"Welcome High School
Batch 94!" Ito ang nakaimprenta sa tarpaulin na nakasabit sa labas ng eskwelahang
may nakatakdang class reunion ngayong araw. Kapansin-pansin ito dahil sa laki
ng kanyang sukat na halos sumakop na sa magkabilang kalsada ang haba.
Eksaktong dalawampung taon
na ang nakararaan nang huli akong tumuntong sa lugar na ito. Lugar kung saan
nabuo ang napakaraming alaala ng aking kabataan. Dito ako namulat sa aking
unang 'pag-ibig', unang hithit ng yosi at unang lagok ng alak. Dito hinulma ang
aking pagkatao at dito hinubog ang malaking bahagi ng aking buhay kung sino at
ano ako ngayon.
Reunion. Isang okasyon kung
saan nagtitipon at muling nagkikita ang dating magkaklase, dating
magkakaibigan, dating nagkaalitan at dating magkasintahan. Isang pagtitipong
tiyak na mapupuno ng tawanan, kumustahan, kwentuhan, pagbabalik-tanaw sa
nakaraan, kulitan, harutan at panunumbalik ng samahan.
Maaga ako sa itinakdang oras
na alas-kwatro ng hapon. Sinadya ko talaga ito dahil gusto ko kasing libutin
muna ang kalakihan ng eskwelahang naging bahagi ng aking kabataan. Minalas ko
ang oval kung saan ako tumatambay noon sa vacant hours ko sa klase
paminsan-minsan dito rin namin isinasagawa ang pasimpleng tagayan ng matapang
na Tanduay habang pilit na itinatago ang yosi kasama ang mga barkada kong
walang bahid ng takot na mahuli
Ang dating open court na
pinaglalaruan namin noon ng basketball ay covered court na ngayon. Nadagdagan
na rin ng mga bleacher kung saan nanonood ang mga estudyante, parents, teachers
at mga invited guests. Lumaki at gumanda ang stage kung saan dinaraos ang mga
pagtatanghal tulad ng Foundation Day, Nutrition Month, Buwan ng Wika at iba pa.
Nagdagdag na rin ng karagdagang banyo sa bawat palapag ng eskwelahan hindi
tulad noon na isang banyo lang sa bawat palapag ng gusali. Naroon pa rin sa
dati niyang kinalalagyan ang bantayog ng monumento ng bayani kung kanino
ipinangalan ang aming eskwelahan. Marcelo H. Del Pilar High School.
Tinungo ko rin ang library
kung saan minsanan ko na ring pinilas ang mga pahina ng ilang librong aking
pinagdiskitahan. Lumawak pa ang dati nang malaking library dahil sinakop na
nito ang dating bakanteng hallway. Nakakatuwa na may tig-apat na bentilador
ngayon ang bawat silid-aralan ng eskwela na sa pagkakatanda ko ay tigdalawa
lang dati.
Bagong pintura ang gusali.
Hindi ko alam kung sinadya ito ng pamunuan ng eskwelahan dahil sa nakatakdang
reunion o nagkataon lang at hindi talaga plinano. Bagama't pamilyar ako sa
lugar dahil naging bahagi ito ng aking buhay sa loob ng apat na taon aaminin ko
tila naninibago at naiilang ako.
Ang laki nang pagbabago at
progreso ng eskwelahang aking kinagisnan dalawampung taon na ang nakararaan. Mahusay ang pamamalakad ng administrasyon ng
paaralang ito, sabi ko sa sarili.
Sa nakita kong ito parang
kinurot ang aking puso, mabuti pa ang dati kong eskwelahan umasenso at
namintini ang ganda kahit dalawampung taon na ang nakalipas samantalang ang
kapalaran ko'y tila napag-iwanan na ng panahon.
Hindi ako nakapagtapos ng
kolehiyo dahil sa aking ikalawang taon ng pag-aaral ko ng criminology ay
naaksidente si Papa. Napilitan akong kumayod ngunit walang matinong kompanya
ang nais akong seryosohin kaya't siyam na taon na ako ngayong tricycle driver.
'Pag walang pasada, walang pera kaya kailangan talagang magtiyaga at magtiis
para sa pamilya at dalawang anak na nag-aaral. Dalawang beses kong tinangka na
maging OFW sa Qatar at Saudi ngunit dalawang beses din akong naloko ng illegak
recruiter.
Magkahalong tuwa at kaba ang
nararamdaman ko sa reuniong ito pero prinoblema ko ang isusuot ko para sa
espesyal na araw na ito, kung hindi pa ako nakahiram ng mapormang polo sa
barkada kong tricycle driver din malamang magmukha akong busabos ngayon.
Makalipas ang dalawampung
taon nang lisanin ko ang mataas na paaralang ito bumabalik ang aking magaganda
at masasayang alaala. Napapangiti ako at bigla tila nasasabik na muling makita
ang aking naging crush, mga kaklase at naging kaibigan.
Makalipas ang isang oras
hinanap ko ang lamesang nakalaan para sa aking section noon - Section 13.
Nagpalista muna ako at
idinikit sa aking damit ang sticker na nakaimprenta ang aking pangalan. Fernando Pandoy.
Sinadya kong ilagay ang
sticker kung saan hindi ito kaagad makikita at mababasa, nakapaloob ito sa
t-shirt na nasa ilalim ng aking polo. Isinuot ko ang mumurahing shades ngunit
umaastang original, ipinatong ko ang cap sa aking ulo pilit na itinatago ang
aking mukha. Balak ko munang magmasid at mag-obserba. Dumistansya ako sa
dalawang mesang para sa aming section at umupo sa medyo hindi pansinsing
puwesto.
Ilang sandali pa sabay na
dumating ang dalawang lalaki. Kurt Sanchez at Harold Buenafe. Minalas ko ang
kanilang mga suot, nais kong mahiya sa aking sarili. Siguro 'yung kabuuang
halaga ng suot ko ngayon ay wala pa sa kalahati ng suot nilang sinturon.
Barkada ko ang dalawang ito sila ang nagturo sa akin kung paano ang tamang
paghithit ng yosi at sila rin ang unang nagpatikim sa akin ng alak.
Malutong ang kanilang
tawanan sa tuwing humihinto sa kanilang pag-uusap. Maya-maya pa'y ibinibida na
nila ang kani-kanilang mga trabaho sa buhay, kung ano-anong kotse ang mayroon
sila at ang mga bansang kanilang napasyalan. Dinig na dinig ko 'yun mula sa
aking kinauupuan. Hinalukipkip ko ang dalawa kong kamay sinisiguradong hindi
mababasa ang aking pangalan. Ewan ko pero nakaramdam ako ng pangliliit sa aking
sarili.
Unti-unti nang kumakapal ang
mga tao. Naririnig ko na mula sa mga malalaking speaker ang mga patok na tugtog
noong dekada nobenta. May nagtitest ng microphone at may umaasiste at
sumasalubong sa mga teacher na dumarating.
Cecillia Dimaano. Agad kong
tiningnan ang mukha niya. Hindi ako maaring magkamali ito ang Cecille na
sobrang crush ko dati. Napangiti ako, naalala ko ang kanyang kagandahan noon.
Bitbit niya ang Annual Book na tila kodigo ng isang estudyanteng kumukuha ng
exam. Gusto ko siyang lapitan at kumustahin ngunit napigilan ko ang aking
sarili. Bagama't banaag pa rin ang kanyang ganda sa tuwing siya'y ngingiti tila
nawala na ang kislap nito. Kahit medyo lumapad na ang dati niyang
balingkinitang katawan ay hindi ito naging hadlang upang mapahanga ang maraming
lalaking naroon. Kabilang na ako.
Kausap niya ang isa pa
naming kaklase na hindi ko gaanong close, narinig kong tatlo na ang anak niya
at siya'y isang single mom. Nalungkot ako para sa kanya hindi dahil sa binasted
niya ako noon kundi dahil hindi niya deserve ang ganoong klase ng buhay. Gusto
ko tuloy maniwala na may dalang sumpa ang labis na kagandahan. Ang pinapangarap
ko dati ay binasura lang ng iba ngayon.
Larry Genuino. Ang henyo ng
klase. Simple lang ito sa suot nitong longsleeve na asul. Kita pa rin sa
kanyang pagkilos ang hinangaan ng klase sa kanya noon. Inaasahan na ng lahat na
matagumpay siya sa buhay. Sa talino niyang taglay napakadali para sa kanya na
ipasa at tapusin ang anumang kursong naisin niya. Sa umpisa'y tumanggi pa
siyang magkwento tungkol sa personal niyang buhay ngunit kalaunan ay ikinuwento
na rin niya na ang propesyon niya'y may kinalaman sa linya ng video at
photography. Malayo sa inaasahan ng lahat. Nagkibit-balikat ang iba, mayroong
nakita kong umismid at tumaas ang kilay. Napailing lang ako.
"Hahaha! Si Fernando
Pandoy?! 'Yung pandak na mukhang abnoy? Ewan ko kung darating 'yun balita ko sa
squatter's area nakatira 'yun at tricycle driver lang!" si Peter Domingo ang
nagkukwento kausap ang mayabang ding si Kurt at Harold. Si Peter ang itinuring
kong bestfriend noong third year hanggang fourth year kaya hindi ko inaasahang
marinin ang mga panlalait na 'yun mula sa kanya.
"E kaya ko lang naman
pinakikisamahan 'yon noon kasi sa kanya ko pinagagawa ang mga assignment ko!
Gagong 'yun mukhang abnoy! Hahaha!" at sabay-sabay na nagtawanan ang tatlo.
Kung pwede lang lumubog na
ako sa labis na pagkapahiya ay ginawa ko na. Mabuti na lang at ikinubli ko muna
kung sino ako kundi ay 'di ko malalamang mapagpanggap lang pala ang mga taong
ito. Kaya ako nagtungo sa reuniong ito upang sumaya, makatagpo at makasalumha
ang dating mga kaklaseng itinuring kong kaibigan hindi para apihin at pintasan
ang aking katauhan.
"Isa ka nga sa pumipintas at nagsasabing Darwin's protegé ako noon
e."
kausap ni Zeny Mediola si Melvin San Jose. Sa tono ng pangungusap ni Zeny ay
parang nanunumbat ito tila hindi nakalimutan ang asaran higit dalawampung taon
na ang nakaraan. Ang 'Darwin's protegé' ay hango sa Theory of Evolution ni
Charles Darwin at dahil hindi noon kagandahan si Zeny siya ang tampulan noon ng
tukso. Hindi nakaimik si Melvin sa pagkakaalam ko kasi siya rin ang nagcoin ng
salitang 'yon. Sa itsura ngayon ni Zeny na napakaganda at napakakinis ng kutis
tila napahiya ng husto si Melvin. Hinala ko pinaghandaan ni Zeny ang araw na
ito, gusto niyang ipamukha sa mga taong nang-api sa kanya noon kung gaano siya
kaganda ngayon. Naalala ko ang pelikulang 'Babangon ako at Dudurugin Kita!' sa
katauhan ni Zeny.
Magkasintahan noon si Arnold
at Lovely. Nasipat ko sila sa ikalawang mesa na inilaan para sa aming section.
Hindi ko dinig ang kanilang usapan ngunit kapansin-pansin ang lambing nila sa
isa't isa, nagbubulungan, naghaharutan at nagpapalitan ng cellphone number. Sa
pagkakaalam ko bago pa kami gumradweyt ay nagbreak na ang mga ito kaya marami
sa mga classmate namin ang napapasulyap sa kanilang extra sweetness sa isa't
isa.
"Konsehal. Konsehal De
Luna ang itawag mo sa akin." ito ang bukambibig ni Walden De Luna sa mga alumni
na bumabati at sumasalubong sa kanya. Nakaputing polo barong ito at may alalay
na laging nakabuntot sa kanya. Kinakamayan niya ang mga dumarating na akala
mo'y nasa kalagitnaan ng pangangampanya. Noon pa man ay maangas na itong si
Walden, anak kasi ng konsehal at ngayon nga'y konsehal na rin ang gago. Kahit
sandamakmak ang absent niya noon ay hindi bumabagsak si Walden sa alinmang
subjects kunsabagay hindi naman ' yun nakapagtataka dahil malakas ang kanyang
tatay sa eskwelahang ito. At sa pagiging pulitiko niya, akmang-akma ito sa
kanyang mayabang na personalidad.
"Sa loob na lamang po
ng dalawampung minuto ay mag-uumpisa na po ang ating programa." boses ng isa sa mga alumni
ng eskwelahan na nasa higher section. Nag-aanunsyo ng pormal na pagbubukas ng
Class Reunion sa ilang saglit.
Nakaramdam ako ng
pagkaasiwa. Naa-out of place ako. Sa narinig kong mga patutsadahan, payabangan,
panglalait, pagmamalaki ng mga achivements sa buhay tila hindi na ako nababagay
sa lugar na ito. Nakapangliliit. Higit pa siguro sa panglalait ang kanilang
gagawin sa akin kung sabihin ko sa kanilang ako'y isang tricycle driver lang.
Isang pagkakamali ang
pagtungo ko rito, akala ko'y sasaya ako sa muling pagkikita at pagtitipon ng
mga dating kaibigan at kaeskwela ngunit taliwas pala ito sa aking inasahan.
Maya-maya pa'y nagpalakpakan
ang buong batch 94. Malakas. Puno ng sigla at yabang. Hudyat na uumpisahan na
ang programa ng reunion. Kasabay sa pagtugtog ng school hymn ay ang pagtayo ko
sa aking upuan. Sinipat ko muna ang kagandahan at kayumihan ni Cecille bago ako
tuluyang lumayo. Muli akong napangiti.
Naglakad ako palabas,
patungo sa gate ng aking alma mater. Nakita ko ring naglalakad ang dating
magsyotang sina Arnold at Lovely tumungo naman ang mga ito sa bukas na pinto ng
bakanteng classroom. Kanilang sinamantala ang kaabalahan ng karamihan.
Napailing na lamang ako.
Habang naglalakad naisip
kong sayang ang tatlong daang pisong bayad sa ticket ng reunion.
Pinanghinayangan ko ito dahil para sa tulad ko napakaimportante ng bawat pisong
lumalabas sa bulsa ko. Hindi rin mawala sa isip ko na sana bumiyahe na lang ako
ng tricycle kaninang umaga sana'y may mabuti pang nangyari sa maghapon ko pero
''di bale" aniko, magiging aral para sa akin ang araw na ito. Hindi na
kailanman ako maabala sa anumang klaseng reunion.
Ang alaala ng aking kabataan
ay isa nang nakaraang marapat lang na kalimutan.
Sa nakita kong mga eksena
kanina gusto kong bigyang kahulugan ang reunion sa sarili kong karanasan.
Reunion - isang okasyon kung
saan nagtitipon at muling nagkikita ang dating magkaklase, dating
magkakaibigan, dating nagkaalitan at dating magkasintahan.
Isang pagtitipong tiyak na
mapupuno ng tawanan, kumustahan, kwentuhan, pagbabalik-tanaw sa nakaraan,
kulitan, harutan at panunumbalik ng samahan.
Isang okasyon kung saan
hindi maiiwasang mawala ang kwentuhan at yabangan sa kanilang napagtagumpayan,
sumbatan ng nakaraang alitan, pakiramdaman at pagpapanggap ng bawat isa. Isa
ito sa nagiging susi upang magbigay daan sa pangangalunya ng naudlot na
pagmamahalan ng dating magkasintahan.
Sa kabilang kalsada,
eksaktong may dumaang jeep sa harap ko. Sa harap na ako umupo. Habang palayo'y
muli kong nilingon ang tarpaulin na nakasabit sa labas ng eskwelahang may
nakatakdang class reunion ngayong araw. Kapansin-pansin ito dahil sa laki ng
kanyang sukat na halos sumakop na sa magkabilang kalsada ang haba.
At ang nakaimprenta doon: "Welcome
High School Batch 1994!"
Fiction based on a true to life experience?
ReplyDeleteMahigit sa isang dekada pa ang hihintayin ko para sa reunion ng batch namin. Pero wala akong balak pumunta. Alam ko na kasi ang isa sa mga tanong na maririnig ko: "May asawa ka na ba?" *hahaha* Ang awkward kapag nagkataon. :P
Yup. Parang mas madali isulat kung 'yung isusulat mo ay base sa totoong nangyari at karanasan. 'Though hindi naman lahat 'yan ay hindi mula sa totoong naganap still it happens in some occasions.
Delete