Monday, July 28, 2014

Pieta



"Knock, knock, knock. Kurt..." tatlong mahihinang pagkatok na may kasamang malambing na pagbigkas ng pangalan ng anak ang narinig mula sa labas ng pinto ng kwarto ni Kurt. Mula ito sa inang si Aling Verna. 
Inilapag muna nito ang dala nitong tray. Ipinihit niya ang doorknob at pumasok sa kwarto ng anak.

Nakangiti si Kurt nang umagang 'yon sa ina.
Maganda ang papasikat na araw katulad ng ngiti ng binata - punong-puno ng saya at pag-asa.
Freshman student si Kurt sa kursong Political Science sa isang sikat na unibersidad sa may Taft Ave. Masipag si Kurt sa pag-aaral, puno ng pangarap at ideyolohiya. Adventurous, walang kaartehan sa katawan at higit sa lahat, malambing sa kanyang ina. Sa edad nitong disi-siyete ay matured na ito kung mag-isip kung ikukumpara sa kanyang mga ka-edad na kabataan.

Bagama't solong anak ay hindi naman masyadong naspoiled ng kanyang magulang si Kurt. Naipo-provide ang lahat ng kanyang pangangailangan ngunit piling-pili lang ang mga bagay na naibibigay sa kanya ng magulang kung hindi naman ito masyadong kailangan ng binata. Dahil mas prayoridad ng pamilya ang pangmatrikula sa pag-aaral ni Kurt, naintindihan at naunawaan ng anak ang paghihigpit sa kanyang luho. Sapat at masaya na rin siya sa kung anong meron siya ngayon.

Bata pa lamang ay pangarap na ni Kurt maging abogado at ito rin ang pangarap sa kanya ng amang si Victor. May malaking respeto at paghanga si Kurt sa mga abogado - hinahangaan niya ang talino ng mga ito, kung papaano sila magsalita sa harap ng maraming tao, kung papaano sila manamit ng may buong pagtitiwala sa sarili at kung papaano nila ihandle ang kanilang kakayanan sa kabila ng pressure sa trabaho. Kung ang ibang mga magulang ay may pagtatalo sa anak sa kung anong kursong kukunin ng kanilang anak, ang mag-amang Mang Victor at Kurt ay magkasundo na Political Science ang kunin ng binata sa kolehiyo.

Consistent honor student si Kurt mula elementarya hanggang sekondarya. Hindi naman ito nakapagtataka dahil ang kapwa niya magulang ay magagaling at matatalino, namana niya siguro ang taglay niyang talino rito. Nakadagdag pa sa kanyang galing ang pagkasipag nitong mag-aral. Bagama't hindi abogado ang kanyang ama kahit papaano'y naging matagumpay naman ito sa naitayo nitong negosyo. At ang negosyong ito nga ang tumutustos sa pangangailangan ng pamilya at pag-aaral ni Kurt.

Kahit likas ang taglay na talino ni Kurt, hindi rin naging madali ang adjustment niya sa kolehiyo; mas pressure ang pag-aaral, mas mahirap ang mga subjects, mas mahigpit ang mga professor at idagdag pang estranghero para sa kanya ang bagong classmates, institusyon at environment. At kasama ang mga ito sa dahilan kung bakit naudyok si Kurt na makumbinsing sumali sa fraternity nang minsang nag-anyaya sa kanya ang isa niyang kaklase.

"Good morning!" bati ng inang si Aling Verna sa anak. "May dala akong almusal sa'yo..." alok ng ina kay Kurt habang inilalapag ang tray na almusal ng anak sa lamesitang nasa ulunan ng kama. Laman ng tray ang mga pagkaing paboritong kainin ng anak tuwing umaga; pandesal, hotdog, itlog at isang tasa ng kapeng maraming creamer.

Hindi kumibo si Kurt.
Ngunit nanatiling nakangiti.

Binuksan ni Aling Verna ang radyo, isinalang ang CD na palagi niyang naririnig sa anak tuwing umaga. Paborito ni Kurt si Bruno Mars.
Habang napupuno ng awitin ni Bruno Mars ang silid ng binata, nag-umpisang linisin ng inang si Verna ang kwarto ng anak.

Winalis ang sahig na wala namang kalat.
Pinunasan ang laptop at iba pang gamit kahit wala namang alikabok.
In-off ang electric fan kahit hindi naman naka-on.
Binuksan ang bintana na hindi naman nakasara.
Nilupi ang mga damit kahit masinop na nakasalansan.
Tiniklop ang kumot na hindi naman magulo.
Pinagpag ang mga unan na hindi naman nagalaw.
Inayos ang bedsheet na hindi naman nalukot.

Sa nakalipas na tatlumpu't siyam na araw ay walang pagkasawang ginagawa ni Aling Verna ang mga ito. Araw-araw, walang palya. Gigising ng maaga, mag-aasikaso ng almusal at lilinisin ang kwarto ng anak.

Tahimik lamang si Aling Verna habang muling inulit ang kanyang mga nagawa kanina. Walang bakas na pagkapagod na makikita sa ina. Sa kabila ng pagpipilit na maging abala ay halatang ikinukubli ng ina ang kalungkutan na kanyang nararamdaman. Pinipigil ang mga luha sa matang kanina pang nais na kumawala. Ngunit kailangang hindi mahalata ng anak na siya'y malungkot.

Inayos na muna ni Aling Verna ang sarili bago muling humarap sa anak.
"Hindi mo ba nagustuhan ang pagkain mo?" patungkol ito sa almusal na dala niya sa anak. Hindi man lang kasi nabawasan ang mga pagkaing nasa tray.

Nakangiti lang ang binata sa ina. Walang imik. Walang kibo.

Habang nakatingin si Aling Verna sa anak ay nag-uumpisang tumugtog ang intro ng kantang 'Just The Way You Are' ni Bruno Mars. Hindi na nakapagpigil ang ina at tuluyan na ngang tumulo ang luha nito. Napahagulgol. Makahulugan sa kanya ang kantang ito. Ilang beses rin kasing sinabi ni Kurt sa kanya na paborito nito ang kanta dahil akma ang lyrics nito sa kanya bilang 'amazing' na kanyang ina. Simula noon ay naging paborito niya na rin ng ina ang kanta ito.

♪♫♫"Oh, her eyes, her eyes
Make the stars look like they're not shining
Her hair, her hair
Falls perfectly without her trying
She's so beautiful
And I tell her everyday..."♪♫♪

Pumailanlang ang linya ng kantang ito sa loob ng kwarto ni Kurt na tuluyang nagpagupo sa kunwaring nagpapakatatag na ina.
Niyapos ni Aling Verna ang mukha ng anak. Niyakap ito. Hinalikan sa pisngi habang hindi na mapigil sa paghikbi ang tumatangis na ina.

"O, nandiyan ka pa rin pala!" boses ni Mang Victor.
Nasa loob na rin pala ito ng kwarto ni Kurt.
Galing sa likod ay niyakap nito ang asawa. Mahigpit.

"Alam ko masakit pa rin sa'yo hanggang ngayon ang nangyari sa ating anak pero apatnapung araw na ang nakalipas, patahimikin na natin siya hindi 'yan makakatulong sa pagtawid niya sa kabilang buhay." lumuha na rin sa puntong 'yon ang amang si Mang Victor. Hindi bumitiw sa pagkakayakap sa asawa.

Pinakalma muna ni Aling Verna ang sarili. Humina ang paghikbi. Ilang sandali pa'y ibinaba na niya ang picture frame na kanyang yakap-yakap.


Nakapaloob sa picture frame ang larawan ng anak na si Kurt.
Maganda ang ngiti nito, punong-puno ng saya at pag-asa.

"Tara na, baba na tayo. Mag-ayos ka na at bibisita pa tayo sa sementeryo. Forty days ngayon ni Kurt." paanyaya ni Mang Victor habang pinupunasan ang luha sa mga mata. Tumayo at akmang lilisanin ang kwarto.

Biktima si Kurt ng marahas at walang-awang hazing ng fraternity na kanyang sinalihan. Fraternity, brotherhood o kapatirang dapat sana'y magiging sandigan ni Kurt sa mga oras na siya'y nangailangan ng tulong. Kapatirang ang layunin ay tapat na pagkakaibigan at tunay na samahan na ang turingan ay higit pa sa magkakapatid. Kapatirang dapat sana'y rerespeto sa karapatang pantao ng kanilang bawat miyembro. Ngunit ang kapatiran ding ito ang sumira sa masaya at buong pamilya at bumasag sa matayog na kinabukasan at pangarap ng binata.

Biktima si Kurt ng bayolente at walang saysay na kamatayan.

"Oo sige, mauna ka na at bababa na rin ako." tugon ng asawang nakatungo at pinupunasan ang tila 'di napipigilang luha.

♫♪"Cause, girl you're amazing Just the way you are..."♫♪ tinapos na muna ni Aling Verna ang kanta bago niya tuluyang nilisan ang kwarto ng anak.



4 comments:

  1. Wow... I actually didn't expect the twist. I thought baliw lang si Kurt because of an accident or something. Yun pala, larawan lang yun. *sigh*

    Being a frat member, na-experience ko nang ma-hazing at mang-hazing. I had my reasons kung bakit ako sumali, and I eventually learned na kahit i-explain ko yun, people will always have a hard time understanding me. So I gave up and just kept it to myself. Anyway, buti na lang at nasa medical profession ang members ng chapter namin, kaya may pagka-'safe' yung hazing procedures na dinaanan ko. Di gaya nung sa iba na walang habas at basta makapalo lang.

    Just sharing. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Mahabang diskusyunan ang tungkol sa fraternity pero palagi kong sinasabi: paano 'yung mga neophyte na hindi kaya ng katawan ng hazing?
      Ang nagsasabing okay naman ang hazing ay silang mga taong nakasurvive dito. Sana wala na lang hazing, sana ibang parusa na lang.
      I post this not to condemned and disgaree with the Fraternity. I respect them. Nakakainis lang kasi 'yung ibang member na hindi agad dinadala sa ospital 'yung neophyte na naaksidente baka sakaling naagapan at nasagip pa ang buhay. :(

      Delete
    2. 50/50 ang aking pananaw pagdating sa 'necessity' ng hazing sa pagsali sa isang fraternity. Nakita ko na kasi pareho yung advantages and disadvantages of both situations.

      Pero naintindihan ko yung mga views gaya nung iyo, Kuya Ramil. Maski ako naiinis dun sa frat members na nakakapatay ng neophyte nila. Nilulubog lalo nila ang sirang-sira nang reputasyon ng mga fraternity dito sa Pilipinas. Hindi sila marunong ng tamang hazing procedures; mas inuuna nila yung makapalo, kaysa sa status nung neophytes nila. *tsk tsk tsk*

      Delete
  2. Kinutuban nako nung una pa lang pagpasok ni aling Verna sa kwarto ng anak >_<

    Ang akin lang, nasan ang "brotherhood" na sinasabi nila sa fraternity kung puro karahasan naman ang mararanasan ng bawat myembro?

    ReplyDelete