Showing posts with label kabiguan. Show all posts
Showing posts with label kabiguan. Show all posts

Thursday, July 3, 2014

Reunion



"Welcome High School Batch 94!" Ito ang nakaimprenta sa tarpaulin na nakasabit sa labas ng eskwelahang may nakatakdang class reunion ngayong araw. Kapansin-pansin ito dahil sa laki ng kanyang sukat na halos sumakop na sa magkabilang kalsada ang haba.

Eksaktong dalawampung taon na ang nakararaan nang huli akong tumuntong sa lugar na ito. Lugar kung saan nabuo ang napakaraming alaala ng aking kabataan. Dito ako namulat sa aking unang 'pag-ibig', unang hithit ng yosi at unang lagok ng alak. Dito hinulma ang aking pagkatao at dito hinubog ang malaking bahagi ng aking buhay kung sino at ano ako ngayon.

Reunion. Isang okasyon kung saan nagtitipon at muling nagkikita ang dating magkaklase, dating magkakaibigan, dating nagkaalitan at dating magkasintahan. Isang pagtitipong tiyak na mapupuno ng tawanan, kumustahan, kwentuhan, pagbabalik-tanaw sa nakaraan, kulitan, harutan at panunumbalik ng samahan.

Maaga ako sa itinakdang oras na alas-kwatro ng hapon. Sinadya ko talaga ito dahil gusto ko kasing libutin muna ang kalakihan ng eskwelahang naging bahagi ng aking kabataan. Minalas ko ang oval kung saan ako tumatambay noon sa vacant hours ko sa klase paminsan-minsan dito rin namin isinasagawa ang pasimpleng tagayan ng matapang na Tanduay habang pilit na itinatago ang yosi kasama ang mga barkada kong walang bahid ng takot na mahuli

Ang dating open court na pinaglalaruan namin noon ng basketball ay covered court na ngayon. Nadagdagan na rin ng mga bleacher kung saan nanonood ang mga estudyante, parents, teachers at mga invited guests. Lumaki at gumanda ang stage kung saan dinaraos ang mga pagtatanghal tulad ng Foundation Day, Nutrition Month, Buwan ng Wika at iba pa. Nagdagdag na rin ng karagdagang banyo sa bawat palapag ng eskwelahan hindi tulad noon na isang banyo lang sa bawat palapag ng gusali. Naroon pa rin sa dati niyang kinalalagyan ang bantayog ng monumento ng bayani kung kanino ipinangalan ang aming eskwelahan. Marcelo H. Del Pilar High School.

Tinungo ko rin ang library kung saan minsanan ko na ring pinilas ang mga pahina ng ilang librong aking pinagdiskitahan. Lumawak pa ang dati nang malaking library dahil sinakop na nito ang dating bakanteng hallway. Nakakatuwa na may tig-apat na bentilador ngayon ang bawat silid-aralan ng eskwela na sa pagkakatanda ko ay tigdalawa lang dati.

Bagong pintura ang gusali. Hindi ko alam kung sinadya ito ng pamunuan ng eskwelahan dahil sa nakatakdang reunion o nagkataon lang at hindi talaga plinano. Bagama't pamilyar ako sa lugar dahil naging bahagi ito ng aking buhay sa loob ng apat na taon aaminin ko tila naninibago at naiilang ako.
Ang laki nang pagbabago at progreso ng eskwelahang aking kinagisnan dalawampung taon na ang nakararaan. Mahusay ang pamamalakad ng administrasyon ng paaralang ito, sabi ko sa sarili.

Sa nakita kong ito parang kinurot ang aking puso, mabuti pa ang dati kong eskwelahan umasenso at namintini ang ganda kahit dalawampung taon na ang nakalipas samantalang ang kapalaran ko'y tila napag-iwanan na ng panahon.

Hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa aking ikalawang taon ng pag-aaral ko ng criminology ay naaksidente si Papa. Napilitan akong kumayod ngunit walang matinong kompanya ang nais akong seryosohin kaya't siyam na taon na ako ngayong tricycle driver. 'Pag walang pasada, walang pera kaya kailangan talagang magtiyaga at magtiis para sa pamilya at dalawang anak na nag-aaral. Dalawang beses kong tinangka na maging OFW sa Qatar at Saudi ngunit dalawang beses din akong naloko ng illegak recruiter.

Magkahalong tuwa at kaba ang nararamdaman ko sa reuniong ito pero prinoblema ko ang isusuot ko para sa espesyal na araw na ito, kung hindi pa ako nakahiram ng mapormang polo sa barkada kong tricycle driver din malamang magmukha akong busabos ngayon.

Makalipas ang dalawampung taon nang lisanin ko ang mataas na paaralang ito bumabalik ang aking magaganda at masasayang alaala. Napapangiti ako at bigla tila nasasabik na muling makita ang aking naging crush, mga kaklase at naging kaibigan.

Makalipas ang isang oras hinanap ko ang lamesang nakalaan para sa aking section noon -  Section 13.

Nagpalista muna ako at idinikit sa aking damit ang sticker na nakaimprenta ang aking pangalan. Fernando Pandoy.
Sinadya kong ilagay ang sticker kung saan hindi ito kaagad makikita at mababasa, nakapaloob ito sa t-shirt na nasa ilalim ng aking polo. Isinuot ko ang mumurahing shades ngunit umaastang original, ipinatong ko ang cap sa aking ulo pilit na itinatago ang aking mukha. Balak ko munang magmasid at mag-obserba. Dumistansya ako sa dalawang mesang para sa aming section at umupo sa medyo hindi pansinsing puwesto.

Ilang sandali pa sabay na dumating ang dalawang lalaki. Kurt Sanchez at Harold Buenafe. Minalas ko ang kanilang mga suot, nais kong mahiya sa aking sarili. Siguro 'yung kabuuang halaga ng suot ko ngayon ay wala pa sa kalahati ng suot nilang sinturon. Barkada ko ang dalawang ito sila ang nagturo sa akin kung paano ang tamang paghithit ng yosi at sila rin ang unang nagpatikim sa akin ng alak.
Malutong ang kanilang tawanan sa tuwing humihinto sa kanilang pag-uusap. Maya-maya pa'y ibinibida na nila ang kani-kanilang mga trabaho sa buhay, kung ano-anong kotse ang mayroon sila at ang mga bansang kanilang napasyalan. Dinig na dinig ko 'yun mula sa aking kinauupuan. Hinalukipkip ko ang dalawa kong kamay sinisiguradong hindi mababasa ang aking pangalan. Ewan ko pero nakaramdam ako ng pangliliit sa aking sarili.

Unti-unti nang kumakapal ang mga tao. Naririnig ko na mula sa mga malalaking speaker ang mga patok na tugtog noong dekada nobenta. May nagtitest ng microphone at may umaasiste at sumasalubong sa mga teacher na dumarating.

Cecillia Dimaano. Agad kong tiningnan ang mukha niya. Hindi ako maaring magkamali ito ang Cecille na sobrang crush ko dati. Napangiti ako, naalala ko ang kanyang kagandahan noon. Bitbit niya ang Annual Book na tila kodigo ng isang estudyanteng kumukuha ng exam. Gusto ko siyang lapitan at kumustahin ngunit napigilan ko ang aking sarili. Bagama't banaag pa rin ang kanyang ganda sa tuwing siya'y ngingiti tila nawala na ang kislap nito. Kahit medyo lumapad na ang dati niyang balingkinitang katawan ay hindi ito naging hadlang upang mapahanga ang maraming lalaking naroon. Kabilang na ako.
Kausap niya ang isa pa naming kaklase na hindi ko gaanong close, narinig kong tatlo na ang anak niya at siya'y isang single mom. Nalungkot ako para sa kanya hindi dahil sa binasted niya ako noon kundi dahil hindi niya deserve ang ganoong klase ng buhay. Gusto ko tuloy maniwala na may dalang sumpa ang labis na kagandahan. Ang pinapangarap ko dati ay binasura lang ng iba ngayon.

Larry Genuino. Ang henyo ng klase. Simple lang ito sa suot nitong longsleeve na asul. Kita pa rin sa kanyang pagkilos ang hinangaan ng klase sa kanya noon. Inaasahan na ng lahat na matagumpay siya sa buhay. Sa talino niyang taglay napakadali para sa kanya na ipasa at tapusin ang anumang kursong naisin niya. Sa umpisa'y tumanggi pa siyang magkwento tungkol sa personal niyang buhay ngunit kalaunan ay ikinuwento na rin niya na ang propesyon niya'y may kinalaman sa linya ng video at photography. Malayo sa inaasahan ng lahat. Nagkibit-balikat ang iba, mayroong nakita kong umismid at tumaas ang kilay. Napailing lang ako.

"Hahaha! Si Fernando Pandoy?! 'Yung pandak na mukhang abnoy? Ewan ko kung darating 'yun balita ko sa squatter's area nakatira 'yun at tricycle driver lang!" si Peter Domingo ang nagkukwento kausap ang mayabang ding si Kurt at Harold. Si Peter ang itinuring kong bestfriend noong third year hanggang fourth year kaya hindi ko inaasahang marinin ang mga panlalait na 'yun mula sa kanya.
"E kaya ko lang naman pinakikisamahan 'yon noon kasi sa kanya ko pinagagawa ang mga assignment ko! Gagong 'yun mukhang abnoy! Hahaha!" at sabay-sabay na nagtawanan ang tatlo.

Kung pwede lang lumubog na ako sa labis na pagkapahiya ay ginawa ko na. Mabuti na lang at ikinubli ko muna kung sino ako kundi ay 'di ko malalamang mapagpanggap lang pala ang mga taong ito. Kaya ako nagtungo sa reuniong ito upang sumaya, makatagpo at makasalumha ang dating mga kaklaseng itinuring kong kaibigan hindi para apihin at pintasan ang aking katauhan.

"Isa ka nga sa pumipintas at nagsasabing Darwin's protegé ako noon e." kausap ni Zeny Mediola si Melvin San Jose. Sa tono ng pangungusap ni Zeny ay parang nanunumbat ito tila hindi nakalimutan ang asaran higit dalawampung taon na ang nakaraan. Ang 'Darwin's protegé' ay hango sa Theory of Evolution ni Charles Darwin at dahil hindi noon kagandahan si Zeny siya ang tampulan noon ng tukso. Hindi nakaimik si Melvin sa pagkakaalam ko kasi siya rin ang nagcoin ng salitang 'yon. Sa itsura ngayon ni Zeny na napakaganda at napakakinis ng kutis tila napahiya ng husto si Melvin. Hinala ko pinaghandaan ni Zeny ang araw na ito, gusto niyang ipamukha sa mga taong nang-api sa kanya noon kung gaano siya kaganda ngayon. Naalala ko ang pelikulang 'Babangon ako at Dudurugin Kita!' sa katauhan ni Zeny.

Magkasintahan noon si Arnold at Lovely. Nasipat ko sila sa ikalawang mesa na inilaan para sa aming section. Hindi ko dinig ang kanilang usapan ngunit kapansin-pansin ang lambing nila sa isa't isa, nagbubulungan, naghaharutan at nagpapalitan ng cellphone number. Sa pagkakaalam ko bago pa kami gumradweyt ay nagbreak na ang mga ito kaya marami sa mga classmate namin ang napapasulyap sa kanilang extra sweetness sa isa't isa.

"Konsehal. Konsehal De Luna ang itawag mo sa akin." ito ang bukambibig ni Walden De Luna sa mga alumni na bumabati at sumasalubong sa kanya. Nakaputing polo barong ito at may alalay na laging nakabuntot sa kanya. Kinakamayan niya ang mga dumarating na akala mo'y nasa kalagitnaan ng pangangampanya. Noon pa man ay maangas na itong si Walden, anak kasi ng konsehal at ngayon nga'y konsehal na rin ang gago. Kahit sandamakmak ang absent niya noon ay hindi bumabagsak si Walden sa alinmang subjects kunsabagay hindi naman ' yun nakapagtataka dahil malakas ang kanyang tatay sa eskwelahang ito. At sa pagiging pulitiko niya, akmang-akma ito sa kanyang mayabang na personalidad.

"Sa loob na lamang po ng dalawampung minuto ay mag-uumpisa na po ang ating programa." boses ng isa sa mga alumni ng eskwelahan na nasa higher section. Nag-aanunsyo ng pormal na pagbubukas ng Class Reunion sa ilang saglit.

Nakaramdam ako ng pagkaasiwa. Naa-out of place ako. Sa narinig kong mga patutsadahan, payabangan, panglalait, pagmamalaki ng mga achivements sa buhay tila hindi na ako nababagay sa lugar na ito. Nakapangliliit. Higit pa siguro sa panglalait ang kanilang gagawin sa akin kung sabihin ko sa kanilang ako'y isang tricycle driver lang.

Isang pagkakamali ang pagtungo ko rito, akala ko'y sasaya ako sa muling pagkikita at pagtitipon ng mga dating kaibigan at kaeskwela ngunit taliwas pala ito sa aking inasahan.

Maya-maya pa'y nagpalakpakan ang buong batch 94. Malakas. Puno ng sigla at yabang. Hudyat na uumpisahan na ang programa ng reunion. Kasabay sa pagtugtog ng school hymn ay ang pagtayo ko sa aking upuan. Sinipat ko muna ang kagandahan at kayumihan ni Cecille bago ako tuluyang lumayo. Muli akong napangiti.
Naglakad ako palabas, patungo sa gate ng aking alma mater. Nakita ko ring naglalakad ang dating magsyotang sina Arnold at Lovely tumungo naman ang mga ito sa bukas na pinto ng bakanteng classroom. Kanilang sinamantala ang kaabalahan ng karamihan.

Napailing na lamang ako.

Habang naglalakad naisip kong sayang ang tatlong daang pisong bayad sa ticket ng reunion. Pinanghinayangan ko ito dahil para sa tulad ko napakaimportante ng bawat pisong lumalabas sa bulsa ko. Hindi rin mawala sa isip ko na sana bumiyahe na lang ako ng tricycle kaninang umaga sana'y may mabuti pang nangyari sa maghapon ko pero ''di bale" aniko, magiging aral para sa akin ang araw na ito. Hindi na kailanman ako maabala sa anumang klaseng reunion.
Ang alaala ng aking kabataan ay isa nang nakaraang marapat lang na kalimutan.

Sa nakita kong mga eksena kanina gusto kong bigyang kahulugan ang reunion sa sarili kong karanasan.

Reunion - isang okasyon kung saan nagtitipon at muling nagkikita ang dating magkaklase, dating magkakaibigan, dating nagkaalitan at dating magkasintahan.
Isang pagtitipong tiyak na mapupuno ng tawanan, kumustahan, kwentuhan, pagbabalik-tanaw sa nakaraan, kulitan, harutan at panunumbalik ng samahan.

Isang okasyon kung saan hindi maiiwasang mawala ang kwentuhan at yabangan sa kanilang napagtagumpayan, sumbatan ng nakaraang alitan, pakiramdaman at pagpapanggap ng bawat isa. Isa ito sa nagiging susi upang magbigay daan sa pangangalunya ng naudlot na pagmamahalan ng dating magkasintahan.

Sa kabilang kalsada, eksaktong may dumaang jeep sa harap ko. Sa harap na ako umupo. Habang palayo'y muli kong nilingon ang tarpaulin na nakasabit sa labas ng eskwelahang may nakatakdang class reunion ngayong araw. Kapansin-pansin ito dahil sa laki ng kanyang sukat na halos sumakop na sa magkabilang kalsada ang haba.

At ang nakaimprenta doon: "Welcome High School Batch 1994!"

Thursday, December 13, 2012

Kathang-isip



 
"Sa kathang-isip ikaw ay aking katotohanan, sa katotohanan ikaw ay aking kathang-isip."

Sana maibalik ko ang panahong hindi kita nakilala.
Mali. Sana maibalik ko ang panahong hindi ka lubos na nakilala ~ hindi na lumalim pa ang ating samahan. Sana nanatili lang tayong magkakilala ~ alam mo ang pangalan ko at ganun din ako sa'yo. Hindi na sana tayo naging magkaibigan ~ hindi sana nagising at nagulo ang damdamin na ngayo'y lito. Sana nanatili na lang ako kung saan ako naroon at hindi ka na rin lumapit kung saan ako nagtungo.
Hindi ko alam kung dapat akong magpasalamat nang makasalubong ka sa landas na tinatahak pero ang iyong mabining ngiti ay lihim kong kinagagalak.

Mainam ang daloy ng aking mundo bago mo pa ko datnan; sumasabay sa agos, nililipad ng hangin; nalulubog ngunit umaahon, nadadapa ngunit bumabangon.
Isang maling akala na isipin kong ako'y lubos na matatag; na pinatatag ng iba't ibang unos na dumaluyong at matapang na sinalubong ngunit wala rin pala akong ipinagkaiba sa iba, isa rin pala akong marupok na hikahos paglabanan ang nararamdaman. Ngunit kailangang ito'y ikubli at ipinid dahil 'di ko nais ang pagkakaibigan ay magkalamat.

Matatawag bang kasinungalingan kung hindi sasabihin ang buong katotohanan?
Paano kung ang katotohanang ito ang siyang maghahatid sa tiyak na kapahamakan?
Matatawag bang kasalanan kung pananatilihing lihim ang nararamdaman? O ang suwail na damdamin ang siya mismong kasalanan?
Itatakwil ba ako ng langit kung ilalahad ang saloobin ng puso? O itatanggi ako ng impiyerno kung itatakwil ko ang iyong pagkatao?

Ikaw ang dikta ng puso, ikaw ang naglalaro sa isip. Hindi ko ito gusto pero hindi madali na ito'y sagupain. Iniisip pa lang kita nasasabik na ako. Naaalala ko pa lang ang tinig mo ay naririnig ko agad ang mumunting tinig na saki'y umuusig. Tumatangis ako kasama ng aking mga gabi ngunit sumasaya habang naaalala ang iyong ngiti. Sumisigaw ang aking diwa at alingawngaw lang ng iyong ngalan ang siyang naghahari. Naliligaw ang kaluluwa, hinahagilap ka at ang iyong alaala.
Panaginip ko'y ikaw, pangarap ko'y kasalanan.

Gusto kong samahan ka sa isang paglalakbay ngunit nakagapos ang aking mga paa, 'di makalapit, 'di makahakbang.
Gusto kong hawakan ang iyong mga kamay ngunit ako ay mahigpit na nakaposas, walang susi, 'di makatakas.
Nais kang bulungan ng nangungulila kong tinig sasambitin ang mga salitang mula sa aking dibdib ngunit ako'y isang pipi na nais lang ay nakamasid.
Gusto kong kulungin ka sa aking mga bisig yayapusin at sasamantalahin ang bawat sandaling ikaw'y kapiling ngunit ang maling panahon ang siyang ating balakid.
Nais kong gawin ang mga bagay na magpapaligaya sa'yo ngunit anong aking gagawin hindi ako itinakda para sa'yo.
Alam kong dumating ka hindi para sa akin ngunit labis ko nang ikinasiya na minsan sa aking panahon ikaw ay nakapiling.

Higit na mapalad nga ang ating paningin dahil maari nitong piliin ang nais nitong mamasid ngunit hindi ang ating puso dahil ang nararamdaman niya'y hindi niya kayang uriin at piliin. Isa lang akong anino sa kadiliman na kasiping ang kalungkutan.
Naiisip ko pa lang ang iyong ngiti nadadagdagan na ang aking kasalanan. Ngunit higit naman ang saya sa tuwing nakikita kitang nakatawa. May magagawa ba ako kung hindi ako inilaan para sa'yo? May magagawa ka ba kung mas pipiliin ko ang lumayo?

Para kang kriminal na ginagahasa ang aking pag-uutak.
Para kang pusakal na tinutugis ang aking mga gabi.
Ako nama'y pulubi na nag-aalangang lumimos ng iyong pagtingin.
Mahal kita pero hindi kita kailangan. Umalis ka na dahil hindi ako handa sa isa pang kasalanan.

Sunday, December 9, 2012

Manny Pacquiao and the Filipino Pride



At lahat ng pagbubunyi'y naglaho.
Natahimik ang lahat. Hindi makapaniwala. Nawindang nang sa bihirang pagkakataon si Manny Pacquiao ay humalik sa lona. Walang sumisigaw at nagshout-out ng "I'm Proud to be Filipino!". Kung bakit ba naman kasi nakadepende ang Filipino Pride sa iilang tao lang, katulad ni Manny Pacquiao. Paano kung dumating ang sandaling hindi na niya makuhang maipagtanggol ang Filipino Pride? Paano kung kabiguan ang kanyang maihatid sa kanyang kababayan sa halip na katagumpayan? Paano kung lahat nang inasaahan sa kanya ay 'di na niya matupad? Tila dumating na nga ang araw na iyon, gabi ng Disyembre 8, 2012 nang malasap ni Manny ang sinasabing pinakamalalang talo niya sa kasaysayan ng Boksing.

Nasaan na ang dati'y nagbubunyi at nang-aalipusta sa lahi ng Mexicano noong sunod-sunod ang tagumpay ni Manny? Dahil ba sa pagkakataong ito na nabigo si Manny ay aalipustahan na rin nila ang dating idolo? Anong lohika ba meron ang mga Pilipino at dapat nating ipangalandakan at ipagyabang sa mundo ang ating lahi sa tuwing mayroong isang ating kababayan na pumapaimbulog sa kanyang larangan? Sila na mas mayabang at mas maangas pa kaysa sa nag-uwi ng tagumpay at karangalan. Paano kung sila'y matalo at mabigo...ibig bang sabihin nun na wala na tayong dapat na ikarangal? In the first place, dapat bang tayo'y magmayabang? Hindi ba't mas kapuri-puri ang may mababang kalooban at mapagkumbaba? Sino ba kasi ang nag-imbento ng slogan na "I'm proud to be Filipino!"? Uulitin ko, ang karangalan ng lahi ay hindi dapat nakasalalay sa iilang taong matagumpay dapat ito'y pinagsama-samang mabuting asal, talino, talento o tagumpay ng isang lahi katulad ng tagumpay ng mga Hapon sa larangan ng teknolohiya, ang tunay na pagmamahal at pagtangkilik ng mga Koreano sa kanilang bansa, ang progresibong mentalidad ng mga Briton at solidong pagpoprotekta ng batas ng mga Amerikano, at marami pang iba. May naisip ka bang pwedeng ipangtapat dito?

Si Manny Pacquiao ay itinuring ng marami nating kababayan na Superhero. Superhero na hindi nadadaig at hindi nagagapi ng mga kalaban, handang tumulong anumang oras, hinahangaan at tinitingala ng ninoman. Subalit nakalimutan natin na siya'y tulad din natin, mortal; na anumang oras ay maaring magapi at masawi. Ang sinumang nasa itaas na nasa kalagitanaan ng rurok ng tagumpay ay nakatakda at wala nang ibang pupuntahan kundi ang bumaba at iba pa nga'y malakas ang pagbasak. Katulad ng paglagapak ng napakaraming tao na inakalang habangbuhay ang tinatamasang tagumpay. Lahat ng bagay na nasa atin ay hiram lamang magmula sa anumang suot mo hanggang sa mga ari-arian mo hanggang sa posisyong kinalalagyan mo ngayon. Darating ang panahon na tayo'y kukupas at lilipas kasama rin dapat ito sa ating inaasahan at pinaghahandaan.

"Sometimes we win, sometimes we lose".
Ito ang pahayag ni Manny pagkatapos ng kanyang nakadidismayang laban. Mabuti pa ang taong ito na itinaya ang buhay at karangalan ay marunong tumanggap ng pagkatalo hindi tulad ng napakaraming mga tao na palaging nagrereklamo at nag-aalibi sa tuwing mabibigo. Maaring sa umpisa'y hindi muna lubos na matanggap ang kasawian pero hindi dahilan ito para mapako at malubog kung saan ka sumubasob. Ngunit ang higit na nakakadismaya ay ang biglaang pagkambyo ng dating masugid na taga-suporta ni Manny; sila na ubod-yabang sa tuwing mananalo si Manny pero ngayo'y puro pintas ang lumalabas sa bibig patungkol sa lifestyle ng asawang si Jinkee hanggang sa kanyang ina na si Mommy D. Palagi na lang tayong may dahilan, palagi na lang tayong naghahanap ng escape goat, palagi na lang tayong naghahanap ng pagkakatuwaan.

Tunay ngang ang tadhana'y merong trip na makapangyarihan. Sino bang mag-aakala na pagkatapos pasukuin at gibain ni Manny ang higit na malalaking kinalaban niya na tulad nina Dela Hoya, Cotto, Hatton at iba pa, isang hindi kalakihang si Marquez ang magpapabagsak at literal na magpapalugmok sa kanya. Sa panahong mayroon tayong inaasahan pag pinagtripan ka ng tadhana wala kang magagawa. Sa panahong labis ang iyong excitement biglang may sasalubong na masamang balita. Sa panahong labis ang iyong tiwala sa sarili mong kakayahan doon ka pa mabibigo at iyan nga ang nangyari kay Manny.

Maaring nakatakdang matalo si Manny para ipaalala sa atin na parati at palaging may nakahihigit sa taglay nating lakas, talino at talento. Habang tinitingnan o binabasa ko noon kung paano laiitin, murahin at alipustahin ang mga tinalo noon ni Manny, napapailing ako. Paano kung sa atin ito gawin? Higit na bayolenteng reaksyon ang ating igaganti dahil ang mga Pilipino ay balat-sibuyas; na kaunting puna lang ng mga kritiko ay agad tayong nag-aalburuto, kaunting pintas lang sa ating magaspang na ugali agad tayong magrereklamo samantalang ang hilig din nating mamintas, kaunting paglalahad lang ng kalagayan ng ating bansa o krimeng nagaganap pabubulaanan natin ito sa halip na aksyonan at solusyunan.

You can not serve two masters at the same time.
Kung hindi ka naniniwala dito, maniwala ka na. Isang malaking halimbawa dito si Manny Pacquiao. Simula nang siya'y mag multi-tasking bumababa ang kalidad ng kanyang paglalaro ng boksing dahil nga sa dami ng kanyang pinagkakaabalahan. Ninais niyang maging artista, recording artist, producer, host, all-around athlete, pastor, congressman o lingkod-bayan, pilantropo, negosyante, commercial endorser bukod pa sa pagmamahal niya sa pagbo-boksing. Sadya ngang ang tao'y walang kakuntetuhan. Kung ano ang hawak o taglay mo ngayon darating ang panahon na mag-aasam ka ng higit pa dito. Kung ano ang posisyon mo ngayon asahan mong aambisyonin mong higitan ito. Kung paano mo hawakan ang tagumpay na hawak mo ngayon ay mahirap panatilihin ngunit hindi naman talaga kailangang hawakan ng habangbuhay ang katagumpayan ang dapat lang ay maluwag sa dibdib nating ito'y bitawan at ipasa ito sa ibang may karapatan din. Walang panghabangbuhay lahat ay nakatakdang magwakas katulad ng posibleng pagwawakas ng karera sa boksing ni Manny Pacquiao. Ngunit sa pagtatapos na ito tiyak na may magbubukas ng isang bagong hamon at isang magandang simula.

Buksan ang bagong pahina ng libro mayroon ding iba pang ibang gumagawa ng bagong istorya at kasaysayan. Isantabi muna ang Filipino Pride na maangas. Moved on na Pilipinas.

Wednesday, July 18, 2012

Libingan



Kantang hindi naawit
Tulang hindi nasambit
Musikang 'di naihimig
Sayaw na 'di namasid


Librong 'di naisulat
Kwentong 'di nasiwalat
Pangakong napako
Pag-ibig na pinaglayo


Bahay na 'di naitayo
Haliging iginupo
Palasyong gumuho
Ilaw na naglaho


Katarungang ipinagkait
Tinig na 'di narinig
Katotohanang sinantabi
Lihim na naikubli


Pangarap na nahawi
Pag-asang iwinaksi
Lumuluhang ngiti
Kaluluwang humihikbi


Kahapong may galak
Ngayon na umiiyak
Bukas na 'di tiyak
Kaligayahang isinadlak


Nanunuot na pighati
Sumusundot na dalamhati
Panaginip na bangungot
Alaalang puno ng lungkot