Showing posts with label high school life. Show all posts
Showing posts with label high school life. Show all posts

Monday, September 14, 2015

Reunion II





December 6, 2014. 6PM
Eksakto lang sa oras ang dating ko sa venue ng Get Together ng Marcelo Del Pilar HS Batch 94.
Kaunti lang ang customer ng restaurant. Siguro dahil medyo nakakatamad ang panahon -- maulan kasi, idagdag pang may kalamigan ang klima. Ngunit sa kabila nito alam kong hindi ang mga ito lang ang pipigil sa batch para um-attend sa naka-schedule na mini-reunion. Sila pa na matagal na hinintay at inabangan ang espesyal na araw na ito.


Walang pasok sa opisina namin kung Sabado pero pumasok ako.
Araw 'yon ng aking pahinga pero okay lang sa'kin na ipagpaliban ko ito.
Kahit may kalayuan ang Bulacan sa Max's 10th Avenue, Caloocan walang problema sa 'kin 'yon.
Dahil tulad ng maraming aattend sa event na ito, may kanya-kanya ring silang sakripisyo.


Bitbit ko ang paperbag na may lamang pang-exchange gift at kakarampot na lakas ng loob na may halong kapal ng mukha dahil sa ako ang naatasang gumawa at magbigay ng opening remarks sa batch. Hindi ako sanay na humarap at magsalita sa harap ng maraming tao pero teka sino ba ako para tumanggi? Ano ba naman kontribusyon kumpara sa partisipasyon ng iba? Sa edad kong ito -- wala akong karapatang mag-inarte. Siguro ituturing ko na lang na isang pribelehiyo ang gagawin kong ito.


'Yung totoo, hindi ako komportable sa ganitong klase ng pagtitipon, sa katunayan sa ilang ulit na mini-reunion o get-together ng batch - ito pa lang ang aking ikalawa.
May kaunting pangamba na naglalaro sa aking isip, mga pangambang alam kong nilikha lang ng pagiging paranoid ko. Iniisip kong baka ma-out of place ako o baka mabored lang ako at baka hindi ko maenjoy ang gabing ito. Wala kasi akong naging close ng husto noong nag-aaral pa ako sa Del Pilar. Sabi nila, introvert daw ang tawag dun. Ewan ko. Introvert na kung introvert pero kaya nga ako nagtungo rito para makisaya, makipagkwentuhan at para muling buksan ang nakaawang na pinto ng pagkakaibigan.


Sa third floor ang event pero sa ground floor pa lang ng building ay dinig na ang bahagyang dagundong ng bass speaker mula sa itaas kung saan ginaganap ang party-party. Kung ano ang tahimik at payapa ng mga nasa ground floor ay sigurado akong sobra naman ang ingay at gulo ng mga nilalang na nasa ikatlong palapag. Maingay hindi lang marahil sa tunog na nanggagaling mula sa subwoofer speaker kundi mula sa mga halakhak ng mga taong panandaliang babalikan ang kanilang kabataan.


"Sa third floor ser!" sabi ng isang waiter sa'kin na nagbukas sa akin ng pinto kahit wala pa akong tinatanong sa kanya kung saang floor ang event. Hindi na nga siguro maitatago pa ang edad ko sa kanya dahil alam na niyang sa 'Get Together' ng Batch 94 ang aking destinasyon.
Habang papaakyat ang elevator ay pilit kong ikinukubli ang aking kaba at ngiti.
Kaba dahil ano ba ang dapat kong asahan sa okasyong ito?
Ngiti dahil mula sa aking kinalalagyan ay dinig ko ang musikang aking pinakikinggan sa tuwing araw ng Biyernes, mga kantang nagpapaalala sa akin na minsan akong naging bata: Music from the 80's!

Bago pa makarating ng 3rd floor ang elevator na sinasakayan ko'y saglit kong ipinikita ang aking mata. At sabay sa pagbukas ng pinto ng elevator ay ang aking pagdilat. Bumalik ako sa pagkabata.


Marami na ang nasa loob.
Kahit saan ko idako ang mga mata ko'y larawan ng kasiyahan ang aking nakikita. Hindi mga 30+ years old na kalalakihan at kababaihan ang nasa harapan ko kundi mga kabataang nagtatawanan at nagkakatuwaan.
Gusto kong ituring na Time Warp o Time Machine ang anumang reunion -- malaki man ito o maliit. Gaya ng pagtitipong ito, gaya ng nararamdaman ng bawat isang naririto. Ano pa nga bang mas sasaya sa alaala ng iyong kabataan?
Ano pa nga bang mas nakakatuwa kung muli mong makita ang dating mga kaibigan?
Sino lang ba ang tanging makakarelate sa mga walang kwentang mga kwentuhan?
Sino nga ba ang makakaunawa kung sa sandaling ganito'y lumabas ang iyong mga kalokohan?


Komportable akong nakaupo sa isang upuang tanaw ang halos lahat ng mga naroroon. Pilit na nililibang ang sarili sa larong Candy Crush sa Tablet habang bukas ang isip at pandinig sa nangyayari sa paligid.
Napupuno ang lugar nang malalakas na tawanan at walang katapusang kumustahan mula sa dating magkakaibigang tila pilit na pinatatanda ng panahon. Sumasabay sa kanilang mga boses ang ayaw paawat at nag-aanyaya nang sayaw na pop at new wave songs na umaalingawngaw sa bawat sulok ng paligid na tila nagsasabing: "Hoy pansinin mo naman ako! Pakinggan mo naman ako! Sumayaw ka naman! Hindi ba gustong-gusto mo ako dati?"


Akala ko'y nalilibang ako sa paglalaro ko ng Candy Crush pero hindi pala. Dahil mas nalilibang ako sa katitingin at kahuhula kung sino 'yung tumawa ng malakas o kung sino 'yung may matamis na ngiti, kung sino 'yung maingay at magulo, kung sino 'yung aligaga sa pag-aasikaso sa lahat at kung sino ang dumarating sa pagbukas ng pinto. Para akong estudyanteng naatasan ng Teacher na isulat at ilista ang mga magugulo at maiingay sa klase.

Tila may sariling isip ang aking labi -- napangiti na rin ako.

Itinigil ko ang paglalaro ng Candy Crush at ako'y nakipagkwentuhan sa mga naroroon. Nagbabakasali ring makakalap ng kwentong  maisusulat sa blog. Ngunit higit pa pala sa kwento ang makukuha ko. Kwentong hindi lang dapat na pakinggan kundi mas dapat na intindihin at unawain. Kwentong hindi na kailangang isulat at muli pang ikwento kundi mas dapat na manatiling lihim at sikreto.
At sa likod ng dramarama sa mga kwentong ito ay naroroon pa rin ang kanilang harot, halakhak at kasiyahan.


Maya-maya pa'y nadagdagan pa ang ingay sa paligid dahil sa halos sabay-sabay na pagdating ng mga kabatch. May kanya-kanya silang ngiting baon -- mga ngiting pwedeng gawing poster ads ng commercial ng Close-Up o Hapee Toothpaste.
Sa pagdami ng mga tao, hudyat na ito na kaunting sandali na lang ay mag-uumpisa na ang event.


Ilang minuto pa'y nagsimula na nga ng programa.
Sinimulan ito sa isang maiksing panalangin, candle lighting, kaunting speech at sa inihanda kong three pages na opening remarks. Makalipas ang humigit-kumulang limang minutong pagbabasa na may kahalong nerbiyos at kapal ng apog natapos din sa wakas ang aking napahabang speech. Kahit hindi naman interesado ang iba sa aking pinagsasabi - masaya na rin akong naging bahagi ako at ang aking sinulat ng mahalagang okasyong ito.


Gaya ng inaasahan naging masaya ang lahat hindi lang dahil sa maharot na host ng event kundi dahil na rin sa inihandang parlor games, kabi-kabilang picture taking, exchange gifts at sa bonggang paraffle na ang grand prize ay tumataginting na php5,000.
Nabusog din ang lahat dahil ang pagkain ay hindi tinipid. May mga kabatch na nag-volunteer na mag-sponsor ng malamig na beer para sa mas makulit at mahaba-habang inuman. Dahil sa kalaliman ng gabi at sa layo ng aking uuwian nagpasya akong magpaalam kasama ng iba pa. Masaya akong uuwi katulad ng maraming pumarito.

Bagama't hindi man lang nabunot ang pangalan ko sa raffle mag-uuwi naman ako ng masayang alaalang higit pa sa isang papremyo.

- - - - - -
Sa pagtatakda ng ganitong klase ng School Reunion o Get Together sana'y 'wag tayong magdalawang-isip na magparticipate, makibahagi, makisaya at dumalo dahil ang kasiyahang dulot nito ay maghahatid ng kasiyahan, kasiyahang magiging bahagi ng ating nakaraan na walang katulad.
Isang alaalang hindi matutumbasan ng kung anupaman, alaalang paulit-ulit na magpapaalala sa ating lahat na masarap pa ring kasama at kakwentuhan ang mga taong kasabay nating mangarap noon.

Tunay nga na ang ganitong muling pagsasama-sama ang magbabalik sa ating kabataan.

Kahit sa alaala na lang. Kahit minsan lang. :)

Thursday, July 3, 2014

Reunion



"Welcome High School Batch 94!" Ito ang nakaimprenta sa tarpaulin na nakasabit sa labas ng eskwelahang may nakatakdang class reunion ngayong araw. Kapansin-pansin ito dahil sa laki ng kanyang sukat na halos sumakop na sa magkabilang kalsada ang haba.

Eksaktong dalawampung taon na ang nakararaan nang huli akong tumuntong sa lugar na ito. Lugar kung saan nabuo ang napakaraming alaala ng aking kabataan. Dito ako namulat sa aking unang 'pag-ibig', unang hithit ng yosi at unang lagok ng alak. Dito hinulma ang aking pagkatao at dito hinubog ang malaking bahagi ng aking buhay kung sino at ano ako ngayon.

Reunion. Isang okasyon kung saan nagtitipon at muling nagkikita ang dating magkaklase, dating magkakaibigan, dating nagkaalitan at dating magkasintahan. Isang pagtitipong tiyak na mapupuno ng tawanan, kumustahan, kwentuhan, pagbabalik-tanaw sa nakaraan, kulitan, harutan at panunumbalik ng samahan.

Maaga ako sa itinakdang oras na alas-kwatro ng hapon. Sinadya ko talaga ito dahil gusto ko kasing libutin muna ang kalakihan ng eskwelahang naging bahagi ng aking kabataan. Minalas ko ang oval kung saan ako tumatambay noon sa vacant hours ko sa klase paminsan-minsan dito rin namin isinasagawa ang pasimpleng tagayan ng matapang na Tanduay habang pilit na itinatago ang yosi kasama ang mga barkada kong walang bahid ng takot na mahuli

Ang dating open court na pinaglalaruan namin noon ng basketball ay covered court na ngayon. Nadagdagan na rin ng mga bleacher kung saan nanonood ang mga estudyante, parents, teachers at mga invited guests. Lumaki at gumanda ang stage kung saan dinaraos ang mga pagtatanghal tulad ng Foundation Day, Nutrition Month, Buwan ng Wika at iba pa. Nagdagdag na rin ng karagdagang banyo sa bawat palapag ng eskwelahan hindi tulad noon na isang banyo lang sa bawat palapag ng gusali. Naroon pa rin sa dati niyang kinalalagyan ang bantayog ng monumento ng bayani kung kanino ipinangalan ang aming eskwelahan. Marcelo H. Del Pilar High School.

Tinungo ko rin ang library kung saan minsanan ko na ring pinilas ang mga pahina ng ilang librong aking pinagdiskitahan. Lumawak pa ang dati nang malaking library dahil sinakop na nito ang dating bakanteng hallway. Nakakatuwa na may tig-apat na bentilador ngayon ang bawat silid-aralan ng eskwela na sa pagkakatanda ko ay tigdalawa lang dati.

Bagong pintura ang gusali. Hindi ko alam kung sinadya ito ng pamunuan ng eskwelahan dahil sa nakatakdang reunion o nagkataon lang at hindi talaga plinano. Bagama't pamilyar ako sa lugar dahil naging bahagi ito ng aking buhay sa loob ng apat na taon aaminin ko tila naninibago at naiilang ako.
Ang laki nang pagbabago at progreso ng eskwelahang aking kinagisnan dalawampung taon na ang nakararaan. Mahusay ang pamamalakad ng administrasyon ng paaralang ito, sabi ko sa sarili.

Sa nakita kong ito parang kinurot ang aking puso, mabuti pa ang dati kong eskwelahan umasenso at namintini ang ganda kahit dalawampung taon na ang nakalipas samantalang ang kapalaran ko'y tila napag-iwanan na ng panahon.

Hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa aking ikalawang taon ng pag-aaral ko ng criminology ay naaksidente si Papa. Napilitan akong kumayod ngunit walang matinong kompanya ang nais akong seryosohin kaya't siyam na taon na ako ngayong tricycle driver. 'Pag walang pasada, walang pera kaya kailangan talagang magtiyaga at magtiis para sa pamilya at dalawang anak na nag-aaral. Dalawang beses kong tinangka na maging OFW sa Qatar at Saudi ngunit dalawang beses din akong naloko ng illegak recruiter.

Magkahalong tuwa at kaba ang nararamdaman ko sa reuniong ito pero prinoblema ko ang isusuot ko para sa espesyal na araw na ito, kung hindi pa ako nakahiram ng mapormang polo sa barkada kong tricycle driver din malamang magmukha akong busabos ngayon.

Makalipas ang dalawampung taon nang lisanin ko ang mataas na paaralang ito bumabalik ang aking magaganda at masasayang alaala. Napapangiti ako at bigla tila nasasabik na muling makita ang aking naging crush, mga kaklase at naging kaibigan.

Makalipas ang isang oras hinanap ko ang lamesang nakalaan para sa aking section noon -  Section 13.

Nagpalista muna ako at idinikit sa aking damit ang sticker na nakaimprenta ang aking pangalan. Fernando Pandoy.
Sinadya kong ilagay ang sticker kung saan hindi ito kaagad makikita at mababasa, nakapaloob ito sa t-shirt na nasa ilalim ng aking polo. Isinuot ko ang mumurahing shades ngunit umaastang original, ipinatong ko ang cap sa aking ulo pilit na itinatago ang aking mukha. Balak ko munang magmasid at mag-obserba. Dumistansya ako sa dalawang mesang para sa aming section at umupo sa medyo hindi pansinsing puwesto.

Ilang sandali pa sabay na dumating ang dalawang lalaki. Kurt Sanchez at Harold Buenafe. Minalas ko ang kanilang mga suot, nais kong mahiya sa aking sarili. Siguro 'yung kabuuang halaga ng suot ko ngayon ay wala pa sa kalahati ng suot nilang sinturon. Barkada ko ang dalawang ito sila ang nagturo sa akin kung paano ang tamang paghithit ng yosi at sila rin ang unang nagpatikim sa akin ng alak.
Malutong ang kanilang tawanan sa tuwing humihinto sa kanilang pag-uusap. Maya-maya pa'y ibinibida na nila ang kani-kanilang mga trabaho sa buhay, kung ano-anong kotse ang mayroon sila at ang mga bansang kanilang napasyalan. Dinig na dinig ko 'yun mula sa aking kinauupuan. Hinalukipkip ko ang dalawa kong kamay sinisiguradong hindi mababasa ang aking pangalan. Ewan ko pero nakaramdam ako ng pangliliit sa aking sarili.

Unti-unti nang kumakapal ang mga tao. Naririnig ko na mula sa mga malalaking speaker ang mga patok na tugtog noong dekada nobenta. May nagtitest ng microphone at may umaasiste at sumasalubong sa mga teacher na dumarating.

Cecillia Dimaano. Agad kong tiningnan ang mukha niya. Hindi ako maaring magkamali ito ang Cecille na sobrang crush ko dati. Napangiti ako, naalala ko ang kanyang kagandahan noon. Bitbit niya ang Annual Book na tila kodigo ng isang estudyanteng kumukuha ng exam. Gusto ko siyang lapitan at kumustahin ngunit napigilan ko ang aking sarili. Bagama't banaag pa rin ang kanyang ganda sa tuwing siya'y ngingiti tila nawala na ang kislap nito. Kahit medyo lumapad na ang dati niyang balingkinitang katawan ay hindi ito naging hadlang upang mapahanga ang maraming lalaking naroon. Kabilang na ako.
Kausap niya ang isa pa naming kaklase na hindi ko gaanong close, narinig kong tatlo na ang anak niya at siya'y isang single mom. Nalungkot ako para sa kanya hindi dahil sa binasted niya ako noon kundi dahil hindi niya deserve ang ganoong klase ng buhay. Gusto ko tuloy maniwala na may dalang sumpa ang labis na kagandahan. Ang pinapangarap ko dati ay binasura lang ng iba ngayon.

Larry Genuino. Ang henyo ng klase. Simple lang ito sa suot nitong longsleeve na asul. Kita pa rin sa kanyang pagkilos ang hinangaan ng klase sa kanya noon. Inaasahan na ng lahat na matagumpay siya sa buhay. Sa talino niyang taglay napakadali para sa kanya na ipasa at tapusin ang anumang kursong naisin niya. Sa umpisa'y tumanggi pa siyang magkwento tungkol sa personal niyang buhay ngunit kalaunan ay ikinuwento na rin niya na ang propesyon niya'y may kinalaman sa linya ng video at photography. Malayo sa inaasahan ng lahat. Nagkibit-balikat ang iba, mayroong nakita kong umismid at tumaas ang kilay. Napailing lang ako.

"Hahaha! Si Fernando Pandoy?! 'Yung pandak na mukhang abnoy? Ewan ko kung darating 'yun balita ko sa squatter's area nakatira 'yun at tricycle driver lang!" si Peter Domingo ang nagkukwento kausap ang mayabang ding si Kurt at Harold. Si Peter ang itinuring kong bestfriend noong third year hanggang fourth year kaya hindi ko inaasahang marinin ang mga panlalait na 'yun mula sa kanya.
"E kaya ko lang naman pinakikisamahan 'yon noon kasi sa kanya ko pinagagawa ang mga assignment ko! Gagong 'yun mukhang abnoy! Hahaha!" at sabay-sabay na nagtawanan ang tatlo.

Kung pwede lang lumubog na ako sa labis na pagkapahiya ay ginawa ko na. Mabuti na lang at ikinubli ko muna kung sino ako kundi ay 'di ko malalamang mapagpanggap lang pala ang mga taong ito. Kaya ako nagtungo sa reuniong ito upang sumaya, makatagpo at makasalumha ang dating mga kaklaseng itinuring kong kaibigan hindi para apihin at pintasan ang aking katauhan.

"Isa ka nga sa pumipintas at nagsasabing Darwin's protegé ako noon e." kausap ni Zeny Mediola si Melvin San Jose. Sa tono ng pangungusap ni Zeny ay parang nanunumbat ito tila hindi nakalimutan ang asaran higit dalawampung taon na ang nakaraan. Ang 'Darwin's protegé' ay hango sa Theory of Evolution ni Charles Darwin at dahil hindi noon kagandahan si Zeny siya ang tampulan noon ng tukso. Hindi nakaimik si Melvin sa pagkakaalam ko kasi siya rin ang nagcoin ng salitang 'yon. Sa itsura ngayon ni Zeny na napakaganda at napakakinis ng kutis tila napahiya ng husto si Melvin. Hinala ko pinaghandaan ni Zeny ang araw na ito, gusto niyang ipamukha sa mga taong nang-api sa kanya noon kung gaano siya kaganda ngayon. Naalala ko ang pelikulang 'Babangon ako at Dudurugin Kita!' sa katauhan ni Zeny.

Magkasintahan noon si Arnold at Lovely. Nasipat ko sila sa ikalawang mesa na inilaan para sa aming section. Hindi ko dinig ang kanilang usapan ngunit kapansin-pansin ang lambing nila sa isa't isa, nagbubulungan, naghaharutan at nagpapalitan ng cellphone number. Sa pagkakaalam ko bago pa kami gumradweyt ay nagbreak na ang mga ito kaya marami sa mga classmate namin ang napapasulyap sa kanilang extra sweetness sa isa't isa.

"Konsehal. Konsehal De Luna ang itawag mo sa akin." ito ang bukambibig ni Walden De Luna sa mga alumni na bumabati at sumasalubong sa kanya. Nakaputing polo barong ito at may alalay na laging nakabuntot sa kanya. Kinakamayan niya ang mga dumarating na akala mo'y nasa kalagitnaan ng pangangampanya. Noon pa man ay maangas na itong si Walden, anak kasi ng konsehal at ngayon nga'y konsehal na rin ang gago. Kahit sandamakmak ang absent niya noon ay hindi bumabagsak si Walden sa alinmang subjects kunsabagay hindi naman ' yun nakapagtataka dahil malakas ang kanyang tatay sa eskwelahang ito. At sa pagiging pulitiko niya, akmang-akma ito sa kanyang mayabang na personalidad.

"Sa loob na lamang po ng dalawampung minuto ay mag-uumpisa na po ang ating programa." boses ng isa sa mga alumni ng eskwelahan na nasa higher section. Nag-aanunsyo ng pormal na pagbubukas ng Class Reunion sa ilang saglit.

Nakaramdam ako ng pagkaasiwa. Naa-out of place ako. Sa narinig kong mga patutsadahan, payabangan, panglalait, pagmamalaki ng mga achivements sa buhay tila hindi na ako nababagay sa lugar na ito. Nakapangliliit. Higit pa siguro sa panglalait ang kanilang gagawin sa akin kung sabihin ko sa kanilang ako'y isang tricycle driver lang.

Isang pagkakamali ang pagtungo ko rito, akala ko'y sasaya ako sa muling pagkikita at pagtitipon ng mga dating kaibigan at kaeskwela ngunit taliwas pala ito sa aking inasahan.

Maya-maya pa'y nagpalakpakan ang buong batch 94. Malakas. Puno ng sigla at yabang. Hudyat na uumpisahan na ang programa ng reunion. Kasabay sa pagtugtog ng school hymn ay ang pagtayo ko sa aking upuan. Sinipat ko muna ang kagandahan at kayumihan ni Cecille bago ako tuluyang lumayo. Muli akong napangiti.
Naglakad ako palabas, patungo sa gate ng aking alma mater. Nakita ko ring naglalakad ang dating magsyotang sina Arnold at Lovely tumungo naman ang mga ito sa bukas na pinto ng bakanteng classroom. Kanilang sinamantala ang kaabalahan ng karamihan.

Napailing na lamang ako.

Habang naglalakad naisip kong sayang ang tatlong daang pisong bayad sa ticket ng reunion. Pinanghinayangan ko ito dahil para sa tulad ko napakaimportante ng bawat pisong lumalabas sa bulsa ko. Hindi rin mawala sa isip ko na sana bumiyahe na lang ako ng tricycle kaninang umaga sana'y may mabuti pang nangyari sa maghapon ko pero ''di bale" aniko, magiging aral para sa akin ang araw na ito. Hindi na kailanman ako maabala sa anumang klaseng reunion.
Ang alaala ng aking kabataan ay isa nang nakaraang marapat lang na kalimutan.

Sa nakita kong mga eksena kanina gusto kong bigyang kahulugan ang reunion sa sarili kong karanasan.

Reunion - isang okasyon kung saan nagtitipon at muling nagkikita ang dating magkaklase, dating magkakaibigan, dating nagkaalitan at dating magkasintahan.
Isang pagtitipong tiyak na mapupuno ng tawanan, kumustahan, kwentuhan, pagbabalik-tanaw sa nakaraan, kulitan, harutan at panunumbalik ng samahan.

Isang okasyon kung saan hindi maiiwasang mawala ang kwentuhan at yabangan sa kanilang napagtagumpayan, sumbatan ng nakaraang alitan, pakiramdaman at pagpapanggap ng bawat isa. Isa ito sa nagiging susi upang magbigay daan sa pangangalunya ng naudlot na pagmamahalan ng dating magkasintahan.

Sa kabilang kalsada, eksaktong may dumaang jeep sa harap ko. Sa harap na ako umupo. Habang palayo'y muli kong nilingon ang tarpaulin na nakasabit sa labas ng eskwelahang may nakatakdang class reunion ngayong araw. Kapansin-pansin ito dahil sa laki ng kanyang sukat na halos sumakop na sa magkabilang kalsada ang haba.

At ang nakaimprenta doon: "Welcome High School Batch 1994!"