Showing posts with label moving on. Show all posts
Showing posts with label moving on. Show all posts

Tuesday, July 26, 2016

Tuloy Pa Rin



Lunes.
Katulad ng nakaraang Lunes inaasahan kong pangkaraniwang araw lang ito para sa akin.
Humihigop ng matapang at mainit na kape sa opisinang malungkot at nag-uumpisang lumamig. Hindi lang dahil sa hanging nagmumula sa simoy ng aircon, kundi dahil sa pangungulila ng ‘yong masasaya at magagandang alaala at ng ‘yong presensiya.

Tila nakasanayan ko na ang ganito; ang aasa na isang umaga’y magri-ring ang telepono at ikaw ang nasa kabilang linya, na isang araw ay tutunog ang aking cellphone at mababasa ko ang isang mensaheng mula sa’yo at tatanungin ako kung ‘kumusta na?’ na sa pagbukas ng aking e-mail ay hindi na imbitasyon o spam letter ang aking matatanggap mula sa kung kanino kundi isang liham mula sa’yo at doon mo ikukuwento ang lahat ng saloobin mo sa akin at ang paliwanag kung bakit bigla mo na lang ako iniwan, kung bakit bigla ka na lang nawala. 

Hindi ko namalayan – higit isang taon na pala ang lumipas. Pero parang kailan lang ito para sa akin. Madilim noong nawala ka at nasa gitna ako ng kadilimang ito. Ang liwanag ay kasabay mo noong naglaho na matagal ko rin bago ko naaninagan. Hindi ko alam kung papaano muling mag-uumpisa dahil hindi ko naman alam kung tayo nga’y  tapos na. 

- - - - -

Maraming Lunes ang lumipas. Hindi ko na mabilang.
At sa bawat Lunes na dumadaan ay unti-unti kong nararamdaman na tila ako na lang ang may pakialam, ako na lang ang naghahanap ng mga dahilan at tila ako na lang ang gumagawa ng paraan.
Ang bakas ng kahapong matagal at paulit-ulit kong binabalikan ay tila isang malungkot na kulungang pinipiit ang aking kinabukasan. 

Ang awit ng buhay kong may ritmo at himig sa isang kisapmata’y tila nawalan ng tono at tinig. Ang naglapat ng melodiya ng ating awit ay ‘di mga salita at letra sa alpabeto kundi ang pag-ibig at pagmamahal na binuo nating dalawa.  

Ang sandali nang iyong paglisan, ang siyang paglamlam ng aking awit na inakala kong habangbuhay kong maririnig.

Napaos nga ang tinig, melodiya man ay nawaglit.
Hindi ko man lubos na nabatid kung ang mundo ay tumigil dahil aking pinigil o ito’y huminto dahil ninais ko ang sumuko –ang mahalaga ngayon para sa akin ay ang ipagpatuloy ang awit ng aking buhay na wala ka at ang harapin ang katotohanan na ‘di na kita makakasama.

Nagbago man sa aking paningin ang pag-ikot at hugis ng ‘yong mundo kabilang na ang pintig at hugis ng ‘yong puso, haharapin at pipilitin kong muling maging handa sa bagong hamon na ihahain ng tadhana, hindi na ko aasang ikaw’y babalik pa, sisikaping iwan ang nalalabing pag-asa at ang ‘yong alaala.
Itutuloy ko ang awit ng buhay ko kahit wala ka na, magbabakasakaling may ibang nais makarinig.

- - - - -

Lunes.
Katulad ng nakaraan at nagpadaan pang mga Lunes inaasahan kong pangkaraniwang araw lang ito para sa akin.
Humihigop ng matapang at mainit na kape sa opisinang nag-uumpisang lumamig. Hindi dahil sa pangungulila ng ‘yong masasaya at magagandang alaala at ng ‘yong presensiya kundi dahil sa hanging nagmumula sa simoy ng aircon.
Ang inaasahan kong mangyari sa isang umaga ay ‘di ko inaasahang darating pa.

Hanggang isang Lunes ay nagring ang aking telepono. Hindi ako maaaring magkamali – ikaw ang nasa kabilang linya.


Thursday, February 26, 2015

All About Pag-ibig

Kaya tayo nagmamahal kasi gusto nating sumaya at maranasan ang tunay at walang katumbas na kaligayahan, makahanap ng isang nilalang na kayang punan ang blangkong espasyo sa ating pusong madalas nag-aalinlangan, at matuklasan ang posibleng maging sagot sa iyong mga tanong na tila walang katapusan. 


Subalit walang halaga ang pagmamahal kung ikaw lang ang palaging nagbibigay at madalas na pina-aasa ka lang na maambunan ng kanyang pagmamahal na walang kasiguruhan. ‘Pag mahal ka ng isang tao dapat aalagaan at poprotektahan ka nito sa (halos) lahat ng bagay huwag ka lang masaktan at hindi siya pa ang nagiging dahilan para ikaw ay paulit-ulit na umiyak at magdamdam. 


Ang pag-ibig ay hindi nilikha para ito’y abusuhin kundi para ito ay pagyabungin, magpundar ng masasayang alaala – hindi ng masamang bangungot, makita ang mga bagay na higit pa sa natatanaw ng mata, at matanggap ang lahat ng kapintasan ng mas malalim pa sa pagiging perpekto. 


Marami na ang nagsabi na ang pag-ibig ay bulag pero para sa akin mas angkop na sabihing “ang pag-ibig ay hindi bulag, nakikita niya ang lahat pero wala siyang pakialam kung anuman ang anyo o itsura nito dahil ‘pag ikaw ay nagmamahal lahat ng natatanaw mo mas madalas ay pawang mga kagandahan lang". 


‘Pag nasa impluwensiya ka ng pag-ibig, kadalasan ay wala kang pakialam sa kapintasan ng mahal mo, sa kanyang mga bad habits, sa kanyang mga bisyo, sa kanyang karakas, sa kurba ng katawan, sa tuwing wasted siya pagkatapos ng mahaba-habang inuman o sa itsura at amoy niya ‘pag bagong gising. Niyayakap mo ang isang kakulangan at ugaling madalas ay ikaw lang ang nakakaunawa. At ang pag-ibig mo para sa kanya ang nagbibigay ng perspektibong: siya at siya lang ang pinakanararapat sa mundo mo at ang cliché na, hindi ka mabubuhay kung sakaling siya’y mawawala. 


Sa kabila ng mga negatibong katangian, positibo ang iyong nakikita. Kaya mong lampasan ang anumang mga nakaharang at kaya mong tiisin at ipaglaban ang bawat pagsubok na sa inyo’y dadaan. 
Bakit? Siguro’y dahil ang hindi nakikita ng ating mga mata, puso natin ang nakakakita. 


Ngunit, mahirap pa ring ipaliwanag na kahit wagas ang inyong pagmamahalan, kahit may pangako kayo ng magpakailanman, kahit ilang libong beses kayong nagsabihan ng “I love you” at “"pramis, hindi kita iiwan…” may pagkakataong nauuwi lang sa hiwalayan ang lahat! 


At dito magsisimulang gumuho ang mundo mo. 
Mararamdaman mong tila kinakausap ka ng mga kanta sa radyo. 
Maraming mga bagay sa paligid mo ang magpapaalala sa kanya. 
Magiging tulala ka na parang nahipnotismo. 
Mawawala ang mga interes mo sa maraming bagay. 
Hindi ka makararamdam ng gutom kahit wala namang laman ang iyong tiyan. 
Tila may sariling buhay ang luha mo na kusa na lang bumabagsak. 
Kung ibabalik ang nakaraan, hindi mo sigurado kung pagsisisihan o babalikan mo ang araw na nakilala siya. 
At gusto mong alamin ang sagot sa likod ng iyong mga tanong na: 
Ano ba ang naging kulang? Saan ka nagkulang? 
Sino ba talaga ang nagkulang? Kailan ka makakamove-on? 
Paano ka na ngayon? At bakit humantong ang inyong relasyon sa hiwalayan ? 

Welcome to the club. The Broken Hearted Club. 


May tanong sa teaser ng movie na “That Thing Called Tadhana”: "Where do broken hearts go?" 
Teka, saan nga ba nagtutungo ang mga pusong bigo at sawi? 
Mayroon ba silang regular corporate meeting every month tulad ng mga sa dambuhalang negosyo o korporasyon? 
Mayroon ba silang kinikilalang lider na magpapatupad ng policy, rules and regulations para sa mga sinawimpalad sa pagmamahal? Kung sakaling kakandidato silang party-list representative na nire-represent ang mga marginalized sector ng mga bigo sa pag-ibig, mananalo kaya sila? 
Sa dami ng mga bigo at sawi sa pag-ibig, maaari siguro. Pero malamang hindi nila kayang gampanan ang kanilang obligasyon at tungkulin dahil ang mga brokenhearted ay: 

• mas gustong ina-isolate ang sarili sa karamihan 

• mas gusto nilang magmukmok sa isang madilim na kwarto kaysa i-open up ang kanilang saloobin(suicidal ang mga ganito) 

• mayroon namang nilulunod ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng Red Horse o Empi Lights habang idinidetalye sa BFF ang matamis, masaklap at masalimuot na kanyang love story with a tragic ending 

• mayroong mas ginugustong mapag-isa habang nakikinig sa mga malulungkot na immortal love songs & ballads habang sinasariwa ang kanilang mga pangako ng forever at ng mga alaala nila together 

• ang iba naman ay nakatutok tuwing gabi sa Love Radio at pilit na inire-relate ang kanyang kalagayan sa mga listener ni Papa Jack na humihingi ng mga love advise na ewan kung sinusunod ng kanyang caller 


Sa totoo, hindi madali ang malagay sa ganun kahirap na sitwasyon. At kung hindi mo pa naranasan ang mabigo at masaktan – wala kang karapatang sila’y husgahan. Madaling sabihin at magpayo ng “move on na!” pero maniwala ka, hindi ‘yung ganun kasimple – baka nga mas komplikado pa ito sa pag-iisip ng idea para sa bagong apps and features sa susunod na modelo ng iPhone o mas mahirap pa ito sa pagre-review ng napakahirap at maligalig na Bar Examination. Hindi ba’t may mga recorded cases na nabaliw, nagpatiwakal at pumatay dahil nabigo sa pag-ibig? 


Kahit ilang libong words of encouragement pa ang maibigay sa’yo, kahit ilang pares pa ng kamay ang mag-offer na mag-aahon sa kinalubugan mo, kahit ilang kaibigan pa ang gusto kang damayan, kahit anong ganda pa ng positive thoughts ang isaksak sa kukote mo – kung hindi ka pa handa pa para bumitiw sa inyong nakaraan, hindi mo magagawang siya ay kalimutan. 
Dahil ikaw at ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo para muling makatayo mula sa pagkakadapa sa lansangan ng pag-ibig (pahiram Sir Eros). 
Sarili mo mismo ang maghahanap at magdadala sa iyo sa liwanag mula sa kinasadlakan mong pag-ibig ng karimlan. 
Pagtanggap ang iyong kailangan at ilagay sa iyong isip na kung nabuhay at nag-exist ka dati noong wala siya sa sistema mo, mabubuhay at magsu-survive ka pa rin ngayong wala na siya sa iyong mundo. 

Kung hindi mo matanggap ang dahilan kung bakit nauwi kayo sa hiwalayan, makabubuting tanggapin mo na lang na lahat ng bagay ay may hangganan. 



Asahan mo, pagkatapos ng mahabang diskusyon at balitaktakan sa pagitan ng iyong puso at utak, at ng mga letseng kadramahan at ka-emohang ito, at totally healed na ang broken heart mong tila tumigil sa pagtibok , ‘yung mga bagay na nagpaiyak sa’yo – tiyak na ngingitian mo lang. 
Tapos, hahanap ka ulit ng bagong pag-ibig at bagong magmamahal sa’yo dahil sabi nga, ang gamot sa pusong sugatan ay puso rin. Kahit alam mong baka masaktan ka na naman, hindi ka pa rin madadala. 


Higit na mas masarap at mas okay pa rin kasi ang magmahal, mabigo at masaktan kaysa mabigo at masaktan ng walang nagmamahal.

Ganun siguro talaga ‘pag umiibig, mas madalas kang nagiging tanga. Pero kahit ganun, pipiliin at uulitin mo ang maging tanga kaysa maging gago na wala namang pag-ibig sa puso. Naniniwala kasi ako sa sinabi ni Norman Wilwayco na: "Tanga lang ang umiibig at Gago lang ang hindi".

-----
Ito ay ang aking lahok sa Ispesyal na Patimpalak ng Saranggola Blog Awards: Pagbibigay Payo sa Pag-ibig.