Monday, September 30, 2013

Alzheimers




At nagbunyi ang lahat sa tagumpay ng isang Filipinang nagwagi sa patimpalak ng pandaigdigang pagandahan nagkumahog ang dalawang dambuhala, inaangkin ang dilag bilang kanilang kapamilya at kapuso kuno, teka ganundin kaya ang trato kung ang kandidato'y umuwing nabigo? Kasama nilang natuwa at nagpuri ang mga buwitreng kasangkot sa multi-bilyong pisong pandarambong sa pondo ng bayan dahil pangkalso umano sa sensesyonal na balitang ilang linggo nang pinagpipiyestehan at pinagdidiskitahan ng media, ng mga nagmamalinis, ng mga katunggali sa pulitiko, ng mga pumuposisyon sa susunod na halalan, ng mga barubal na netizen, ng mga hindi naambunan ng husto at ng kawawang si Juan: Ang bagong-lumang anomalyang nabuko.

Samantala sa dulong bahagi ng mapa ng Pilipinas na kung tawagin ay Mindanao partikular na ang Zamboanga at Basilan ay may naghahasik ng kaguluhan, maraming kawal ang nagbuwis ng buhay para sa bayan samantalang ang kanilang mga lider ay nabubuhay sa buwis na galing sa bayan. Mga rebeldeng nananawagan ng kasarinlan at kapayapaan samantalang bala ng malalakas na kalibre ng armas ang pumapailanlang sa kapaligiran walang sinisino, walang sinasanto kahit anghel o demonyo'y kikitilin, uutangin ang buhay, nanakawin ang pangarap. Narinig ko kay Miriam ang nagpondo umano ng digmaan ay ang tinatawag ng saksi sa pandarambong ay si Tanda.

Dumepensa at bumanat ang gunggong na si Bigote na tanyag na magaling magpatawa sa triumvirate na TVJ, na umusbong muli ang pagsikat nang buong kayabangan niyang kopyahin ang talumpati ng mga may dignidad na mga personalidad (na 'di niya katulad) wala umanong katotohanan at kakayahan si Tanda na pamunuan ang himagsikan at pagtataksil sa bayan 'di raw nito hahayaang tumimbuwang ang kanyang mga kababayang gusto niyang maging happy. Bigla akong pumutangina! Naalala ko ang panahon ni Makoy nang lumaganap (umano) ang chaos o kaguluhan at may nagtangkang pumaslang kay Tanda bago ideklara ang nakakahilakbot na Batas Militar. Makalipas ang ilang dekadang paghahari bumalimbing para sa mas komportableng pananatili sa rurok ng kalapastangan tila imortal na hindi namamatay ang pagkagahaman.

Sabi ni Rizal, "Anong silbi ng kalayaan kung ang inaalipusta sa kasalukuyan ang siyang magtataksil sa bayan, kinabukasan." makalipas ang ilang pagpapahayag ng kalayaan, kasarinlan at demokrasya muli siyang nagdilang anghel, ang mga lumalaban para makamit ang demokrasya sa panahon ng diktaturya ang siya ngayong nagpapahirap at umaalipin sa bayan parang mga ulupong na bumibiktima ng mga mahihina. Sa susunod na eleksyon muli silang mahahalal iluluklok ng taong-bayang muling nagpasuhol, muling nagpaulol.

Sa likod ng huwad na katagang 'Proud to be Filipino' ay lantad na nagkukubli ang nakakakilabot na katiwalian, ang sumasasagad sa kaluluwang kahirapan, multi-bilyong dolyar na pagkakautang sa dayuhan, malalaki at maliliit na krimeng hindi niriresolba, ang inaalila at inaaliping kababayan sa sarili at ibang bayan, ang mga underpaid na guro, kawal, pulisya, manggagawa, mga busabos na ang tanghalian at hapunan ay mula sa basurahan ng restawran, mga kawawang sanggol na binubusog ng kapeng 3 in 1, mga kabataaang kulang sa edukasyon ngunit eksperto sa romansa, mga mangmang na 1-2-3 at A-B-C lang ang kaalaman, lumulobong populasyon ngunit walang tiyak na pinagkakakitaan, mga talamak sa bisyo ng teknolohiya, sugal, alak at droga, milyong iskwater na timawa sa pagkain at pang-unawa.

Samantala si Napoles kasama ng mga taksil na mambabatas at ng kanyang mga alipores literal na na humihiga, naliligo ng salapi - hindi nahihiyang ipangalandakan ang bag na daang libo ang halaga, mga sasakyang higit pa raw ang presyo sa pinagsama-samang buhay ng maralita, mansyong nakakalula sa lawak ang sukat - aminin man nila o hindi, lahat ng ito'y kinupit sa akin, sa iyo, sa kanila, sa lahat ng Pilipinong nagkukumahog na magbayad ng buwis

Umeksena si Sexy hindi umano niya kayang sikmurain na kupitan ang mahihirap na sa kanya'y nagluklok, hindi umano niya obligasyon na alamin kung saang impiyerno nakarating ang pondong pinagputahan ng mamamayang hilahod sa pagkayod - katwiran ng wala sa sariling pulitiko. Muling bumanat pagkatapos maghugas ng kamay gamit ang banal na agua bendita parang paslit na nagturo kung sino-sino pa ang isinangkot lahat ng nakinabang ay ibinulgar, idinamay para lang maisalba ang reputasyong daig pa ang may amag na tinapay.

At si Pogi? Painosenteng nasa sulok lang nagpapaawa, lumilimos ng simpatiya tinatangkang gaguhin ang masang minanhid ng katiwalian at pagkagarapal. Umano'y inaapi, inaagrabyado, pinagdidiskitahan ngunit hindi maipaliwanag at pangatwiranan ang lampas taong ebidensyang ipinapamukha ng Ombudsman, ng NBI, ng DOJ, ng gobyerno. Bukas o sa isang araw ididismiss ang kaso walang may kasalanan. Ang lahat ay sabay-sabay na puputangina.

Kulang ang isang araw para tukuyin kung sino ang may sala, kung sinong gahaman.
Kulang ang bilangguan kung ipipiit lahat ng suwail at lumapastangan sa ating kahapon, ngayon at kinabukasan.
Kulang ang isang habangbuhay para maibsan at mapatawad ang lahat ng kasalanan.

Kailan magigising ang nagtutulog-tulugang diwa ng mga ganid?
Kailan babangon mula sa pagkakatulog ang tunay na may malasakit sa bayan?
Kailan ipaglalaban muli ng mga dakila mula sa pagbangon ang bayang lumilimot ng kasaysayan?

Ilang Pogi pa ang bubulag sa ating mga paningin para paulit-ulit tayong gaguhin?
Ilang Sexy pa ang huhumaling sa atin para maharuyo sa kanyang panglilinlang?
Ilang Tanda pa ang mang-uuto sa atin para maulit ang kanilang paglalapastangan?
Ilang Napoles pa ang magiging kasangkapan at alagad ng pagtataksil sa bayan?


Bumilang ka ng napakaiksing isa, dalawa, tatlong dekada lahat ng kanilang kalokohan, kasinungalingan, pagtataksil at pagkakanulo sa bayan ay makakalimutan katulad nang  paglimot natin sa emperador ng diktaturya, ang iba'y maluluklok sa mas mataas na posisyon, ang iba'y papanaw ngunit hahalinhinan ng kanilang prinsipeng may katulad na buktot na layunin, ang iba'y mananatiling banal matagumpay na naikubli ang pangil, buntot at kanilang mga sungay.

Wednesday, September 18, 2013

Warat


i.
Nakalisik. Mga pares ng matang nasa loob
ng warat na tahanan, kapwa diwa at sikmura
ay kumakalam. Kumikislap ang bumbilya
sa tuwing nalalanghap ang aroma
ng kumukulong nudols, parang adik
na nagigiyang, nalilibang sa pagsinghot
ng puting usok. Haligi ng tahanang hilahod
sa pagkayod, ilaw na nag-aabang
sa grasyang kung dumalaw ay dinaig
pa ang siyam-siyam, mga supling
na sagana sa kuyumad,
nakahubad, nakatanghod.


Sa ilalim ng multi-milyong pisong halaga
ng overpriced na flyover, ang tahanan
ng maraming gutom sa pagkain at
pang-unawa. Na aasa at tsatsamba 
sa swerteng wala naman. At papalahaw 
ang sanggol na bubusugin ng 
hugas-bigas o ng kapeng 3 in 1, 
sasabay sa dagundong
ng dambuhalang tunog ng trak
na magpapaindayog sa atip ng 
mga pobreng maralita.


Bukas o sa makalawa, ang tahanan
ng mga timawa sa paningin
ng mga imbi at tampalasan
ay itutumba gamit ang koersyon
at kalupitan. May sisigaw ng
"Nais nami'y tahanan hindi karahasan!" o
"Ipaglaban ang karapatan sa tahanan!"
habang tumatanaw sa aleng
nanaog mula sa Benz na sedan.


ii.
Nakaismid. Sa beranda ng palasyong 
tahanang nababalutan ng pag-iimbot, 
ang limbas na mambabatas, sa 
palaboy na umaamot ng kapiranggot 
na awa, bubuntong-hiningang aabot 
sa kalangitan, hindi nilimusan.
Habang ang balakyot ay nakangising
tulad nang sa diyablo, maya-maya
pa'y hihilata, hihimlay sa 'di mabilang
na yamang nagmula lang naman
sa nahilaglag na buwis ni Juan.


Bundat na sa pagkain ngunit
'di makuhang mabusog, 'di makuhang
mamahagi. Humahalimuyak sa artipisyal 
na bango ang mabantot na pagkatao, 
humahalaw ng galak sa materyal na 
mga bisyo. Kasike na 'di na sisiya sa
anumang patawa o sasayaw sa
anumang musika o sasalamat sa
laksang mga biyaya.


Sa lilim ng tahanang may koleksyon
ng adornong ginto at rangyang kumakalso
sa matinong kamalayan, nagkukubli
ang kuting na takot sa alulong ng
karmang nagmumulto sa kanyang
panaginip, may malay man siya o
himbing. Ngunit tutuloy pa rin sa
pagsiphayo ang ulol na haring huwad
na naluklok sa kastilyong tahanan na
binasbasan ng (huwad ring) kapangyarihan.


iii.
Warat na tahanang lubos nang
napag-iwanan makalipas ang higit
sa 'sandaang taong kasarinlan. 
Winawagayway ang kalayaang palso 
at pilit. Yumayabong. Yumayabang. 
Ang katotohanan? Ang aking tahanan'y 
naliligaw, nakatengga sa karimlan at
naghananap ng kalinga, kaytagal nang 
dumaranas ng dalita at dusa.
Ngunit, aasa pa rin sa pagbabagong wala naman.


Sa bawat tilamsik ng laway mula sa lingkod-
bayang mandurugas ay parang asidong lalapnos
sa balat ng kanyang patay-gutom na biktima.
Sa bawat pilantik at kumpas ng kanyang
daliri at kamay, katumbas ay pagkalagas
ng sagradong buhay. Sa bawat bulong at
sipol ng makapangyarihang media
pagkasuklam ng banyaga sa mahal kong
tahanan ang tiyak na resulta.


Sa likod ng (inaabusong) luntiang halaman,
ginintuang pilapil at bughaw na karagatan,
ang malubhang halas na 'di maaninag
sa kanyang balat. At ang salarin?
Ang sa kanya'y nananahang palalong
ayaw magpaawat. Kahambugang
pumapaimbulog, pumapailanlang.
Hindi nahahabag kahit talos ng
kaawa-awa ang warat na tahanang
siglo nang lumuluha, sumasabay sa
pagtanguyngoy ng mga dakila at dukha.




Muli, aasa sa pangako ng pagbabagong wala naman.

 --------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards.



Sa pakikipagtulungan ng:




Friday, September 13, 2013

Ang Pedicab Driver (part 3)



"O kumusta pasada mo, pa? Bakit ang aga mong gumarahe?" si Mylene.

"Malas! Inimpound ng city hall 'yung pedicab ko sa may bandang Immigration. Kumusta si Maymay, Ma? Bumaba na bang lagnat?"

"Medyo bumaba ngayon ang lagnat pero pabalik-balik eh, ewan ko ba kung bakit, paubos na nga itong gamot niya eh."

"Pag bukas bumalik ulit 'yung lagnat niya dalhin na natin sa Boni." Gat Bonifacio Hospital ang tinutukoy ni Junjun, isang pampublikong ospital sa may Delpan.


Halos lahat ng mga pedicab at kuliglig ng kapitbahay ni Junjun na pumasada ng umagang iyon ay kasamang naimpound ng kanyang pedicab. Ngunit ang mga tricycle ni Mang Louie ay kumpletong nakaparada sa harap ng bahay niya, lima lahat ang bilang nito; kaibigan kasi ni Mang Louie ang kasalukuyang Baranggay Chairman kaya kung sitahin man ito ng mga taga City Hall tiyak na hindi ito maiimpound.


Mula sa kanilang bintana ay tanaw ito ni Junjun. Magkakahalong inggit, agam-agam at pag-aalala ang nararamdam niya; Paano siya ngayon makakaipon kung wala na ang kanyang pedicab? Matutupad pa kaya ang kanyang pangarap? Sana bumuti na ang kalagayan ni Maymay...


"Papa, Papa! Gising!"
Agad na napabalikwas mula sa pagkakatulog si Junjun."Bakit?!" pagtatakang tanong nito sa asawa.
"Si Maymay kasi...ang taas na naman ng lagnat, nagkukumbulsyon na 'yung bata kawawa naman".

"Ha? Napainom mo na ba ng gamot?"

"Oo, pero hindi pa rin bumaba ang lagnat niya. Dalhin na kaya natin siya sa ospital?!"


Kalagitnaan ng hatinggabi'y bumibyahe ang mag-anak patungo sa Gat A. Bonifacio Hospital halos isang kilometro mula sa kanilang barong sa Isla Puting Bato. Agad na sinuri ang bata ng mga nars, dahil sa nakababahalang kalagayan ay in-admit ito at isinama sa maraming pasyenteng nakaconfine, nakasuwero.


"Tatapatin ko na kayo Mister, Misis, sa sinabi ninyong mga senyales ng bata bago siya magkumbulsyon malamang ay may dengue ang anak niyo pero hintayin muna natin ang resulta ng test para makasigurado, for the meantime, binigyan muna namin siya ng pampababa ng lagnat." pagtatapat ng doktor sa mag-asawang Junjun at Mylene.


Balisa at tuliro si Junjun sa tinurang iyon ng doktor, ni wala nga siyang naging reaksyon sa labis niyang pag-aalala; pag-aalala sa kalagayan ng anak at pag-aalala sa siguradong malaking gastos na kanyang kakaharapin.


"I am sorry to say, positibo po na na may dengue ang anak niyo, mas makabubuti sa bata at para na rin sa mabilis na recovery niya na itransfer ninyo siya sa San Lazaro Hospital dahil mas dalubhasa silang maghandle ng dengue cases at saka may sapat silang pasilidad para itreat siya ng husto." payo ng doktor kay Junjun at Mylene, ilang minuto makalipas lumabas ang test na isinagawa sa bata.


Walang nagawa ang mag-asawa kundi sumunod sa payo ng doktor.
Pasado alas-singko na ng umaga ng marating nila ang San Lazaro Hospital tulad ng sinabi ng naunang doktor may dengue nga si Maymay at patuloy na bumababa ang platelet nito na kung hindi kaagad ma-aagapang masalinan ng dugo ay lulubha ang kalagayan nito.


Napayakap na lang sa isa't isa ang mag-asawa. Umiiyak si Mylene samantalang si Junjun ay nakatingin sa kawalan, iniisip kung paano at saan didiskarte ng pambayad sa dugong isasalin. Handa niyang gawin ang lahat, handa siyang magsakripisyo, handa niyang itaya ang kanyang buhay para lang mabuhay ang anak na isa sa dahilan niya upang buhayin ang kanyang aandap-andap na pangarap.


Pansamantalang umuwi si Junjun sa bahay upang kumuha ng ilang gamit na kakailanganin sa ospital. Ilang damit na pamalit sa kanyang mag-ina, termos, bimpo at iba pa. Kinuha na rin niya ang kahuli-hulihang pera sa kanyang ipon na nakaipit sa lalagyan ng kanilang underwear, tatlong daang at limampung piso. 
Kasalukuyan pa lang niyang kinakandado ang pinto ng kanyang barong labas nang lumapit sa kanya ang tambay na si Bong.


"Pare, nabalitaan ko ang nangyari sa anak mo. Alam ko kailangan mo ngayon ng pera wala akong maipapahiram sa'yo pero kung gusto mo may lakad kami mamayang hapon, didiskarte tayo ng pera."

"Salamat, pre." ang maiksi niyang tugon. Hindi batid kung iyon ay isang pagsang-ayon.


Sinalubong siya ng asawang si Mylene na umiiyak.
Hindi na bumubuti ang lagay ni Maymay at kailangan na itong masalinan ng dugo sa lalong madaling panahon. Ngunit para mangyari ito ay kakailangin niya ng kagyat na pera, hindi sasapat ang tatlong daan at limampung pisong nasa kanyang bulsa ngayon.

"Hayaan mo gagawan ko ng paraan!" paniniyak ni Junjun sa asawa.

"Ngunit paano?" si Mylene.

"Basta."

Sa canteen na ng ospital nagpalipas ng tanghalian ang mag-asawa. Makalipas kumain ay nagpaalam na si Junjun sa asawa.

"Alis na muna ko didilihensya lang ako ng pambayad sa ospital." Huling salitang binitiwan niya bago siya umalis.

"Pre, sige sama ako! Wala bang sabit 'yan?" kausap ni Junjun si Bong.

"Wag kang mag-alala pre, wala itong kasabit-sabit tatlong linggo namin itong pinag-aralan!" ang tinutukoy na 'namin' ni Bong ay ang makakasama nila sa pagdedelihensya, ang notoryus na si Diego.


Habang binabagtas nina Junjun ang lugar na 'di niya batid kung saan patungo, umaalingawngaw naman sa kanyang tainga ang tunog ng makina ng mga motor ni Mang Louie para itong mitsa ng dinamita na muling nagsindi ng kanyang naudlot na pangarap.

"Pagkatapos na pagkatapos na mailabas namin si Maymay sa ospital ay mabibili ko na sa wakas ang motorsiklong gusto ko." sa isip ni Junjun.


Dahil sa kagustuhang bumuti ang kalagayan ng anak, ginatungan pa ng kanyang pangarap na magkaroon ng sariling motorsiklo, wala sa hinagap ni Junjun na may kakambal na kapahamakan ang gagawin niyang kapangahasang ito. Mas nanaig ang desperasyon. Mas nagwagi ang tukso at tudyo ng tadhana.


Sa isang Money Changer sa Malate huminto ang owner type jeep na sinasakyan nina Bong, Diego at Junjun.

"Tangina ka 'wag kang kikilos ng masama kundi tutuluyan kita!" si Junjun na nakasuot ng bonnet habang nakatutok ang hawak na paltik na baril sa cashier ng Money Changer.
 
- E N D -