Sa aking mga kababayan, sa
aking mga bosssing at sa lahat ng patutuloy na naniniwala sa administrasyong
ito.
Para sa kasama naming
naglalakbay sa tuwid na daan.
Ginawa ko ang talumpating
ito upang magbigay pugay at mag-alay ng huling respeto sa mga bayaning nagbuwis
ng buhay upang mas maging payapa at mahimbing ang pagtulog ng marami sa tuwing
gabi. Ang kabayanihan nila ay nakaukit hindi lang sa kasaysayan kundi pati sa
ating isip na patuloy na nagtatanong kung bakit kinakailangang may karahasan
bago makamit ang kapayapaan, kung bakit mga sagradong buhay ang kapalit bago
ang katiwasayan, kung bakit may kaguluhan bago ang katahimikan.
Ang tinutukoy ko po ay ang
apatnapu't apat na pulis na miyembro ng SAF. Sila na sumabak, nakipagsapalaran,
nakidigma at lumaban hanggang sa kahuli-hulihang patak ng kanilang dugo upang
masakote ang teroristang si Marwan at mapigilan ang kanyang nakakakilabot na
karahasang kanyang ihahasik.
Bagama't sila'y pawang
nagbuwis ng buhay masasabi pa rin ng pamahalaang ito na naging matagumpay ang
kanilang operasyon. Bagama't nabawasan ng magigiting na kawal sa hanay ng ang
ating sandatahang lakas mas nararapat sigurong sabihing nadagdagan tayo ng
magigiting na bayani sa hanay ng napakaraming dakilang lubos na nagmamahal sa
ating bayan.
Apatnapu't apat na
magigiting nating kawal ang nasawi sa labanan sa Mamasapano, Maguindanao ibig
sabihin po nito'y apatnapu't apat na pamilya ngayon ang dumaranas ng labis na
kalungkutan at nagluluksa. Ngunit hindi lang ang kani-kanilang pamilya ang dumaranas
ngayon ng pighati at dalamhati kundi kasama ng mga pamilyang ito ang buong
sambayanan na tumatangis at naghihinagpis.
Naaalala ko po noong binaril
at napaslang ang aking tatay sa Tarmac. Ang pakikiramay po ng buong sambayanang
pilipino sa aking pamilya ay tila bumabalik ngayon sa pagkasawi ng mga
magigiting nating tapagpatupad ng batas at tagapagtaguyod ng kalayaan. Ang
tatay ko po ay inialay ang buhay para sa bansa ganoon din po ang apatnapu't
apat na miyembro ng SAF na hindi nagdalawang-isip na magbuwis ng buhay para sa
kapakanan ng bayan at ng bawat pilipino. Ang kabayanihan nila ay mananatili sa
ating puso at kamalayan sa habang panahon. At ang kabayanihang ito ay
magsisilbing inspirasyon ng lahat para sa tunay na kahulugan ng pagmamahal sa
bayan.
Nang namatay naman po ang
aking nanay, nagluksa rin po ang buong sambayanan gaya rin po ng pagluluksa ng
buong Pilipinas sa pagkasawi ng apatnapu't apat na kapulisan sa engkwentro sa
Maguindanao. Hindi ko po malilimot ang araw na iyon dahil ang pagluluksang iyon
ay ang naghatid sa akin para tayo'y sama-samang maglakbay sa daang aking
tinatahak. Ang tuwid na daan. At sa pagkawala ng aking nanay ay ang pagkabuhay
naman ng pag-asa sa mga pilipino na ang bayang ito ay may igaganda pa, may
ititino pa at may ihuhusay pa. Asahin niyo po na hanggang sa huling araw ng
aking panunungkulan ay hindi ko po tutularan ang kamalian, katiwalian at
kalokohan ng nakaraang adminstrasyon. Ang iiwan ko pong legasiya ay gaya ng
legasiyang iniwan ng aking nanay sa sambayang pilipino.
Sadyang masalimuot ang daan
patungo sa tuwid na daan at sadyang hindi madali makamit ang tunay na
kapayapaan. Patunay nito ay ang intensibong kampanya ng administrasyong ito sa
pagtugis sa mga lumalaban sa kapayaan at sa mga kapanalig ng terorismo. Bagama't
hindi umaatras o bahag ang buntot ng ating sandatahang lakas, bukas naman po
tayo sa usaping pangkapayapaan at tigil putukan. Inaabot namin ang aming mga
kamay para sa mga kamay na kumikilala at yumayakap sa tahimik at progresibong
bansa. Ibinababa namin ang aming mga armas at hindi na mga punglo at bala ang
mag-uusap at magsasagutan sa pagitan ng dalawang panig, kundi ang aming mga
ideya at suhestiyon para sa kanilang ideolohiya at ipinaglalaban. Upang makamit
ang napakatagal na nating inaasam na katahimikan, kaunlaran at kapayapaan.
Ilang dekada at maraming
taon na po ang lumipas.
Ilang pangulo at maraming
ceasefire at peace talks na rin po ang naganap kabilang na po rito ang dating
Pangulong Gloria na nagpakasarap at nagpakasasa lang sa posisyon habang marami
ang naghihirap na mamamayan kasama na po ang mga kapatid nating naninirahan sa
Mindanao. Ang dating administrasyon na hindi kailanman naging ehemplo ng
kabutihan at mahusay na pamumuno ay winalang bahala at hindi inalintana ang
kapakanan ng nakararaming mahihirap na mamamayan. Ang tangi lang niyang ginawa
ay kamkamin ang pondo ng bayan at manipulahin ang resulta ng eleksyon upang
pumabor sa kanya at sa kanyang mga kasabwat.
Sa kabila po ng maraming
pagtatangka ng peace talks at ceasefire, hanggang ngayon po ay wala pa ring
magsasabi na may ganap na kapayapaan sa ilang bahagi ng Mindanao kung saan may
kaguluhan at hindi pagkakaunawaan.
Sino po ba ang ayaw ng
kapayapaan?
Sino po ba ang ayaw ng
tigil-putukan?
Sino po ba ang may gustong
nahihirapan ang marami nating kababayang walang kinalaman sa patuloy na iringan
ng magkabilang panig?
Kami po, sampu ng buong
Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nakikiisa sa kapayapaan at kung maaari lang
po, ito sana ay maging pangmatagalan, permanente at panghabang-buhay.
Hindi na po lingid sa inyo
na sa patuloy na iringan ng pamahalaan at ng mga rebelde, ang higit na
naapektuhan at nadadamay ay ang mga inosenteng residente, mga taong walang
kalaban-laban at walang kinalaman sa kaguluhan at bangayan. At kung maari lang
sanang hindi na ito mangyari pa. Dahil sa bawat buhay na malalagas sa mga
inosenteng mamamayang nadadamay sa gulo ay magsisilbing binhi na uusbong at
tutubo sa bawat pamilya. Binhing maaaring magiging sanhi ng kanilang pagkagalit
sa pamahalaan o sa kabilang panig, anu't anuman siguradong ang bunga nito'y
bagong suliranin. Bagong suliranin na kung minsan ay naghahatid sa desperasyon
at kawalan ng pag-asa ng mga naiwang miyembro ng pamilya.
Sabi po ni Pres. John F.
Kennedy: "Mankind must put an end to war before war puts an end to
mankind.", akmang-akma po ito sa sitwasyon ng ating usaping
pangkapayapaan sa kasalukuyan. Alam ko po na kayo bilang aking mga bossing ay
may masidhing pagnanais sa kapayapaan.
At bago pa maubos ang lahat
ng resources ng pamahalaan.
Bago pa bumuhos ang maraming
dugo at luha na hindi naman kailangan.
Bago pa maubos ang pasensya,
takot at tapang ng ating mga kawal at kapulisan.
Bago pa mamayani at maghari
ang galit at poot ng sambayanan.
Panahon na po para tuldukan
ang deka-dekadang digmaan ng pilipino laban sa kapwa pilipino at panahon na
para magbigay daan para sa tunay na kapayapaan at ang kapayapaang ito ay ang
ating magiging pintuan para sa progresibo at maunlad na Mindanao.
Samahan niyo po kami sa
pagkamit at pagtugis sa mailap na kapayapaan.
Samahan niyo po kami sa
pagtahak ng Tuwid na Daan.
Hanggang dito na lamang po
at maraming salamat sa patuloy na pagtitiwala.
No comments:
Post a Comment