Showing posts with label kalayaan. Show all posts
Showing posts with label kalayaan. Show all posts

Monday, December 29, 2014

Bukas Na Liham Para Kay Gat Jose Rizal

Mahal kong Dr. Jose Rizal,

Disyembre 30 na naman. Holiday dahil araw ng iyong kadakilaan. Nagpapasalamat ang mga Pilipino sa’yo kasi dahil sa pagkamatay mo mahaba ang kanilang bakasyon, sumabay kasi ito sa selebrasyon ng Bagong Taon. Nakakatawa dahil tila limot na ng karamihan ang mga dahilan kung ano ang iyong ipinaglaban. Mas nae-excite sila sa pagpapaputok ng fireworks sa gabi ng Disyembre 31 kaysa pag-aralan, ipagdiwang o isapuso ang kasarinlang aming nakamtan dahil sa iyo at iba pang mga bayani ng bayan.


Kung nabubuhay ka kaya sa panahong kasalukuyan, ano kaya ang masasabi mo sa kalagayan ng ating lipunan?
Matuwa ka kaya dahil nagtatamasa ang lahat ng “Kalayaan”?
Hindi ka kaya nagsisisi dahil naging mapagmalabis ang maraming pilipinong dapat sana’y nag-aaruga sa ating Inang Bayan?
Masasabi mo kayang sulit ang pagbuwis ng iyong buhay para sa kapakanan ng mga Pilipino ng sumunod na henerasyon?


Marami pa rin naman ang nakakakilala sa’yo bilang aming pambansang bayani, marapat lang. Ngunit marami rin kaya ang nakakaalam sa mga sakripisyo at ginawa mo sa bayan sa panahong kasalukuyan? Ewan. Dahil sa dami ng mga nagsasamantala sa bayang iyong ipinaglaban sa kalayaan higit sa isandaang taon na ang nakararaan, hindi ko na mawari kung tuluyan na nga nilang kinalimutan ang pagmamahal at pagmamalasakit mo sa bayan, naibaon na rin marahil ang istorya sa likod ng katapangang ipinakita mo laban sa mapanupil at mananakop na mga kastila.


Halaw sa isang sinulat mo dati; “Aanhin mo ang kalayaan ng mga tinapakan kung bukas sila naman ang maghahari-harian.” pagkalipas ng mahigit isang siglong kasarinlan tila ganoon na nga rin ang nangyayari, ang salinglahi ng mga tinapakan, niyurakan at ipinaglaban mo noon ay sila ngayon ang hari at naghaharian sa ating bansa. Sila mismo ang dumudungis at hindi nagmamahal sa bayang iyong sinilangan.  Nawala na nga ang monarykiya ng Bansang Espanya ngunit nanatili naman ang mga hari sa iba’t ibang anyo at iba’t ibang kapuluan. Nakakalungkot. Sa halip na magtulungan ang lahat upang magpaunlad ang bansa, sa halip na maglingkod para sa bayan – ang mga makapangyarihan ay  kadalasang mas masahol pa sa hari, mas sakim pa sa ganid, mas malupit pa sa berdugo.


Nasaan na kaya ang iyong tinuran at nagmarka sa isip ng karamihan na: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Tunay ngang kabataan sana ang pag-asa at mag-aahon sa nakasadlak na inang-bayan, ngunit taliwas at tila iba ang nangyayari sa kasalukuyan. Marami sa kabataan ang napapariwara at nalululong sa iba’tibang bisyo, marami ang bukas ang pag-iisip sa usaping seksuwal na nagreresulta sa maagang pag-aasawa, maraming palaboy at kapos sa edukasyon, marami ang katulad ng iba pang desperado at patungo sa kawalan ng pag-asa.
Ngunit batid kong mayroon pa ring kabataan ang mabubuti at matitino, sila na huhubog at papanday para sa magandang kinabukasan ng bansang Pilipinas.



Kahit kapiraso na lang, gusto ko pa ring mangarap na hindi pa lubusang huli ang lahat para magbago, may  pag-asa pang sisilay sa bansa mo katulad ng pag-asang iyong tangan-tangan noong ikaw ay nabubuhay pa at nangangarap na makaalpas sa mapaniil na kamay ng mga Kastila. Sana gaya mo, ang buhay namin ay magkaroon ng saysay at maging makahulugan.
Sana matularan namin ang kahit ilan lamang sa iyong kabayanihan.

Sana’y mabuhay ang kabayanihan sa aming mga puso at isip; ang adhikain at adbokasiya na iyong tinaglay noong ikaw’y nabubuhay ay hindi sana humilay; ang pagiging makabayan, matapang, dakila at handang magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan ay ‘di sana tumigil sa iyong panahon.

Wednesday, November 19, 2014

Bukas Na Liham Para Kay Supremo

Gugunitain na naman ng bansa ang iyong kaarawan. Ipagdiriwang na muli namin ang iyong kabayanihan. Nakapagtataka dahil (halos) lahat ng pambansang bayani (maliban sa'yo) ay araw ng kanilang kamatayan ang minamarkahan upang ihandog at gawing espesyal na araw nila na dapat ipagdiwang. Mas mahalaga raw kasing dakilain ang makabuluhang araw ng kamatayan ng isang bayani kaysa sa mismong araw ng kanyang kapanganakan, ngunit sa'yo ay iba yata.
Hindi ko alam kung sino ang nagtakda na dapat ang araw ng iyong kapanganakan ang siyang dapat na maging araw ng iyong kadakilaan. Kabaliktaran sa kinagisnan ng lahat, kabaliktaran sa nararapat. Hindi tuloy maalis sa isip ng marami na maaring may pinagtatakpang bahagi ng kasaysayan na hindi dapat mailantad at mailahad. At kung ano man ang tunay na dahilan sa likod nito ay iilan lang ang nakakaalam. Datapwa't hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ikaw ay pinaslang sa kamay mismo ng iyong kababayan.


Sa araw na Nobyembre 30 na ituturing naming espesyal, aalalahanin na naman ng bansa at ng pamahalaan ang iyong kadakilaan. Matutuwa ang lahat dahil holiday at walang pasok sa mga paaralan at sa halos lahat ng mga opisina, pribado man o gobyerno at sa iba pang mga istablisimiyento, para sa mga may pasok naman'y katumbas ito ng dobleng sweldo. Hindi nakapagtatakang mas marami sa mga kababayan nating pilipino na gusto ang araw na ito -- hindi dahil sa iyong kaarawan kundi dahil mas nananaig ang araw ng kanilang pahinga kaysa araw ng paggunita sa iyong kabayanihan. Idagdag pang nakalulungkot na malamang napakaraming mga pilipino na hindi na kilala kung sino ka at kung ano ang kahalagahan ng iyong ipinaglaban.


Sa loob ng mahigit isandaang taong paggunita ng bansa sa espesyal na araw na ito, sa kabila ng kung ano-anong seremonya, re-enactment at aktibidades na may kaugnayan sa iyong pakikidigma laban sa mga manunupil ng bansa at ang lahat ng ito'y may dedikasyon (umano) para sa iyong kabayanihan, kumusta na kaya ang iyong adhikain para sa bansang lubos mong minahal? Sa bansang inalayan mo ng iyong dugo at buhay?
Saan na kaya napunta ang lahat ng iyong ipinaglaban? Alam pa kaya ng lahat kung anong naging sanhi at dahilan ng iyong pagpaslang? At kung sakaling alam man nila ito, may pagpapahalaga pa kaya sila rito?


Marahil kung ikaw ay nabubuhay sa panahong ito muli mong kukunin ang iyong tabak upang ito'y iwasiwas at i-amba sa mga pilipinong dinadaig pa ang mga dayuhan sa pagsasalaula at pagtataksil sa bayan.
Marahil hindi ka manghihinayang na ibuwis muli ang iyong dugo kapalit ng kanilang dugo at buhay na walang pinahahalagahan kundi ang pansarili nilang interes at kapakanan at 'di iniisip ang kapakanan ng nakararaming mas higit na nangangailangan ng kalinga.
Marahil muli mong ikakasa ang iyong rebolber upang muli itong iputok sa mga pilipinong makabayan umano ngunit nagkukubli naman sa hiram na kapangyarihan at salapi, silang mga walang pakundangan sa paglustay sa yaman ng bayan at walang paggalang sa hustisya at katarungan.
Marahil hindi ka magdadalawang-isip na isugal muli ang iyong buhay para sa kapakanan ng mga aba at api upang ipamulat sa mga nanunungkulan na ang tunay na pagmamahal sa bayan ay may kaakibat na sakripisyo, na ang lahat ay kaya mong isantabi para sa magandang kinabukasan ng iyong bayan at kababayan.


Lumilipas ang maraming taon, pang-ilang henerasyon na rin ang nagdaan, ilang libro at sulatin na rin ang naisulat tungkol sa iyo, sa mga katipunero at sa Katipunan -- mga artikulong nakasaad at nakalahad doon ang aral ng iyong buhay at ang pagpupunyagi mong iahon ang bayan sampu ng iyong mga kasamahang bayani na 'di napangalanan mula sa kamay ng mga manunupil. Marahil ang tanong ko'y tanong din ng maraming pilipino:
Ano nang nangyari sa iyong ipinaglaban?
Ano nang nangyari sa mga pilipinong nagtatamasa ng kalayaan?
Ano nang nangyari sa Pilipinas mula noong ito'y sapilitan mong maiwan?
Ang pangarap mong magkaroon ng ganap na kasarinlan ang Pilipinas sa kamay ng mga Kastila ay matagal nang naganap ngunit nakalulungkot na hindi pala ito sapat, sapagkat ang kasarinlang ito ay naabuso ng husto at siya ring naging dahilan upang malugmok ang bansang lubos mong inibig. Hindi pala sasapat ang kalayaang tinatamasa kung walang pag-ibig na namamayani sa mga puso ng bawat tao para sa kanyang bansa. At anumang uri ng kalayaan kung walang tunay na pagmamahal sa bayan ay magreresulta sa paghihirap ng mamamayang sinasamantala ng mga ganid sa kapangyarihan.


Bagama't nakamit umano ng bansa ang kalayaan mula sa Espanya, tulad mo tila ang Pilipinas ay isa pa ring bigo.

Bagama't ang adhikain mo sa bansa ay 'di naging ganap, gaya mo tila lahat ng iyong pangarap ay naglaho.

At katulad mo tila hanggang pag-alala at pangarap na lamang ang kaya naming gawin.


Ayon sa kasaysayan, libo-libo ang nagbuwis ng buhay. Kabilang ka na. Para sa bansa. Para sa lahat. Umaasang tatamasahin ang pag-unlad makalipas ang kasarinlan. Higit sa tatlong daang taong pananakop ng mga Kanluranin. Higit isang daang taon makalipas na ikaw ay paslangin. Saan na napunta ang bansa natin? Masdan ang mga naghahari-harian sa panunungkulan sila'y gaya na ng mga kastilang walang respeto sa karapatan ng bawat mamamayan. Mabuti pa noon na ang mga manunupil ay mga dayuhan 'di tulad ngayon na ang mismong nasa kapangyarihan ang umaabuso at pumapaslang sa pangarap ng bawat pilipino.


Matagal nang tumatangis ang bansa.
Panahon pa ng Kastila.
Panahon pa ng Katipunan.
Panahon pa ng Amerikano.
Panahon pa ng mga Hapon. At hanggang ngayon sa kamay ng huwad na Kasarinlan. Hindi na matapos, hindi matigil sa pagkubkob ng mga tarantado hanggang sa siguro'y masaid na ang lahat, hanggang maubos na ang kayamanan. Marahil kung ikaw ay buhay sa panahong ito mananawa ka sa katatanong ng: Hanggang kailan ang ganitong kalagayan ng aking Inang-Bayan?


Sa modernong panahong ito na ang lahat ng bansa'y patungo na sa kaunlaran maliban sa ating bansa, tila bumabalik kami sa 'di magandang pahina ng ating kasaysayan.
Hindi ba't sa iyong panahon ay may mga pilipino ring nagtaksil?
Hindi ba't ang pumaslang sa'yo ay iyong kapanalig umano?
Hindi ba't wala silang awa nang ikaw ay kanilang kitilin?
Hindi ba't ikaw at sampu ng marami pang mga dakila ay inagawan ng karapatang mabuhay ng iyo mismong kadugo at kalahi?


Tila bumalik nga ang nakaraaan. 
Tila naulit nga ang kasaysayan. 
Ang mga pilipinong sakim at taksil na ito'y nabuhay na muli sa kasalakuyang panahon -- sila ang naghuhudas sa bansa na nagkukunwang tutulungang makaaahon ang bansa mula sa pagkakadapa. Gaya mo marami pa rin namang mga pilipino ang nakikipaglaban sa karapatan ng mamamayan; nakikipaglaban para sa magandang kinabukasan. Hindi ko nga lang batid kung may magandang kahihinatnan ba ang pakikidigma ng mga pilipinong nasa kabundukan na niyayakap ang rebolusyon at himagsikan. Bagama't inaalipusta ang mga pilipinong nakikibaka sa lansangan na may kahalitulad na prinsipyong iyong ipinaglaban hindi pa rin sila nagsasawa magsagawa ng demonstrasyon laban sa pamahalaan.


Naitala sa kasaysayan ng bansa ang isinagawa ninyo noong 'Unang Sigaw' sa Balintawak. Naging popular at naging inspirasyon ito ng mga pilipinong may paninindigan para sa bayan. Ang masaklap lang, ang 'sigaw' na ito higit isang siglo na ang nakalipas ay sigaw pa rin ng milyon-milyong pilipinong sadlak at sabik sa kaunlaran. Sila'y 'di tumitigil sa pagsigaw hanggang sa ang sigaw nila ay naging pagtangis, naging palahaw at ngayo'y pagmamakaawa.


Siguro kahit ilang Andres Bonifacio pang tulad mo ang makipaglaban para sa kanyang kababayan ay walang magaganap na pagbabago hangga't walang lubos na pagmamahal sa bayan ang bawat pilipino. Ganunpaman, kaming mula sa bagong henerasyon ng pilipino ay nagpapasalamat sa iniwan mong legasiya ng katapangan at tunay na pag-ibig para sa bayan. Ang iyong alaala at lahat ng nagawa ninyo sa bayan sampu ng iba pang mga bayaning literal na nagbuwis ng dugo at buhay ay magiging inspirasyon ng kabataang pilipinong may pagpapahalaga sa bansa at kasaysayan. Patuloy naming aalalahanin at isasapuso ang iyong tinuran na: "Wala nang pag-ibig ang hihigit pa sa pag-ibig sa tinubuang lupa. Wala na nga, wala."


Wednesday, January 1, 2014

At Sa Lupa'y Kapayapaan



ang larawan ay galing sa kodakangmaysining.wordpresss.com

At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Hindi na (gaanong) nasindak ang lahat nang may tumimbuwang na pulitiko at kanyang kabiyak sa pambansang paliparan nadamay at napahamak pa ang isang anghel na sa mundo'y walang muwang. Bintana ng isang bansa ngunit 'di sapat ang nagmamasid na mga mata (CCTV) dinaig pa ng kapitbahay mong umuumit ng oras sa pamilya dahil sa kanilang piso-pisong renta para sa FB, CS at DOTA.


Kabi-kabila ang magsasagawa ng imbestigasyon at pagsusuri sasamantalahin ang pansamantalang festival ng mga media. Pagkalipas ng humigit-kumulang at napakabils na isang buwan malilibing sa limot ang karumal-dumal na pagpaslang kawangis nang paghimlay ng mga biktima ng Ampatuan, ng Tarmac, ng batas-militar, ng Hacienda Luisita at ng libo pang iba. Bukas, sa makalawa o sa isang araw ang kasaysayan ay muling mauulit, walang leksyong natutunan, walang pusakal na mabibilibid.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Disyembre a-sais, Brgy. Bungad, Q.C. Tatlong putok ang pinaulan sa sasakyang sumalubong. Isang musmos ang naging biktima ng pagkapikon. Mapalad umano kung iulat ng media ang batang nakaligtas kahit muntik nang buhay ay mautas. Nakatala sa kuha ng kamera ang karahasan kabilang ang kulay at deskripsyon ng matikas na sasakyan, halos isang buwan na ang nakararaan wala pa ring kriminal na lumutang. Kagyat na natabunan ang trumending na karahasan nang sumulpot ang mas malulusog na mga balita una ang bagsik at lupit ni Yolanda, ikalawa ang bangayan nina Romualdez at ang 'tagapagligtas' na si Roxas, ikatlo ang pag-eksena ng mga kampon ni King Binay II na maangas versus nabullying guard ng Dasmariñas.


Kumalat sa social media ang panawagan para sa mabilisang pagsakote sa pumutok ng kwarenta y singko na kalibre ngunit singbilis din ng kidlat ang paglimot ng lahat sa nasabing insidente. Parang gobyernong bisyo ay ugaling ningas cogon, parang estudyanteng nangangamote sa tuwing may examination. Sa pagkubkob ng amnesia ng mga concerned citizen at ng mga higanteng istasyon ngingiti at bubunghalit ng tawa ang mamang humihiram ng tapang sa pumuputok na iskwala. Habang ang musmos na walang malay ay habangbuhay na may pilat ng karahasan, habangbuhay na biktima ng halos inutil na kapulisan. Biktima ng kahambugan.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Mga kabataang malutong kung pumutangina 'wag lang magkatinginan ay handa kang gripuhan sa magkabilang tagiliran o manggulpi ng walang matinong dahilan o papaslang kahit sinong mapagtitripan. Ani ng dakilang si Gat Rizal kabataan umano ang pag-asa ng bayan ngunit kadalasan sila rin ang pasimuno ng gulo sa bawat kanto. Sumisindak, sumisilakbo ang damdamin sa kaunti lamang udyok. Ayaw magpatalo sa kahit saang rumble, reresbak kasama ang tropa kung sakaling nagipit at nasukol. Kabataang mas maangas pa sa parak, mas astig pa sa siga noong dekada sitenta.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Biglang haharurot mula sa kung saan ang notoryus na riding in tandem kikitilin ang target na kanilang biktima walang sisinuhin maging babae o matanda, mayaman man o maralita, pulitikong matapobre o dukhang patay-gutom. Sa gitna ng tirik na araw o kubli man sa kadiliman 'di nahahabag na pumatay at 'di nababahag na mamatay. Habang mga saksi ay magmamasid lang; mabubulag, mapipipi at maduduwag. Paglisan ng kriminal saka magpapamalas ng tapang; ilalabas ang seleponong may camera, kukunan muna ng video ang naghihingalong biktima bago abutan ng tulong at kalinga saka ihahatid sa pagamutan slash punerarya. Disyembre beinte-sais sa kaharian ng mga Binay, isang Raquel Ricafrente empleyado ng Sanglaang Tambunting ang tumimbuwang sa kalsada ng Baranggay Palanan - ang salaring riding in tandem ay walang mukha, walang pagkakakilanlan. Ang pamilya ng nauulila, titingala sa langit hihiyaw ng katarungan, aasa sa himala.


At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.
Digmaang laganap sa kabundukan at kamindanawan. Mga rebeldeng may kanya-kanyang ipinaglalaban, may layuning tunay raw na kasarinlan. Mananawagan ng kapayapaan at kaunlaran habang pinauulanan ng punglo ang kalabang militar. May madadamay na mga taong inosente na tatawagin nating lahat na 'collateral damage' kunwari'y tutugisin ang mga rebeldeng salarin ngunit ilang taon na ang lumipas hindi pa rin masusupil. Muling papatay para sa kanilang ipinaglalaban, muling mananawagan ng kapayapaan habang nakasukbit ang mataas na kalibre sa baywang.
Digmaang walang nagagapi, walang nagwawagi.
Giyerang walang dinedeklarang talo dahil magkabilang panig ay panalo umano.
Kahit higit sa apat na dekada na ang karahasan, kahit libo-libo na ang buhay na inutang.


Sing-ilap ng kapayapaan ang kaunlaran.
Singlupit na ng bagyo ang karamihan sa mga tao.
Simbangis na ng sangkatauhan ang mga hayop sa kagubatan.
Mga simpleng holdaper at kriminal sa kanto na papaslang kapalit ang ilang piraso ng piso. Mga ganid sa pwestong uutas at uutos para sa pagmamahal sa kapangyarihan. Kikitil sakaling pride ay mayurakan, handang pumutok kahit walang matinong dahilan. Lahat (raw) sila'y naniniwalang may Diyos ngunit wala namang puso kung pumaslang, walang awa sa pagkalabit ng gatilyo, walang respeto sa kapwa tao.


Nagkulang ba sa turo ang simbahan o lumabis ang tao sa kalayaan?
Nagkulang ba sa pagmamahal ang magulang o lumabis na ang tao sa pangarap?
Nagkulang ba ang pagpapatupad sa batas o labis na ang tapang ng tao sa katawan?
Nagkulang ba ang paaralan sa pangaral o lumabis na tayo sa kayabangan?


Sa pagsapit ng araw ng Linggo, makikihalubilo at sasama sa atin ang ilan sa mga pusakal, kriminal, suwail at makasalanan sa loob ng sambahan; suot ang maskarang luluhod at hihingi ng kapatawaran sa mga kasalanan sa mga batong dumudouble ring palamuti ng simbahan, labis-labis sa pag-usal ng dasal ngunit kakapusin sa panalangin, pananampalataya at pagpapasalamat sa tunay na may kapangyarihan.  


Samantalang magpupuri ang kumakaunting banal at may dangal, taimtim na mananalangin at hihiling nang lupang puspos ng kapayapaan para sa mga taong kanyang kinalulugdan.