Monday, July 7, 2014

Halusinasyon



Manhid na ako sa lasa ng alak.
Matagal na.
Hindi na ako naduduwag
sa taglay niyang tapang,
hindi na ako nalulunod
sa hatid niyang kemikal.


Tatangkain kong ulitin 
ang gabing nakaraan 
at ang ilan pang
gabing nagdaan, pipilitin
kong magpakalango
upang ako at ikaw'y
muling magtagpo.


Ang utak ko'y liyo
sa iyo at iyong alaala ---
nahihibang,
nangungulila.
Ako ay alipin,
ako ay alila
ng bigong pag-ibig ---
ng ispirutu
ng alak.


Nais kong magmula sa
kawalan ikaw ay magpakita
kasama ng iyong kariktan at
ng iyong halimuyak
na sumusuot
hanggang doon
sa aking
panaginip.


Gusto kong malango
at gumapang sa
labis na kalasingan
--- baka sakaling bumalik
ang lahat ng nangyari kagabi
at noong isang gabi
at nakaraang pang mga gabi.


Baka sakali.


Humulagpos ang isang
hikbi at bulong nang
makaidlip ako sa iyong
bisig upang humabi ng
sarili kong panaginip.
Pagkatapos mairaos
ang libog at makamundong
pagnanasa. Hindi namalayan
--- ikaw'y winalang bahala.


Gusto kong alamin
ang dahilan sa likod
ng madalas na pagtangis.
Ngunit tumanggi ka
'wala ito' sabi mo,
--- pinaniwalaan ko. Ngunit
mayroon pala at ngayo'y
wala ka na.
Wala na rin ako.


Hanggang ngayon,
umaalingawngaw pa rin
ang iyong tinig at
ang malulutong mong
halakhak sa aking
pag-uutak --- noong tayo pa.


Nakarehistro sa aking diwa
ang matamis mong ngiti,
ang maamo mong mukha,
ang lambing mo sa akin
sa tuwing ako'y susuyuin
--- noong tayo pa.


Ang iyong boses,
ang iyong tawa,
ang iyong luha
ang iyong alaala
ang kumukurot at gumugulo
sa aking pusong gumuguho
--- nang gumuguho, nang gumuguho.


Tinungga ko ang bote
nakapagtataka --- nalasahan ko
ang pait ng alak
gaya ng pait na
sinabi mo walumpu't anim
na gabi na ang nakalipas
"ayaw ko na, hindi na kita mahal"
hindi kita pinigilan, subalit
sa kabila ng hindi ko pagtanggi'y
gusto kong sabihing
"baka pwede pa nating ayusin?"


Umiral ang pride, putanginang pride.
Hindi kita masisi --- gago kasi ako
inakala kong okay ka
kahit alam kong hindi.
kahit alam kong may problema
inakala kong wala.


Sa pang-ilang lagok
bumalik ka na
kasama ng iyong kariktan
nalanghap ko ang iyong pabango,
narinig ko ang iyong tinig
umaalingawngaw ang iyong halakhak ---
sumigla ang puso kong gumuguho.


Paubos na ang alak sa bote
ilang lagok na lang ay simot na.
Habang ikaw ay nakaupo lang sa malungkot na sofang minsang naging kasangkapan at naging saksi ng ating hindi mabilang na pagniig sa tuwing gabi.
Nakatitig. Nakikiramdam. Walang emosyon.


Nais kong ikaw ay lumapit
patungo sa akin,
muling akayin
at lambingin,
at sariwain
ang damdamin,
muling damhin at
sagipin --- ang puso kong gumuguho.


Ang isip ko'y ligalig
gaya nang sa digmaan
gaya nang daluyong
ng karagatan ---
na tanging ikaw
ang makakapagpamayapa.


Tinungga ko ang bote
ng alak, sa pagdampi ko
ng labi sa bote'y
naalala ko ang lambot
ng iyong labi --- na sa
maraming pagkakataon
ay pumukaw sa magkasudlong
na pagmamahal at libog
ng aking nararamdaman.


Sinimot ko ang alak
hanggang sa kahuli-hulihang
patak --- muling gumuhit
sa aking lalamunan
ang malaasidong likido,
tumungo ito sa sikmura kong
umapaw at nalunod
sa bagsik na taglay
ng kemikal
--- ng alkohol.


Sabay sa pagligwak at
pagbulwak ng lahat ng
laman ng aking sikmura
ang paglaho ng iyong kaanyuan
at kagandahan,
ng iyong pabango,
ng iyong tinig,
ng iyong halakhak.


Muli, ang puso ko'y gumuguho ---
nang gumuguho, nang gumuguho.


Manhid na ako sa lasa ng alak.
Matagal na.
Hindi na ako naduduwag
sa taglay niyang tapang,
hindi na ako nalulunod
sa hatid niyang kemikal.
Akala ko.


---
Bukas, muli akong
magpapakalasing,
sa pamamagitan ng alak
ikaw'y aking kakatagpuin.

8 comments:

  1. Matinding pagmamahal na natapon ang naramdaman ko sa tula. Ramdam ko ang emosyon bro.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Siguro kahit fiction dapat mayroon pa ring emosyon.

      Delete
  2. Lunod na linond ako sa lungkot ng iyong tula... kaya ako ay tutunga ng alak para sabayan sya sa kanyang pagluluksa.

    Maganda sobra .

    ReplyDelete
    Replies
    1. Napakomento ka ms zeimaya, nalungkot din ako kasi parang sobrang depress ng karakter ng bida. ang tagal nya makamoved-on halos tatlong buwan na pero parang kahapon lang ang nangyari,

      salamat, salamat. balik ka ulit

      Delete
  3. Ganito ba talaga ang pakiramdam kapag sinayang at nabigo ka sa pag-ibig? Naiintindihan ko pero di ko maramdaman ng lubos hehehe. Ayokong masaktan lols.

    ReplyDelete
    Replies
    1. no feelings required ayos nang maappreciate ng bumabasa. hehe, masasaktan ka rin tandaan mo 'yan! haha parang pagbabanta. joke lang,

      salamat jep

      Delete
  4. awwwww. Sir mahusay ito. Ibang atake sa kinasanayan mo. Dati, si Essa at sir Jess lang ang hinahangaan ko sa pagsusulat na may kasamang alak at sigarilyo, ngayon kasama ka na nila. Lalong tumaas ang paghanga ko sa mga isinusulat mo. Di ko alam kung pangalawa o pangatlo mo na tong akda na may kasamang alak at yosi. Basta ang isa kong natatandaan yung isinali mo sa isang pakontest. Binali mo ang paniniwala ko. Hindi nawawala ang isang blogero kapag umiibig. hahaha sulat lang nang sulat.

    ReplyDelete
    Replies
    1. tinanggal ko muna 'yung yosi sa karakter ng 'halusinasyon' alak lang muna. binalak ko talaga mula sa usok lilitaw 'yung babae pero masyado ng hahaba saka parang okay naman na 'yung alak lang swabe na sa lalamunan at sa pag-uutak ang pagkalango.

      ewan ko ba, lahat yata gusto kong aralin hindi ko na alam kung saang kategorya ang mag-i-stick basta isinulat ko lang free flow, free verse, tapos. oo, si ms essa at si sir jh ang orihinal na sumusulat na nilalalahokan ng yosi at alak ang mga writings, sinubok ko lang din - so far umokay naman kaya lang parang pinopromote ko na ang bisyo sa mga akda ko at dapat magbayad na ang liquor at tobacco industry sa akin, haha.

      "Tara" ang title nung isinali ko SBA na may lahok na yosi at alak.

      siguro ako 'yung exemption na 'nawawala ang gana sa pagsusulat 'pag nagmamahal'.

      salamat sir joey sa pagdalaw.

      Delete