Monday, September 8, 2014

Clinic II: 6 Months



Sa pagkakaunawa ko kaya may 'alam' sa salitang 'paalam' upang masabi mo sa isang tao na nais mo na siyang iwan -- pansamantala man ito o pangmatagalan. Pero hindi yata talaga maiiwasan na may mga taong kupal at sadyang walang pakialam sa iyo na basta ka na lang iiwan. Nang bigla, nang ganun lang, nang walang panghihinayang, nang parang wala kayong pinagsamahan.
Tulad ni Jericho. Ang malibog pa sa kunehong ex-BF kong si Jericho na bigla na lang umalis ng walang paalam at mahigit anim na buwan na ngayong wala akong balita at 'di na muli pang nagparamdam. Ni ha, ni ho, ni hoy wala na akong naringgan mula sa kanya, higit sa anim na buwan na ang nakalipas. Tuluyan na nga yata akong kinalimutan ni Jericho.


'Tangina nun akala kong matapang na kayang harapin ang kanyang responsibilidad bilang lalaking may bayag pero hindi e, daig pa pala niya ang mga Makapili noong World War II sa labis na karuwagan. Tulad din pala siya ng karamihan sa mga lalaki na mangloloko at manggagamit na pagkatapos kang pagparausan at paulit-ulit na lawayan --- mababahag ang buntot na maglalaho at magtatago sa kung saan.
Oo, nagustuhan ko si Jericho kasi akala ko 'yung astig na katangian at porma niya e, kaya niyang pangatawanan hanggang sa dulo pero katagalan natuklasan kong duwag naman ang gago at ako lang pala ang kayang saktan.
Hanggang porma lang pala ang kaya niyang gawin.


Mabuti nga't pumalag ako sa pag-video nang pagsisex namin noon ni Jericho kundi'y baka mas malala pa ang nangyari, mas lugmok sana ako ngayon sa kahihiyan. Kung pinayagan ko siyang maidokumento ang bawat pagsisex namin malamang naipost niya na ang mga ito sa youjizz o sa youporn o kaya'y naibenta niya na sa mga malilibog na producer ng mahahalay na piratang DVD sa Quiapo ang lahat ng pambababoy niya sa akin. At malamang din naitakwil na ako nina Mama at Papa at baka 'yun na nga ang maging dahilan ng kawalan ko ng ganang magpursiging mabuhay pa.


Gusto ko nang kalimutan ang malungkot na pahina na iyon ng aking buhay pero malimit namamayani pa rin ang pagkasabik at pagkaulila ko kay Jericho. Anak ng puta naman kasi tanging si Jericho lang ang unang lalaki na bumanat at rumomansa sa akin nang ganun kasarap.
Unang boyfriend ko si Jericho. Kaya sa pagkadesperado kong 'wag siyang mawala sa buhay ko ibinigay ko ang lahat sa kanya -- ang pagkabirhen ko, ang panahon ko, ang buhay ko at ang pagmamahal ko. Muntik na nga akong hindi makagraduate ng high school dahil sa letseng pagmamahal ko sa kanya.


Ngunit ayokong maging karakter ni Rizal na si Sisa na nabaliw dahil sa pagmamahal at paghahanap sa kanyang dalawang anak.
Pagod na ako.
Sawa na ako.
Nasaid na ang mga luha ko.
At kahit alam kong mahal na mahal ko pa rin siya hanggang ngayon, kahit nalilibugan pa rin ako sa tuwing naaalala ko ang paulit-ulit na pagniniig namin --- hindi ko hahayaan ang sarili kong mahibang sa isang katulad lang ng putanginang si Jericho. Hindi ko deserve si Jericho, hindi niya deserve ang pagmamahal ko.
Alam ko may magmamahal pa rin sa akin. 'Yung tatanggapin ako kung sino ako at ang lahat ng pinagdaanan ko. Higit pa sa katulad ni Jericho.
Sa tamang panahon. Sa takdang oras.


"Yosi?" pabirong alok sa akin ng bestfriend kong si Elise.
Si Elise ang nagsilbing shock absorber ko noong nasa depression stage ako. Sinamahan niya akong ipagtapat ang aking kalagayan kina Papa at Mama at hanggang ngayon siya pa rin ang umaalalay sa akin kahit saan man ako tumungo, baka raw kasi pumasok sa kukote kong magpaabort ulit.

Patungo kami sa clinic ng Holy Spirit Medical Center para sa check-up ng aking baby. Ngayon din ang itinakdang schedule ng ultrasound para malaman daw kung lalaki o babae ang sanggol na nasa tiyan ko.
Dala namin ang kotse ng kanyang daddy at siya na rin ang magdadrive patungong ospital.

Medyo malayo pa ang clinic pero may kakaibang kaba na akong nararamdaman sa aking dibdib. Kabang may halong saya at pagkasabik na 'di tulad ng kabang naramdaman ko noon sa clinic ni Manang Delia na pinuntahan ko tatlong buwan na ang nakararaan upang magpa-abort. Masama mang sabihin pero blessing in disguise na ring maituturing ang nangyaring pagkamatay ng huli niyang pasyente. Dahil doon tila nauntog ako at narealize kong mahalaga ang buhay, napagtanto kong hindi dapat huminto ang buhay ko dahil lang sa walang kakwenta-kwentang nilalang.


Masakit ang sampal ni Papa.
Masasakit ang mga salitang binitiwan ni Mama.
Pero may sasakit pa ba sa panglolokong ginawa sa akin ni Jericho?
May hihigit pa ba sa sakit na dulot ng nabigong pag-ibig ko sa kanya?
Walang katumbas iyon. Pero kailangan kong harapin ang katotohanan na wala na nga si Jericho at haharapin ko ang bagong buhay na hindi na siya kasama. Higit sa huwad na pagmamahal ni Jericho ay ang pagmamahal na ibinibigay sa akin nina Papa at Mama, ng aking tunay na pamilya.


Buti at hindi nila ako itinakwil, buti at natanggap nila ako, buti at muli nila akong inunawa, buti at mahalaga pa rin ako sa kanila. Siguro kaya magkasama ang dalawang salitang 'mahal' at 'halaga' sa salitang mahalaga dahil 'pag mahal mo dapat ay may halaga sa iyo. At sina Papa at Mama kasama na si Elise -- sila ang mahalaga sa buhay ko.
At si Jericho? Wala na siya ni katiting na halaga at puwang para sa akin.


"Mamaya ka na nga magyosi masama sa akin 'yan saka sa bata" pakiusap ko kay Elise. Matagal ko na kasing itinigil ang pagyoyosi, mga tatlong buwan na rin. Sa pagtigil kong magyosi, isinabay ko na ring ihinto ang pag-inom ng alak para na rin sa kalusugan ng aking baby.
Iba na kasi ngayon. 'Di na tulad ng dati.

"Okay." tugon ni Elise saka muling sinuksok ang yosi sa kartong lalagyan.
Nagpatuloy siya sa pagmamaneho.


Marami na akong maling desisyong nagawa at kung patuloy akong mamumuhay sa maling desisyong ito walang magiging direksiyon ang buhay ko.
Ang pagbabago ng isip ko na 'wag nang ituloy ang pagpapalaglag sa bata ay itinuring kong ikalawang buhay. Ikalawang pagkakataon sa mundong ang kasiyahan ay kakarampot.
Hindi na nga maitutuwid pa ang mga maling desisyong nagawa ko kahapon pero may panahon pa para baguhin ang mga bukas na darating pa. At ang pagpunta ko sa clinic na ito ang isa sa mga unang hakbang upang maitama ang landas na aking tatahakin.


Ilang beses na rin akong nagpapabalik-balik sa clinic ni Dra. Reyes. Malayong-malayo ang clinic na ito sa itsura ng klinik-klinikang ni Manang Deliang Aborsiyonista na yari sa lawanit. Klinik-klinikang takbuhan ng mga kabataang ayaw maging ina pero gustong paulit-ulit na tumikim ng sampung minutong romansa. Kung bakit naman kasi mas hinuhusgahan pa ng mga tao ang mga babaeng disgrasyadang may anak daw sa pagkakasala kesa sa mga babaeng nagpalaglag ng bata para kunwari'y walang sala. Ano ba ang higit na kasalanan; ang babaeng isinalba ang buhay ng isang inosenteng bata o ang babaeng kumitil sa buhay ng isang sanggol mapanatili lang ang pagiging dalaga?
Ewan. Ayaw kong humusga dahil muntik na rin akong malagay sa ganoong komplikado at alanganing sitwasyon.


Mahaba ang matibay na stainless steel bench na aking kinauupuan na nagsisilbing waiting room ng mga pasyente,  malayong-malayo sa lumang monobloc chair sa 'clinic' ni Manang Delia. Sa edad kong disi-otso, sa tingin ko'y ako ang pinakabatang pasyenteng buntis na nakalista rito.
Sopistikado at moderno ang mga pasilidad at kagamitan sa clinic ng Holy Spirit Medical Center kumpara sa kinakalawang na forcepnna gamit noon ni Manang Delia sa namatay niyang pasyente. Si Manang Delia Aborsiyonista na inaresto ng NBI na marahil ngayo'y humihimas na ng kalawanging bakal na rehas sa kulungan.


Tahimik lang akong nag-oobserba.
Hindi na ako ligalig at balisa 'di tulad noon na blangko ang isip. Kahit papaano'y bumalik na sa ako katinuan. Pinakikinggan at sinusunod ko ang lahat ng tagubilin sa akin ni Dra. Reyes; ang mga vitamins, ang gatas, ang tamang pag-ehersisyo, ang oras ng pagtulog at ang bilin niyang itigil ko muna ang nakasanayang bisyo.


Napapangiwi ako sa sakit na aking nararamdaman sa tuwing sumisipa si baby sa loob ng aking tiyan. Tulad ngayon. Parang may lumalamukos sa loob ng aking sikmura pero balewala ito kung ikukumpara sa kasiyahang aking nararamdaman, sa pagkasabik at pagnanais kong siya'y mailuwal nang ligtas sa anumang panganib.
Mabait pa rin ang Diyos sa akin. Na sa kabila ng naging bisyo ko sa unang tatlong buwan ng aking pagbubuntis, sa kabila ng pagiging suwail ko sa Kanyang mga kautusan, sa kabila ng lahat ng aking mga kasalanan --- malusog pa rin ang aking baby. Bilang ganti at para makabawi sa lahat ng aking mga kalokohan pangako, ituturo ko kay baby ang pagmamahal at ang kahulugan ng respeto at pagpapahalaga sa buhay at sa kapwa.

"Mrs. Cathy Ablaza..." tawag ng nurse sa aking pangalan.

"Nurse, ako po 'yon."

Hindi na ako tumanggi nang tawagin niya akong Misis. Musika iyon sa aking pandinig medyo kinilig ako pero hindi ko iyon pinahalata sa kanya.
Habang si Elise ay nakangiting nakatingin sa akin. Kabisado ko siya. Alam ko ang likaw ng bituka niya, alam ko ang nasa isip niya: "Tanginang 'tong si Cathy apelyido pa ni Jericho ang ginamit malandi talaga!"

Sakto! 'yung pagngisi niya eksakto rin sa pagngisi ko. Magbestfriend nga kami.

Lumabas sa ultrasound na lalaki raw ang magiging anak ko.

Jeric. Jeric ang nais kong ipangalan sa kanya.

4 comments:

  1. parang ang 'cool' naman nilang mag-bestfriend hehehe
    at hindi ko mabasa ang isip ng karakter na si Cathy... hindi ko alam kung gustong-gusto pa rin ba niya sa Jericho sa kabila ng mga nangyari... sasang-ayon na lang ako kay Elise na malandi nga siya lols :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Akala lang kasi ni Cathy nakamoved on na siya totally. Dahil kabataan pa medyo confused pa siya sa nangyayari nakabitin na lang ulit ang ending para 'pag may bagong ideya magkapart 3, hahanapin natin si Jericho - ang putanginang si Jericho.

      Delete
  2. Nung una, hindi ko maiwasang isipin na ex mo mismo si Jericho. Na POV mo mismo to, Kuya Ramil. Tapos naalala ko bigla na straight ka nga pala at may pamilya. *hahaha* Natatawa ako sa naisip ko. Sorry nemen po...

    Maraming lalaki ang tulad ni Jericho. Yung mga masarap tuhugin sa kawayan, tapos iihawin ng buhay. Pero masyado namang morbid yun. Hmmm... Actually, paraang mercy pa nga yun eh. *haha* Mas okay siguro kung tatanggalan na lang natin siya ng bayag, tutal wala naman talaga siya nun. Tas putulan na rin natin ng titi, para hindi na makapagkalat ng lagim, at para magdusa siya na hindi na makakantot ulit.

    Galit na galit lang? LOL. Sorry sa vulgar language ko. Hindi naman kasi ako si Maria Clara.

    Anyway, ang haba na ng comment ko. Parang si Mr. Tripster na. *hehe* Aabangan ko ang pagpapatuloy ng 'adventures' ni Cathy. :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha. Hanapin natin si Jericho mukhang gwapo e, muntik nang maging ex ko!
      Ang lupit mo Sep kay Jericho maniwala ka 'pag nakita mo siya baka hindi mo yan magawa sa kanya, mapapalitan 'yan ng awa at simpatiya. Pero malupit ka talaga sa kanya. :)

      Oks na bulgar, bulgar din naman ang kwento start pa lang sa part 1 ganyan na kung magsalita si Cathy. Dala marahil ng kinalakihan at barkada. Ang maganda medyo naging wais siya sa huli at sana magtuloy-tuloy. (parang totoong tao kung ituring natin si Cathy, haha)

      Delete