Maaga si Roweno gumising
nang araw na 'yon.
Kanyang isusuot ang
pinakamaganda niyang polo, pinakamatinong pantalon at ang kanyang kaisa-isang
leather shoes.
Excited siya. Bakit nga ba
hindi? E sa halos isang taon niyang pag-aapply sa kung saan-saang lupalop ng
Kamaynilaan ngayon lang siya ipinatawag for interview ng kanyang posibleng
maging employer.
Makati ang kanyang
tutunguhin. Sa dami ng mga taong doon ang destinasyon, ikonsidera pa ang layo
ng bahay nila sa Caloocan at sa siguradong masikip na traffic na kanyang
kahaharapin kailangan talaga ay maaga siya.
Alas-sais pasado nang siya'y
umalis ng bahay. Balak niyang magbus na lang dahil ayaw niyang makipagsiksikan
sa masikip na MRT, tutal 9AM pa na naman ang schedule ng kanyang interview,
aniya pa.
Maaga pa pero halos punuan
na ang mga bus na dumarating.
Ilang bus din ang dumaan sa
harap ni Roweno bago siya nakasakay. May kasikipan na ang bus na kanyang
sinakyan ngunit mabuti't meron pa siyang naupuan. Sa may bandang gitna siya
nakapwesto.
Gawing Cubao nang dumagsa
ang mga pasahero, ayon sa mga bagong sakay sira raw kasi ang MRT. Sumiksik na
hanggang sa dulo ng bus ang mga nakatayong pasahero. Parang sardinas na ito sa
sobrang dami. Sa modernong panahon na halos pantay na ang karapatan ng babae at
lalaki tila wala nang gentleman na mag-aalok ng upuan para sa isang babae.
Tila hindi komportable ang
isang babae sa kanyang kinatatayuan, nasa gilid mismo ito ni Roweno na noo'y
may nakasuksok na earphone sa kanyang tainga. Sa bawat hinto ng bus at bawat
galaw ng mga pasaherong nagsisiksikan ngumingiwi ito at bakas sa mukha ang
pagkaasiwa.
------
Masama ang pakiramdam ni Ivy
ng umagang 'yon. Natapat pang number coding ang kanyang sasakyan ngayong araw
kaya mapipilitan siyang magcommute. Kung hindi lang sana mahalaga ang gagawin
niyang trabaho ngayong araw ay hindi na sana siya papasok. May mataas na
katungkulan si Ivy sa isang malaking kompanya sa Makati.
Sa ganitong araw ay maaga
siyang umaalis ng bahay gamit ang kotse upang hindi siya abutan ng alas-siyete
ng umaga na start ng number coding. Pero dahil tila tinatrangkaso siya hindi
niya nakuhang gumising ng mas maaga.
Sanay naman siya magcommute
at kahit halos mag-iisang taon na ang huli niyang pagsakay ng MRT wala naman
siyang reklamo dito tutal ilang metro lang naman ang layo pagkababa niya mula
sa Ayala Station.
Ngunit hindi umaayon sa
kanya ang araw na ito. Kasama ng iba pang mga pasahero'y napilitan si Ivy na
bumaba ng tren. Maaga pa'y sira na naman ang MRT. Sa sobrang dami ng nag-aabang na mga pasahero punuan ang
lahat ng pampublikong sasakyan; FX, bus at kahit ang taxi'y pinag-aagawan.
Mapupuwersang sumakay ng bus
si Ivy kahit halos bumagsak na siya sa kanyang kinatatayuan sa labis na
pagkahilo subalit wala siyang ibang choice.
Halos panawan siya ng lakas
nang makita niyang punuan ang mga bus patungong Makati. Labinglimang minuto na
ang nakalipas nang siya'y nakasakay ng bus.
Tila hindi komportable si
Ivy sa kanyang kinatatayuan, pinagpapawisan siya kahit malamig ang loob ng bus.
Nasa gilid niyang nakaupo ang isang lalaking may nakasuksok na earphone sa
tainga, may magandang kasuotan na tila aattend ng isang kasalan. Sa bawat hinto
ng bus at bawat galaw ng mga pasaherong nagsisiksikan ngumingiwi si Ivy at
bakas sa kanyang mukha ang pagkaasiwa.
-----
Kapansin-pansin na ang
pamumutla ni Ivy. Nakita rin ito ni Roweno na komportableng nakaupo at tila
walang pakialam.
Hindi na nakatiis si Ivy. "Mister,
pwede bang makiupo? Kahit sa gilid mo lang medyo nahihilo kasi ako",
pakiusap ni Ivy kay Roweno.
Umayos lang sa pagkakaupo si
Roweno muling isinuksok ang earphone sa tainga at umaktong kunwa'y natutulog.
Kahit narinig niya ang pakiusap ni Ivy siya'y nagbingi-bingihan.
"Ma'am dito na lang po
kayo umupo..." boluntaryong pag-aalok ng isang lalakeng nakarinig ng pakiusap ni Ivy,
tumayo ito at inalalayan ang babae sa pag-upo. Nasa bandang likuran ito ng
kinauupuan ni Roweno.
"Salamat ha." sambit ni Ivy (habang
inuusad ang sarili upang umupo) sa lalakeng mukhang sanggano pero may mabuting
kalooban.
Napakalaking kaginhawaan ang
naramdaman ni Ivy nang lumapat ang kanyang katawan sa upuan. Dahil masama ang
kanyang pakiramdaman saglit lang ang binilang ay nakaidlip na siya sa bus
samantalang si Roweno ay patuloy lang sa pakikinig gamit ang kanyang MP3.
Pasado alas-nuwebe na nang
dumating ang bus sa Makati. Kung gaano kasikip ang bus higit isang oras lang
ang nakararaan, ang siya namang sobrang iniluwag nito ngayon. Naunang bumaba si
Ivy at sa sumunod na kanto'y bumaba na rin si Roweno.
Hindi gaanong kabisado ni
Roweno ang building na pupuntahan, nakalampas pa nga siya sa kalituhan. Ilang
pagtatanong pa'y narating na rin niya ang building kung saan naroon ang
kompanyang magbibigay sa kanya ng magbubukas sa kanya ng oportunidad at
magandang kinabukasan.
Nagbanyo muna siya. Inayos
ang sarili, ang damit at ang buhok. Nagspray ng pabango. "Kailangan kong maging
presentable." bulong niya sa sarili.
"Sir, kindly wait here
for a while." sabi ng babaeng nag-assist kay Roweno matapos niyang sabihin rito
na may schedule siya ngayong araw for an interview.
"This way sir..." matapos ang limang minuto'y
natapos na ang kanyang paghihintay, itinuro sa kanya ng babae ang isang
conference room kung saan siya iinterviewhin.
Bumuntong-hininga muna si
Roweno bago pumasok sa kwarto.
"So you are Mr. Roweno
Ortillano. The very gentleman Mr. Ortillano..." bungad na bati ng
interviewer kay Roweno habang hawak ang kanyang resumé. Si Ivy Hernandez - head
ng HR Department ng Florix Industries and Technologies.
Hindi inaasahan ni Roweno na
ang taong mag-iinterview sa kanya ay ang taong pinagdamutan niya ng upuan sa
bus kanina lang. Kahit malamig ang kwarto'y bigla siyang pinagpawisan. Hindi
niya alam kung ano ang kanyang isasagot sa sarkastikong pagbati sa kanya ni Ivy.
Hiyang-hiya siya sa kanyang
sarili. Gusto niyang lumubog sa kanyang kinauupuan.
Agad siyang tumayo at
umalis, hindi na niya nakuha pang magpaalam sa sinumang nasa loob ng opisinang
magbubukas sana ng oportunidad at magandang kinabukasan sa kanya.
Nakatungo niyang nilisan ang
building.
Ayyy... baket naman umalis agad si Roweno?
ReplyDeleteMalay nya, hindi naman dadaanin ni Ivy sa personalan ang pagi-interview sa kanya at baka nga matanggap pa siya. tsk!
'Yun din ang sinabi ko kay Roweno pero wala na raw siyang pakialam kung qualified siya o hindi sobrang nahiya na siya sa nangyari.
DeletePero natanggap naman siya sa ibang company after ilang months.
So true story pala ito Kuya Ramil? Friend mo si Roweno?
Deleteang galing ng pagkakasulat :)
ReplyDeletedalawang kwento sa iisang tagpo... ano kaya ang nangyari kung itinuloy pa ni Roweno ang interview? Magiging personal ba si Ivy sa kanyang mga tanong o magpapaka-pro? At paano naman kaya sasagot si Roweno na animo'y walang nangyari hehe :)
Sa tingin ko lang, kahit hindi sabihing hindi pinipersonal ni Ivy si Roweno hindi pa rin 'yun maiiwasan. Ang ginawa naman ni Roweno na umalis na lang kesa ituloy ang interview ay siya ring gagawin ko kung ako 'yung nasa kalagayan niya. 'Yun ang totoong Awkward Moment na matatawag.
DeleteSalamat muli sir jep :)
Ambilis naman ng karma. *haha*
ReplyDeleteKaya dapat ay be good to everybody na makakasalamuha mo, lalo na yung mga taong humihingi ng tulong na kaya naman natin maibigay. A good deed has a potential to come back to you sooner or later. :)
Medyo weird lang name ni Roweno. First time ko ma-encounter ang name na to.
Oo friend ko si Roweno pero wala na siya ngayon (RIP), naikwento niya ito dati sa akin bago ako mag-asawa naalala ko lang last Saturday, Siyempre 'yung Ivy na pangalan ako na ang nagbigay pero more or less, ganyan ang senaryo, Grabe ang coincidence nang pangyayaring 'yan sa dami ng mga taong pwede mong makasalamuha araw-araw 'yun pang si Ivy ang napagdamutan ng simpleng upuan,
DeleteKaya hangga't maaari talaga laging pinaiiral ang good deeds, sabi nga - digital na rin kasi ang karma.
Napangiti mo ako dun sa 'Training' sa 'yo ni Lord si Sir JR, haha. Hirap naman ng training mo, araw-araw!
Ganito talaga magbiro ang buhay. Sana lang pag nagkita sila sa langit hindi na tatalikod si Roweno.
ReplyDelete