Monday, July 21, 2014

Nominal



Palagi at parati  nating naririnig at pinagmamalaki na sa Timog Silangang Asya o sa buong Asya, Pilipinas lang ang tanging bansang Kristiyano.
Kristiyano na synonymous sana sa mga salitang relihiyoso, madasalin, maawain, mapagbigay, matulungin, makatao at higit sa lahat maka-Diyos.
Dapat ba nating ito'y ipagbunyi, ipagpasalamat at ipangalandakan kung taliwas naman sa ginagawi natin ang tunay na diwa ng kristiyanismo?
Ano kaya ang dating o ibig pakahulugan nito sa mga dayuhang may ibang kinagisnang pananampalataya? Napapailing kaya sila at tinatawanan lang tayo?

Bilang kristiyano, alam ba talaga natin ang kahulugan ng Kristiyanismo?
Kung ganoon, bakit hindi ayon sa Kristiyanismo ang gawain ng marami sa atin?
Bakit hindi natin ito maisabuhay at maisapuso?
Sa resumé at bio-data lang ba nararapat ang salitang ito?

Sa kabila ng ating pagiging relihiyoso at deboto sa kung saan-saan at kung kani-kanino heto tayo kabilang sa pinakacorrupt (read: magnanakaw) na bansa sa buong mundo, maraming unresolved crimes at tayo'y uhaw sa hustisya at katarungan. Tila wala ring puso ang mga nanunungkulan at lider natin na halos walang pakialam sa mga literal na naghihikahos na mahihirap at sa mga kayod-kalabaw na obrerong kinakaltasan ng malaking buwis buwan-buwan dahil patuloy ang kanilang paghihirap at pagtitiis sa mahabang panahon. Sila na umaasang isang araw ang kanilang mga buhay ay aasenso at giginhawa.

Gusto ko tuloy paniwalaan na ang pagiging 'kristiyano' ng mga Pilipino ay hanggang sa pangalan lang. Mabansagan lang na merong pinaniniwalaan at sinasampalatayaan. Kung hindi, bakit kanya-kanya ang ating sistema? Makasarili ang ating adhikain at wala tayong tunay na malasakit sa kapwa at sa bayan. Oo nga't kaysarap pakinggan na malaking bahagi ng ating populasyon ay Kristiyano - naniniwala sa existence ni Hesukristo pero parang hanggang doon lang yata tayo. Naniniwala tayong may Diyos pero hindi para sa ikalulugod Niya ang ginagawa natin. Naniniwala tayong may Langit subalit may malaking tanong sa ating isip kung makakapasok ba tayo sa pintuan nito? Naniniwala tayong may buhay sa kabilang buhay ngunit hindi natin pinagbubuti ang buhay natin ngayon.

Tuwing Linggo o Huwebes, Fiesta, Pasko ng pagkabuhay, Bagong Taon lalo't kung Pasko asahan mong puno at dagsa ang ating mga simbahan. Sa tuwing Semana Santa ay marami ang nagsasakripisyo, nagbibisita-iglesia, nagpipintensiya at naglalakad ng kung ilang milya para sa isang panata. Bibilang ng milyong katao ang mga deboto sa iba't ibang santo na halos maghapon at magdamag na magtitiyaga at sasama sa prusisyon para sa katuparan o natupad na kahilingan.
Kung kahit sa kalahati man lang ng mga church goer at mga deboto ay mamintini ang pagiging mabuti at may malinis na kalooban - maganda at progresibo ang kasasadlakan ng ating kapwa at bayan. Nakakatawa lang na pagkalipas ng mga mahahalagang okasyong ito balik lang sa dating gawain ang marami sa mga nananalig, sumasampalataya at deboto.

Bakit nga ba tayo nagsisimba? Para sa pagpapasalamat o para sa unlimited na kahilingan?
Minsan ba pinanalangin natin sa Kanya ang kapayapaan at kaunlaran ng iba kaysa sa ating mga sarili?
Bakit hindi natin lubusang matanggap kung ano ang mayroon tayo at madalas na naghahangad tayo ng marami?

Nais ko tuloy paniwalaan na ang pagtungo natin sa simbahan ay para lang sabihing tayo'y nakapagsimba. Tayo'y mayroong notion na pagkatapos nating magsimba, umattend ng higit sa isang oras na misa, lumuhod, pumikit, humingi ng kapatawaran, tumanggap ng ostiya, mag-'peace be with you' sa katabing upuan at maanggihan ng holy water ng pari ay TOTALLY nawiped-out na ang ating mga kasalanan, back to square one ika nga. Pwede na ulit magkasala. Hindi ba natin lubos na alam o nagmamaang-maangan lang tayo na hindi natatapos sa pagsisimba lang ang paghingi ng tawad ng kasalanan ganundin naman na hindi nasusukat ang pagiging banal sa pagpasok sa simbahan at pag-usal ng panalangin at dasal?

Madalas ako nakakapagmura, kung batayan nga ang mabubuting mga salita upang sabihing mabuti ang isang tao, napakasama ko palang tao. Samantala ang mga moralista (kuno) ay madalas ding husgahan ang mga bakla/tomboy na 'makasalanan' kahit wala naman itong ginagawang masama sa kanila, sa lipunan at sa buhay mismo nila. Kahit hindi natin aminin mayroon pa ring diskriminasyong umiiral sa atin. Pero kamakailan lang, mayroong isang ministro ng simbahan na nahuli sa aktong kinakalantare sa isang motel ang asawa ng isang kaawa-awang abogado, hindi ba't higit na kasalanan ito?
At hindi na rin lingid sa ating kaalaman na maraming kaso na ang naitala na ang mga pari sa simbahan ay nainvolved sa child molestation. Iyan ay sa kabila ng pagiging sagrado at sarado kristiyano nila.

Lahat tayo ay nagkakamali, lahat tayo ay may baho at lahat tayo ay may sikreto, kung marami rin lang tayong kasalanan (lihim man o bulgar) 'wag na tayong magmalinis at magkubli sa banal na libro at mabubuting balita at lalong 'wag na tayong mag-namedrop at gamitin ang pangalang Diyos. Huwag na na nating gamitin ang ating pagiging Kristiyano para makaani ng tagahanga at ipangalandakang kunwari na ikaw ay walang sala.

Aanhin mo ba ang bansag na kristiyano kung hanggang pagkaawa at simpatiya lang ang kaya nating ibigay sa mga kapus-palad, nasalanta at nangangailangan? Madalas 'yung mga bagay, biyaya, programa at donasyong para sa kanila ay kinukupitan at ipinagdadamot pa ng otoridad para sa kanila. Minsan mapapaisip ka, bakit higit na maunlad ang ibang mga bansa na iba ang kinagisnan at pananampalataya? Bakit parang mas disiplinado at mabuti pa sila kaysa sa ating mga kristiyano? Ito ba'y usapin ng pagiging kristiyano o ng kulturang kinalakhan, ng pagiging tao o ng pagiging patriyotiko?

Bukod sa mortal na kasalanang pagpatay, batid nang lahat na sa bansa at kultura na ating kinamulatan alam nating masama ang magnakaw, magbisyo, mangaliwa, magsugal, mangotong, lumabag sa anumang batas, magtapon ng basura sa kung saan-saan, magmura, mangloko, magtsismis, manghusga, mangbully, mambastos, magsinungaling, mangsnatch, magpalaglag ng sanggol at marami pang iba na obvious na kasalanan pero talamak at pangkaraniwan na lang ang mga ito ngayon.
Maliit o malaki, kinokonsidera pa ring ito'y kasalanan at ang ilan sa mga ito'y malamang na atin nang nagawa datapwa't kasalanan, pinalulusot na lamang natin ito at (halos) tinatanggap na ng may kaluwagan at bukas ang isipan. May mga bagay kasi talaga na kahit anong gawin ay hindi kayang iwasan. At sa pag-usad ng modernong panahon karamihan sa mga ito'y hindi na malaking balita para sa atin.

- Hindi ba't dinadakila pa nga natin ang mga artista/pulitikong napakaraming anak sa iba't ibang babae?
- Hindi ba't madali nating kinakalimutan ang mga pulitikong nagwalanghiya sa bansa natin?
- Otomatik na rin sa utak natin na 'pag pulitiko suguradong corrupt at 'pag pulis ay malamang na kotong cop.
- Walang sinumang moralista ang nagcondemned o walang imbestigasyong naganap sa mga napabalitaang nagpalaglag ng sanggol.
- Napaka-ordinaryo na lang ang kwento ng pangangalunya, ganundin ang premarital sex ng kabataan.
- SOP na rin sa government official natin na magkaroon ng porsyento sa anumang proyektong kanilang hinahawakan.

Sa isang bahagi ng isip ng marami sa atin may kalakip na pamimintas ang isang dapat sana'y pagpupuri at parangal at may pagtatanggol naman sa kamalian/kasalanan kung nais itong panindigan at pangatwiranan (karaniwang gawain ito ng mga binulag at nilamon ng maling sistema - tulad ng 'in good faith' na katwiran).
Kahit hindi natin sabihin, minsan sa ating buhay ay nahusgahan natin ang isang taong may hindi kaaya-aya ang itsura, ang kanyang estado sa buhay, ang kanyang kasarian at kasuotan o ang kanyang pangangatawan. Siyang-siya tayong pagtawanan ang mga kumakanta o sumasayaw sa social networking site ang mga hindi kagandahan ang itsura o ang panglalait ng isang host sa kanyang biktimang guest sa comedy bar.
Bago matulog sa gabi o sa pagsapit ng araw ng pagsimba, at pagkatapos ng lahat ng pang-aalipusta, pambubully o ng iba pang kinunsinting kasalanan kasama natin silang luluhod at taimtim na uusal ng isang panalangin. Sa susunod na araw, muling babalik sa dating nakagawian na parang nabakanteng baul ng kasalanan.

Kamakailan, may isang artista slash pulitiko na very vocal sa pagpapahayag ng kanyang pananampalataya. May nakalimbag pang bible verse sa kanyang damit at bukambibig ang kanyang pagiging matulungin. Tunay na Kristiyano kuno. Sa kabila ng lahat ng ito - siya ngayo'y nakakulong dahil sa kasong pandarambong - multimilyong pisong pangungupit sa kaban ng bayan. Mga perang dapat sana'y pinakinabangan ng mga higit na nangangailangan.
Bumabalik tuloy sa aking alaala noong dekada nobenta, ang isang alkalde ng isang bayan sa Laguna na palaging may hawak ng rosaryo at deboto di-umano ni Mama Mary ngunit napatunayang abusado at nanggahasa ng menor de edad.

Walang malinis. Walang perpekto. Wala kahit isa. Pero 'wag na sana nating gamitin pa ang bibliya o ang Diyos para lang mailusot ang sarili sa mga kabalastugan natin sa buhay. 'Wag na tayong magpilit na maging ehemplo ng kabanalan kung sa likod nito ay ang masama nating ugali at maitim na budhi. 'Wag na tayong bibigkas ng 'Alelluia' kung ang nasa isip naman natin ay malutong na 'Putang Ina'. 'Wag na tayong humawak ng rosaryo kung mas nalilibang kang hawak ang isang baril upang iputok ito sa kapwa mo. 'Wag na nating gamitin ang simbahan para sa patuloy na pagpapakasasa sa kaban ng bayan. 'Wag na MUNA nating ipangalandakan ang pagiging Kristiyano natin kung kawalanghiyaan at kababuyan naman ang nakikita sa atin ng mga tao.

Nakakaawa na nga tayo, katawa-tawa pa tayo.

KRISTIYANISMO? Siguro sa pangalan lang 'yan.

13 comments:

  1. Hmmm... marahil ay wala talaga sa relihiyon ang pagiging matino o pagkakaroon ng moral ng isang tao.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Sangayon ako diyan. Hindi usapin ng relihiyon ang pagiging matino ng isang tao. Pero higit na nakakalungkot 'yung mga taong very vocal at proud sa relihiyong kinaaniban nila tapos magugulat na lang tayo mas walanghiya pa pala kaysa sa atin.

      Delete
  2. Totoo namang dito sa ating bansa... palaging ginagamit ang salita ng Diyos o kaya ang simbahan para paniwalaan.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Uy may bago akong bisita.
      Nakakakilabot na sa tuwing mayroon tayong napapanood sa balita na halata mong ikinukubli lang ang kanilang kawalanghiyaan at buong tapang pang sasabihin na sa likod siya ng Diyos at katotohanan.

      Delete
  3. Nakakalungkot din na madalas gamtin ng ilang taong ang mga Bible verse sa maling paraan, upang ipakita na sila ang nasa katwiran at husgahan ang ibang tao. Sa halip na gawin ang naayon sa turo nito, nagiging mapagpaimbabaw sila, upang maghugas-kamay.

    Tunay nga, nabubuhay tayo sa panahong puno ng pagkukunwari, at pagaangkin sa pagsunod kay Kristo ngunit pinapabulaanan naman ng maksariling mga interes.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Pero mas nakakalungkot na marami ang naniniwala sa pagpapaimbabaw na ito. Ewan ko ba pero parang ang dali nating lokohin ang kapwa natin pakitaan mo lang ng kaunting kabutihan at ipangalandakang ikaw ay makatao at inapi, magiging bayani ka na sa paningin ng madla.

      Minsan kasi kailangan din nating magkunwari para maikubli natin ang galit na namamahay sa ating puso. Mas mabuti na siguro ito kesa pagmulan ng isang basag-ulo. Pero kakaiba ang pagkukunwari ng mga taong mapagsamantala, mas nakakatakot 'yun.

      Delete
  4. Matagal ko nang isinuko ang relihiyon ko. Fed up na ko. Lalo na sa mga ipokrito ng simbahan, hindi lang sa mga Kristyano.

    ReplyDelete
    Replies
    1. I am not against any religion. Nagsisimba pa naman ako at nanampalataya sa kabila ng pagiging consistent sinner ko. Palagi kong advise sa mga taong ayaw nang magsimba na: Hindi naman tayo nagsisimba o pumapasok sa simbahan para sa mga pari o sa kung sinuman, nagsisimba tayo para sa ikalulugod Niya at para sa pag-amin at pagtanggap ng ating kahinaan, kamalian at kasalanan.

      Simba ka ulit Sep, kahit hindi every Sunday - makakatulong ito sa atin kahit hindi natin lubos na alam. :)

      Delete
  5. Isa sa napansin ko Kuya Ramil, kapag ang mga politician nakukulong bigla-biglang nagiging relihiyoso... biglang laging may bible na bitbit at may fellowship pa sa loob ng kulungan lol

    ReplyDelete
  6. Overused na nga ang ganung gimik pero parang effective pa rin kasi may naniniwala.
    Hindi sila kinikilabutan sa ginagawa nila.
    Tsk tsk.

    ReplyDelete
  7. Hindi na po ako bagong bisita, matagal ko nang binibisita ang iyong blog... natutuwa ako sa mga sinusulat mo. Ngayon lang siguro ako nagcomment. :)

    ReplyDelete
  8. Naiinis ako sa ibang relihiyon na masyadong mataas ang tingin sa mga sarili nila. Na porke sila daw ang 'Totoong Anak ng Diyos', kung makapinpoint sila sa iba, kung makapagsalita sila, akala mo napakababa na ng ibang tao.

    Sa totoo nga mas okay pang walang relihiyon e. Gumawa ka na lang ng mabuti, magbasa ng salita ng Diyos, at maging totoo ka sa sarili mo. Kesa naman punta ka ng punta sa simbahan, hindi naman tumatatak sa isip at puso mo ang gustong iparating sayo ng Panginoon.

    ReplyDelete
  9. hellowie. kakaway lang me, salamat sa dalaw... regards po. :)

    ReplyDelete