"O kumusta pasada mo, pa? Bakit
ang aga mong gumarahe?" si Mylene.
"Malas! Inimpound ng city hall
'yung pedicab ko sa may bandang Immigration. Kumusta si Maymay, Ma? Bumaba na
bang lagnat?"
"Medyo bumaba ngayon ang lagnat
pero pabalik-balik eh, ewan ko ba kung bakit, paubos na nga itong gamot niya
eh."
"Pag bukas bumalik ulit 'yung
lagnat niya dalhin na natin sa Boni." Gat Bonifacio Hospital ang
tinutukoy ni Junjun, isang pampublikong ospital sa may Delpan.
Halos
lahat ng mga pedicab at kuliglig ng kapitbahay ni Junjun na pumasada ng umagang
iyon ay kasamang naimpound ng kanyang pedicab. Ngunit ang mga tricycle ni Mang
Louie ay kumpletong nakaparada sa harap ng bahay niya, lima lahat ang bilang
nito; kaibigan kasi ni Mang Louie ang kasalukuyang Baranggay Chairman kaya kung
sitahin man ito ng mga taga City Hall tiyak na hindi ito maiimpound.
Mula sa
kanilang bintana ay tanaw ito ni Junjun. Magkakahalong inggit, agam-agam at
pag-aalala ang nararamdam niya; Paano siya ngayon makakaipon kung wala na ang
kanyang pedicab? Matutupad pa kaya ang kanyang pangarap? Sana bumuti na ang
kalagayan ni Maymay...
"Papa, Papa! Gising!"
Agad na
napabalikwas mula sa pagkakatulog si Junjun."Bakit?!"
pagtatakang tanong nito sa asawa.
"Si Maymay kasi...ang taas na naman ng
lagnat, nagkukumbulsyon na 'yung bata kawawa naman".
"Ha? Napainom mo na ba ng
gamot?"
"Oo, pero hindi pa rin bumaba ang
lagnat niya. Dalhin na kaya natin siya sa ospital?!"
Kalagitnaan
ng hatinggabi'y bumibyahe ang mag-anak patungo sa Gat A. Bonifacio Hospital
halos isang kilometro mula sa kanilang barong sa Isla Puting Bato. Agad na
sinuri ang bata ng mga nars, dahil sa nakababahalang kalagayan ay in-admit ito
at isinama sa maraming pasyenteng nakaconfine, nakasuwero.
"Tatapatin ko na kayo Mister,
Misis, sa sinabi ninyong mga senyales ng bata bago siya magkumbulsyon malamang
ay may dengue ang anak niyo pero hintayin muna natin ang resulta ng test para
makasigurado, for the meantime, binigyan muna namin siya ng pampababa ng
lagnat." pagtatapat ng doktor sa mag-asawang Junjun at Mylene.
Balisa
at tuliro si Junjun sa tinurang iyon ng doktor, ni wala nga siyang naging
reaksyon sa labis niyang pag-aalala; pag-aalala sa kalagayan ng anak at
pag-aalala sa siguradong malaking gastos na kanyang kakaharapin.
"I am sorry to say, positibo po na
na may dengue ang anak niyo, mas makabubuti sa bata at para na rin sa mabilis
na recovery niya na itransfer ninyo siya sa San Lazaro Hospital dahil mas
dalubhasa silang maghandle ng dengue cases at saka may sapat silang pasilidad
para itreat siya ng husto." payo ng doktor kay Junjun at
Mylene, ilang minuto makalipas lumabas ang test na isinagawa sa bata.
Walang
nagawa ang mag-asawa kundi sumunod sa payo ng doktor.
Pasado
alas-singko na ng umaga ng marating nila ang San Lazaro Hospital tulad ng
sinabi ng naunang doktor may dengue nga si Maymay at patuloy na bumababa ang
platelet nito na kung hindi kaagad ma-aagapang masalinan ng dugo ay lulubha ang
kalagayan nito.
Napayakap
na lang sa isa't isa ang mag-asawa. Umiiyak si Mylene samantalang si Junjun ay
nakatingin sa kawalan, iniisip kung paano at saan didiskarte ng pambayad sa
dugong isasalin. Handa niyang gawin ang lahat, handa siyang magsakripisyo,
handa niyang itaya ang kanyang buhay para lang mabuhay ang anak na isa sa
dahilan niya upang buhayin ang kanyang aandap-andap na pangarap.
Pansamantalang
umuwi si Junjun sa bahay upang kumuha ng ilang gamit na kakailanganin sa
ospital. Ilang damit na pamalit sa kanyang mag-ina, termos, bimpo at iba pa.
Kinuha na rin niya ang kahuli-hulihang pera sa kanyang ipon na nakaipit sa
lalagyan ng kanilang underwear, tatlong daang at limampung piso.
Kasalukuyan pa lang niyang kinakandado ang pinto ng kanyang barong labas nang lumapit sa kanya ang tambay na si Bong.
Kasalukuyan pa lang niyang kinakandado ang pinto ng kanyang barong labas nang lumapit sa kanya ang tambay na si Bong.
"Pare, nabalitaan ko ang nangyari
sa anak mo. Alam ko kailangan mo ngayon ng pera wala akong maipapahiram sa'yo
pero kung gusto mo may lakad kami mamayang hapon, didiskarte tayo ng
pera."
"Salamat, pre."
ang maiksi niyang tugon. Hindi batid kung iyon ay isang pagsang-ayon.
Sinalubong
siya ng asawang si Mylene na umiiyak.
Hindi na
bumubuti ang lagay ni Maymay at kailangan na itong masalinan ng dugo sa lalong
madaling panahon. Ngunit para mangyari ito ay kakailangin niya ng kagyat na
pera, hindi sasapat ang tatlong daan at limampung pisong nasa kanyang bulsa
ngayon.
"Hayaan mo gagawan ko ng
paraan!" paniniyak ni Junjun sa asawa.
"Ngunit paano?" si
Mylene.
"Basta."
Sa
canteen na ng ospital nagpalipas ng tanghalian ang mag-asawa. Makalipas kumain
ay nagpaalam na si Junjun sa asawa.
"Alis na muna ko didilihensya lang
ako ng pambayad sa ospital." Huling salitang binitiwan niya
bago siya umalis.
"Pre, sige sama ako! Wala bang
sabit 'yan?" kausap ni Junjun si Bong.
"Wag kang mag-alala pre, wala
itong kasabit-sabit tatlong linggo namin itong pinag-aralan!" ang tinutukoy
na 'namin' ni Bong ay ang makakasama nila sa pagdedelihensya, ang notoryus na
si Diego.
Habang
binabagtas nina Junjun ang lugar na 'di niya batid kung saan patungo,
umaalingawngaw naman sa kanyang tainga ang tunog ng makina ng mga motor ni Mang
Louie para itong mitsa ng dinamita na muling nagsindi ng kanyang naudlot na
pangarap.
"Pagkatapos na pagkatapos na
mailabas namin si Maymay sa ospital ay mabibili ko na sa wakas ang motorsiklong
gusto ko." sa isip ni Junjun.
Dahil sa
kagustuhang bumuti ang kalagayan ng anak, ginatungan pa ng kanyang pangarap na
magkaroon ng sariling motorsiklo, wala sa hinagap ni Junjun na may kakambal na
kapahamakan ang gagawin niyang kapangahasang ito. Mas nanaig ang desperasyon.
Mas nagwagi ang tukso at tudyo ng tadhana.
Sa isang
Money Changer sa Malate huminto ang owner type jeep na sinasakyan nina Bong,
Diego at Junjun.
"Tangina ka 'wag kang kikilos ng
masama kundi tutuluyan kita!" si Junjun na nakasuot ng bonnet habang nakatutok ang
hawak na paltik na baril sa cashier ng Money Changer.
-
E N D -
No comments:
Post a Comment