Thursday, May 14, 2015

pag-ibig sa sining, sining sa pag-ibig

may tutugtog gamit ang gitara
kakalabitin ang kuwerdas at makalilikha ng kanta.
may tutugtog gamit ang damdamin
kakalabitin ang puso sa halip na guitar string.



may umaawit gamit ang tinig 
sa pagbuka ng bibig may himig na maririnig.
may lilikha ng awit na karanasan ang gagamitin
tatagos sa puso bawat katagang sasambitin.



may tutugtog gamit ang piano
lilikha ng musika bawat hampas sa tiklado
may tutugtog mula sa bulong ng puso
lilikha ng musikang may buhay ang ritmo.



may susulat gamit ang ideya  
ididikta ng isip ang isusulat ng pluma.
may susulat gamit ang damdamin
isasatinta ng puso ang tatawaging sining.



may magpipinta gamit ang brush at pintura
iguguhit ng kamay ang naisipang huwad na obra.
may magpipinta’t gagamitan ng puso ang sining
bawat kulay at guhit ay masterpiece na matuturing.



may mga awit na mula sa random na mga salita
sa dikta ng pera'y nalapatan ng nota ang hinimigang tula.
may mga awit na likha mula sa emosyon at damdamin
sa dikta ng puso'y nalapatan ng salitang pupukaw at gigising.



may magmamahal gamit (lamang) ang nakikita ng mata
kumikislot ang laman sa ganda ng mukha o katawang makurba.
may magmamahal at iibig mula sa emosyon at damdamin
tumitibok ang puso dahil sa pag-ibig na walang paningin.
- - - - -



walang hiwaga at talinghaga sa mga sining at kanta
kung 'di nagmula sa puso ang bawat piraso ng obra.
walang pagmamahal kung 'walang pagpapahalaga 

kung ang pag-ibig ay ibig (lamang) ay pagnanasa.


may pag-ibig sa sining, may sining sa pag-ibig.

Monday, April 27, 2015

Déjà Vu



Kagyat na tumanyag at nawindang
ang Pilipinas, dalawampung taon
na ang nakararaan
hindi dahil sa lider na disiplinaryan,
o matitikas na kanyang mga batas.
‘Di dahil sa pag-usbong ng kaunlaran,
o sa pag-usad ng bansa
sa larangan ng medisina,
teknolohiya o ng agham,
kundi dahil sa isang “bagong bayani”
na kikitlin ang buhay sa
teritoryo ng dayuhan.


Dalawampung taon na ang nakararaan
nang bitayin si Flor, hindi dahil
sa brutal na kasalanan
o sa pag-alagwa ng kanyang sanidad
sa kabila ng kahirapan,
hindi dahil sa pagpaslang ng
kanyang kaawa-awang kababayan
o ng paslit na isinakripisyo
upang siya’y mahusgahan.
Binitay si Flor dahil sa paghahanap
ng mailap na kaunlarang
‘di niya mahagilap sa bansang
kanyang kinamulatan.  


Nahimlay si Flor na patuloy
na nananawagan sa katarungang
ipinagkait ng pamahalaang
araw-araw ay manhid at inutil
sa iyak at sigaw ng
kanyang kababayan.
- - - - -

 

Muling tumanyag at nawindang
ang Pilipinas, makalipas ang
dalawampung taon,
‘di dahil sa mga suwail at sutil
na mga “disiplinaryan”,
o sa binabalahura at binabarubal
na matitikas na mga batas,
‘di dahil sa nabalahong kaunlaran,
o sa ‘di sa pag-usad ng bansa
sa larangan ng medisina,
teknolohiya o ng agham,
kundi dahil isang “bagong bayani”
na nahatulang kitlin ang buhay
sa teritoryo ng dayuhan.

 
Dalawampung taon (muli) ang nakalipas
nang mahushagan ng
kamatayan si Mary Jane,
hindi dahil sa brutal na kasalanan,
o sa pag-alagwa ng kanyang
sanidad sa kabila ng kahirapan,
hindi dahil sa pagbitbit ng
drogang ipinanggatong sa apoy
ng kawalang katarungan
o ng pagngasab sa kakarampot 
na barya upang maibsan ang kagutuman.
Kundi dahil sa paghahanap
ng mailap na kaunlarang
‘di niya mahagilap sa bansang
kanyang kinamulatan.  



Hinatulan si  Mary Jane na patuloy
na nananawagan ng katarungang
ipinagkait ng pamahalaang araw-araw
ay manhid at inutil sa iyak at sigaw ng
kanyang kababayan.
(Bagong Bayani man o nasa sariling bayan)

Tuesday, April 7, 2015

Clinic III: Si Jericho

Sundan ang istorya dito:



- - - - - - -
Kung basta na lang natin kalilimutan ang isang pangyayari sa ating buhay ang isang tila masamang bangungot na naging bahagi ng ating kahapon hindi raw malayong maulit ang kahalintulad na karanasang ito sa darating na panahon.

Tama nga na hindi tayo dapat nakapiit sa alaala ng nakaraan pero hindi ibig sabihin nun na dapat na nating iwaglit ang lahat ng mga leksyong ibinigay nito sa atin. Para sa iba madali lang ang magpatawad pero hindi kahulugan nun na ganoon din kadali ang makalimot. Lalo na kung ang nakagawa sa'yo ng pagkakasala ay naging malaking bahagi ng buhay mo. Lalo na kung ang nakasakit sa'yo ay taong minahal mo ng higit pa sa buhay mo. Lalo na kung ang taong 'yun ay inakala mong kasama mong hahabi ng iyong mga pangarap sa buhay sa darating na mga bukas.

Maaari kang magpatawad sa taong nagkasala sa'yo pero 'tangina hindi simpleng maiwaglit ang lahat ng kanyang naging pagkakasala kasama nang lahat ng kanyang naging pagkakamali.
Kailanman, hindi package deal ang pagpapatawad at paglimot.
Maari kong sabihing napatawad ko na si Jericho pero kailanman tila hindi ko malilimutan ang mga lahat ng mga kababuyan, kahayupan at panggagago niya sa akin. Magsisilbing leksyon ang mga 'yon para ako'y maging matalino sa buhay at pipilitin kong hindi na muling maloko ng kung sino mang nag-aalok ng isang huwad na pagmamahal.

Sa mga bagay na nangyayari sa akin ngayon gusto kong paniwalaan na may dahilan nga ang lahat nang nangyayari sa ating buhay at nasa atin na lang kung papaano natin ito lubos na tatanggapin at uunawain.

Hindi na natin maibabalik ang nakaraan at ang lahat ng mga nagawa nating pagkakamali ay hindi na natin maitatama pa -- kahit ano pang ating gawin.
Ang tangi na lang nating magagawa ay ihinto ang mga kamalian at kahibangang ito bago pa mahuli ang lahat. Hangga't may nalalabi pang oras, hangga't kaya pa nating ituwid ang ating darating na bukas.
- - - - -

Hindi ko na maalala ang eksaktong araw at oras kung kailan ko huling nakita at nakausap si Jericho. Ang gagong si Jericho na minsang naging bahagi ng buhay ko, minsang naging pagkakamali ng nakaraan ko. Ang totoo, wala na akong pakialam sa buhay niya, wala na akong interes na alamin kung anong nangyari sa kanya at kung saang impiyerno man siya napadpad ngayon.

Magmula nang ako'y abandunahin ng walang bayag na si Jericho unti-unti na ring nagbago at naglaho ang lahat ng pagmamahal at pagtingin ko sa kanya. Nawala na ang pakialam ko sa gagong Jerichong 'yon. Ang tanging alam ko lang -- ay mag-iisang taon na sa susunod na buwan ang anak kong si Jeric.
Kung may isang dahilan para ako magpursigi at magsumikap sa buhay -- si Jeric 'yon.
Si Jeric na naging bunga ng aking kapusukan at ng maling pagmamahal.
Si Jeric na magandang bunga ng isang pangit na alaala.


Hindi sa aking pinangangatwiranan o binibigyan ng dahilan pero minsan pala ang isang pagkakamali ay nagdudulot ng magandang resulta -- ng kabutihan. Blessing ng langit ang anghel na si Jeric para sa akin at palalakihin ko siyang may takot sa Diyos at may respeto sa kapwa 'di tulad ng kanyang amang si Jericho na kampon yata ng kadiliman sa kawalanghiyaan. Gagawin ko ang lahat upang magkaroon siya ng magandang kinabukasan sa kabila ng aking masamang nakaraan.

Hindi ko nais na makitang may sakit si Jeric -- kahit bahagyang lagnat lang. Dahil sa tuwing siya'y may karamdaman tila doble ang sakit na aking nararanasan. Kaya't hindi ako pumapalya na dalhin si baby sa Clinic at sa awa ng Diyos ay lumalaking malusog na bata si Jeric. Ang kanyang bawat ngiti ay ang aking pag-asa para sa bawat pahina ng buhay ko. At ang kanyang mga halakhak ang ginagawa kong inspirasyon upang ako'y magpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.
- - - - - -

Lunes ng umaga.
Nakabihis na ako patungong eskwela. Hindi ko inaasahan ang isang bisita.

Nasa aking harapan si Jericho. Nagsusumamo.

Hindi pa man niya binubuka ang kanyang bibig alam ko na ang kanyang nais ipahiwatig, alam ko na ang lahat ng gusto niyang sabihin. Malamlam at malalim ang kanyang dating mapupungay na mga mata.
Pispis na ang ang noo'y matikas na kanyang katawan. Magulo at marumi ang mahaba niyang buhok. Ang kanyang balbas at bigote'y nagpapadagdag sa pagiging mukha niyang marungis. At kung pagmamasdang maigi, halos wala siyang pinag-iba sa taong-grasang pakalat-kalat sa Maynila.

Ibang-iba na ang kanyang itsura, hindi na siya kaibig-ibig -- 'di tulad ng dati.
Nakakaawa na siya. Malayong-malayo sa Jerichong aking nakilala noon na matikas, matipuno, mabango at maangas.

Hindi ko alam ang dahilan pero hindi ko magawang saktan si Jericho.  Sa isip ko'y gusto ko siyang sampalin, suntukin, tadyakan, sikmuraan ngunit nagapi ako ng magkakahalong awa at galit, habag at pagkamuhi, simpatiya at pandidiri -- para sa kanya.
Nag-uumapaw na ang aking sama ng loob  at nanginginig na ng aking kalamnan ngunit hindi ko makuhang pagbuhatan ng kamay si Jericho.

Ah Jericho. Oo maganda ang kanyang pangalan ngunit hindi bagay sa kanyang ugali at sa kanyang mga kawalanghiyaan. Pero sa katulad kong binulag ng maling pagmamahal at ng panglabas ng kaanyuan mistula akong naging kanyang alipin sa mahaba-habang panahon. Hindi lang pala ganda ng pangalan o kisig ng itsura o tikas ng katawan -- ang makasasapat at makapagpupuno sa isang pagmamahal.

At sa isang iglap bumabalik sa aking alaala ang lahat ng kababuyang pinaggagawa niya sa akin!

"Putang ina mo! Buhay ka pala?!" sa dami ng gusto kong isumbat kay Jericho 'yun lang ang nasabi ko sa kanya.
Nangingilid ang luha ko at nakakuyom ang aking palad -- handang ilapat kanyang pisnging humpak at singnipis na ng papel sa labis na kapayatan.

Kahit ano pang kanyang ikatwiran hindi na ako mahuhulog sa bitag niya. Hindi ko na tatangkaing tikman at lasapin pa ang tamis ng kanyang pananalita dahil hindi na ako ang dating si Cathy na madaling mabola at madaling mauto. Hindi na ako ang dating Cathy na makati at malibog.

Kung hindi pa sapat ang matinding kalbaryong aking naranasan nang mga panahong muntik ng kumawala ang katinuan sa aking kamalayan, kung hindi pa ako natuto sa aking naging karanasang muntik ko nang ikasawi ng aking buhay -- gago na lang talaga ako.

"Patawarin mo ako Cathy, patawarin mo sana ako!" nakaluhod si Jericho. Sa itsura naming dalawa mistula akong santo na kanyang dinadasalan at siya nama’y isang mortal na puspos ng kasalanan. 

Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita.
Parang isang panaginip ang aking nasasaksihan. Ang matikas at maangas na si Jericho ay nakikiusap at nagsusumamo sa isang tulad ko. Pero hindi ako dapat magpada sa kanyang script na pangteleserye dahil 'pag naging tagahanga ako ng kanyang kadramahan parang hinayaan ko na rin ang sarili kong mahulog sa isang bitag na kasama pa akong naghukay at magiging biktima ako sa isang krimen na ako mismo ang isa sa mga salarin.

Maraming kuwento si Jericho. Marami siyang paliwanag. Na hindi ko alam kung totoo o kathang-isip niya lang.
Matagal daw siyang nawala dahil nakulong siya sa isang bintang na pagtutulak ng bato. Naframe-up lang daw siya at kailanman daw ay hindi niya magagawa ang magtulak. Sa isip ko; May malaki bang pagkakaiba ang tumutulak sa bumabatak? Ang mga bumabatak ‘pag kailangang bumatak ay magtutulak at ang nagtutulak ay babatak upang malaman ang kalidad ng kanyang itutulak. Ewan ko pero sa pagkakaalam ko pareho lang silang talamak at salot ng lipunan.

"Magbabago na ako, pangako. Bibigyan ko kayo ng magandang kinabukasan ng ating anak... Anong pangalan niya?" patungkol sa sanggol na nakahiga sa crib. Nakatingin sa mahimbing na natutulog na si Jeric.

Gusto kong paniwalaan ang sinasabi ni Jericho. Nagtatalo ang aking isip at puso, tinitimbang ang bigat ng kanyang mga salita at pangako.

"Jeric." matipid kong sagot.

Hindi siya umimik.
Napaluha lang siya nang marinig ang pangalan ng aming supling. Tila napalitan ng habag ang pagkamuhi ko sa kanya. Ngunit kailangan kong magising mula sa kahibangan, kailangan kong matauhan mula sa panandaliang panaginip.
Ano bang kasiguruhan kong siya'y magbabago?
Ano bang magandang kinabukasan ang naghihintay sa kanyang piling?

Tinitigan ko si Jericho, tiningnan ko ang kaluluwa ng kanyang mata. Ramdam kong nais na nga niyang magbago at ang sinseridad ng kanyang bawat sinasabi ay tila alingawngaw na bumubulong sa aking puso. Ngunit sasapat ba ang lahat ng mga ito upang muli ko siyang papasukin sa aking buhay?
Maari siguro. Pero hindi ngayon.

"Umalis ka na. Hindi na kita kailangan sa buhay ko, hindi ka namin kailangan ni Jeric. Kung nabuhay ako noong wala ka, mabubuhay pa rin ako na hindi kakailanganin ang isang tulad mo." habang sinasabi ko 'yon kay Jericho ay para ko na ring sinusugatan ang aking sarili. Parang hinihiwa ko na rin ang magkabila kong pulso.

Sapat na ang mga salitang 'yon upang umalis si Jericho.
Alam ko mahal niya pa rin ako at nararamdaman kong may pagmamahal pa rin ako sa kanya ngunit hindi sasapat ang pagmamahal lang para magkaroon ng maligaya at magandang buhay. Nagsisimula sa pag-amin ng lahat ng kasalanan ang totoong pagbabago ngunit kaakibat nito ang pagsusumikap na talikuran ang mga kasalanang ito -- at hindi ito nangyayari sa isang iglap lang.


Oo, mami-miss ko si Jericho at ang kanyang pagmamahal pero may mga bagay na mas mahalaga at mas higit pa sa letseng pagmamahal.

Thursday, February 26, 2015

All About Pag-ibig

Kaya tayo nagmamahal kasi gusto nating sumaya at maranasan ang tunay at walang katumbas na kaligayahan, makahanap ng isang nilalang na kayang punan ang blangkong espasyo sa ating pusong madalas nag-aalinlangan, at matuklasan ang posibleng maging sagot sa iyong mga tanong na tila walang katapusan. 


Subalit walang halaga ang pagmamahal kung ikaw lang ang palaging nagbibigay at madalas na pina-aasa ka lang na maambunan ng kanyang pagmamahal na walang kasiguruhan. ‘Pag mahal ka ng isang tao dapat aalagaan at poprotektahan ka nito sa (halos) lahat ng bagay huwag ka lang masaktan at hindi siya pa ang nagiging dahilan para ikaw ay paulit-ulit na umiyak at magdamdam. 


Ang pag-ibig ay hindi nilikha para ito’y abusuhin kundi para ito ay pagyabungin, magpundar ng masasayang alaala – hindi ng masamang bangungot, makita ang mga bagay na higit pa sa natatanaw ng mata, at matanggap ang lahat ng kapintasan ng mas malalim pa sa pagiging perpekto. 


Marami na ang nagsabi na ang pag-ibig ay bulag pero para sa akin mas angkop na sabihing “ang pag-ibig ay hindi bulag, nakikita niya ang lahat pero wala siyang pakialam kung anuman ang anyo o itsura nito dahil ‘pag ikaw ay nagmamahal lahat ng natatanaw mo mas madalas ay pawang mga kagandahan lang". 


‘Pag nasa impluwensiya ka ng pag-ibig, kadalasan ay wala kang pakialam sa kapintasan ng mahal mo, sa kanyang mga bad habits, sa kanyang mga bisyo, sa kanyang karakas, sa kurba ng katawan, sa tuwing wasted siya pagkatapos ng mahaba-habang inuman o sa itsura at amoy niya ‘pag bagong gising. Niyayakap mo ang isang kakulangan at ugaling madalas ay ikaw lang ang nakakaunawa. At ang pag-ibig mo para sa kanya ang nagbibigay ng perspektibong: siya at siya lang ang pinakanararapat sa mundo mo at ang cliché na, hindi ka mabubuhay kung sakaling siya’y mawawala. 


Sa kabila ng mga negatibong katangian, positibo ang iyong nakikita. Kaya mong lampasan ang anumang mga nakaharang at kaya mong tiisin at ipaglaban ang bawat pagsubok na sa inyo’y dadaan. 
Bakit? Siguro’y dahil ang hindi nakikita ng ating mga mata, puso natin ang nakakakita. 


Ngunit, mahirap pa ring ipaliwanag na kahit wagas ang inyong pagmamahalan, kahit may pangako kayo ng magpakailanman, kahit ilang libong beses kayong nagsabihan ng “I love you” at “"pramis, hindi kita iiwan…” may pagkakataong nauuwi lang sa hiwalayan ang lahat! 


At dito magsisimulang gumuho ang mundo mo. 
Mararamdaman mong tila kinakausap ka ng mga kanta sa radyo. 
Maraming mga bagay sa paligid mo ang magpapaalala sa kanya. 
Magiging tulala ka na parang nahipnotismo. 
Mawawala ang mga interes mo sa maraming bagay. 
Hindi ka makararamdam ng gutom kahit wala namang laman ang iyong tiyan. 
Tila may sariling buhay ang luha mo na kusa na lang bumabagsak. 
Kung ibabalik ang nakaraan, hindi mo sigurado kung pagsisisihan o babalikan mo ang araw na nakilala siya. 
At gusto mong alamin ang sagot sa likod ng iyong mga tanong na: 
Ano ba ang naging kulang? Saan ka nagkulang? 
Sino ba talaga ang nagkulang? Kailan ka makakamove-on? 
Paano ka na ngayon? At bakit humantong ang inyong relasyon sa hiwalayan ? 

Welcome to the club. The Broken Hearted Club. 


May tanong sa teaser ng movie na “That Thing Called Tadhana”: "Where do broken hearts go?" 
Teka, saan nga ba nagtutungo ang mga pusong bigo at sawi? 
Mayroon ba silang regular corporate meeting every month tulad ng mga sa dambuhalang negosyo o korporasyon? 
Mayroon ba silang kinikilalang lider na magpapatupad ng policy, rules and regulations para sa mga sinawimpalad sa pagmamahal? Kung sakaling kakandidato silang party-list representative na nire-represent ang mga marginalized sector ng mga bigo sa pag-ibig, mananalo kaya sila? 
Sa dami ng mga bigo at sawi sa pag-ibig, maaari siguro. Pero malamang hindi nila kayang gampanan ang kanilang obligasyon at tungkulin dahil ang mga brokenhearted ay: 

• mas gustong ina-isolate ang sarili sa karamihan 

• mas gusto nilang magmukmok sa isang madilim na kwarto kaysa i-open up ang kanilang saloobin(suicidal ang mga ganito) 

• mayroon namang nilulunod ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng Red Horse o Empi Lights habang idinidetalye sa BFF ang matamis, masaklap at masalimuot na kanyang love story with a tragic ending 

• mayroong mas ginugustong mapag-isa habang nakikinig sa mga malulungkot na immortal love songs & ballads habang sinasariwa ang kanilang mga pangako ng forever at ng mga alaala nila together 

• ang iba naman ay nakatutok tuwing gabi sa Love Radio at pilit na inire-relate ang kanyang kalagayan sa mga listener ni Papa Jack na humihingi ng mga love advise na ewan kung sinusunod ng kanyang caller 


Sa totoo, hindi madali ang malagay sa ganun kahirap na sitwasyon. At kung hindi mo pa naranasan ang mabigo at masaktan – wala kang karapatang sila’y husgahan. Madaling sabihin at magpayo ng “move on na!” pero maniwala ka, hindi ‘yung ganun kasimple – baka nga mas komplikado pa ito sa pag-iisip ng idea para sa bagong apps and features sa susunod na modelo ng iPhone o mas mahirap pa ito sa pagre-review ng napakahirap at maligalig na Bar Examination. Hindi ba’t may mga recorded cases na nabaliw, nagpatiwakal at pumatay dahil nabigo sa pag-ibig? 


Kahit ilang libong words of encouragement pa ang maibigay sa’yo, kahit ilang pares pa ng kamay ang mag-offer na mag-aahon sa kinalubugan mo, kahit ilang kaibigan pa ang gusto kang damayan, kahit anong ganda pa ng positive thoughts ang isaksak sa kukote mo – kung hindi ka pa handa pa para bumitiw sa inyong nakaraan, hindi mo magagawang siya ay kalimutan. 
Dahil ikaw at ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo para muling makatayo mula sa pagkakadapa sa lansangan ng pag-ibig (pahiram Sir Eros). 
Sarili mo mismo ang maghahanap at magdadala sa iyo sa liwanag mula sa kinasadlakan mong pag-ibig ng karimlan. 
Pagtanggap ang iyong kailangan at ilagay sa iyong isip na kung nabuhay at nag-exist ka dati noong wala siya sa sistema mo, mabubuhay at magsu-survive ka pa rin ngayong wala na siya sa iyong mundo. 

Kung hindi mo matanggap ang dahilan kung bakit nauwi kayo sa hiwalayan, makabubuting tanggapin mo na lang na lahat ng bagay ay may hangganan. 



Asahan mo, pagkatapos ng mahabang diskusyon at balitaktakan sa pagitan ng iyong puso at utak, at ng mga letseng kadramahan at ka-emohang ito, at totally healed na ang broken heart mong tila tumigil sa pagtibok , ‘yung mga bagay na nagpaiyak sa’yo – tiyak na ngingitian mo lang. 
Tapos, hahanap ka ulit ng bagong pag-ibig at bagong magmamahal sa’yo dahil sabi nga, ang gamot sa pusong sugatan ay puso rin. Kahit alam mong baka masaktan ka na naman, hindi ka pa rin madadala. 


Higit na mas masarap at mas okay pa rin kasi ang magmahal, mabigo at masaktan kaysa mabigo at masaktan ng walang nagmamahal.

Ganun siguro talaga ‘pag umiibig, mas madalas kang nagiging tanga. Pero kahit ganun, pipiliin at uulitin mo ang maging tanga kaysa maging gago na wala namang pag-ibig sa puso. Naniniwala kasi ako sa sinabi ni Norman Wilwayco na: "Tanga lang ang umiibig at Gago lang ang hindi".

-----
Ito ay ang aking lahok sa Ispesyal na Patimpalak ng Saranggola Blog Awards: Pagbibigay Payo sa Pag-ibig.

Friday, February 20, 2015

Speech Like PNoy's Spirit




Sa aking mga kababayan, sa aking mga bosssing at sa lahat ng patutuloy na naniniwala sa administrasyong ito.
Para sa kasama naming naglalakbay sa tuwid na daan.

Ginawa ko ang talumpating ito upang magbigay pugay at mag-alay ng huling respeto sa mga bayaning nagbuwis ng buhay upang mas maging payapa at mahimbing ang pagtulog ng marami sa tuwing gabi. Ang kabayanihan nila ay nakaukit hindi lang sa kasaysayan kundi pati sa ating isip na patuloy na nagtatanong kung bakit kinakailangang may karahasan bago makamit ang kapayapaan, kung bakit mga sagradong buhay ang kapalit bago ang katiwasayan, kung bakit may kaguluhan bago ang katahimikan.

Ang tinutukoy ko po ay ang apatnapu't apat na pulis na miyembro ng SAF. Sila na sumabak, nakipagsapalaran, nakidigma at lumaban hanggang sa kahuli-hulihang patak ng kanilang dugo upang masakote ang teroristang si Marwan at mapigilan ang kanyang nakakakilabot na karahasang kanyang ihahasik.
Bagama't sila'y pawang nagbuwis ng buhay masasabi pa rin ng pamahalaang ito na naging matagumpay ang kanilang operasyon. Bagama't nabawasan ng magigiting na kawal sa hanay ng ang ating sandatahang lakas mas nararapat sigurong sabihing nadagdagan tayo ng magigiting na bayani sa hanay ng napakaraming dakilang lubos na nagmamahal sa ating bayan.

Apatnapu't apat na magigiting nating kawal ang nasawi sa labanan sa Mamasapano, Maguindanao ibig sabihin po nito'y apatnapu't apat na pamilya ngayon ang dumaranas ng labis na kalungkutan at nagluluksa. Ngunit hindi lang ang kani-kanilang pamilya ang dumaranas ngayon ng pighati at dalamhati kundi kasama ng mga pamilyang ito ang buong sambayanan na tumatangis at naghihinagpis.
Naaalala ko po noong binaril at napaslang ang aking tatay sa Tarmac. Ang pakikiramay po ng buong sambayanang pilipino sa aking pamilya ay tila bumabalik ngayon sa pagkasawi ng mga magigiting nating tapagpatupad ng batas at tagapagtaguyod ng kalayaan. Ang tatay ko po ay inialay ang buhay para sa bansa ganoon din po ang apatnapu't apat na miyembro ng SAF na hindi nagdalawang-isip na magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan at ng bawat pilipino. Ang kabayanihan nila ay mananatili sa ating puso at kamalayan sa habang panahon. At ang kabayanihang ito ay magsisilbing inspirasyon ng lahat para sa tunay na kahulugan ng pagmamahal sa bayan.

Nang namatay naman po ang aking nanay, nagluksa rin po ang buong sambayanan gaya rin po ng pagluluksa ng buong Pilipinas sa pagkasawi ng apatnapu't apat na kapulisan sa engkwentro sa Maguindanao. Hindi ko po malilimot ang araw na iyon dahil ang pagluluksang iyon ay ang naghatid sa akin para tayo'y sama-samang maglakbay sa daang aking tinatahak. Ang tuwid na daan. At sa pagkawala ng aking nanay ay ang pagkabuhay naman ng pag-asa sa mga pilipino na ang bayang ito ay may igaganda pa, may ititino pa at may ihuhusay pa. Asahin niyo po na hanggang sa huling araw ng aking panunungkulan ay hindi ko po tutularan ang kamalian, katiwalian at kalokohan ng nakaraang adminstrasyon. Ang iiwan ko pong legasiya ay gaya ng legasiyang iniwan ng aking nanay sa sambayang pilipino.

Sadyang masalimuot ang daan patungo sa tuwid na daan at sadyang hindi madali makamit ang tunay na kapayapaan. Patunay nito ay ang intensibong kampanya ng administrasyong ito sa pagtugis sa mga lumalaban sa kapayaan at sa mga kapanalig ng terorismo. Bagama't hindi umaatras o bahag ang buntot ng ating sandatahang lakas, bukas naman po tayo sa usaping pangkapayapaan at tigil putukan. Inaabot namin ang aming mga kamay para sa mga kamay na kumikilala at yumayakap sa tahimik at progresibong bansa. Ibinababa namin ang aming mga armas at hindi na mga punglo at bala ang mag-uusap at magsasagutan sa pagitan ng dalawang panig, kundi ang aming mga ideya at suhestiyon para sa kanilang ideolohiya at ipinaglalaban. Upang makamit ang napakatagal na nating inaasam na katahimikan, kaunlaran at kapayapaan.

Ilang dekada at maraming taon na po ang lumipas.
Ilang pangulo at maraming ceasefire at peace talks na rin po ang naganap kabilang na po rito ang dating Pangulong Gloria na nagpakasarap at nagpakasasa lang sa posisyon habang marami ang naghihirap na mamamayan kasama na po ang mga kapatid nating naninirahan sa Mindanao. Ang dating administrasyon na hindi kailanman naging ehemplo ng kabutihan at mahusay na pamumuno ay winalang bahala at hindi inalintana ang kapakanan ng nakararaming mahihirap na mamamayan. Ang tangi lang niyang ginawa ay kamkamin ang pondo ng bayan at manipulahin ang resulta ng eleksyon upang pumabor sa kanya at sa kanyang mga kasabwat.

Sa kabila po ng maraming pagtatangka ng peace talks at ceasefire, hanggang ngayon po ay wala pa ring magsasabi na may ganap na kapayapaan sa ilang bahagi ng Mindanao kung saan may kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.

Sino po ba ang ayaw ng kapayapaan?
Sino po ba ang ayaw ng tigil-putukan?
Sino po ba ang may gustong nahihirapan ang marami nating kababayang walang kinalaman sa patuloy na iringan ng magkabilang panig?
Kami po, sampu ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nakikiisa sa kapayapaan at kung maaari lang po, ito sana ay maging pangmatagalan, permanente at panghabang-buhay.

Hindi na po lingid sa inyo na sa patuloy na iringan ng pamahalaan at ng mga rebelde, ang higit na naapektuhan at nadadamay ay ang mga inosenteng residente, mga taong walang kalaban-laban at walang kinalaman sa kaguluhan at bangayan. At kung maari lang sanang hindi na ito mangyari pa. Dahil sa bawat buhay na malalagas sa mga inosenteng mamamayang nadadamay sa gulo ay magsisilbing binhi na uusbong at tutubo sa bawat pamilya. Binhing maaaring magiging sanhi ng kanilang pagkagalit sa pamahalaan o sa kabilang panig, anu't anuman siguradong ang bunga nito'y bagong suliranin. Bagong suliranin na kung minsan ay naghahatid sa desperasyon at kawalan ng pag-asa ng mga naiwang miyembro ng pamilya.

Sabi po ni Pres. John F. Kennedy: "Mankind must put an end to war before war puts an end to mankind.", akmang-akma po ito sa sitwasyon ng ating usaping pangkapayapaan sa kasalukuyan. Alam ko po na kayo bilang aking mga bossing ay may masidhing pagnanais sa kapayapaan.
At bago pa maubos ang lahat ng resources ng pamahalaan.
Bago pa bumuhos ang maraming dugo at luha na hindi naman kailangan.
Bago pa maubos ang pasensya, takot at tapang ng ating mga kawal at kapulisan.
Bago pa mamayani at maghari ang galit at poot ng sambayanan.
Panahon na po para tuldukan ang deka-dekadang digmaan ng pilipino laban sa kapwa pilipino at panahon na para magbigay daan para sa tunay na kapayapaan at ang kapayapaang ito ay ang ating magiging pintuan para sa progresibo at maunlad na Mindanao.

Samahan niyo po kami sa pagkamit at pagtugis sa mailap na kapayapaan.
Samahan niyo po kami sa pagtahak ng Tuwid na Daan.
Hanggang dito na lamang po at maraming salamat sa patuloy na pagtitiwala.

Monday, February 9, 2015

Umiiyak Din Si Superman


'Pag ang mga tao nasanay na sa pagiging strong person mo, aakalain nila strong person ka all your life. Hindi nila maiisip na may mga pagkakataong gusto mong sumuko at umiyak pero 'di mo magawa dahil 'yung pagiging matatag mo ang sandigan ng mga taong binibigyan mo ng pag-asa at ng mga umaasa.
------

Hindi madali ang maging breadwinner o ang magtaguyod ng pamilya lalo't kung mula sa iyong mga magulang hanggang sa mga pinsan, pamangkin, anak ng iyong kapatid ay iyong sinusuportahan. Kadalasan pati ang sarili mong pangarap, ambisyon at kagustuhan ay napipilitan kang isantabi para lang mapunan at maibigay ang HALOS lahat ng pangangailangan ng iyong pamilya.


Ang bawat kilos nila tila katumbas ay dagdag na pagkayod para sa'yo.
Ang bawat hiling nila ay tila kailangan mong pagbigyan.
Ang bawat kasiyahan nila ay kasiyahan mo rin ngunit hindi tila hindi nila nararamdaman ang iyo namang mga kalungkutan.


Paano mo ba sasabihin sa kanila na dapat na silang magsumikap at tumayo sa sariling paa?
Paano mo ba itatanong sa kanila na "Hanggang kailan ko kayo itataguyod?"
Mauunawaan kaya nila na ikaw rin ang may sarili ring ambisyon at pangarap?


Hindi masama ang tumulong lalo't sa pamilya at kaanak, sa katunayan ay nakakataba ito ng puso (lalo sa magulang) at ang katotohanang naipo-provide mo ang basic needs nila kabilang na ang pagkain, bahay, tirahan, damit, load, gamot, gadgets, at edukasyon ng kapatid o pamangkin ay isang malaking achievement para sa'yo. Ang nakalulungkot na bahagi nito ay ang pagkawaglit ng iyong tinutulungan na ikaw ay may sarili ring buhay na dapat ayusin at may sariling pangarap na kailangang abutin. Sa kabila ng mahabang panahon na pagtulong at pagkalinga sa kanila at kung sakaling gusto mo ng iparating na dapat ay mabuhay na sila sa sarili nilang kayod -- asahan mo ng pulos negatibo ang maririnig mo mula sa mga taong iyong itinaguyod.


Nakakalungkot na tila sa kanilang pagkasanay na nakasandig sa'yo, nalimot na nila na dapat din nilang tulungan ang kanilang sarili upang kung dumating na ang oras na kailangan mo nang ayusin ang iyong buhay at magtayo ng sariling pamilya, hindi ka na mag-aalala sa kanila. May hangganan ang lahat pero hindi yata pumapasok ang konseptong ito sa mga taong patuloy na umaasa lang. At ang masakit sa kalooban ay ang makarinig ka ng hindi maganda mula sa kanila sa kabila ng iyong paglingap at pagkalinga.


Nakakadismaya na PAGSUMBAT ang pagkakaintindi nila sa iyong paliwanag. Kung bakit at kung gaaono kahirap ang pagsasakripisyo para sa kanila ay hindi nila maunawaan. Ang mga gabing oras sana ng pahinga ay araw para sa'yo at ang araw ay oras pa rin ng trabaho. Ang sandaling kailangan mo ng taong may magtatanong sa'yo kung "okay ka lang?", "pagod ka na ba?", "nakakain ka na ba?" o "nakainom ka na ba ng gamot mo?" ay bihira mong marinig mula sa kanila dahil buong akala nila ikaw ay isang superhero -- si Superman na 'di nasasaktan at 'di napapagod. Hindi nila kailanman mararamdaman ang pagnanais mong umiyak at isigaw ang lahat ng iyong pagod at kalungkutan.


Kung dumating na ang panahong matanda na sila, ang pagtulong sa magulang ay obligasyon ng MGA anak. MGA ANAK. Ngunit kadalasan marami sa mga anak na ito ang tila naging manhid at tuod, na hindi na nga nakakatulong ay nagiging pasaway pa at sila pa ang nagiging dahilan ng problema ng pamilya. Buong-buong iniaasa sa iisa o dalawang anak ang lahat ng pangangailangan ng magulang -- gamot, hosptal bills, pagkain at iba pa. Bilang nakakaunawa, ikaw na ang bahalang umintindi sa sitwasyon at kanilang kalagayan pero ito'y hanggang kailan?


Okay naman sana at madali mong maunawaan kung ang mga taong umaasa sa'yo ay may kapansanan, paralisado o may kapansanan pero iba sa kanila ay likas lang ang katamaran sa sistema na tila dinadaig ang totoong may karamdaman, paralisado at may kapansanan. Paano mo nga naman kukumbinsihin na magsikap ang isang taong walang pagpupursigi at pangarap sa buhay?


Totoong hindi madali ang buhay pero lalo itong hindi madali kung hindi ka gagawa ng paraan upang ito'y mapagaan. Mahirap sagutin kung ang obligasyon at pagtulong ay may hangganan pero kung may magagawa ka naman para mapaunlad ang sarili sana hangga't may oras ay magawa ito. Hindi sa lahat ng oras ay malakas, bata at malusog ang mga taong may matatag na pang-unawa at personalidad -- napapagod din sila, emotionally and physically.


'Yung mga taong may matatag na personalidad hindi sa lahat ng oras nananatiling matatag, minsan kailangan nilang magkunwaring matatag hindi dahil mapagkunwari sila kundi dahil 'yon ang hinihingi ng pagkakataon at 'yon ang obligasyon nila sa buhay. Pero hindi ibig sabihin nun na sila ay invincible at hindi marunong masaktan at umiyak dahil kahit anong tatag pa ng isang tao may pagkakataong hindi niya mamamalayan siya'y umiiyak na pala.
At 'wag nating akalain na ang pag-iyak na ito ay nakikita lang sa pamamagitan ng pagpatak ng luha.


Kung ang mga superhero nga ay may kahinaan, kung si Superman nga ay umiiyak, tao pa kaya na limitado lang ang buhay at kalakasan?