkakautang hanggang sa bigla na lang ito lolobo sa nakakalulang halaga. Matutong magtiis at tikisin ang sarili kung hindi pa kaya ng iyong bulsa; sakaling makaipon at makaluwag ay saka na bilhin ang nais na gamit. Magpakahinahon kung hindi mo kayang sabayan ang ibang may sapat na kakayahang bumili ng magagarang gamit. Ang taong humuhusga ayon sa iyong mga posesyon ay may mababaw na pananaw sa buhay.
  3. Walang pagpaplano - Lahat tayo ay may pangarap sa buhay at ang isang pangarap ay nagsisimula sa isang plano. Kung hindi ka bubuo ng isang plano magiging walang kabuluhan ang iyong pinagkakitaan mapupunta lang ito sa walang kapararakang bagay. Ang pagtatapos ng kolehiyo ay nagsisimula sa isang baitang. Kung gasta ka ng gasta at ang nakikinabang ay malalapit mong kabarkada o ilang kakilala o kaanak na oportunista magiging mabait sila sa'yo pero sana sa sandaling ikaw naman ang nangailangan sana'y makasama at makatulong din sila sa'yo. Marami ang gusto ka lang makasama dahil lang sa benepisyong hatid mo sa kanila pero marami na ang nakapagpatunay na sa panahon ng kagipitan unti-unting mawawala ang sinasabi mong kaibigan. Mag-umpisang gumawa ng plano; Dapat ba ang paggastos o luho lang? Ano ba ang gusto mong makamit? Ano ba ang gusto mong bilhin? Kailangan mo ba talaga ito? Kaya ba ito ng sweldo mo ngayon? Maapektuhan ba ang iba pang mga gastusin? Magmula dito ay umpisang mithiin ang plano at abutin ng paunti-unti at mararamdaman mong mas masarap ang isang bagay na pinagsumikapan at pinagtiyagaan kaysa sa biglaan lang. Kadalasan sa pagpaplano mong ito mahihiwalay mo ang mga bagay na may halaga at ang mga bagay na walang kwenta.
  4. Sobrang paggastos - Marami ang nakakalimot na tayong mga Pilipino ay labis ang paggastos. Bibili ng bagong bag kahit na marami pang bag ang nakatambak lang at hindi nagagamit sa cabinet, sobrang dami ng sapatos na ang iba'y nabubulok na sa tagal ng pagkakatengga, bibili ng branded na mga damit para lang makaporma kahit na alam niyang may mga matitino at murang damit na ibang produkto, tatlo o apat ang celphone na wala nang load ang iba sa dami, madalas na mag-upgrade ng mga gadget para lang makasabay sa uso. Kahit na kapos sa budget ay maghahanda ng sobra-sobra sa kung ano-anong okasyon; birthday, fiesta o kahit sa simpleng kantiyaw lang ng mga kaibigan. Maging praktikal. Hindi natin kailangan ang labis-labis na sapatos, o relo, bag at kung ano pa at hindi natin obligasyon na magpakain at magpa-inom sa hindi natin kaanak hindi ka naman nila bibigyan ng pera kung ikaw ang nasa kagipitan. Huwag magpadala sa kantiyaw okay lang na masabihan kang kuripot kaysa naman sundin ang nakagawian at uuwing walang maipakain sa pamilya.
  5. Walang ipon - Ayon sa pag-aaral halos dalawa lang sa bawat ordinaryong Pilipino ang mas ninanais na mag-ipon kaysa gumastos. Marami ang magsasabing hindi niya kayang mag-ipon sa liit ng kanyang kinikita, maaring ito ay maganda at balidong katwiran pero ang pag-iipon ay walang itinatakdang halaga kung itatabi mo ang sampung porsyento o kung hindi kaya ay limang porsyento ng iyong kinita hindi mo namamalayan sa paglipas ng ilang taon malaki na ito. At 'pag malaki na ito mas lalo mong mapapahalagahan ang pera dahil ito'y iyong pinaghirapan at pinag-ipunan ng matagal at ikaw'y magdadalawang-isip na bilhin ang isang bagay na 'di gaanong mahalaga sa'yo. Nakakatawa na maraming tao ang may panggastos sa alak o sigarilyo pero hindi man lang makapagtabi ng kahit na magkano sa tuwing may sweldo. Ang pag-iipon ay napakahalaga dito natin kukunin ang dagliang pangangailangan sa panahong hindi mo inaaasahan. Hindi madali ang mangutang sa kaibigan o kaanak kung may pangangailangan; una nakakahiya o ayaw mong mapahiya, pangalawa'y papasok sa isip mo na baka sila'y gipit din at ang kanilang ipapahiram ay maaring panggastos na nila. Sa panahong ito lahat ay nahihirapang kumita ng pera at hindi mo sila masisisi kung bakit hindi ka mapapahiram sa iyong pangangailangan. Mahal ang gamot, mahal ang magpa-ospital at hindi pwedeng ipambayad ang mamahalin mong mga kagamitan at nakakahiya ring malaman na baka mas mahal pa ang kasangkapan mo kaysa sa iyong hinihiraman ng pera. Tandaan, darating ang panahong ikaw ay may kagyat na pangangailangan sa pera at kung wala kang ipon ang tanging magagawa mo lang ay ngumanga at dumiskarte sa pangungutang sa iba. At hindi lang naman ikaw ang makikinabang sa pag-iipong gagawin mo kundi ang sarili mong pamilya.
  6. Hindi nagtitipid - Mga pangkaraniwang bagay na hindi natin gaanong napapansin pero ang resulta'y maganda kung iyong susuriin. Hindi naman tayo magmamadamot kung ang pagtitipid ay dapat lang. Ang karaniwang bahay ay may higit sa isang telebisyon pero madalas iisa lang naman ang programang pinapanood, mga ilaw na nakatiwangwang kahit na walang gumagamit, mga tira o sobrang ulam/kanin na nasasayang lang, mga bagay na nakaimbak lang sa taguan kahit na pwedeng mapakinabangan ng iba at ibenta para maging pera. Hindi rin nakatutulong sa pagtitipid ang labis na panonood ng telebisyon; ang oras na dapat sana'y ipinapahinga na at itinutulog na ng katawan ay inaagaw pa ng panonood ng paulit-ulit na tema ng programa. Kung hindi man mapigilan sana man lang ay mabawasan ang pagkonsumo ng higit isandaang pisong kape o ang pagkain ng madalas sa mga fast food chain, makabubuting magbaon ng pananghalian at 'wag itong ikahiya kung nais mo talagang magtipid (kung ikaw ay nag-oopisina); ang halaga ng isang tasang kape o ng isang meal sa fast food chain ay katumbas na ng presyo ng isang kilong manok, kung susumahin.
  7. Katamaran -At ang pinakamalalang kadahilanan kung bakit walang pera ay ang katamaran. Mga umaasa sa bigay o iaabot ng ibang tao kahit na balido ang katawan sa pagtatrabaho. Mga may sarili ng pamilya pero nakapisan pa rin sa mga magulang. Ayaw tumanggap ng trabaho dahil sa pride o dahil hindi angkop sa kanyang edukasyon. Mayroon ding sa tagal ng panahon ay nasanay ng nakadepende sa kamag-anakang nasa abroad kahit na mas malakas pa sa kalabaw ang katawan. Ang pagmamahal sa pamilya ay hindi natatapos sa pagsasabing mahal kita kaakibat nito ang pagiging responsable; maibigay ang kanilang pangangailangan at hindi ikaw ang maghihintay sa biyaya. Masakit kong sasabihin na walang puwang sa mundo ang mga taong tamad. Kahit ang mga pinakamayayamang tao sa daigdig ay naghahanap-buhay. Si Manny Pacquiao ay naging isa munang kargador bago naging bilyonaryo, si Henry Sy ay may malit na pwesto lang na tindahan sa Carriedo bago naging matagumpay na negosyante. Hindi naman natin kailangang maging milyonaryo o bilyonaryo para maging matagumpay sa buhay sapat nang tanggalin ang katamaran dahil ika nga lazy hands makes the man poor sa tagalog, hindi mo kasalanan na ipinanganak kang mahirap pero kasalanan mo kung mamamatay kang hindi nakaahon sa kahirapan.


Hindi madali ang buhay pero minsan tayo rin mismo ang nagiging dahilan upang hindi ito maging madali. At nagiging komplikado ang isang bagay dahil sa isang maling desisyon. Kung uugatin ang mga kasagutan (maliban sa katamaran) sa tanong na bakit wala kang pera? Ang komprehensibong sagot dito ay ang hindi matalinong paggamit dito. Kung hindi tutulungan ang sarili o magiging marupok sa desisyon nang paggasta malamang na mapabilang ka sa mga taong laging walang pera. Huwag maging biktima ng sariling pagkakamali na maglalagay sa'yo sa isang alanganing sitwasyon; sitwasyong magpapagipit at magpapalala sa dating maliit lang na suliranin na kalauna'y magiging napakahirap na resolbahin. Magpasalamat sa bawat biyayang dumadating sa buhay, makuntento kung ano ang mayroon at 'wag hanapin ang hindi pa napapasakamay. Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao pero maraming desisyon sa buhay ang nakasalalay sa pera. Huwag maging ubos-biyaya na kapagkuwa'y nakanganga at nakatunganga kang magmumukmok sa tabi. Maging matalino, maging mautak sa paggasta ng pera.


Pahabol: At kung sakaling ikaw ay makaangat sa buhay at hindi mo na gaanong problema ang pera o kung ikaw ay may pagkakataon sana magbigay ka rin sa iba; doon sa totoong nangangailangan nang kalinga.

1 comment: