Monday, February 9, 2015

Umiiyak Din Si Superman


'Pag ang mga tao nasanay na sa pagiging strong person mo, aakalain nila strong person ka all your life. Hindi nila maiisip na may mga pagkakataong gusto mong sumuko at umiyak pero 'di mo magawa dahil 'yung pagiging matatag mo ang sandigan ng mga taong binibigyan mo ng pag-asa at ng mga umaasa.
------

Hindi madali ang maging breadwinner o ang magtaguyod ng pamilya lalo't kung mula sa iyong mga magulang hanggang sa mga pinsan, pamangkin, anak ng iyong kapatid ay iyong sinusuportahan. Kadalasan pati ang sarili mong pangarap, ambisyon at kagustuhan ay napipilitan kang isantabi para lang mapunan at maibigay ang HALOS lahat ng pangangailangan ng iyong pamilya.


Ang bawat kilos nila tila katumbas ay dagdag na pagkayod para sa'yo.
Ang bawat hiling nila ay tila kailangan mong pagbigyan.
Ang bawat kasiyahan nila ay kasiyahan mo rin ngunit hindi tila hindi nila nararamdaman ang iyo namang mga kalungkutan.


Paano mo ba sasabihin sa kanila na dapat na silang magsumikap at tumayo sa sariling paa?
Paano mo ba itatanong sa kanila na "Hanggang kailan ko kayo itataguyod?"
Mauunawaan kaya nila na ikaw rin ang may sarili ring ambisyon at pangarap?


Hindi masama ang tumulong lalo't sa pamilya at kaanak, sa katunayan ay nakakataba ito ng puso (lalo sa magulang) at ang katotohanang naipo-provide mo ang basic needs nila kabilang na ang pagkain, bahay, tirahan, damit, load, gamot, gadgets, at edukasyon ng kapatid o pamangkin ay isang malaking achievement para sa'yo. Ang nakalulungkot na bahagi nito ay ang pagkawaglit ng iyong tinutulungan na ikaw ay may sarili ring buhay na dapat ayusin at may sariling pangarap na kailangang abutin. Sa kabila ng mahabang panahon na pagtulong at pagkalinga sa kanila at kung sakaling gusto mo ng iparating na dapat ay mabuhay na sila sa sarili nilang kayod -- asahan mo ng pulos negatibo ang maririnig mo mula sa mga taong iyong itinaguyod.


Nakakalungkot na tila sa kanilang pagkasanay na nakasandig sa'yo, nalimot na nila na dapat din nilang tulungan ang kanilang sarili upang kung dumating na ang oras na kailangan mo nang ayusin ang iyong buhay at magtayo ng sariling pamilya, hindi ka na mag-aalala sa kanila. May hangganan ang lahat pero hindi yata pumapasok ang konseptong ito sa mga taong patuloy na umaasa lang. At ang masakit sa kalooban ay ang makarinig ka ng hindi maganda mula sa kanila sa kabila ng iyong paglingap at pagkalinga.


Nakakadismaya na PAGSUMBAT ang pagkakaintindi nila sa iyong paliwanag. Kung bakit at kung gaaono kahirap ang pagsasakripisyo para sa kanila ay hindi nila maunawaan. Ang mga gabing oras sana ng pahinga ay araw para sa'yo at ang araw ay oras pa rin ng trabaho. Ang sandaling kailangan mo ng taong may magtatanong sa'yo kung "okay ka lang?", "pagod ka na ba?", "nakakain ka na ba?" o "nakainom ka na ba ng gamot mo?" ay bihira mong marinig mula sa kanila dahil buong akala nila ikaw ay isang superhero -- si Superman na 'di nasasaktan at 'di napapagod. Hindi nila kailanman mararamdaman ang pagnanais mong umiyak at isigaw ang lahat ng iyong pagod at kalungkutan.


Kung dumating na ang panahong matanda na sila, ang pagtulong sa magulang ay obligasyon ng MGA anak. MGA ANAK. Ngunit kadalasan marami sa mga anak na ito ang tila naging manhid at tuod, na hindi na nga nakakatulong ay nagiging pasaway pa at sila pa ang nagiging dahilan ng problema ng pamilya. Buong-buong iniaasa sa iisa o dalawang anak ang lahat ng pangangailangan ng magulang -- gamot, hosptal bills, pagkain at iba pa. Bilang nakakaunawa, ikaw na ang bahalang umintindi sa sitwasyon at kanilang kalagayan pero ito'y hanggang kailan?


Okay naman sana at madali mong maunawaan kung ang mga taong umaasa sa'yo ay may kapansanan, paralisado o may kapansanan pero iba sa kanila ay likas lang ang katamaran sa sistema na tila dinadaig ang totoong may karamdaman, paralisado at may kapansanan. Paano mo nga naman kukumbinsihin na magsikap ang isang taong walang pagpupursigi at pangarap sa buhay?


Totoong hindi madali ang buhay pero lalo itong hindi madali kung hindi ka gagawa ng paraan upang ito'y mapagaan. Mahirap sagutin kung ang obligasyon at pagtulong ay may hangganan pero kung may magagawa ka naman para mapaunlad ang sarili sana hangga't may oras ay magawa ito. Hindi sa lahat ng oras ay malakas, bata at malusog ang mga taong may matatag na pang-unawa at personalidad -- napapagod din sila, emotionally and physically.


'Yung mga taong may matatag na personalidad hindi sa lahat ng oras nananatiling matatag, minsan kailangan nilang magkunwaring matatag hindi dahil mapagkunwari sila kundi dahil 'yon ang hinihingi ng pagkakataon at 'yon ang obligasyon nila sa buhay. Pero hindi ibig sabihin nun na sila ay invincible at hindi marunong masaktan at umiyak dahil kahit anong tatag pa ng isang tao may pagkakataong hindi niya mamamalayan siya'y umiiyak na pala.
At 'wag nating akalain na ang pag-iyak na ito ay nakikita lang sa pamamagitan ng pagpatak ng luha.


Kung ang mga superhero nga ay may kahinaan, kung si Superman nga ay umiiyak, tao pa kaya na limitado lang ang buhay at kalakasan?


No comments:

Post a Comment