Showing posts with label humor. Show all posts
Showing posts with label humor. Show all posts

Thursday, February 26, 2015

All About Pag-ibig

Kaya tayo nagmamahal kasi gusto nating sumaya at maranasan ang tunay at walang katumbas na kaligayahan, makahanap ng isang nilalang na kayang punan ang blangkong espasyo sa ating pusong madalas nag-aalinlangan, at matuklasan ang posibleng maging sagot sa iyong mga tanong na tila walang katapusan. 


Subalit walang halaga ang pagmamahal kung ikaw lang ang palaging nagbibigay at madalas na pina-aasa ka lang na maambunan ng kanyang pagmamahal na walang kasiguruhan. ‘Pag mahal ka ng isang tao dapat aalagaan at poprotektahan ka nito sa (halos) lahat ng bagay huwag ka lang masaktan at hindi siya pa ang nagiging dahilan para ikaw ay paulit-ulit na umiyak at magdamdam. 


Ang pag-ibig ay hindi nilikha para ito’y abusuhin kundi para ito ay pagyabungin, magpundar ng masasayang alaala – hindi ng masamang bangungot, makita ang mga bagay na higit pa sa natatanaw ng mata, at matanggap ang lahat ng kapintasan ng mas malalim pa sa pagiging perpekto. 


Marami na ang nagsabi na ang pag-ibig ay bulag pero para sa akin mas angkop na sabihing “ang pag-ibig ay hindi bulag, nakikita niya ang lahat pero wala siyang pakialam kung anuman ang anyo o itsura nito dahil ‘pag ikaw ay nagmamahal lahat ng natatanaw mo mas madalas ay pawang mga kagandahan lang". 


‘Pag nasa impluwensiya ka ng pag-ibig, kadalasan ay wala kang pakialam sa kapintasan ng mahal mo, sa kanyang mga bad habits, sa kanyang mga bisyo, sa kanyang karakas, sa kurba ng katawan, sa tuwing wasted siya pagkatapos ng mahaba-habang inuman o sa itsura at amoy niya ‘pag bagong gising. Niyayakap mo ang isang kakulangan at ugaling madalas ay ikaw lang ang nakakaunawa. At ang pag-ibig mo para sa kanya ang nagbibigay ng perspektibong: siya at siya lang ang pinakanararapat sa mundo mo at ang cliché na, hindi ka mabubuhay kung sakaling siya’y mawawala. 


Sa kabila ng mga negatibong katangian, positibo ang iyong nakikita. Kaya mong lampasan ang anumang mga nakaharang at kaya mong tiisin at ipaglaban ang bawat pagsubok na sa inyo’y dadaan. 
Bakit? Siguro’y dahil ang hindi nakikita ng ating mga mata, puso natin ang nakakakita. 


Ngunit, mahirap pa ring ipaliwanag na kahit wagas ang inyong pagmamahalan, kahit may pangako kayo ng magpakailanman, kahit ilang libong beses kayong nagsabihan ng “I love you” at “"pramis, hindi kita iiwan…” may pagkakataong nauuwi lang sa hiwalayan ang lahat! 


At dito magsisimulang gumuho ang mundo mo. 
Mararamdaman mong tila kinakausap ka ng mga kanta sa radyo. 
Maraming mga bagay sa paligid mo ang magpapaalala sa kanya. 
Magiging tulala ka na parang nahipnotismo. 
Mawawala ang mga interes mo sa maraming bagay. 
Hindi ka makararamdam ng gutom kahit wala namang laman ang iyong tiyan. 
Tila may sariling buhay ang luha mo na kusa na lang bumabagsak. 
Kung ibabalik ang nakaraan, hindi mo sigurado kung pagsisisihan o babalikan mo ang araw na nakilala siya. 
At gusto mong alamin ang sagot sa likod ng iyong mga tanong na: 
Ano ba ang naging kulang? Saan ka nagkulang? 
Sino ba talaga ang nagkulang? Kailan ka makakamove-on? 
Paano ka na ngayon? At bakit humantong ang inyong relasyon sa hiwalayan ? 

Welcome to the club. The Broken Hearted Club. 


May tanong sa teaser ng movie na “That Thing Called Tadhana”: "Where do broken hearts go?" 
Teka, saan nga ba nagtutungo ang mga pusong bigo at sawi? 
Mayroon ba silang regular corporate meeting every month tulad ng mga sa dambuhalang negosyo o korporasyon? 
Mayroon ba silang kinikilalang lider na magpapatupad ng policy, rules and regulations para sa mga sinawimpalad sa pagmamahal? Kung sakaling kakandidato silang party-list representative na nire-represent ang mga marginalized sector ng mga bigo sa pag-ibig, mananalo kaya sila? 
Sa dami ng mga bigo at sawi sa pag-ibig, maaari siguro. Pero malamang hindi nila kayang gampanan ang kanilang obligasyon at tungkulin dahil ang mga brokenhearted ay: 

• mas gustong ina-isolate ang sarili sa karamihan 

• mas gusto nilang magmukmok sa isang madilim na kwarto kaysa i-open up ang kanilang saloobin(suicidal ang mga ganito) 

• mayroon namang nilulunod ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-inom ng Red Horse o Empi Lights habang idinidetalye sa BFF ang matamis, masaklap at masalimuot na kanyang love story with a tragic ending 

• mayroong mas ginugustong mapag-isa habang nakikinig sa mga malulungkot na immortal love songs & ballads habang sinasariwa ang kanilang mga pangako ng forever at ng mga alaala nila together 

• ang iba naman ay nakatutok tuwing gabi sa Love Radio at pilit na inire-relate ang kanyang kalagayan sa mga listener ni Papa Jack na humihingi ng mga love advise na ewan kung sinusunod ng kanyang caller 


Sa totoo, hindi madali ang malagay sa ganun kahirap na sitwasyon. At kung hindi mo pa naranasan ang mabigo at masaktan – wala kang karapatang sila’y husgahan. Madaling sabihin at magpayo ng “move on na!” pero maniwala ka, hindi ‘yung ganun kasimple – baka nga mas komplikado pa ito sa pag-iisip ng idea para sa bagong apps and features sa susunod na modelo ng iPhone o mas mahirap pa ito sa pagre-review ng napakahirap at maligalig na Bar Examination. Hindi ba’t may mga recorded cases na nabaliw, nagpatiwakal at pumatay dahil nabigo sa pag-ibig? 


Kahit ilang libong words of encouragement pa ang maibigay sa’yo, kahit ilang pares pa ng kamay ang mag-offer na mag-aahon sa kinalubugan mo, kahit ilang kaibigan pa ang gusto kang damayan, kahit anong ganda pa ng positive thoughts ang isaksak sa kukote mo – kung hindi ka pa handa pa para bumitiw sa inyong nakaraan, hindi mo magagawang siya ay kalimutan. 
Dahil ikaw at ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo para muling makatayo mula sa pagkakadapa sa lansangan ng pag-ibig (pahiram Sir Eros). 
Sarili mo mismo ang maghahanap at magdadala sa iyo sa liwanag mula sa kinasadlakan mong pag-ibig ng karimlan. 
Pagtanggap ang iyong kailangan at ilagay sa iyong isip na kung nabuhay at nag-exist ka dati noong wala siya sa sistema mo, mabubuhay at magsu-survive ka pa rin ngayong wala na siya sa iyong mundo. 

Kung hindi mo matanggap ang dahilan kung bakit nauwi kayo sa hiwalayan, makabubuting tanggapin mo na lang na lahat ng bagay ay may hangganan. 



Asahan mo, pagkatapos ng mahabang diskusyon at balitaktakan sa pagitan ng iyong puso at utak, at ng mga letseng kadramahan at ka-emohang ito, at totally healed na ang broken heart mong tila tumigil sa pagtibok , ‘yung mga bagay na nagpaiyak sa’yo – tiyak na ngingitian mo lang. 
Tapos, hahanap ka ulit ng bagong pag-ibig at bagong magmamahal sa’yo dahil sabi nga, ang gamot sa pusong sugatan ay puso rin. Kahit alam mong baka masaktan ka na naman, hindi ka pa rin madadala. 


Higit na mas masarap at mas okay pa rin kasi ang magmahal, mabigo at masaktan kaysa mabigo at masaktan ng walang nagmamahal.

Ganun siguro talaga ‘pag umiibig, mas madalas kang nagiging tanga. Pero kahit ganun, pipiliin at uulitin mo ang maging tanga kaysa maging gago na wala namang pag-ibig sa puso. Naniniwala kasi ako sa sinabi ni Norman Wilwayco na: "Tanga lang ang umiibig at Gago lang ang hindi".

-----
Ito ay ang aking lahok sa Ispesyal na Patimpalak ng Saranggola Blog Awards: Pagbibigay Payo sa Pag-ibig.

Thursday, August 22, 2013

Phobia 101



Parang papunta na sa darkness ang huling mga blog entry ko kaya oras na siguro para magkaroon ng ang akdang hindi tungkol sa kamatayan, hindi tungkol sa kalungkutan, hindi gaanong seryoso, 'yung cool lang at kahit papaano'y medyo nakakaaliw basahin. 


* * *

May phobia ka ba?
Malamang mayroon dahil wala naman yatang taong walang phobia, lahat naman siguro tayo ay may mga bagay na kinatatakutan. Parang pinoy henyo lang - it's either tao, bagay, pangyayari, lugar, hayop o pagkain ang mga ito. Kahit pa nga ang pinakamatatapang o pinakaastig  na tao sa mundo meron ding kinatatakutan, madalas ayaw lang nila aminin.

Ako, mayroon akong Gerontophobia o fear of old age/getting old. Kahit alam kong lahat naman tayo ay papunta dun natatakot pa rin akong makita ang aking sarili na hirap sa maraming bagay siguro nga swerte ang mga taong hindi umabot sa ganoong stage pero naging successful sa buhay.

Pero hindi tungkol sa phobia ko ang paksa ng post na ito kundi sa iba't ibang phobia na binigyang ko ng sariling interpretasyon. 'Wag magseryoso at bawal ang violent reactions dahil lahat ito ay pawang humor lamang.



Acrophobia - Fear of heights
Halimbawa sa pangungusap: Pipilitin kong makabawas ng aking mga utang sa tindahan dahil natatakot akong TUMAAS ito ng husto.

Gerontophobia - Fear of getting old
Halimbawa sa pangungusap: Gusto ko nang palitan ng bagong iPhone 5 'yung cellphone ko dahil natatakot akong pagtawanan ang LUMA kong iPhone 4.

Philophobia - Fear of love
Halimbawa sa pangungusap - Ifu-fulltank ko na ng gasolina itong kotse ko dahil natatakot akong MAGMAHAL ito sa susunod na linggo.

Claustrophobia - Fear of closed spaces
Halimbawa ng pangungusap: Bibili na ako ngayon ng beer kay Aling Conching dahil natatakot akong baka MAGSARA na naman ang tindahan niya ng maaga.

Ophidophobia - Fear of snakes
Halimbawa ng pangungusap: Sa susunod na magkagirlfriend ako hindi ko na talaga ipapakilala sa mga barkada ko dahil natatakot akong AHASIN na namang muli ito sa akin.

Traumatophobia - Fear of getting wounded
Halimbawa ng pangungusap: Ayaw ko nang magmahal at umibig dahil sa letseng pag-ibig natatakot na ako ngayong masaktan at MASUGATAN ang puso kong palagi na lamang bigo at sawi.

Ornithophobia - Fear of birds
Halimbawa ng pangungusap: Kahit kailan hindi ko talaga nagustuhan ang kantang Hotel California ng The Eagles mayroon kasi akong Ornithopobia.

Aquaphobia - Fear of getting drowned
Halimbawa ng pangungusap: Pwede bang huwag mo ako bigyan ng sobra-sobrang atensyon? Natatakot kasi akong MALUNOD sa pagmamahal mo.

Papyrophobia - Fear of paper
Halimbawa ng pangungusap: Iiwasan ko nang kausapin 'yang si Mandong Epal lagi lang kasi akong napapahamak sa kanya, natatakot na ako sa pagiging MAPAPEL niya.

Peniaphobia - Fear of poverty
Halimbawa ng pangungusap: Bilib din ako diyan kay Tony ginamit niya sa kanyang pagpapakamatay ay silver cleaner, hindi ko kasi kayang gawin 'yun dahil ayokong MAGHIRAP bago mamatay.

Thanatophobia - Fear of death
Halimbawa ng pangungusap: Sampung beses sa isang araw ko chinacharge ang cellphone ko natatakot kasi akong MAMATAY ito 'pag oras na gagamitin ko na.

Chrematophobia - Fear of money
Halimbawa ng pangungusap: (Batugan na kausap ang nanay) "Alam mo 'Nay kaya hindi ako naghahanap ng trabaho takot kasi akong magkaroon ng PERA, 'di ba nga may verse sa bible na ang pera daw ay ugat ng kasamaan? Pag walang pera walang kasalanan."

Pediophobia - Fear of dolls
Halimbawa ng pangungusap: Kahit ilibre mo pa ako ng tiket sa concert ng Pussycat Dolls hindi talaga ako manonood dahil meron na nga akong Ailurophobia meron pa akong Pediophobia.

Arithmophobia - Fear of numbers
Halimbawa ng pangungusap: Hindi ko na binibilang kung gaano na kalaki ang nakurakot ko galing sa Pork Barrel Fund, malaki kasi ang takot ko sa NUMERO.

Atychiphobia - Fear of failure
Halimbawa ng pangungusap:  "Pakiusog mo nga maigi 'yang TV natin natatakot akong baka mahulog 'yan sigurado na namang gastos 'yan."

Lachanophobia - Fear of vegetables
Halimbawa ng pangungusap: Pasensya ka na kung hindi ko nadadalaw sa ospital si Pareng Emong balita ko kasi lantang GULAY na siya takot pa naman ako sa mga gulay.

Erythryphobia - Fear of the color red
Halimbawa ng pangungusap: (Sa Enforcer na humuhuli) "Bossing, pasensya na at nag-go ako kahit stop na ang ilaw mayroon kasi akong Erythryphobia, tanggapin niyo na lang itong aking singkwenta." (Sumagot ang Enforcer) "Ah, ganun ba? 'Tangina mo akin na ang lisensya mo mayroon akong Chrematophobia".


Ikaw, ano ang phobia mo?
Share mo naman para maidagdag sa listahan. :-)

Monday, November 26, 2012

Love, Sex, Magic & Mistress 1/2




Love. Para itong magic na everytime na nai-experience mo ay magkakaroon ka ng kakaibang feeling of amazement and excitement na bawat susunod na mangyayari ay iyong aabangan at posible mong hangaan; parang magic na kahit na alam mong hindi totoo ang iyong  nakikita ay nag-ienjoy ka pa rin; parang magic na nabibighani ka at kinukuhang pilit ang iyong atensyon. Katulad ng magic punong-puno ito ng sorpresa at misteryo. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit maraming lovesongs ang inspired ng salitang "magic" gaya ng 'Got to believe in Magic', 'Suddenly, it's magic', 'You can do magic' at sangkatutak pang iba.

Love. Isang makapangyarihang pwersa na magtutulak sa isang tao na gumawa ng mga bagay na hindi niya pangkaraniwang ginagawa. Handa kang pumatay, mamatay o maging alipin nito, pwede kang gawing maging matino mawala sa katinuan o maging makasarili maipaglaban mo lang ito, pwede kang sumaya, lumungkot, matuwa, maiyak, matakot, mag-alala at magkaroon ng iba't ibang emosyon dahil dito, maari kang baguhin nito sa isang iglap kung sinaniban ka ng kapangyarihan nito. Daig pa nito ang anumang superpowers na taglay ng sinumang superhero.

And speaking of superpowers,  I have learned that 'though you have a superpowers within you it's not quite enough to be called a real superhero (wow, english agad ang banat!). Bakit? Kailangan mo muna kasing tulungan ang mga taong inaapi, patunayan sa buong mundo na karapat-dapat ka talagang maging superhero at parang naging obligasyon mo nang ipagtanggol ang mundo laban sa lahat ng uri ng kasamaan. Kaakibat na rin nito ang malaking responsibilidad at bigat ng commitment na maging matino, magtaglay ng flawless na ugali (pwera na lang kung ikaw si Ironman) dahil sa sandaling magkaroon ka ng kahit na isang maliit na pagkakamali lang lahat ng nagawa mo noong tumutulong ka ay biglang makakalimutan. Parang wala kang puwang sa anumang kasalanan dahil ang tingin sa'yo ng maraming tao lalo't ang mga bata ay isang god/goddess at tila responsibildad mo na ang tumulong sa lahat ng oras at hindi lang nang isang beses kundi ng forever.

At dahil sa salitang Forever na 'yan parang ayaw ko nang maging "superhero" (pero kung tutuusin hindi mo naman talaga kailangang maging superhero para makatulong, 'di ba?). Iniiisip ko pa lang ang bigat ng commitment at malaking responsibilidad na nakaatang para gampanan ito ay parang napapagod na ako. Paano kung hindi ko matupad ito? Paano kung magsawa ako?  Paano kung gusto ko nang maggive-up at gusto kong gawin ang mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging "superhero"? Paano na lang ang mga umaasa at nasasanay sa iyong kapangyarihan mawawalan na rin ba sila ng pag-asa? Negatibo ang epekto nito kung maraming tao ang naging dependent sa ipinangako mong "forever". 

Parang pag-ibig at pagmamahal lang 'yan eh (nai-segue din) mas dapat siguro walang promises, walang commitment, walang forever, basta gawin mo lang ang the best mo at lahat ng iyong makakaya para sa ikasasaya ng inyong pagsasama. Sabi nga sa kasabihang ingles: "Don't keep promises that you can't keep". Akala ko dati sa script ng Hollywood movies lang ito applicable pero totoo pala ito, hindi pala madali ang tumupad sa pangako dahil walang tigil ang pagbabago. Pagbabago sa pisikal, sa sikilohikal at sa mismong nararamdaman na dulot ng pagcha-chat environment at ng mga taong dumadating sa ating buhay. Uulitin ko, basta gawin mo lang ang lahat ng makakaya mo; walang pangako walang palabok. At kung hindi mag-work? Walang sumbatan. Walang magsasabi nang: "Tangna ka pagkatapos ng mga sakripisyo ko sa'yo eto pa ang gagawin mo sa'kin!" O kaya naman: "Binigay ko naman ang lahat ng gusto mo tapos iiwan mo lang pala akong hayop ka! Pu7@#61#@8/4@! Mabuti pa magsama-sama na tayo sa IMPYERNO!" Sabay baril sa asawa/nobya sunod ay ang sariling sentido (parang eksena sa teleserye na adultery ang tema).
* * *
"It's not you, it's me!"
Ito ang klasikong linyang parating sinasabi kung nais ng isang taong makipahiwalay sa kanyang kasintahan (jologs!) at kung minsan sa mismong asawa nito. Bakit ba naman hindi eh ito lang yata ang salitang pwedeng makapagpabawas ng kahit na kaunti sa masakit na salitang iyong bibitiwan, mga salitang makapagbabagong bigla ng inyong mundo at desisyong parang punyal na itatarak mo sa laman ng iyong sasabihan (pangkontes na banat). Pero ganunpaman ika nga sa kanta, there's no easy way to break somebody's heart kahit na ano pang dahilan at katwiran mo kung ang purpose mo naman ay basagin at durugin ang pusong nasanay sa iyong "wagas" na pagmamahal masasaktan at masasaktan pa rin ito.

Kung there's no easy way to break somebody's heart bakit kailangan pa nating magpaka-ipokrito o magkunwari at sabihing it's not you it's me bakit hindi na lang sabihin nang harapan sa kanya na ayaw mo na ang karakas ng pagmumukha niya o kung hindi mo naman kaya dahil mayroon pang kaunting konsiyensiyang natitira sa puso mong bato gayahin mo na lang ang istilo ni Paolo Contis nang siya'y makipahiwalay kay dating EB Babe Lian, bigla na lang itong hindi umuwi sa kanyang kinakasama (very creative 'di ba?). Pwede ring itext mo na lang at sabihin sa kanya na ayaw mo na dahil hindi ka na nag-eenjoy sa inyong mga pulot-gata at ginagawa mo lang ang mga iyon dahil kailangang mailabas mo ang init ng iyong naglalagablab na katawan o kahit walang kongkretong dahilan basta lang nagising ka nang isang umaga na hindi mo na siya gusto at wala ka ng libog love (sus!) na nararamdaman sa kanya katulad nang ginawa ni Ariel Villasanta (sino 'yun?) sa kanyang asawang negosyante na si Cristina Decena (sino rin siya?).

Nakakainis lang kung iisipin, dahil pagkatapos ng masasaya at malalanding sandali nang kayo'y magkasama bigla na lang ayaw mo na at parang diring-diri ka kung maaalala mo ang mga pagniniig sa gabing pinuno ninyo ng maiingay na romansa. Bakit sa isang iglap nagsisisi ka na nakilala siya? At nagwiwish-wish ka pa at kinakanta ang theme song ng Kahit Puso'y Masugatan, na 'Sayang' ready, sing...: "Sana'y maaring ibalik ang kahapon at doo'y magisnan na ang pag-ibig mo, sa dalangin ay hinihiling kong lumakad sanang pabalik ang panahon..."

Kung tutuosin hindi naman talaga dapat na pagsisihan ang LAHAT ng nangyari sa iyong buhay dahil at some point nag-enjoy at sumaya ka naman dito pero nang nakatagpo ka ng mas maganda/gwapo o ng mas maharot masaya kausap o nang muli mong maka-meet ang dati mong kaeskwela dahil sa letseng reunion-reunion na'yan muling umalab ang naudlot na pag-iibigan ninyo noon, o nang may nakatagpo kang ligaw na kaluluwa na umano'y ulila sa pagmamahal at romansa bigla na lang hindi mo na mahal ang partner mo, ano 'yan laro lang?!? Paano kung makatagpo ka ulit ng mas bago, mas bata at mas nakakaaliw kausap eh di iiwan mo ulit yung kinahumalingan mo? Para kang isang kumpol ng Trapo na may paulit-ulit na pangako sa maganda at mabuting Pilipinas.